Thursday, August 29, 2013

Ang Kabayo ni Kulas



Higit na madaling lumitaw ang katotohanan mula sa kamalian
kaysa mula sa kalituhan at mga bagabag.


Laging bugnutin, kahit na maliliit na bagay o pangyayari ay pinapatulan. Maligalig ang isip at kapag tinanong, walang destinasyon o kinapupuntahan ang usapan. Mababaw ang kaligayahan, anumang pagkakataon ay sinusunggaban at sinasalihan kung ito ang makapagpapasaya sa kanya. Walang tama o mali basta masaya, ay ayos na ang katuwiran niya.
   Hindi katakatakang KULAS ang ipangalan sa kanya. Sapagkat Kapag Umisip Laging Alanganin ang Sasabihin.

   Isang araw sa sulsol ng isang mapagduyan na kapitbahay tungkol sa mahusay na paraan para sukdulang lumigaya si Kulas, ay kailangang magtungo ito sa itaas ng bundok ng Mariveles at hanapin ang batis ng kaligayahan. Bagaman nag-aalala si Kulas sa tagal at hirap na dadanasin sa pag-akyat ng bundok ay napilitan siyang maghanda at sinimulang salungahin ang bundok. Subalit bumilang ang mga linggo, naikot na niya ng maraming ulit ang tuktok ng bundok, ngunit hindi niya matagpuan ang batis ng kaligayahan. Dahil sa matinding kapaguran, ay nanghina ang kabayo at tuluyang namatay.
   Nagpalahaw sa iyak si Kulas, itinuring na niyang higit pa sa kaibigan ang kanyang kabayo. Sinasabunutan ang buhok at matinding sinisisi ang sarili kung bakit pinaniwalaan niya ang balita. Matapos mailibing ang kabayo ay hindi pa rin mapigilan ni Kulas ang paghagulgol. Nakaluhod siya sa harap ng puntod ng kabayo at nakayuko ang ulo sa pananangis na humihingi ng kapatawaran. Nasa ganito siyang kalagayan nang maparaan ang isang tao at nagtanong, “Ito ba ang puntod ng santo sa batis ng kaligayahan, at nagdadalamhati ka sa kanyang pagkamatay?”
   Hindi, ito ay puntod ng kabayo ko. Dito ko siya inilibing, at namatay siya sa kapaguran.” Ang paliwanag ni Kulas.
   “Hindi ako naniniwala,” ang pahayag ng bagong dating, “Walang sinuman na matino ang isipan na humahagulgol sa isang patay na kabayo. Sa aking palagay ito ang pook na kung saan ang mga milagro ay nagaganap, at nais mo lamang na masarili ang mga pakinabang.”
   Kahit na paulit-ulit ang mga paliwanag ni Kulas tungkol sa kabayo, hindi siya pinakinggan ng kausap na nagmamadaling umalis pababa ng bundok. Sa unang nayon na nadaanan nito ay kaagad ikinuwento ang puntod ng dakilang “santo” na nagpapagaling sa mga may karamdaman. Kumalat ang balita at hindi nagluwat, maraming mga manlalakbay ang nagsimulang magdatingan sa tuktok ng bundok. At unti-unti, ang pagkakatuklas sa Dambana ng Dakilang Santo ay kumalat hindi lamang sa mga lalawigan kundi sa maraming rehiyon. Patuloy ang pagdagsa ng maraming tao at patuloy din ang mga panalangin sa harap ng puntod. Isang mayamang pulitiko ang dumating at nakita ang matinding pagkahumaling at taimtim na pagdarasal ng mga tao. Naisip niyang magagamit niya ito para lalo siyang maging tanyag at maalaala tuwing may halalan. Nagpasiya ang pulitiko na magtayo ng rebulto at altar kung saan inilibing ni Kulas ang kanyang “dakilang santo.”
    Dahil sa mga nagaganap, nanglulumo na nagpasiya si Kulas na lisanin ang pook at hayaan na lamang ang anumang kahihinatnan nito.

Kapag ang kabatiran mo ay kapos at walang sandigan, lalong nadaragdagan ang iyong mga kalituhan sa patuloy na kamangmangan.

Ganito ang kadalasang nangyayari sa atin. May hinahanap tayong solusyon sa mga balakid at mga katanungan na hindi natin magawang harapin at masagot. Pilit nating ibinabaling ito sa iba upang sila ang lumutas para sa atin. Ang mag-usisa, pumuna, mamintas, at makialam sa buhay ng iba para lunasan ang mga kapighatian na ating nililikha sa ating mga sarili, maliban sa halukayin ang kaibuturan ng ating mga puso at tanggapin ang likas nating pagkatao, kaysa sumunod at gayahin ang iba. Ito ang ating kamalian na nagpapahirap sa atin, ang hanapin ang kaligayahan mula sa labas, sa ibang tao, sa materyal na mga bagay, sa mga panandaliang aliwan, kahit saanman. At ang nakakalungkot sa lahat, ay ang malimutan na ito ay nasa ating kaibuturan at laging kapiling natin.

Ano pa ang hihihintay mo? Palitan ang iyong iniisip, mga salita, at nang mabago ang iyong daigdig.

Jesse Guevara
Lungsod ng Balanga, Bataan

No comments:

Post a Comment