Ang mahusay na memorya ay ang masanay na kalimutan ang mga walang
katuturan.
Marami ang nakakatulog sa maghapon. Bagama’t
gising sila sa mga gawain o, anuman ang kanilang inaatupag, madalas nakakalimutan ang higit
na mga mahalaga. Yaong mga bagay na kailangan bigyan ng kaukulang pansin. Ito
ay ang mga tamang priyoridad na dapat unahin sa ating buhay. Hindi ang mga walang kabuluhan at walang kinalaman sa pag-unlad ng isip, mga relasyon, at pananalapi.
Dalawang
bagay ang dapat nating isaalang-alang; ang makamundong hangarin
at ang ispiritwal na kaganapan. Sa
mundong ito, ang higit na nakapangyayari ay ang tawag ng laman, mga materyal na bagay, pagpapayaman, paligsahan, panandaliang aliw, at makasariling panuntunan. Gayong ang lahat ng mga ito ay
nawawalan ng saysay, kapag nakalimutan na ang tunay na misyon sa ating
pagkakalitaw sa mundong ito. Kung sino ka, saan ka patungo, at anong pakay mo.
May nagwika; “Ang mga bagay na hindi nakikita ang siyang pangunahing mahalaga.”
Tulad ng Pag-ibig, Paglilingkod, Pagmamalasakit, Pagpapakumbaba, Pagdiriwang,
Pagpapaubaya, Pagdalangin, atbp. Lahat ng mga ito ay nagmumula sa pinagsanib na
isip, katawan, at kaluluwa. Ito ang bumubuo ng ating ispirito, ang kabubuan
kung sino tayo at ang tunay na pagkatao na ating ginaganap sa araw-araw.
Hindi
tayo nakakatiyak sa anumang mangyayari sa bawa’t sandali, subalit ang higit
nating dapat mabatid ay maunawaang mabuti na yaong mahahalaga at nadarama ang mahalaga sa lahat. At magawang iwasan at iwaglit na nang
tuluyan ang mga bagay na walang kabuluhan. Ito ay mga pag-aaksaya ng
panahon sa mga hindi nararapat pag-ukulan ng ating mga atensiyon. Ano ang mga ito: panonood sa telebisyon ng mga walang katuturan na panandaliang aliw, tsismis, buhay-artista, pag-usisa sa buhay ng may buhay, basketbol, pulitika, atpb. Kung wala naman itong kaugnayan at hindi talagang trabaho na mapagkikitaan, iwasan ang mga ito. Ang pagkahumaling dito ay tahasang kahirapan sa habang-buhay.
Kung minsan, sadyang nakakatulong na
sabihing ikaw ay hangal at karaniwan ang pag-iisip kapag nawiwili ka sa mga
bagay na wala namang kinalaman sa iyong pag-unlad. Isa na dito ang usisain kung
ano ang tingin o pangmalas sa iyo ng iba. Kinakailangan pang iba ang magpasiya
kung ano ang tamang isusuot mong damit, pagsuklay ng buhok, tamang sapatos, at
papaano gagawin ang maghapon sa buhay mo. “Walang bait sa sarili.” –ang tawag
dito. Sulsulin at walang sariling direksyon. Palaasa sa iba at laging
naghihintay na utusan.
Kung
may pagmamahal ka sa iyong sarili, huwag isaalang-alang ang opinyon ng iba
tungkol sa iyo. Sapagkat maiiba ang direksiyon na iyong patutunguhan. Panindigan mo ang iyong tunay na hangaring pansarili. Higit sa
lahat, anumang mangyari sa iyong kapasiyahan, ay ikaw lamang ang may
tanging responsibilidad at tatanggap ng anumang magiging resulta nito. Maging mabuti o
masaklap man, ikaw lamang ang panalo o natalo. Ang iba, amoyong lamang at nanghihingi ng balato.
Pakaiwasang
hingin ang pahintulot, paghanga, at mga papuri ng ibang tao. “Ginigisa ka lamang ng mga ito sa sarili
mong mantika!” Ang nararapat ay unahin mong hangaan ang iyong sarili,
pagbutihin ang iyong mga gawain, at maglingkod nang tapat nang walang
hinihintay na anumang kapalit. Huwag nang hintayin pa na makita kang pambihira
o matalino. Ang totoo; maging mapaghinala, kapag nararamdaman mong nagiging
importante ka sa paningin ng iba, ...at nakakalasing ang mga papuring ipinupukol
sa iyo. Magising ka naman! Bantayan ang sarili, sakaling makalimot ka sa huwad na pagkatao na
ipinapalayaw sa iyo.
Kapag napanatili mong matatag at tahasang
nagagampanan ang tunay mong pagkatao, kusa mong makakalimutan ang mga huwad,
mga balatkayo, at mga pakitang tao na nagpupumilit na ilihis at maligaw ka sa
tunay mong misyon sa mundong ito: Ang maging tunay na Pilipino.
Jesse Guevara
Lungsod ng Balanga, Bataan
No comments:
Post a Comment