Higit
na makalilibong mainam ang sentido komon kahit na walang edukasyon, kaysa may edukasyon na wala
namang sentido komon.
Tumigil ka ba at inisip na
kung nais mong makagawa nang higit pa, lalong wala kang matatapos kung hindi ka
mahusay, matalino, matapang, at tahasang nagnanasang magtagumpay?
Magkagayunma’y, ito ay nakasalalay sa iyong atensiyon
sakali mang nagkukulang ka ng sentido komon o praktikal na kapasiyahan sa mga
balakid at mga pagsubok na dumarating sa iyo sa araw-araw.
Kung ating
pakakalimiin,
tayo ay may natatanging kapangyarihan na may maraming kakayahan. Mayroon tayong
mga katangian na kahit hindi natin nababatid ay kusang lumilitaw kung patuloy
ang ating mga pagsasanay sa mga gawaing kinalulugdan natin. May mga natatanging
kalakasan tayo sa isip, sa katawan, at sa puso na nagtutulak para magawa ang
ating mga naisin sa buhay. Kapag ginagamit natin ang ipinagkaloob na mga regalo
sa atin nang wasto, matiwasay nating nakakamit ang mga lunggati. Subalit kung
sa masamang kaparaanan at nagwawasak na mga paraan, nagkukulang tayo ng sentido
komon sa magiging resulta ng ating tunay na intensiyon.
Ang sentido
komon ay kaalaman
kung kailan kailangang huminto sa ginagawa, sakalimang ito’y nakakasama na. Ang
kaalaman na talos mo na mayroon kang reputasyon na nais pangalagaan. May
integridad ka na nais panatilihin, at prinsipiyong makatwiran na nais ipaglaban.
Saklaw ng mga ito ang iyong pagkatao at nasa iyong sentido komon upang ito’y
ipairal.
Ang sentido
komon ay nakikinig
sa mga bahagi ng iyong pagkatao upang timbangin, pangalagaan, at itama ang
iyong talino, kumpetensiya, at determinasyon. Bihirang ituro ang sentido komon
at nakakamit lamang ito sa pagmamatyag, sa malinaw na paglilimi kung ano ang nasa tamang katwiran,
at kapakinabangang matatamo. Ang sentido komon ay matamang pinag-aaralan at
hindi namamana o nasa dugo mo. Kung lagi kang gising at mapanuri sa mga
pangyayari at mga karanasang nagbibigay aral para sa iyo, nagiging madali na at
praktikal para sa iyo ang pagpapasiya. Karamihan sa atin ay natutuklasan at
nagagamit lamang ang sentido komon kapag matanda na. Kung kailan na ilang
panahon na lamang ang natitira sa buhay. Higit na mainam na maaga itong
matutuhan, habang bata at malakas pa. Upang magawang maiwasan ang mga
pagkakamali at mga kabiguang darating sa iyong buhay. Iba na ang may sentido
komon at laging handa sa mga panganib at kapahamakan.
Ang sentido
komon ay isang sandata na kailangang laging kawaksi mo. Isa itong abilidad
para maisagawa nang wasto at may direksyion ang iyong mga talento at kakayahan.
Hangga’t ipinaiiral natin ang sentido komon bilang gabay, higit tayong nagiging
mahusay, mapaglingkod at matulungin sa iba.
Jesse Guevara
Lungsod ng Balanga, Bataan
No comments:
Post a Comment