Pinagpapala ang mapagbigay nang walang naalaala. At maging
ang mga tumatatangap na hindi nakakalimot.
ang mga tumatatangap na hindi nakakalimot.
Kung nais mong maging masaya, nasa
paglilingkod ang kasagutan. Walang bagay na magagawa mong makuha kung hindi mo
ito ibibigay. Kung nais mong igalang ka, gumalang ka muna. Unahin mong igalang
ang iyong sarili, at sinumang nasa iyong tabi ay igagalang ka. Nais mong
mahalin ka? Mahalin mo muna ang iyong sarili, sapagkat walang magmamahal sa iyo
kung wala kang pagmamahal sa iyong sarili. Hindi mo magagawang ibigay ang bagay
na wala sa iyo. Nais mo ng kaibigan? Kaibiganin mo muna ang iyong sarili, at
kusang darating ang mga kaibigan na hinihintay mo. Dahil kapag nagawa mo ito,
magiging madali na para sa iyo ang makipagkaibigan sa iba.
Kapag
nagagawa mong paglingkuran ang iyong sarili, inaaruga, iginagalang, at
pinagyayaman; anumang larangan na iyong napusuan ay magtatagumpay. Ito ay
nakatakda at kusang magaganap. Ito ang tunay na tinutungo sa lahat ng may
buhay sa mundo. Ang makapaglingkod at makagawa ng positibong kaibahan sa buhay ng iba—na magkaroon ng kahalagahan, pagkakakilanlan,
at maiiwang pamana.
Ang paggawa
ng kabutihan ay likas sa ating pagkatao bilang bahagi ng lipunan na ating
ginagalawan. Walang nabuhay na mag-isa sa pamamagitan lamang niya. Anumang
pagkilos na ating ginagawa, lalo na kung nakakatulong sa iba ay nagdudulot ng pagbabago
sa pamayanan. Ito ang ispirito ng bayanihan--ang pagtutulungan at damayan para sa kagalingang panlahat. Nangyayari lamang ang mga kabuktutan at mga karahasan kung wala
ng natitirang mabubuting mamamayan sa isang lipunan. Kung magagawa lamang na tanggalin
ang maskara sa ating mukha at harapin ang katotohanan, mapagmamasdan natin na
tayong lahat ay nagnanasang magmahal, ang mahalin, ang matanggap, ang pahalagahan, maging mapayapa,
at makapaglingkod sa iba.
Batid natin na ang ating pagkakalitaw dito
sa mundo, na may tinutungo at may tungkuling nararapat na magampanan. Ang
makagawa ng makabuluhang kaibahan sa ating kapwa. Ang pinakamatamis na damdamin
ay ang maglingkod nang walang hinihintay na anumang kapalit, ngayon, bukas, at
kailanman.
Ang mainam na paraan para
masumpungan ang sarili, ay ang makalimutan ito sa paglilingkod para sa iba.
Napaglingkuran mo ba ang iyong sarili at ang iba sa araw na ito?
Jesse Guevara
Lungsod ng Balanga, Bataan
No comments:
Post a Comment