Sunday, July 28, 2013

Dalisay na Kaisipan


Upang patuloy sa pagyabong ang iyong ispirito, kailangang iwaglit ang mga istoriya ng iyong nakaraan para ang sansinukob ay makasulat ng panibago at makakatulong na istoriya.

Katulad ng puno na sa lamang tapayan o banga, para ito masidlan ng bago at dalisay na tubig, kailangan alisin ang naimbak at naglatak ng tubig sa matagal na panahon. Hindi malalagyan ng bago ang anumang bagay na puno na, dahil tatapon lamang ito. Kahalintulad ng mga maling paniniwala, kung ito ay wala na sa panahon, hindi na nakakatulong, at sadyang mali, kailangan nang alisin at mapalitan ng bago, tama, at naaayon sa makabagong panahon.
   Kung nag-iisip tayo o nais magsalita ng negatibo at nakakasakit ng damdamin, kahit naniniwala tayong hindi natin ito sinasadya, ang aksiyong ito ay nagdadala ng enerhiya na lumilikha ng mga kaganapan sa ating kapaligiran. Bawa't bagay na ating iniisip ay isang sanhi (cause) na lumilikha ng epekto o kaganapan (effect). Kung patama-tama at walang direksiyon ang ating kaisipan, madali itong mahalina ng mga bagay na walang katuturan at hindi nakakatulong sa ating pagkatao. Ito rin ang dahilan kung bakit mailap ang tagumpay at hindi natin makamit.

Tatlong kategorya ang nakapaloob ditto: (1) negatibong pagkilatis sa sarili, (2) pagkagalit o pagkainis sa sarili, (3) at hindi mapatawad na mga kasalanan sa sarili.

   Walang kumpiyansa sa sarili, mahiyain, may mababang pananaw, matinding kahihiyan, at kawalan ng pag-asa ay mga negatibo na pinayagang umiral sa sarili at nakaugalian na. Hindi ito mga totoo. Hangga't may hininga may pag-asa. Hangga't may panalangin may pagpapala at biyaya. Habang nagtitiyaga may nilaga. Lahat ng mga bagay na sinasabi mo sa iyong sarili ay siyang makapangyayari at magtatakda ng iyong kapalaran. Maging mabuti o masama man ito, habang patuloy mong inuusal ay siyang magaganap. Kung mag-iisip din lamang tayo, yaon lamang mga bagay na makakatulong at makapagpapaunlad sa ating kapakanan at maging sa mga mahal natin sa buhay.
   Anumang bagay na lagi mong pinagtutuunan ng pansin o atensiyon ay lumalaki. Magigising ka na lamang isang umaga, na ikaw na pala ang lagi mong iniisip. Maging gising tayo sa tuwina at pakapiliin ang mga bagay na ipinapasok sa ating isipan. Sapagkat anumang inilalagay mo sa iyong utak, ito rin ang siya mong ilalabas. Mula sa isipan, ito ay magiging salita, at susundan ng mga pagkilos, at siyang magtatakda ng iyong kapalaran. Kung nais mong mabago ang iyong kapalaran, baguhin mo ang iyong mga iniisip. Baguhin mo ang iyong mga kataga at mababago ang iyong buhay.

Ito ay nakasulat at nakatakdang maganap.

Jesse Guevara
Lungsod ng Balanga, Bataan

No comments:

Post a Comment