Friday, August 02, 2013

Matabil na Dila


Natutuhan ko na ang mga tao ay malilimutan kung ano ang sinabi mo, malilimutan din nila ang iyong nagawa, subalit hindi nila malilimutan magpakailanman kapag nasaktan mo ang kanilang damdamin.
Walang patutunguhan ang pagiging matabil ang dila. Marami itong kamag-anak; makating dila, madaldal, tsismoso/tsismosa, usisero/usisera, sanga-sangang dila, atbp.
   Lagi kong naririnig sa matatanda na pakaingatan ang iyong mga salita. Lalong higit kapag ito’y nakakasakit ng damdamin. Magagawa mong saktan ang buong katawan ng isang tao at makakalimutan niya ito sa pagdaan ng panahon, subalit ang saktan ang kanyang damdamin ay habang buhay niyang daramdamin.
  Ang katabilan ng dila o pagiging madaldal nang walang saysay ay isang kapahamakan. Mistula nitong ipinaparada o isinasambulat ang uri ng iyong pagkatao. Ang isda ay nahuhuli sa sariling bibig. Hangga’t matabil ay walang pakundangan ang iyong mga salita, ipinagkakanulo nito ang iyong sarili. At sa bandang huli, siyang maglalagay sa iyong kapahamakan.
  Pakaingatan na hayagang ipaalam ang mga higit na mahahalagang bagay tungkol sa iyo sa mga taong hindi naman mahalaga sa iyo. Nawawalan ng katuturan at naglalaho ang kariktan ng iyong pribadong buhay. Ang sigla at intensiyon na kalakip nito ay humihina at tumitigil. Mapanganib ito lalo na kung hindi pa nasisimulan at nasa pundasyon pa lamang ang iyong mga lunggati. Katulad ng pinapakuluang tubig, hangga’t patuloy mong binubuksan ang takip at pinasisingaw ito, hindi mapapabilis ang pagkulo nito. Gayundin sa mga balakin, hangga’t ipinapahayag mo ito, napaparalisa ang mga pagkilos. Nagagawa pa ng mga maagap na unahan ka at gawin ang iyong mga binabalak.
   May mga tao din na nagdiriwang na tulad ng mga buwitre mula sa ating mga ideya o balakin. Sinasamantala nila ito na kilatisin, punahin, husgahan, at baligtarin kung ano ang mahalaga para sa iyo. Ito ang magpapahina at magpapatigil upang masimulan ang anumang nais mong matupad. Makakabuting sarilinin muna ang anumang binabalak, pag-aralang mabuti, alamin ang magiging resulta bago iparada ang mga ito sa mga negatibo, usisero, miserable at palapintasing mga tao.
   Marami sa atin ay nalalaman lamang kung papaano pipintasan at papatayin ang isang ideya kaysa pahalagahan ang kapakinabangan nito sa nakakarami. Doon sa mga makikitid ang isipan, higit na mahalaga para sa kanila na huwag kang magtagumpay at tuluyang mabigo ka, kaysa ang umunlad ka at madaig mo sila.

Magsanay na maging malihim at tahimik upang ang iyong kasiglahan at pagpupunyagi ay magpatuloy na makamit ang minimithi mong tagumpay.


 Jesse Guevara
Lungsod ng Balanga, Bataan

No comments:

Post a Comment