Tuesday, August 06, 2013

Maging Mahusay




Ang tagumpay ay ang makuha anuman ang nais mo, ang kaligayahan 
ay kagiliwan kung ano ang nakuha mo.

Pinakamahalagang tungkulin ang malaman kung sino ka, saan ka patungo, at ano ang tanging layunin mo. Kung bakit narito ka sa mundo at patuloy na nabubuhay. Basta na lamang ba ang mabuhay tulad ng mga karaniwan o isagawa ang mga pambihirang kakayahan na ipinagkaloob sa iyo ng tadhana?
   Batid natin na walang bagay na napakahalaga o dakila ang biglaang nalikha. Katulad ito kung papaano natin pinagyayaman ang ating mga karunungan, mga katangian, at mga kakayahan. Patuloy tayong nag-aaral, tumutuklas, at pinag-iibayo ang mga kahusayan sa anumang larangan na pinili natin. Tama lamang na tanggapin ang mga paghamon, mga balakid, at mga pagkakataon upang masubukan kung sino tayong talaga. Hindi tinatakasan ang mga ito, bagkus itinuturing na mga hagdanan upang makapasa at tumalino para maging matatag sa sumusunod pang mga pakikibaka sa buhay.
   Mayroon tayong sapat na kapangyarihan para harapin ang anumang pagsubok na dumarating. Kailangan lamang na ito’y buhayin at alpasan mula sa ating kalooban. Hangga’t may pansarili tayong katapatan, hindi mapanggaya, mapagpanggap at nabubuhay sa anino ng iba, ang tagumpay ay lagi nating makakamtan.
   Narito ang sikreto kung papaano humusay at mangingibabaw sa lahat ng sandali: Tahasang nauunawaan ang pakay at kabutihang maidudulot nito. May sariling direksiyon at lubos na nalalaman kung saan patungo. At may angking disiplina, pagtitiis, at pananalig na tuparin nang buong katapatan ang mga tungkuling nakaatang sa ikakatagumpay ng mga pangarap …bilang tunay na Pilipino.
  

Jesse Guevara
Lungsod ng Balanga, Bataan

No comments:

Post a Comment