Monday, August 12, 2013

Yes, Dear?




Ang dakilang pag-iibigan ay nakatindig sa pagkabuklod. Magkatugmang paggalang, malusog na mga palabok ng paghanga, at walang katapusang pag-ibig at kabutihan para sa isa’t-isa.

Marami ang nalilito at nalalagay sa alanganin, kung susunod o huwag diringgin ang mga ipinag-uutos ng kabiyak. Lalo na ang ipagwalang-bahala ang mga pakiusap niya. Sa relasyon ng mag-asawa, pangunahing mga sangkap na mapanatili ang pagtitiwala, katapatan, pagpapahalaga, pang-unawa, at higit sa lahat ang pagmamahal.
   Kahit na ang relasyon ay pambihira at batbat ng kaligayahan, ayos lamang o katamtaman ang pagsasama, at maaaring naghihingalo na; makakatiyak kang magagawa itong mapaganda kung matatandaan lamang ng bawa’t mag-asawa na palaging gamitin; ang dalawang karaniwan ngunit simpleng mga kataga—Maraming salamat. Madali sa buhay ng may-asawa ang makaligtaan at maging ugali na ang balewalain o idaan sa patama-tama ang relasyon. Ang damdaming hindi nabigyan ng atensiyon at idinaan sa limot, ay lumilikha ng gantihan at alitan. Munting kasalanan o mabigat na kasalanan, kung walang pag-iingat at kapatawaran, humahantong sa mapangwasak na samahan. Mapapansin na lamang na malala na ito at ang mga sumusunod pang mga kabanata sa buhay may-asawa ay walang hintong mga sigalot.
   Ang dakilang pagsasama ay hindi kung ang “perpekto” na mag-asawa ay nagkasundo. Ito ay kapag ang “hindi perpekto” na mag-asawa ay natutuhan na tamasahin ang kanilang mga pagkakaiba. Madalas kung binabanggit; kung ang lalake ay tahasang dilaw ang nais, at ang babae naman ay tahasang luntian naman ang nais, hindi maaari at pagsisimulan ng away ang ipilit ang sariling kulay sa kasama. Mistula itong pagsakop at pagkontrol sa indibiduwal na pagkatao ng bawa’t isa. Magagawang magkaisa kung pipili ng ibang kulay at ito ang mamagitan sa dalawa, hindi ang mangingibabaw at tuluyang manaig ang kulay ng isa. Dito nagsisimula ang pagkawala ng pagtitiwala at galangan ng bawa’t isa. Para sa lalake, “ander de saya ito.” At para naman sa babae, “asong sunod-sunuran ito.”
   Kung matatanggap lamang ang matinding pagkakaiba—na talagang imposibleng baguhin ang personalidad ng isang tao, malayang magagawa ng mag-asawa na yakapin at ipagdiwang ang kanilang mga kaibahan. Kung laging may gusot sa pagsasama, ang bilin ng aking ina: “Ang unang humingi ng paumanhin ay pinaka-matapang. Ang unang nagpatawad ay siyang pinaka-malakas. At ang unang nakalimot sa nangyari ay siyang pinaka-masaya.”

Ano ang kahulugan ng buhay may-asawa?
   Manhid na asawa: “Isa itong bilangguang walang rehas. At sentensiyang habang-buhay!”
   Abala na asawa: “Bahala na. Marami akong inaasikaso at walang panahon sa mga drama.”
   Natutulog na asawa: “Wala akong nakikita, naririnig, naramramdam. Pipi kasi ako.”
   Palalo na asawa: “Ano ka ba naman, pansinin mo naman ako!”
   Palaasa na asawa: “Matagal na akong naghihintay, bakit mo ako natitiis?”
   Umiibig na asawa: Anong gusto mo ngayon, Darling?”
   … ang wagas na pagmamahlan ng mag-asawa ay nasusukat sa tamis ng kanilang mga puso, sa kanilang mga katapatan, pagtitiwala, paggalang at pagtrato bilang mag-asawa; na hindi maaaring magkahiwalay ngayon, bukas, at magpakailanman.

Hindi mo pinakasalan ang isang tao; ang totoo, ikinasal ka sa tatlo: ang tao na iniisip mo na siya; ang tao na iniisip niya na siya; at ang tao na siyang magiging siya bilang resulta ng kanyang pagpapakasal sa iyo.

Tanong:Ano ang sekreto sa wagas na pagsasama ng mag-asawa kung bakit patuloy silang nagmamahalan sa isa’t-isa?
Ang sagot para dito: Pakibasa ang titulo ng artikulong ito.


Jesse Guevara
Lungsod ng Balanga, Bataan

No comments:

Post a Comment