Kung walang kikilos, sino ang inaasahan mong kikilos para sa iyo? Ikaw MISMO ang magsisimula upang ang mga bagay na iniisip mo ay magkatotoo.
Mamuhay nang
mabuti na batbat ng katotohanan. Sakali mang may paniniwala ka na may
higit na makapangyarihan sa lahat at makatwiran ito, at hindi binibigyan ng
pansin kung gaano ka taimtim manalangin o sa pagka-deboto mo, bagkus tinatanggap
at pinagpapala ka sa uliran mong buhay, ito ang iyong harapin at patuloy na
isagawa mo.
Sakali mang may mga diyus-diyosan, na
mahiligin sa panghingi ng salapi at mga abuloy upang mapunta ka daw
sa paraiso, kailangang sampalin mo ang iyong sarili para magising at huwag
magpaloko sa mga bulaang propeta na nagpapanggap na mga banal. Pawang
pagpapayaman sa kanilang mga sarili lamang ang kanilang inaatupag at hindi ang
sarili mong kaligtasan. Iwasan ang kanilang mga diyos na makamkam at gahaman sa
kislap ng salapi. Hindi sa pamamagitan ng salapi nabibili ang iyong kaligtasan,
ito ay nasa iyong pagiging uliran at halimbawa sa pamayanan.
Sakali mang hindi totoo na may
makapangyarihang sa lahat; at ikaw ay lumisan na sa mundong ito, kung nagawa
mong uliran ang iyong buhay at hindi nagpasulsol at nagpasakop sa mga bulaang
propeta, mga ganid na pulitikong namimili ng boto, at mga mandarayang negosyante; mananatiling buhay ang iyong alaala sa puso ng iyong mga mahal sa
buhay.
At kung ipinanganak ka sa Pilipinas, at ang mga magulang mo'y likas na mga Pilipino at maging ipinanganak ka nila sa ibang bansa, ikaw ay Pilipino. Ang pagkakaiba lamang ay kung totoong Pilipino ka; sa isip, sa salita, at sa gawa. Kapag nagawa mo ito, tunay na Pilipino ka. Walang kinalaman dito ang relihiyon mo o ang mga bulaang propeta na nagpapanggap na mga banal. Lalo naman kung makikinig ka at magpapasulsol sa mga huwad na Pilipino na ipinagbibili ang ating kasarinlan sa mga banyaga, at pawang pagnanakaw sa kaban ng bayan ang inaatupag. Kilala natin sila, ang mga buwayang walang kabusugan sa Kongreso, mataas o mababang kapulungan man ito.
Papaano ba ang maging tunay na Pilipino?
Ito ay ang magampanan mo nang walang pagkukunwari ang itinitibok ng iyong puso. Mula sa isip, sa salita, at sa gawa nang may kawagasan at walang anumang pagbabago sa simula hanggang wakas.
Mga Katangiang Nagpapakilala ng Wagas na Pagkatao: Bilang Pilipino
1. Katapatan -Ito ang kapangyarihan ng katotohanan kung sino ka, ang pangunahing karakter sa wagas na pagkatao.
2. Alam kung saan patungo -Mayroong malinaw na direksiyon ng mga lunggati at mga priyoridad.
3. May masiglang simbuyo (passion) -Malaya at hindi inaaksaya ang mahalagang panahon sa mga walang kabuluhan, mga alitan, mga kurakot, at mga pandaraya.
4. Laging gising sa mga kaganapan -Mula sa angking kalooban hanggang sa mga kapaligiran ay may pagmamalasakit. Ginagawa ang mga salita, uliran at magandang tularan sa pamayanan.
5. Mapagmahal sa sarili -May mataas na pagpapahalaga, pagtitiwala, at pananalig sa sarili.
6. Likas na makabayan -Nagtataguyod ng mga adhikaing tungo sa malaya, mapayapa, at maunlad na bansang Pilipinas.
7. May kapangyarihan ng Ispirito -malalim na pang-unawa sa sarili na kung saan ang katotohanan at pagtuklas ay nagsisimula.
Papaano makakamtan ang mga ito?
1. Patuloy na pagmamasid, pag-aaral, pagtatama, at matamang pagsunod sa mga kautusan na makakabuti sa lahat.
2. Isinusulat at tinatandaan kung papaano ang pagbabago at lantarang nakikilahok para sa tagumpay nito.
3. Tinatanggap ang kaibahan sa karaniwan na walang anumang pag-aalinlangan kung isinusulong ang kapakanan ng sambayanan.
4. Palaging iniisip ang kaunlarang pansarili upang higit na makatulong sa pamilya at sa pamayanan.
Marami pang paraan upang maipakita ang pagiging tunay na Pilipino at ito ay mangyayari lamang kung kikilos para ito matupad. Mayroon ka bang naiisip at maidadagdag para dito?
Jesse Guevara
Lungsod ng Balanga, Bataan
Lungsod ng Balanga, Bataan
No comments:
Post a Comment