Friday, August 09, 2013

Magagalitin




Ang mga tao ay walang kulang sa kanilang kalakasan, ang kulang 
ay ang kawalan ng paninindigan.

Pagkatapos ng sermon, napansin ni Pastor Mateo si ate Trining na hindi mapakali at tila naiinis ito sa kanyang sarili. Nilapitan niya ito at pinayapa ang bumabagabag dito.
   Kamusta ka na, ate Trining, may maitutulong ba ako sa iyo?
   Pauntol-untol na tumugon si ate Trining, “Ka-kasi… kasi, hindi ko magawang kontrolin pa ang silakbo ng aking damdamin. Kaunting bagay lamang, nagagalit na ako at tumataas pa ang aking boses. Hindi ako makapagtimpi. Papaano ko kaya malulunasan ang ugali kong ito?” at nakiusap ito, “tulungan mo naman ako Pastor, marami ang nagagalit at iniiwasan na ako.”

   “Mayroon kang bagay na kakaiba, at ito ang nangingibabaw sa iyong sarili.” ang pahayag ng Pastor, “Ipakita mo nga kung tunay na magagalitin ka.”

   “Kung nais mo Pastor na maipakita ko ang aking galit, hindi ko ito magagawa ngayon.” ang paliwanag ni ate Trining.
   “At kailan mo naman maipapakita ito sa akin, aber?” ang may pagtatakang tanong ng Pastor.

   “Lumilitaw itong kusa at hindi ko inaasahan!” ang may inis na tugon ni ate Trining.

    “Kung gayon,” ang pagtatapos ng Pastor, hindi ito ang tunay mong kalikasan. Dahil kung ikaw ito, magagawa mong maipakita ito sa akin ngayon, kung nanaisin mo lamang. Hindi ikaw ito, ipinanganak kang wala ito sa iyo, ang iyong mga magulang ay hindi ipinasa at ipinamana ito sa iyo;
   “Pakaisipin mong mabuti na higit sa lahat, ikaw lamang ang tanging may kontrol sa iyong sarili. Huwag mong payagan na nakokontrol ka ng silakbo ng iyong damdamin, dahil mapanganib ito at ikakapahamak mo.

Jesse Guevara
Lungsod ng Balanga, Bataan

No comments:

Post a Comment