Thursday, August 22, 2013

Permanenteng Layunin


Ang makapangyarihang mga pangarap ay nagbibigay inspirasyon 
sa makapangyarihang mga pagkilos.

Noong makatapos ako ng hayskol, ipinasok ako sa trabaho ng aking kuya para maipagpatuloy ko ang aking pag-aaral sa kolehiyo. Dahil hindi ko pa alam ang kukunin kong kurso, ay nagtanong ako sa kanya. Hindi ko malilimutan ang tagubilin niya, “Kung mayroon kang nais na makamtan at masidhi mo itong kailangan; ito ang direksiyon na susundin mo at puspusan mong gagawin para makamit mo.” Malaki ang nagawa nito sa aking buhay, upang iwasan ang mga bagay na walang kinalaman o kabuluhan sa aking hangarin. Binigyan ako nito ng lakas ng loob at mga paraan, para higit na ibaling ang aking mga atensiyon para doon lamang sa mga bagay na makakatulong na matupad ko ang aking mga pangarap.

   Noong tanungin ko siya kung ano ang ibig niyang tukuyin, “Madalas ba na kusa mong hinahatulan ang iyong mga kilos sa antas ng kahalagahan nito sa iyong buhay?”  Napakunot noo ako sa tinuran niyang ito, at hindi ko ganap na maunawaan. “Napapansin mo ba ito?” ang patuloy niya, “Ang panahon na inaaksaya mo sa iyong mga kaibigan ay mahalaga, subalit ang panahon na iyong ginugugol sa iyong pamilya ang higit na mahalaga. Kung pagbabatayan ang kahalagahan: mailalagay mo ang isang oras na huntahan at tsismisan ay napakahalaga para sa mga kaibigan, subalit ang tatlumpong minuto sa pagdalaw sa maysakit na kaibigan sa ospital ang higit na mahalaga kaysa huntahan, at ang animnapung segundo na pakikipag-usap sa tindera sa palengke ay sadyang walang katuturan. Ito naman ay kung mahalaga para sa iyo ang panahon mo.” 
   Napangiti ako at tumango sa kanyang paliwanag. Nagpatuloy siya at tinumbok ang kung papaano ang wastong pagagamit ng mga sandali. “Kapag alam at nauunawaan mo na ang bawa’t sandali ay napakahalaga—isasaalang-alang mo ang bawa’t pagkilos na may kapakinabangan at sadyang nakakatulong sa iyo – magsisimulang mamuhay ka nang may direksiyon at may permanenteng layunin. Ang buhay na may permanenteng layunin ay magagawa kang maging mahusay na estudyante, magaling na ama ng tahanan, mabuting asawa, at matalik na kaibigan. Ang lahat ng iyong mga pagsisikap ay gagantimpalaan at matutupad ang iyong mga pangarap. Sapagkat wala ka ng panahon para sa mga inaalaala, mga pagdududa, mga kalituhan at pagkabugnot kundi ang tahasang magsikhay na paunlarin lamang ang iyong sarili." 

Ano ang kahulugan ng permanenteng layunin?
   permanent purpose n kalidad ng paniniwala na ang buhay ay mahalaga at may misyon na kailangang gampanan upang likhain ito nang puspusan. Hindi sa pagiging makasarili at walang pakialam sa mga kaganapan, bagkus sa pagiging matapat at walang humpay na pagpupunyagi sa makabuluhang layunin na magkaroon ng kaibahan sa buhay ng iba. 
   Ang sekreto ng tagumpay ay humanap ng pangangailangan at punuan ito, ang humanap ng kasakitan at lunasan ito, ang harapin ang problema at lutasin ito, ang iwasan ang kalungkutan at magsaya, ang matiwasay na mamuhay at maging maligaya sa tuwina.
Hangga’t nabubuhay ka, mayroon ka pang tungkulin na kailangang tapusin.

   Kapag nasumpungan mo na ang iyong landas na tatahakin, huwag kang matakot o panawan ng lakas. Kailangan lamang na may sapat kang katapangan na makagawa ng mga kamalian. Ang mga pagsubok, mga balakid, mga kabiguan, at naglalahong pag-asa ay mga tuntungan at mga leksiyon na iyong sadyang kakailanganin para magampanang mahusay ang malaking pagpapalang darating sa iyong buhay.

Anong bagay ang magagawa ko upang mapaunlad ko ang aking sarili?
Jesse Guevara
Lungsod ng Balanga, Bataan

No comments:

Post a Comment