Sunday, April 22, 2012

May Kalayaan Ka ba?



   Papaano ba matatawag na malaya ang isang tao? Yaon bang nagagawa niya ang lahat niyang maibigan? At kung may nais siya, nakukuha o nabibili ba naman niya ito? Kung wala siyang sapat na salapi, lumilitaw, wala siyang kakayahan na maging malaya. Subalit ayon sa mga dalubhasa, ang kalayaan ay may kaakibat na responsibilidad, hangga’t nagnanasa kang maging malaya, lalong bumibigat ang iyong mga responsibilidad, sa dahilang marami din ang nagnanais na matularan ang nangyayari sa iyo. At sa puntong ito, magkakaroon ng tunggalian na nagwawakas sa paghahari ng isang malakas na pangkat laban sa mahinang pangkat, ng mayaman laban sa mahirap. Nangyayari ito sa ating lipunan – sa magagandang eksklusibong mga subdibisyon laban sa mga iskwater. Mga grupo (foundations, associations, chambers of commerce, exclusive clubs, etc.) ng mayayaman laban sa watak-watak na mahihirap. Kaya lalong may yumayaman at lalong may naghihirap. May malaya at masagana na makuha ang lahat ng maibigan, at may nakabilanggo laging kinakapos at walang kakayahan sa mga pangangailangan.

   Isipin natin na may isang batang babae, si Ana, na hindi nakapag-aral ay nangahas na tumugtog ng gitara. Dinampot ang isang gitara at paulit-ulit na kinalabit ang mga kuwerdas nito, at pinipilit na magpatunog ng nais niyang mga tunog. Walang nagbabawal sa kanya na gawin ito, kaya “malaya” siya na patugtugin ang gitara hanggang gusto niya, at pasakitin ang ulo ng kanyang mga magulang, at maging mga kapitbahay.
   Ang tanong: Malaya ba siyang gawin ito, o may kakayahan ba naman siyang lumikha ng magagandang sonata o himig mula sa gitara? Kaya ba naman niya tumugtog ng usong himig na kinawiwilihan ng iba? May kakayahan ba ang kanyang mga magulang na pag-aralin siya sa konsebatoryo ng musika sa isang pamantasan? Hindi, laluna’t mahirap lamang sila. Hindi malaya si Ana kung responsibilidad ang aalamin tungkol dito. Sapagkat nakabilanggo siya sa kahirapan at kamangmangan.
   Upang maging bihasa sa gitara, nangangailangan ito ng maraming araw at kung minsan ay buwan o taon na madisiplinang pagsasanay sa pagkalabit ng gitara. Hindi pa niya alam ang mga panuntunan kung papaano kakalabitin ang mga kuwerdas, magbasa ng mga sonata ng musika at laruin ito sa kanyang kamalayan upang magkaroon siya ng mahusay na kabatiran, bihasang mga daliri, at umiindayog na balikat at mga braso. Kung magagawa niya ito, magiging sapat ang kanyang kalayaan na mapatugtog ang gitara. Dito lamang niya tunay na matatamasa ang kalayaan para sa kagalingan. Ito ay sagradong karapatan natin ayon sa ating Saligang-Batas. Bawa't isa sa ating ay may kalayaang piliin kung saan tayo magiging magaling at eksperto.

   Bawa’t antas ng kalayaan ay may katuwang na mga responsibilidad. Kung mahirap ka at nais mong makalaya mula dito, kailangan mong magsikhay sa buhay upang matugunan ang iyong mga pangangailangan, edukasyon, paggalang ng iba, matiwasay at masaganang pamumuhay. Resposibilidad mo ang matinding pagdisiplina sa iyong sarili upang magtagumpay ka na makamtan mo ang mga ito. Kung mangmang ka at may katamaran sa bagay na ito, mistula kang bilanggo ng iyong walang kakayahan at kakapusan.
   Mga tanong: Para saan ka ba? Ano ba ang nais mo sa buhay? Saan ka ba patungo? Bakit ka lumitaw sa mundo? Hangga’t wala kang kabatiran sa mga ito, bilanggo ka ng iyong kamangmangan. At kung nakapag-aral ka naman at hindi nagagamit ang iyong pinag-aralan, hindi ka lamang bilanggo, nasa hanay ka na para bitayin sa silya-elektrika. Dahil ang mga katulad mo ang nagpapahirap sa ating lipunan. Nasa pangkat ka ng mga tulog, natutulog, at nagtutulog-tulugan.

   Sa relihiyong ating kinamulatan, ayon sa mga itinuturo nito; ang ating layunin ay tuklasin, alamin, at mahalin ang Diyos. Kadalasan ang katanungan ay “Ano ang pangunahing destinasyon ng tao?” at marami ang sumasagot dito na, “Ang makita ang kaluwalhatian ng Diyos sa langit, at tamasahin siya magpakailanman.” Kaya nga, habang nabubuhay tayo, kailangang mahalin, tuklasin, dakilain, at tamasahin ang Diyos nang walang hanggan. Maliban sa ating mga sarili. At isama na rin dito ang pabuya, na tayo ay maliligtas at mapupunta sa kalangitan kapag ginawa natin ito. Dahil kung hindi susunod sa patakarang ito, sa kumukulong asupre ng impiyerno ang babagsakan mo.
Ang tanong: Tama ba at makatwiran ito? Hindi.

  Ang isinasaad na tunay ay wagas na masumpungan mo ang iyong "relihiyon" sa iyong sarili lamang at isagawa ito ng buong puso. Walang nakikialam, nagsusulsol, at nagdidikta sa iyo. Unawain natin ang malinaw na pahayag ni George Mason, nang walang pagsasalin:


   That Religion, or the Duty which  we owe to our Creator, and the manner of discharging it, can be directed only by Reason and Conviction, not by Force or Violence, and therefore all Men have an equal natural and unalienable Right to the free Exercise of Religion, according to the Dictates of Conscience, and that no particular religious Sect or Society ought to be favored or established by Law, in Preference to others.         -George Mason, American Founder

   Ang isang malayang lipunan ay nagpapahintulot sa atin na magmahal, tumuklas, at tamasahin ang Diyos, nang walang mga kautusan, mga kundisyon, mga pagbabawal, at mga kahatulan. Lalo na kung matinding papahirapan ang iyong kaluluwa nang walang hanggan. Nilikha ang tao na kawangis ng Diyos at binigyan niya ito ng malayang kaisipan. Bakit nang magkamali ay paparusahan? Perpekto ba ang tao at hindi na magkakamali? Kaya nga nilikha ang lapis na may pambura. Walang magulang na nagpaparusa sa kanyang anak nang walang hanggan. Higit pa kung pupuksain niya ito para dito. Ang Diyos ay pag-ibig. Siya ay mapagpatawad. Hindi siya pumapatay at nagpaparusa. Siya ang Ispiritong nasa kaibuturan mo. At malaya kang tuklasin Siya sa iyong sarili.
   Ang katotohanan, nais ng Diyos na malayang matuklasan natin ang ating mismong Kaluwalhatian. Ang kilalanin nating maigi kung sino tayo. Sapagkat ang kanyang Kaharian ay nasa ating kaibuturan. At kung magagawa nating mahalin ang ating mga sarili ---magagawa nating mahalin ang ating mga pamilya, ang ating kapwa, ang ating pamayanan, ang ating bansa. Magagawa nating maging malaya na tuparin ang kagustuhan ng Diyos na mga kabutihan, na may moralidad, na may integridad, at maging uliran sa tuwina. Magagawa nating maging mabunga, magparami, at gampanan ang ating dominyon bilang tagapastol at tagapangasiwa ng Diyos sa lahat ng kanyang mga nilikha. Malaya tayong matututuhan na galangin ang ating mga kapaligiran, ang kalikasan at lahat ng nabubuhay dito.

   Winika ni Hesus na ang pinakadakilang kautusan ay ang mahalin ang Diyos, at ang pangalawa ay, mahalin ang iyong kapwa tulad ng pagmamahal mo sa iyong sarili. Ang pagmamahal na ipinipilit sa iyo, kinukulayan ayon sa kagustuhan ng iba, na ipinagdu-duldulan ng mga kinaanibang mga relihiyon, idinidikta nang may pananakot ay tahasang ibinibilanggo ka.
   Upang buong pusong magampanan ang mga kautusan ni HesuKristo, kailangan tayo ay MALAYA!


  
Ang katotohanan ang siyang magpapalaya sa iyo.   
                                                                                                      –Juan 8:32
 
Jesse Guevara
Lungsod ng Balanga, Bataan


No comments:

Post a Comment