Friday, August 16, 2013

Walang Katapusang Dalamhati




Hangga’t sinasariwa ang kapighatian, anumang libangan 
para makalimot ay lalong mahapdi.

Kahapon ay may nakilala ako, na isa nating kababayan. Sa kanyang mga ikinikilos, nagpapahiwatig ito ng panggigipuspos, pag-aalinlangan sa takbo ng buhay, at hinahanap ang sarili. Maraming bagay ang lubhang bumabalisa sa kanya; una na rito ang pagpapatiwakal ng kanyang bunsong anak sa gulang na dalawampu’t dalawa, at kung saan na tamang direksiyon dapat na maibaling ang panahon nilang mag-asawa. Sa loob ng tatlong taon, halos paglilibang at pagtakas sa katotohanan ang naging aliwan nila. Maraming mga katanungan ang hindi niya malirip at magawang masagot. Laging nababagabag at sinisisi ang sarili kung bakit naganap ang mahapding yugto na ito sa kanyang pamilya.
   Sa gulang na limampung taon, pilit niyang tinutuklas ang kanyang ispiritwal na pagkakakilanlan. Masidhing nililimi kung ano ang tanging layunin o direksiyong tinutungo ng kanyang buhay, ano ang nais niyang magawa, anong uri ng pagkatao ang magaganap sa kanya, at kung papaano maiibsan ang kapighatiang nararanasan nilang mag-asawa.
   Nabanggit ko tuloy sa kanya ito: Kapag yumao na ang iyong ama at ina, ang taguri sa iyo ay ulila. Kung namatayan ka naman ng asawa, ang taguri sa iyo ay balo. Ngunit kapag namatayan ka ng anak; walang sapat na taguri ito, sa dahilang buhay ka pa at ang nadarama mo ay ang nawala na malaking bahagi sa iyong pagkatao. May napilas sa iyong puso at patuloy na nagna-naknak, nagdurugo at kailanma’y hindi na malulunasan pa. Hindi na mababalikan pa ito at mananatiling isang alaala na lamang.
   Samu’t-saring pananaw ang nagsalimbayan sa aking isipan, kung papaano niya maiibsan ang dalamhati na kanyang nararanasan sa tuwina. Dahil hindi ko naranasan ang naganap sa kanyang pamilya, ang nabanggit ko na lamang ay kung talagang nais niya lumikha at makaranas ng pagbabago sa kanilang buhay—magawang harapin ang katotohanan at tunay na mahalaga. Ito ay kung papaano,Mahalin ang Buhay, Gumawa ng Kabutihan, at Mahusay na Mamuhay.”

Ano ang kahulugan ng Dalamhati?
   Matinding kapighatian, kalungkutan o paghihinagpis sa pagyao ng mahal sa buhay o bagay na pinakamamahal. Dahil sa pagkawala, patuloy ang panggigipuspos at kapanglawan.

Kaunti lamang na pighati ang nalilikha ng mga bagay na hindi natin maiiwasan at wala tayong kontrol. At ang karamihan ng kapighatian ay tayo ang lumilikha nang walang paglilimi at tunay na pagharap sa katotohanan. Kundi ang aliwin at ibilanggo lamang ang ating mga sarili sa patuloy na mga hinagpis at mga panaghoy.
  
Patuloy pa bang aliwan mo ang maging alipin ng nakaraan at mga bangungot nito?


Jesse Guevara
Lungsod ng Balanga, Bataan

No comments:

Post a Comment