Tuesday, August 06, 2013

Bungisngis #33


Patalinuhan lamang
Dalawang lalake ang umiinom sa Kilitian bar. Isa dito ang lasing na at naghahamon ng pustahan sa katabing lamesa, “Pp-pustahan t-t-tayo, hik, sa halagang Ᵽ500 na magagawa kong, hik, kagatin ang aking mm-mata.”
  Nag-isip ang pangalawang lalake na imposibleng magawa ito ng kaharap at lasing pa. 
   "Madaling kuwarta ito mula sa isang lasing," ang bulong nito sa sarili. Kaagad tinugon ng lalake ang hamon ng lasing.     
Sige, pustahan tayo!”
  Dinukot ng lasing ang kanyang peke at holen na kanang mata at kinagat ito. Walang nagawa ang pangalawang lalake na pailing-iling ang ulo habang ibinibigay ang Ᵽ500 sa lasing.
   Maya-maya pa naghamong muli ang lasing, “Kk-kung nais mm-mong manalo, hik, pustahan muli t-tayo, Ᵽ1000 naman, hik, para mabawi mo ang nn-natalo sa i-iyo, at hik, mmananalo ka ppa ng Ᵽ500.”
   Papaano?” Ang nakunot-noo na singhal ng natalo sa lasing.
    Mm-madali la-lamang, hik.”
    Ano naman ang iyong hamon ngayon?” ang urirat ng pangalawang lalake.
   “Na m-makakagat kong mm-muli ang isa, hik, ko pang mmata.” Ang paghahamon ng lasing.
   Nag-isip ang lalake na imposibleng magkaroon ng dalawang pekeng holen ang lasing, dahil hindi na ito makakakita pa. Mabilis na sinagot agad ang panibagong hamon at buong kumpiyansa na, …sa pustahang ito tiyak na magwawagi siya. “Mababawi ko ang Ᵽ500 na natalo sa akin at mananalo pa ako ng Ᵽ500. Kuwarta na ‘to!” Ang usal nito sa sarili.
   Halos lumuwa ang mga mata ng pangalawang lalake sa pagkabigla, nang mapansin ang lasing na iniluwa ang pustisong mga ngipin mula sa bunganga nito at ikinagat sa kanyang kaliwang mata.
   Mabilis na tinanggap ng lasing ang panalo at pasuray-suray na lumabas ng bar at umuwi na.
   Biglang tumahimik ang ingay sa bar, at sinundan ito ng malakas na tawanan nang makita nila ang natalong lalake, na nakatulala at naihi sa salawal.

Ang magbiro sa lasing ay duling, umiwas at huwag pansinin dahil kapag pumatol may aanihing bukol.


Jesse Guevara
Lungsod ng Balanga, Bataan

No comments:

Post a Comment