Thursday, August 22, 2013

Pagsisikhay



Ang pagkakaiba sa pagitan ng panalo at talunan ay hindi ang kakapusan ng karunungan, kawalan ng kakayahan, o mainam na pagkakataon; bagkus ang kakulangan ng pagsisikhay.

Ang tunay na sekreto upang makamit mo ang iyong mga lunggati; nakasalalay lamang ito sa masidhing pagpupumilit na tuparin ang hangarin kahit anuman ang mangyari. Walang bagay sa mundo ang makahihigit pa sa pagsisikhay. Maging ang talento ay walang kakayahan; karaniwan na ang may mga talento at sadyang marurunong, subalit hindi matatagumpay; kahit na henyo pa, hindi rin nagagantimpalaan at kasabihan na lamang. Ganoon din ang edukasyon, palamuti lamang kung walang mga pagkilos, dahil ang mundo ay puno ng mga pabayang edukado. Ang pagsisikhay at determinasyon lamang ang pinakamahalagang mga sangkap kung nagnanasang magtagumpay.

   Ang islogan, ‘Magpatuloy, huwag tigilan!’ ang kasagutan, at laging makakalutas, sa mga problema ng sangkatauhan. Ang edukasyon, karunungan, mga katangian at kakayahan ay walang halaga kung hindi nagagamit sa kabutihan. Walang ipinagkaiba ito sa hindi nakapag-aral at mangmang, sila ay mga yagit ng lansangan at palaasa sa lipunan.

Ano ang kahulugan ng pagsisikhay?
   persistence n kalidad ng tahasang pagpupumilit na makuha ang nais sa kabila ng mga balakid, babala, oposisyon at kawalan ng pagkakataon. Matigas na determinasyon na walang pagbabago sa pagkatao, kundisyon, at posisyon. Puspusan at sukdulang matiyaga.



Sa buhay, kapag ikaw ay nadapa o nabigo; dalawa lamang ang pagpipilian: manatiling nakadapa o bumangon at ibayo pang magpatuloy. Kung may pagsisikhay, isa itong testamento sa kapangyarihan ng pagtitimpi, pananalig, at pagtitiyaga. Sinumang karaniwan na tao at mayroong ugali na ganito, ay higit na pinagpapala ng magagandang kapalaran at ekstra-ordinaryong mga tagumpay kapag masidhi at puspusan ang hangarin.

Walang dakilang tagumpay na nakamtan kung walang puspusan na pagsisikhay.

Kung alam mo kung ano ang iyong nais at masidhing hinahangad mo itong makamtan, makakagawa ka ng mga kaparaanan at puspusang mga pagkilos para mapasaiyo ito.

Ano ang bagay na magagawa ko upang lalo akong magsikhay sa aking mga gawain?


Jesse Guevara
Lungsod ng Balanga, Bataan

No comments:

Post a Comment