Noong
unang panahon sa kaharian ng Dinalupihan, sa Bataan, ay may isang Raha na
tanyag sa kanyang kabutihan at laging pinupuri ng kanyang mga nasasakupan at mga
kalapit na kaharian. Isang araw, nagpasiya itong magtayo ng isang palasyo na
magpapakilala ng kasaganaan at kahusayan niya sa pamamahala.
Subalit ang napili niyang pook na pagtatayuan
ay may isang lumang dampa. Makasisira ito sa tanawin na kanyang iniisip. Mabilis na inutusan
ng Raha ang kanyang datu na pakiusapan ang matandang lalake na may-ari ng dampa, na
ipagbili ang lupa na kinatatayuan ng dampa upang magiba ito. Maraming
pabalik-balik sa dampa at mga pakiusap ang ginawa ng datu sa matandang lalake, ngunit pawang kabiguan lamang. Sadyang
napamahal na sa matanda ang dampa at hindi magawang iwanan ang lupa na minana
pa sa kanyang mga ninuno.
Maraming lakan at mga datu ang nag-unahang
magmungkahi sa Raha. Lahat ay nagsasabing magpadala ng mga kawal at hulihin na
lamang ang matanda, ikulong dahil sa pagsuway sa Raha, at gibain na ang dampa.
“Hindi
maaari. Hindi ko magagawa ang mungkahi ninyo.” ang masidhing
pagtanggi ng Raha. “Magiging katibayan ang
palasyo ng aking pagkakakilanlan at pamana
sa aking mga nasasakupan. Kapag nakita nila ang aking magandang palasyo,
masasambit nila na tunay at dakila akong
pinuno. At sakali namang mapagmasdan nila ang lumang dampa, masaya nilang
idurugtong na: makatwiran ako, sapagkat iginagalang
ko ang kagustuhan ng aking mga nasasakupan.”
Jesse Guevara
Lungsod ng Balanga, Bataan
No comments:
Post a Comment