Monday, August 12, 2013

Kailangan ang Determinasyon



Hangga’t may preparasyon ka, nagiging higit kang mapalad.

Pakatandaan lamang: kung nais mong may mangyaring mainam sa iyong buhay, ang iyong tagumpay ay hindi nakasalalay lamang sa katalinuhan at kapusukan kung bakit matibay ka, bagkus nakasandig ito sa walang hangganang katatagan at kagitingan na kumapit nang mahigpit at magkalumot tungo sa iyong kaunlaran.

   Ang gantimpala ng tagumpay ay masikhay na paggawa, may dedikasyon sa larangang ginagawa, at matatag na pananalig na kahit manalo o matalo, ay ginawa natin ang lahat sa ubod ng ating makakaya, ang anumang trabaho na nakaatang sa ating mga balikat. Ang mahuhusay na manlalaro o matatagumpay na tao ay hinahangaan at ginagaya; sapagkat nakikita ang kanilang mga pagkilos, matatag na determinasyon, mga pagtitiyaga at matinding paninindigan para marating ang mataas na antas ng kahusayan. Samantalang ang mga malungkutin, mapagpuna, mapamintas at laging talunan ay yaong mga walang ispirito ng pakikibaka, mga duwag at walang kalakasan para makagawa ng kaibahan. Mga walang pakialam at makasarili, kung kaya’t laging biktima ng kamangmangan at karalitaan.

   Ang tanging dahilan kung bakit matagumpay ang ibang tao ay pinagbubuti nila ang kanilang abilidad at determinasyon na makatindig muli kapag nadapa at pag-ibayuhin pa na lalong humusay na makipagsapalaran. Ginagawa ang kailangang dapat gawin, talos ang kakahinatnan, at ang buong atensiyon ay nasa ikakatagumpay nito.

   Kung nakagawa ka ng mga kamalian; at naging sanhi ito ng iyong mga kabiguan, hindi hadlang ang mga ito, bagkus ito'y mga leksiyon para lalong maging matibay ka, na makayang harapin ang anumang mga pagsubok. Sinasanay ka lamang at inihahanda sa malaking tagumpay na darating sa iyong buhay.

   Ito ay nakatakda at siyang magaganap. Maging mahinahon at mapagtimpi—walang sinuman ang nakahuli ng isda nang may pagkasuklam.

Kapag nakarating ka sa dulo ng iyong lubid, buholin ito at matiyagang bumitin. Ang mga indayog mo ang lilikha ng mga tuntungan para maakyat mo ang tagumpay.

Ano ang pinagtitiyagaan mo ngayon, ito ba ay para sa iyong kaunlaran?


Jesse Guevara
Lungsod ng Balanga, Bataan

No comments:

Post a Comment