May bumanggit sa akin na ang isang paruparo; kapag ikinampay ang kanyang mga pakpak, ito'y lumilikha ng buhawi paikot sa buong mundo. Sa teoryang ito, na tinawag na butterfly effect o epektong paruparo, ay isinasaad, na ang kampay ng mga pakpak ng paruparo ay isang munting kilos, subalit ito'y lumilikha ng maliliit na damyo ng hangin na nagpapatuloy sa pag-ihip at lumalaki, patindi ng patindi habang nag-aalimpuyo sa lakas at bilis--hanggang sa maging uli-uli, patuloy na pag-ihip nang palakas ng palakas, at nagwawakas sa dumadagundong na dambuhalang buhawi. Sapat na para makapinsala sa bawat madaanan ng nagngangalit nitong kalakasan.
Ipinapakita rito na ang
isang maliit na pagbabago sa kalagayan. Ito ay humahantong sa patuloy na paglaki
hanggang sa maging kagulat-gulat ito.
Bawa't isa sa atin ay
may angking kapangyarihan na katulad ng isang paruparo. At bawa't
isang munting kilos natin gaano man ito kaliit ay patungo sa higit pang positibong
kaisipan. Palawak at positibong huwaran o humahalina ng
paghahalintulad para sa ating mga pamilya, mga kaibigan, mga samahan, at mga
payamanan. Mula sa ating pagkilos sa sarili patungo sa isang simpleng relasyon habang ikinikilos ay tumatatag at lalong nagtutumibay na humahantong sa pagkakaisa ng damdamin, at humahantong sa kapatiran at bayanihan.
Kailangan lamang na mabungkal at
payabungin ang nakatagong kapangyarihang ito mula sa ating kaibuturan. Mistula itong
paglabusaw ng tubig sa nilikha nitong munting alon, ay nagiging dambuhalang
alon at sa kalaunan ay sanhi ng daluyong o tsunami. Isang magandang
paglalarawan kung papaano kahit anumang gawin, hindi makakayang isipin o
sukatin man ang ating magagawang impluwensiya sa iba at ng ating angking
kapangyarihan.Narito ang pagkakaisa at ispirito ng bayanihan.
Kung gagamitin natin
ang ipinagkaloob na kapangyarihang ito sa atin, ano ang mangyayari? Ito ang katanungang kinakailangan nating sagutin. At sa
kapasiyahang ito, ay maghuhudyat ng malaking pagbabago para sa ating mga sarili
sa hinahangad natin na walang hintong kaligayahan sa buhay. Walang makakagawa
nito para sa iyo. Tanging ikaw lamang ang may kapangyarihan upang lumitaw at gampanan ang tunay mong pagkatao.
Hindi na kailangang
hanapin pa ang kapangyarihang ito, ito'y matagal ng naghihintay sa iyo,
nakikiusap, humihingi ng iyong atensiyon, nagpapakita sa mga panag-inip, at
kung minsa'y nanggagalaiti pa sa bangungot. Laging nagpapa-alaala, "Pagbuksan
mo ako." "Ako'y iyong palayain." Ang lagi
nitong pagsusumamo.
Subalit nananatili tayong
abala, laging naghahanap at hindi mapakali, pumupunta sa malalayong pook ngunit
patuloy na nabibigo, hindi mapalagay at may bagabag sa tuwina.
Bakit nangyayari
ang mga ito, sapagkat higit na mahalaga para sa atin ang mga panandaliang bagay kaysa doon sa mga makabuluhan na isinisigaw ng ating kalooban.
No comments:
Post a Comment