Thursday, August 08, 2013

Ang Tamang Panahon




Katalinuhan ang kakayahang makita ang mga bagay sa tunay nitong kalagayan, at gawin ang mga bagay na nararapat magawa.

Naparaan si Mang Jose sa Barangay Kataning at napansin niya ang tawaran at bilihin ng mga kambing sa may kanto. Lahat ng mga tumawad ay nakabili, maliban kay Mang Jose na nakamasid lamang at naghihinayang.
   Makalipas ang isang linggo, nabalitaan niyang may nagbebenta na namang mga kambing sa Barangay Kataning. Subalit higit na napakamahal ng mga ito kaysa dating presyo. Magkagayunma’y bumili pa rin si Mang Jose ng limang kambing para alagaan at paramihin sa kanyang bukirin.
   Nang mabalitaan ito ng ilang kakilala ay sinumbatan siya na mahina ang ulo at walang kaalaman sa bentahan.
   Bakit hindi ka bumili noong nakaraang linggo, kung kailan napakababa ng presyo ng mga ipinagbibiling kambing, bakit halos doble na ang mga halaga ay ngayon ka pa namili. Nahihibang ka ba?” ang paninisi ng ilan sa nakaalam sa pangyayari.
   “Noong isang linggo ang mga kambing ay talaga namang napakamahal para sa akin, dahil noon ay kulang ang dala kong pera.” Ang paliwanag ni Mang Jose. “Ang mga kambing na nabili ko ngayon ay maaring napakamahal ang presyo; subalit sa ganang akin, ang mga kambing na binili ko ay napakamura. Dahil sa pagkakataong ito sobra ang dala kong pera kaya nakaya kong bilhin sila.”


Jesse Guevara
Lungsod ng Balanga, Bataan

No comments:

Post a Comment