Thursday, August 08, 2013

Ang Puso ng Tunay na Pilipino




Sadyang nakakapanlumo na makita kung papaano hindi naniniwala ang marami sa atin na makakaya nilang matuto, at lalong higit ang nakakarami ang naniniwala na ang pagbabago ay sadyang mahirap na magawa.

Lahat ng daan ay patungo sa puso ng tunay na Pilipino, walang alinlangan na sumisisid siya sa kaibuturan nito upang pawalan ang simbuyo ng kanyang damdamin na umaaliw sa kanya sa buhay. Lahat ay tinatanggap niya; matamis o mapait man, masaya o malungkot, maralita o mayaman man.
   Wala siyang itulak o kabigin sa lahat. Pantay-pantay at walang pagkiling. Laging may pag-asa na ang lahat ng bagay ay mga pagpapala. May sariling paninindigan na magagawa niyang makinabang sa mga batong ipinupukol sa kanya. Laging may ngiti sa mga labi at sinasambit ang mga katagang, “Lahat ay panandalian lamang, at magwawakas din.” “May liwanag na darating, pagkatapos ng karimlan.”
   Niyayakap niyang mahigpit ang kanyang mga pasiyon at masidhing tinatamasa ang mga ito. Batid niyang hindi kailangan ipagkait ang kasiyahan kung matagumpay ka; mga bahagi ito ng buhay at nagbibigay ng kaligayahan sa mga nakikilahok upang matupad ito.
   Subalit hindi kailanman nawawaglit sa kanyang isipan ang mga bagay na nagbibigkis upang lalong maging malakas ang pagkakaisa, pagtutulungan, at ispirito ng bayanihan sa kanyang mga karelasyon. Higit niyang pinagbubuti ang mga ito at laging binabantayan laban sa mga taong mapaghasik ng kabuktutan at kalagiman sa pamayanan.
   Ang tunay na Pilipino ay maalam, matining ang kalooban at ganap na nauunawaan ang kahulugan sa pagitan ng panandalian at ng pangmatagalan; ang kapighatian at ang kaligayahan; ang kamatayan at ang pagkabuhay.

   May dalawang kapangyarihan ang tunay na Pilipino: (1) Ang pumili;  at (2) Ang piliin ang tama.
  
    Ang tunay na Pilipino ay talos na siya ay malayang piliin ang anumang kanyang naisin. At may kakayahang magpasiya ng tama nang may kagitingan, pagmamalasakit, kaunlaran at kapakinabangan para sa lahat. Kung minsan, tinatagurian siyang nababaliw dahil laging paglilingkod sa iba ang kanyang inuuna. Magkagayunman, tungkulin niya ang magtaguyod ng mga adhikaing magpapabago sa kanyang bayan upang ito ay maging malaya, mapayapa, at maunlad.

Kapag tumatanda ka, katulad ito ng karagdagang mga kaparusahan sa krimen na hindi mo nagawa at hinayaang makapangyari.
   

Jesse Guevara
Lungsod ng Balanga, Bataan

No comments:

Post a Comment