Thursday, August 08, 2013

Nais Kong Maging AKO




Kailangan pakatandaan ang lunggati ng transpormasyon, na hindi iwinawaglit ang proseso. Sa katunayan, ito ang mga sandaling mahahawakan mo ang malawak na kahulugan ng iyong sariling buhay.

Ang maintindihan ang iba ay katalinuhan; ang maintindihan mo ang iyong sarili ay tunay na kawatasan; Ang mangibabaw sa iba ay kalakasan; at ang mangibabaw sa iyong sarili ay wagas na kapangyarihan.

   Nagkataon wala akong ginagawa isang umaga, nang maisipan kong pasyalan ang aking kaibigan at samahan siya sa kanyang pagdalaw sa kanyang ina sa ospital ng mga baliw sa bayan ng Mariveles. Habang kinakausap niya ang ina, naisipan kong maglakad-lakad muna sa hardin ng ospital. Nadaanan ko ang isang pasyente na nakaupo sa lilim ng isang punongkahoy, at seryosong nagbabasa ng aklat tungkol sa pilosopiya.
   Ang kanyang mga gawi, ikinikilos at malusog na pangangatawan ay katibayan na naiiba siya sa karamihang pasyente.
   May pagtataka akong nakiupo sa kanyang tabi at nagtanong, “Mukhang napakahalaga ng binabasa mo at halos hindi mo naramdaman ang paglapit ko, …tungkol saan ba ‘yan?
   Tumingin siya sa akin, at nagitla. Ngunit nang malaman niyang hindi ako isa sa mga doktor ng ospital, ay tumugon siya.
   “Tungkol ito sa tunay na pagharap sa buhay, kung sino ka;

   “Ang aking ama, isang matalinong abogado, ay nais na tularan ko siya;

   “Ang aking ina, ang nais naman para sa akin ay ang imahe ng kanyang minamahal na ama;

   “Ang aking ate, ay palaging inihaharap sa akin ang kanyang asawa bilang halimbawa ng matagumpay na negosyante;

   “Ang akin namang kuya; wala nang ginawa kundi ang sanayin ako na maging isang mahusay na manlalaro na tulad niya;



   “At ganito din ang nangyayari sa aking paaralan, sa aking guro sa piano, guro sa literatura,  at maging ang guro sa matematika—lahat sila'y kinukumbinsi ako at determinado na sila ang mga halimbawa na dapat kong sinusundan para ako magtagumpay sa buhay;

   “Wala kahit isa man sa kanila ang tahasang pinagmasdan ako, katulad ng nararapat na pagkilatis sa isang tao. Lahat sila ay mistulang nakatingin sa harap ng salamin kapag nakatingin sa akin;



   “Kaya nagpasiya akong pumasok sa ospital na ito. Kahit papaano, dito ay magagawa kong maging ako.”


Jesse Guevara
Lungsod ng Balanga, Bataan

No comments:

Post a Comment