Thursday, August 08, 2013

Kailangan ang Promosyon




Ang makinig sa sabi-sabi ay walang bait sa sarili.

May batang lalake na naglalakad para bumili ng pandesal, nang rumaragasang dumaan ang kotseng sinasakyan ng alkalde ng bayan. Halos mabingi ang mga tao sa lakas ng wang-wang nito. Lahat ay nagpupuyos sa galit dahil maaga pa, at ang karamihan ay natutulog. Nanggagalaiti ang bata sa ngitngit, nang halos madagil siya ng kotse sa gilid ng daan.
   Ang dahilan kaya makapangyarihan ang meyor natin ay sapagkat nakipagkasundo siya sa demonyo,” –ang sumbat ng isang manang na saradong katoliko habang nag-aantanda ito. Pasensiya ka na totoy dahil lasing na sa kapangyarihan ang meyor natin!” ang paala-ala ng manang sa bata.”
  Habang hawak ang supot ng mga pandesal, narinig niya sa isa sa mga namimili ng pandesal sa panaderya na itinaas na naman ng meyor ang presyo ng mga tinapay.
   Bakit ate, siya din ba ang may-ari ng panaderyang ito?” ang tanong ng bata.
   “Oo naman, halos lahat na ng mga negosyo dito sa atin ay pag-aari niya, at kung hindi naman ay kasosyo siya!” ang bunghalit ng babae sabay alis nitong nagdarabog.
    Nang umagang iyon, habang papasok ang bata sa paaralan, naparaan siya sa isang malawak na bukirin ng mais. Tinanong niya ang magsasakang nakasakay sa kalabaw kung sino ang may-ari ng bukid.
   “Lahat ng natatanaw mo iho, ay pag-aari ng meyor natin. At nakamit niya ang lahat ng ito, dahil ang demonyo ang kasosyo niya.” ang pagalit na tugon ng magsasaka.
   Kinahapunan, isang magandang dalaga ang pakendeng-kendeng na nilampasan sa paglalakad ang bata. Matindi ang kloreteng nakapahid sa mukha at humahalimuyak sa pabango. Napansin din ito ng pari na naglalakad sa kabila ng daan at pasinghal na nagsalita, “Ang babaeng iyan ay padala ni Satanas sa meyor natin!”
  
   Mula noon, ipinasya na ng bata na makausap ang demonyo. Nagnanasa rin siyang maging makapangyarihan tulad ng meyor. Araw-araw pagdating sa bahay, mabilis na pupunta sa kanilang bakuran, magtatago sa tabi ng punong-mangga, at uusal ng, “Demonyo, kailangan kita. Magpakita ka sa akin!”
   Isang araw, matapos niyang usalin muli ang mga kataga, biglang lumitaw si Satanas sa kanyang harapan. Hindi man lamang nagulat ang bata at mabilis na tinanong ang demonyo.
   “Ang sabi ng mga tao ay magagawa mong makapangyarihan, mayaman, at maganda ang sinuman! Totoo ba ito?
   “Sa totoo lamang, ipagtatapat ko ito sa iyo,” ang pakli ng demonyo. “masyado kang nakikinig sa mga sabi-sabi ng matatanda. Bata ka pa at huwag mong gayahin sila. Pinipilit lamang nilang maniwala ka at maging masama na katulad nila. Kumg sabagay, kailangan ko ngayon ang promosyon para lalong maging tanyag sa lahat!” ang patutsada ng demonyo at mabilis na naglaho.


Jesse Guevara
Lungsod ng Balanga, Bataan

No comments:

Post a Comment