Walang sinumang higit na makakatingin sa iyong sarili kundi ikaw
lamang, hindi ito iniaasa sa iba para makaligtaan at pabayaan.
Ang tunay na kayamanan, ay ang
kalusugan. Lahat ng mga bagay ay susunod nang lahat para dito: mga pangarap,
mga relasyon, trabaho, pananalapi, at minimithing kaligayahan. Kapag may
mabigat na karamdaman; lahat ng mga bagay, mga ari-arian, kayamanan, mga relasyon,
atbp., ang mga ito ay kusang titigil, hindi mo na matatamasa pa, at wala ng anumang halaga.
Balewalang lahat; at kahit na isang totpik ay wala ka nang madadala pa. Bawa’t
sandali ay nakatuon na lamang sa iyong kaligtasan.
Ang ating katawan, gustuhin man natin o
hindi, ito ay patuloy na humihina sa pagdaan ng panahon. Hindi ito ginagamot
kung may sakit na, na parang halaman na dinidiligan lamang kapag nalanta na. Ito’y ginagamot
sa araw-araw; inaalagaan, nilulunasan, at masidhing iniingatan. Hindi nilalason
ng mga nakakapinsalang mga bagay, bagkus pinalalakas ng mga ehersisyo at dinudulutan
ng mga likas, sariwa at masustansiyang mga pagkain.
Hindi
lahat ay kaabalahan sa trabaho o pulos kuwarta na lamang ang laman ng isipan.
Mistula itong bilangguan na walang rehas. Nakakulong ang isipan, at bulag sa
mga kaganapan sa paligid, maliban sa
pagpapayaman. Wala pa akong nakita na tao; na sa kanyang huling araw
sa mundo ay nais magugol ito sa kanyang opisina o trabaho, at maging sa makasariling libangan. Higit na nanaisin pa
niyang ibaling ang lahat ng sandali, kung muling mabibigyan ng pagkakataon, ang
ilaan na lamang ang kanyang mga sandali sa kanyang pamilya at mga mahal sa
buhay. Laging nasa huli ang pagsisisi; kadalasa’y nasasambit ang “sana,”
“balang
araw,” at “dapat.” Mga katagang hindi na kailanman mangyayari pa. Dahil
ang panahon ay pabagu-bago at walang katiyakan.
Kailangan may pamantayang sinusunod at sapat
na disiplina kung nais na mabuhay nang malusog at matiwasay, kaysa nasa ospital
at nakaratay sa isang malubhang karamdaman, may matinding kirot na patuloy na nagpapahirap
sa katawan, at karaingan bilang pasanin pa ng mga mahal sa buhay, sa kanilang hinaharap na mga gastusin sa araw-araw.
Ang kadakilaan ng isang tao ay hindi kung gaano ang nakamtan niyang kayamanan, kundi mula sa kanyang integridad at kakayahang maipadama ito nang positibo sa
kanyang mga mahal sa buhay.
Simpleng mga patakaran lamang at madaling
magampanan ang mga ito:
Mahalin ang Buhay, Gumawa ng Kabutihan, at Mamuhay nang Mahusay.
Ito lamang at wala ng iba pa.
Tahasang ginagawa mo ba ngayon ang mga
ito?
Jesse Guevara
Lungsod ng Balanga, Bataan
No comments:
Post a Comment