Monday, August 05, 2013

Ang Binhing Buto


Kung ano ang iyong itinanim, ito din ang iyong aanihin.

   May isang kaharian noong araw sa Maynila na pinamumunuan ng Raha. Ang kanyang nasasakupan ay binubuo ng mga tribong taga-ilog (Tagalog) at taga-pampang (Kapampangan). Ang Raha ay matanda na at humahanap ng kanyang magiging kapalit sa trono. Kaysa pumili sa kanyang mga anak, o sa mga lakan at datu, minabuti niyang baguhin ang tradisyon ng kaharian. Isang araw nagpatawag siya ng mga kabataan sa kanyang nasasakupan. Ang pahayag niya, “Kailangan may pumalit na sa luklukan ko. Napagpasiyahan ko na ang papalit sa akin ay isa sa inyo.”

   Nagulat at hindi makapaniwala ang mga kabataan. Nagpatuloy ang Raha, “Sa araw na ito bibigyan ko ng tigisang binhing buto ang bawat isa sa inyo. Isang pambihirang binhi ito. Nais kong itanim ninyo ito, diligin, at payabungin. Bumalik kayo dito matapos ang anim na buwan mula sa araw na ito. Ipakita ninyo sa akin kung ano ang kinalabasan ng inyong tanim. At kung sino ang may pinakamagandang halaman mula sa binhing ito, siya ang aking iluluklok na bagong Raha ng Maynila."
   Isa si Magiting sa naroon na tumanggap din ng buto. Pagdating sa kanilang dampa sa Tondo, isang bayan sa Maynila, ay tuwang-tuwa ito na ibinalita sa kanyang ina ang karangalang makakamit sa sinalihang paligsahan. Tumulong ang ina sa paghanap ng paso at saganang lupa. Matapos itanim ang binhi, matiyaga itong dinilig at inalagaan ni Magiting. Araw-araw, palagi niyang hinihintay ang pag-usbong ng mga dahon nito. Makalipas ang dalawang linggo, maraming kabataan ang nagbalita na ang kanilang mga binhi ay nagsimula nang magkadahon. Patuloy pa rin ang pag-aabang ni Magiting sa kanyang tanim, subalit walang pang tumutubo sa kanyang paso. Apat na linggo, limang linggo, anim na linggo, ang matuling nagdaan. Wala pa ring umuusbong sa kanyang itinanim. Marami ng kuwento ng magagandang halaman ang kanyang narinig mula sa ibat-bang dako ng Maynila.
   Pumunta siya sa Sampalok, sa Pako, sa Kiyapo, sa Maylati, sa Balut, sa Singalong, at pati sa Bangkusay, iisa ang lagi niyang nakikita, pawang naggagandahang halaman. Nanlulumo siyang umuwi at muling pinagmasdan ang kanyang paso, wala pa rin ni kapiranggot na usbong. Lumipas ang tatlong buwan, wala pa ring pagbabago sa paso. Inakala na lamang ni Magiting na may kulang sa kanyang mga pag-aasikaso, kaya ayaw tumubo ang kanyang  binhi.
   Bawat isa ay mayroong matayog at malagong halaman, maliban kay Magiting. Kapag tinatanong ng mga kaibigan, wala siyang binabanggit tungkol sa kanyang tanim. Dahil umaasa pa rin siyang baka ito ay maghimala at tumubo nang mabilis. Matiyaga pa rin siyang naghintay.
  Dumating ang anim na buwan, lahat ng kabataang lumahok sa paligsahan ay nagtungo sa palasyo, dala ang kanilang mga halaman para sa pagsusuri ng Raha. Maliban kay Magiting, ipinasya nitong huwag nang pumunta, sapagkat walang siyang maipapakitang halaman. Gayunman, pinakiusapan siya ng ina na dalhin din ang paso kahit na ito'y walang halaman na tumubo, upang maipakita ang kanyang katapatan na siya ay sumunod din sa ipinag-utos ng Raha. Malungkot at nag-aalaalang sumunod si Magiting sa payo ng ina. Nang dumating siya sa palasyo, ay namangha siya nang mapagmasdan ang nakahilerang mga naggagandahang halaman, may sari-saring kulay at laki ang mga bulaklak, at may kanya-kanyang natatanging kariktan. Lalo lamang siyang nanggipuspos at patagong inilapag sa isang sulok ang dala niyang walang halaman na paso. Kinakabahan siya sa magiging hatol ng Raha.
   Pinagtawanan ang dala ni Magiting ng mga kabataan. Ang iba’y biniro siyang gumawa na lamang ng paso, dahil naging bihasa siya sa pagbabantay dito. Nakayuko na nagtimpi si Magiting sa mga panunudyo. Nangingilid ang luha at pabulong na nasambit nito sa sarili, “Bakit ba ako napasali dito? Malaking kahihiyan ang nagawa ko. Buong bayan, tiyak na ako’y pagtatawanan. “
   Maya-maya napadako ang sumusuring Raha sa kanyang panig. Mabilis na tinakpan ni Magiting ng kanyang sarili ang paso, subalit napansin din ito ng Raha, ito’y napangiti at hindi kumibo. Matapos masuri ang lahat ay nagpahayag ang Raha, “Makinig kayo sa akin, napakagaganda ng inyong mga halaman pati na mga makukulay na bulaklak nito. Sa araw na ito, hihirangin ko ang aking magiging kapalit!Kapagdaka’y tumingin ang Raha sa gawing likuran na kinatatayuan ni Magiting. Inutusan ang kanyang mga kawal na dalhin sa kanyang harapan si Magiting.
   Bigla ang sumapusong pangamba ni Magiting, “Nakita ng Raha na walang tumubo sa aking paso. Sa kabiguan kong ito, malamang ipapatay niya ako. Anumang kaparusahang ipapataw niya sa akin ay lubos kong tatanggapin. Mahabaging Diyos, ikaw na ang bahala sa akin.Ang mariing usal ni Magiting sa sarili habang apat na kawal ang nakapaligid at umaagapay sa kanya patungo sa Raha. Hindi niya napigilan ang pagpatak ng mga luha sa kanyang pisngi.
   Sa harapan ng Raha, buong pagsising nakayuko si Magiting hawak ang walang halaman na paso.
   "Anong pangalan mo?" Ang tanong ng Raha.
   "Magiting po, Dakilang Raha," ang nanginginig at paimpit na tugon nito habang nakayuko at pinipigil na maiyak.
   Lahat ng kabataan nakapaligid ay naghagikhikan at ilan ay ginaya ang mahinahon at nakayuko niyang pagsagot. Inutos ng Raha na tumigil at tumahimik ang lahat. Muling tumitig ito kay Magiting, na lalo namang yumukod ang ulo nito sa hinihintay na kaparusahan. Lumapit ang Raha kay Magiting at itinaas ang kanang kamay nito, at inihayag nang malakas, “Magpuri, sa inyong bagong Raha! Mabuhay si Magiting, ang bago niyong Raha!"    Napamulagat si Magiting, at hindi siya makapaniwala o mapagtanto, kung bakit siya ang hinirang na bagong Raha. Siya na hindi nakabuhay ng tanim. Siya na pabaya at may pagkukulang sa binhi. Bakit siya na nabigo, ang nanalo sa lahat?
   Upang matapos ang pagtataka, mga anasan, at kaguluhang namayani sa naging hatol, nagpaliwanag ang Raha, “Binigyan ko kayo ng tigisang binhing buto, at ipinag-utos kong itanim, alagaan, at palakihin ang mga ito. At matapos ang anim na buwan ay dalhin sa akin upang masuri at makatiyak ako, kung sino ang mananalo sa inyo. Subalit ito ang katotohanan, ang ibinigay ko sa inyo ay mga nilagang buto. Mga luto na ito, at kailanma'y hindi na tutubo. Lahat kayo, maliban kay Magiting, ay nagdala ng ibat-ibang halaman na may mga bulaklak. Lantarang pandaraya ito. Sa dahilang hindi tumubo ang inyong mga binhi, pinalitan ninyo ito ng ibang punlang buto bilang kapalit sa binhing ibinigay ko sa inyo. Si Magiting lamang ang may busilak na puso at katapatan na iniharap ang kanyang paso na may binhing buto na aking ibinigay. Kaya sa kanya ko iginagawad ang pamumuno sa ating kaharian. Siya ang bagong Raha ng Maynila!"
   "Mabuhay si Magiting! Mabuhay ang bagong Raha ng Maynila!" ang sigaw ng lahat kasunod ang masigabong palakpakan.

Makabuluhang Aral: Kung ano ang iyong itinanim, siya mong aanihin. Nagtanim ka ng katapatan, aani ka ng pagtitiwala. Nagtanim ka ng kabutihan, aani ka ng maraming kaibigan. Nagtanim ka ng pagpapakumbaba, aani ka ng kadakilaan. Matiyaga ka sa gawain, lagi kang magtatagumpay. Mabuti kang makitungo sa iyong kapwa, ang kapayapaan ay laging sasaiyo. Masigasig ka sa larangang ginagalawan mo, maraming pinto pa ng mga pagkakataon ang mabubuksan para sa iyo. Nagpatawad ka, susuklian ka ng kabutihan at ibayong tagumpay. Naging bukas ang iyong kalooban, magtatamo ka ng maraming pagpapala sa buhay. Nagbigay ka ng pag-ibig, magiging kaibig-ibig ka sa lahat.
Datapwat,
Kapag ikaw ay hindi matapat, aani ka ng pagdududa at hindi ka na pagkakatiwalaan pa. Kapag makasarili ka, mananatili kang malungkot at nag-iisa. Masyado kang hambog at palapintasin, darami ang iyong magiging mga kaaway. Mapanigbughuin ka, asahan ang mga kapighatiang dadanasin mo. Sadya ka namang tamad, karukhaan at mga karaingan ang kapiling mo. Lumikha ka ng kapaitan at kaimbihan, ikaw ay paparusahan at iiwasan. Suwapang at makamkam ka, lalo ka lamang mawawalan. Makati ang iyong dila sa mga tsismis at paninirang puri, ikakahiya ka kasama ng angkan mo. Lagi kang natatakot at nag-aalaala, umani ka ng kulubot sa mukha at panghihina ng loob. Kasama na rin ang malubhang mga karamdaman. Makasalanan ka at ayaw mong magbago, walang kaayusan at katahimikan ang buhay mo. Palantandaan na kalunos-lunos at kahina-hinayang ang ganitong buhay. 
Pananaw: Kung ano ang puno, siya ang bunga. Walang ibubungang kabutihan at kapayapaan ang mga pag-uugaling nagdudulot lamang ng pangamba, kapahamakan, kagalitan, at pangungulila. Sakitin at malubhang karamdaman ang tiyak na aanihin mula sa mga ito.
Panambitan: Ang pagtatanim ng mabubuting gawa at pagiging matulungin sa kapwa ay kaugaliang minana pa natin sa ating mga ninuno. Ipinagpapatuloy ito hanggang sa ngayon ng mga tunay na Pilipino.

Muli kong ibinalik ang pahinang ito dahil sa maraming sulat na aking natatanggap bilang pasasalamat sa inspirasyong tinataglay nito. Ayon sa kanila, isa ito sa mga kinaggigiliwan nilang pahina at paulit-ulit na binabasa.
Maraming salamat po sa inyong walang sawang pagsubaybay. Pinalalakas nito ang aking loob upang wala din sawang magpatuloy pa na makapaglingkod sa inyo.

Jesse Guevara
Lungsod ng Balanga, Bataan

No comments:

Post a Comment