Kapansin-pansin ngayon na inihahalal natin
ang mga magnanakaw (plunderers), mamamatay-tao,
mga mandaraya (jueteng lords), smugglers, drug lords, at rapist. Pati na ang mga heneral na galing sa PMA (Phil. Military Academy) ay kasangkot din sa mga kaguluhan at nakawan. Sa katakawan ayaw nang bitiwan
ang mga luklukan. Kahit na walang mga kakayahan, isinasalin sa pamilya ang
kapangyarihan para panatilihin ang mga katiwalian. Nakakagulat na ito at
kahindik-hindik pa. Ang nakapagtataka nga lamang, tahimik pa rin at panis ang
marami sa ating mga kababayan. Ang pagsambulat ng kurapsiyon sa media (telebisyon, radyo, at mga pahayagan) ay walang kasabay na
pagsambulat na reaksiyon mula sa sambayanan. Hindi tayo nanggagalaiti at nagpoprotesta.
Walang demonstrasyong nagpapakita at nagpapahayag ng ubos lakas na “Tama
na! Sobra na! Tigilan na!”
Sa isang lipunan, nakapangyayari lamang
ang mga masasama kung wala nang natitira pang mabubuti.
Walang pakialam, pagwawalang-bahala, walang binabago, sumusulak na galit, palihim na nanggagalaiti--at walang magawa. Mga nagdudumilat na kaganapan sa ating lipunan. Ito ang ating mga reaksiyon para labanan ang kurapsiyon at baguhin ang direksiyon ng ating pulitika at maging ng ating mga negosyanteng relihiyon.
Naturingan tayong mga Kristiyano sa dakong ito ng mundo, subalit salaula ang ating mga halalan, pawang kabuktutan at nakawan ang naghahari sa ating lipunan. At may ngiti tayong binabanggit na malaya at may demokrasya ang Pilipinas. Hangga't mga manhid, mga salaula, at may nagnanakaw, patuloy din ang ating pagsisimba at pagiging deboto sa ating mga relihiyon. Patuloy din nating tinatanggap at ipinapahayag na mga Kristiyano tayo. Tuluyan nang nalukob tayo ng mga panandaliang aliw na nakikita sa telebisyon, kung kaya't normal at aliwan na para sa atin ang mga scams, mga karahasan, at mga nakawan.
Kailan ba tayo magigising nang tuluyan? Hangga't hindi pa huli ...
“Tama na! Sobra na! Tigilan na!”
Jesse Guevara
Lungsod ng Balanga, Bataan
Lungsod ng Balanga, Bataan
No comments:
Post a Comment