Tuesday, August 06, 2013

Ang Mahalaga sa Buhay




Ang mga bagay na higit na mahalaga kailanma’y hindi kailangang 
pangibabawan ng mga bagay na walang katuturan.

Sa dami ng ating inaatupag sa maghapon, madalas nakakaligtaan natin kung ano ang mahalaga at tamang priyoridad. Ito ang ating suliranin na pilit tinatakpan at inililigaw ng mga panandaliang aliw na nagnanakaw ng ating mga atensiyon. Paulit-ulit at patuloy na nawawaglit sa ating isipan kung alin ang mahalaga at hindi mahalaga.
   Pilit nating ninanasa ang mga bagay na wala tayong kontrol, at siyang tuwirang kumukontrol sa ating isipan. Kung kaya’t nakakalimutan nating harapin ang mga bagay na nasa ating harapan at may kontrol tayo. Palagi tayong nakatingin sa iba at isinasaalang-alang ang sasabihin ng mga ito. Kumikilos lamang tayo ayon sa kanilang mga kagustuhan at hindi nakapangyayari ang tunay nating layunin. Lagi tayong balisa sa kapakanan ng iba, gayong ang dapat unahin ay sarili at tulungan ito upang makatulong sa iba. Hindi mo maibibigay ang anumang bagay na wala sa iyo.
   Kailangan lamang na tumigil paminsan-minsan at pag-aralan ang mga kaganapan. Kung ito’y patungo sa direksiyong nais mo, o sa direksiyon na ninanais para sa iyo ng iba. Kung wala kang kabatiran tungkol dito, malamang kaysa hindi, na maligaw at mapahamak ka. Makakabuting alamin kung ano ang mga bagay na mahalagang gawin, at mga bagay na kailangang iwaksi at huwag nang pag-aksayahan pa ng iyong atensiyon. Maiging pagtuunan ang mga kapasiyahan at mga pagkilos na magpapabilis na matupad ang iyong mga pangarap.

Ang mga naisin ang nagdidikta ng ating mga priyoridad, at ang mga priyoridad ang humuhubog sa ating mga pagpili, at mula sa mga pagpiling ito ang siyang magpapasiya ng ating mga pagkilos.
   Hangga’t nababatid at tinutupad mo ang iyong mga priyoridad, ang minimithi mong kapalaran ay mapapasaiyo nang walang alinlangan. Sapagkat ito ang alituntuning tinutupad ng mga tunay na Pilipino.


Jesse Guevara
Lungsod ng Balanga, Bataan

No comments:

Post a Comment