Friday, August 09, 2013

Dalubhasa sa Kanyang Sarili




Walang sinuman na may karampot o may malawak na pangingibabaw sa sarili, kundi ang patuloy na maging dalubhasa sa sarili.

Ang pansariling kadalubhasaan ay isang disiplina na patuloy na nililinaw at pinalalalim ang ating sariling pananaw para sa ating kagalingan, ang ituon ang ating mga kalakasan, ang patatagin ang ating pagsisikhay, at ang tunay na makita ang katotohanan nang puspusan.

Kilala mo ba ikaw?
   Ang maging dalubhasa sa kanyang sarili ang magpapatunay para lubusan mong makilala ang iyong sarili. Hangga't wala kang kawatasan kung ano ang iyong mga kalakasan at kahinaan, pakiramdam sa iyong mga emosiyon, at angking mga katangian. Kailanma'y hindi mo malalaman kung saan ikaw patungo.

10 Patunay na Dalubhasa Ka sa Iyong Sarili
1-Siya na kinokontrol ang iba ay maaaring makapangyarihan, subalit siya na nagagawang magpaka-dalubhasa sa kanyang sarili ang higit na makapangyarihan sa lahat.

2. Hindi mo kailanman makakamit ang pagiging dalubhasa kung iniidolo mo at ginagaya ang mga kagawian ng iba, sinusunod ang mga kaugalian at mga tradisyon na walang kinalaman kung saan ka nagmula. Ang mga tupa ay ginagawa ito. Ang walang bait sa mga  sarili ay mistulang ipa na tinatangay ng hangin. Ang mga gising at dakilang pinuno lamang, ang tahasang iniiwasan ito.

3-Marami ang nakakaalam ng tamang daan, ngunit iilan lamang ang nagnanais na taluntunin ito.

4-Ang tao na nagpaka-dalubhasa sa kanyang sarili ang madaling nakakaiwas sa kapanglawan at nakakatuklas ng kasiyahan. Hindi ko nais na ako’y biktima at kinokontrol ng aking mga emosiyon. Nais kong pakinabangan sila sa aking pagyabong at hindi sa paurong at nakakapinsala. Ang tamasahin at dominahan sila upang ako ay palaging magtagumpay.

5-Siya na mahinahon bago magalit ay nakakahigit sa mga maykapangyarihan; at may pagsupil sa kanyang ispirito kaysa pagsakop ng lungsod. Kawikaan 16:32

6-Ang panata ay nakapako na at walang pagbabagong determinasyon na gawin ang isang bagay; kapag ang determinasyong ito ay kalakip ang paggiging uliran, ito ang hahango at magtataas sa sinumang may panuntunang tulad nito.

7-Siyamnaput-siyam na porsiyento ng mga kabiguan ay nanggagaling mula sa mga tao na mahilig bumigkas ng mga kadahilanan. Isang uri ng pag-iwas ito na gampanan ang tungkulin kung bakit lumitaw ka sa mundong ito.

8-Kapag may nais ka ay may kapaaranan, ngunit kapag hindi mo nais ay maraming mga kadahilanan.

9-Kung nakagawa ka ng mga kamalian, kahit na matitindi pa, laging may pagkakataon na makabangon ka. Ang tinatawag nating kabiguan ay hindi ang iyong pagkakadapa, kundi ang pananatili at naghihintay na may umalalay.

10- Kung anuman ang kailangan mong gawin at paraan para ito magawa ay sukdulang napakasimple lamang. Nasa iyong kapasiyahan kung gagawin o hindi gagawin ito. Alinmang piliin mo dito, ay tama ka.

Tagubilin: Kailangang matutuhan na hindi mo mauutusan ang mga bagay, kundi ang magawang utusan ang sarili lamang, na kung saan may higit kang kontrol dito, hindi ang ipagpilitan ang nais mo sa iba at kontrolin sila, pagmumulan pa ito ng alitan, bagkus ang hubugin at magpaka-dalubhasa sa sariling kapakanan: at ang mga bagay ay mapapasunod ng sinuman na naglilingkod sa Katotohanan; ang mga tao ay hinahanap ang patnubay ng sinuman na dalubhasa sa kanyang sarili


Jesse Guevara
Lungsod ng Balanga, Bataan

No comments:

Post a Comment