Friday, August 09, 2013

Masusukat ba ang Pag-ibig?




Mabagal ang panahon para doon sa mga naghihintay, napakabilis para doon sa mga natatakot, napakatagal para doon sa mga nagda-dalamhati, at napakaikli para doon sa mga nagbubunyi, subalit para doon sa mga umiibig, ang panahon ay magpakailanman.

Ang makakayang sukatin ang dakilang pag-ibig.

Sa isang restoran, dalawang magkaibigan ang masinsinang tinatalakay ang buhay may-asawa. Ang samo ng isa, “Lagi kong nais na malaman kung may kakayahan akong mahalin din ang aking asawa katulad ng marubdod na pagmamahal na idinudulot mo sa iyong asawa.”

   “Wala ng anumang iba pa, basta ang umibig,” ang maliwanag na tugon ng pangalawa, “Ang pag-ibig ang nagpapainit at nagpapanatili ng pagmamahal. Ang sikreto lamang ay araw-araw na iniibig mo ang iyong asawa. Katulad ng hardin ng mga bulaklak, patuloy mo itong dinidiligan at pinayayabong, upang lalong tumingkad ang mga kulay at maging napakaganda.”

   “Nalalaman ko ito, ngunit papaano ko mauunawaan kung ang aking pag-ibig ay sadyang sapat na at nakapagpapaligaya?” ang samong muli ng isa.

   Tanungin mo ang iyong sarili kung husto at ganap mong naibibigay ang iyong sarili, o, tumatakas ka at nangingibabaw ang makasarili mong mga emosiyon kaysa ang magpaligaya ng iba. Sapagkat ang pag-big ay hindi nasusukat kung maliit o malaki, mababaw o malalim, at may katapusan. Ito ay simpleng pagmamahal na walang kupas at walang hangganan;
   “Hindi mo magagawang sukatin ang iyong damdamin katulad ng paraan kung papaano sinusukat ang haba ng daan. Kung ginagawa mo ang paraang ito; palagi kang makikinig sa ilang kuwento, at gagayahin ang iba, sa halip na isinusulong mo ang iyong tunay na damdamin hanggang sa abot nang iyong makakaya. Habang tumatamis lalo kang umiibig. Ikaw lamang ang higit sa lahat ang makagagawa sa uri ng pagmamahal na ipadarama mo.”


Jesse Guevara
Lungsod ng Balanga, Bataan

No comments:

Post a Comment