Friday, April 20, 2012

Mainam na Palaman

Kabanata 3

Ang AKO, tunay na Pilipino ay nakatalaga at tinutupad ang mga pangako nitong makapag-ambag sa ating mga kababayan ng karagdagang inpormasyon, natatanging mga inspirasyon, mga makabuluhang pamantayan, makahulugang buhay, at higit sa lahat ang masumpungan at maangkin muli natin ang ating Kaluwalhatian.

Ang aking paglilingkod:
Gagawin ko ang pinakamahusay na alam kong magagawa ko -  sa pinakamabisang paraan sa abot ng aking makakaya; at mataos na hangarin na panatilihin kong ginagawa ito hanggang sa wakas.

   Sa paglalakbay na ito, sumakay at kumapit nang mahigpit. Dahil narito na ang dingas na malaon mo ng hinihintay na makapag-papaalab ng iyong kumukutitap na pananglaw. Magsisilbing liwanag ito sa pagtahak ng napili mong matuwid na landas.
   Makiusod lamang at pumuwesto na . . .

Sa mga usapan o talakayan, iba na ang may nalalaman at maida-dagdag na kaalaman. Narito ang ilang palabok sa kuwentuhan na magagawang palaman. 

Pamamahala
   Ang magagaling na mga pinuno . . . ay sadyang walang itulak-kabigin sa bawa’t antas at linya ng anumang larangan na kanilang pinasukan, sila ay maituturing na mga maestro, sapagkat mapaggamit sila ng mga sanaysay, mga natatangi at makabuluhang mga kuwento, mayroong mabungisngis na patawa, at mga paglalarawan na kaibig-ibig.

   Ang mga pinuno na nagtatagumpay ay yaong naununawaan nila ang mga puso ng mga kaanib sa kanilang pangkat. Narito ang susi na nagpapakilos at batis ng pagtitiwala na sadyang nagpapasunod sa kanila.

   Kung ang bawa't isa sa atin ay ipagtatapat lamang ang pinakamimithing nasa, ang isa na nagdudulot at nagpapatighaw sa ating kauhawan sa lahat ng ating mga plano, sa lahat ng ating mga pagkilos, ay ang ibulalas natin ang: "Nais kong makita nila ang aking kahalagahan at ako'y purihin."

   Namumuhay tayo ngayon sa panahon na umiidolo ng mga atensiyon, mga pagpapatanyag, mga nagpapasikat sa media, at pataasan ng pogi points, na siyang pumipigil na makalikha ng imahinasyon. Ang likas nating katalusan (insight) ay lumilitaw lamang kapag huminto tayong hanapin ito.

Tamang Pakikitungo sa Negosasyon
   Isang magaling at tanyag na tao ang nagpahayag kung papaano makakahalina at maiging mauunawaan siya ng iba, ang nagsumikap at nagtiyagang matutuhan kung papaano ang makipag-negosasyon. Ayon sa kanyang palagay, ang pagkakasundo ay mapagtatagumpayan kung ito ay ng dahan-dahan, mapagtimpi at laging hindi tuwiran. Hindi karaka-rakang nanununggab at nagnanasang makuha kaagad ang gusto. Kailangang magiliw, mapaghintay, bumalik sa kinabukasan at uliting muli – at sa susunod pang araw.
   Ito ang kanyang mga mungkahi kung nais na maunawaan ka ng iba at magkasundo kayo.
1.       Unahing unawain mo muna ang iyong kausap, para ikaw ay maunawaan niya.
2.       Maging malinaw; sa iyong kaisipan ang iyong intensiyon, at tungkol sa kung anong talaga ang iyong pakay.
3.       Gawin ang iyong pag-aaral, magplano, upang ganap kang handa na talakayin ang bawa’t aspeto, ang tamang sagot sa bawa’t katanungan at komento.
4.       Maging makulit at matiyaga. Huwag umasa “na manalo” sa unang harapan. Ang una mong tungkulin lamang ay magawang pag-isipin ang kausap mo.
5.       Kaibiganin ang taong iyong kinakausap sa negosasyong ito. Ipaalam sa negosasyon na ang mga nakapaloob sa kasunduan ay para sa kanyang pangangailangan, kapakinabangan, at benepisyo.
6.       Ipakita ang iyong katapatan at sinsero sa iyong mga pangungusap.
7.       Panatilihin ang iyong kasiglahan at katatawanan sa iyong pakikitungo.

   Maraming pag-aaral ang nagsususog na kapag bumigkas ka ng tamang mga kataga sa tamang mga sandali, ay maraming mga positibong bagay ang kalalabasan nito. Isa sa pinaka-mahusay na resulta nito ay ang pagtitiwala. Kapag nagdulot ka ng anumang bagay sa isang tao na nagpapahiwatig na siya ay mabibiyayaan o para sa kanyang pangangailangan - maging ang taong ito ay ganap na estranghero - makaaasa kang ikaw ay pagka-katiwalaan niya, na ikaw ay matapat at mapanghahawakan ang iyong mga pangungusap. Dahil nararamdaman ng kausap mo na isa kang nagmamalasakit at makakatulong sa kanya. Ang paraang ito'y marami ng ulit na napatunayan at siyang ipinaiiral ng matatagumpay na mga ahente sa pagbebenta at negosyo.

   Kalimutan ang anumang nais mong ipaalam at pagtuunan ng pansin kung ano ang nais na marinig ng iyong kausap. Bagkus ay ang tanungin ang iyong sarili; Ano ba ang nais kong marinig kung ako ang nasa sapatos niya o nasa kalagayan niya?

   Magdulot ng kaibahan at baguhin ang araw ng isang tao - o kaya maging ang buong buhay nito sa pagsasabi ng mga tamang salita sa tamang mga pagkakataon, na nagmumula sa puso.
Pakatandaan: Katulad ng kumikinang na diyamante na nakapatong sa platong ginto na iniaalay ang isang kataga na binigkas sa tamang mga pagkakataon.

   Ang pinakamahirap na hawakan at dalhin sa buhay ay ang Kabiguan at Tagumpay. Karamihan sa atin, kapag nabigo ay napapahamak, at kung nagtagumpay naman ay naduduling.

  Kalimutan na unahin ang magpakasaya at laging makasarili. Tanungin lamang ang sarili; Papaano ko ba malilimutan ang aliwin ang aking sarili at sa halip ay ituon ang pansin ko doon sa mga nakatulong sa akin at mga nangangailangan ng aking tulong? Kailangan na ako naman ang nagbibigay kaysa binibigyan.

   Ang tagumpay sa buhay ay nakapaloob lamang kung ano ang ginagawa mo para sa iba. Walang saysay kung hindi mo nagamit at nabuhay ka sa araw na ito, hangga't wala kang nagagawa na anumang bagay kahit kanino na kailanman ay hindi ka masusuklian.

   Makakamit mo ang lahat ng naisin mo sa buhay kung ganap kang nakakatulong sa iba na makuha ang kanilang mga naisin. Maunang tumulong, magboluntaryo ng paglilingkod, dumamay, o ilawit ang kamay sa nangangailangan.

Huwag Maging Maramot
   Kung magiging makunat ka pa sa belekoy, nakakimis na ang dalawang kamay mo ay ibinulsa pang pareho, itoy dahil ayaw mong magbigay, at mayroon kang mentalidad ng kakapusan - na lahat ng nakikita mo ay mauubos, ang resulta nito'y lalo kang mauubusan! Subalit kung ikaw ay mapagbigay, at mayroon kang mentalidad ng kasaganaan, ang resulta nito'y lalo kang sasagana! Sapagkat anumang iyong ibinibigay ay ibayong mapupunan.

Wika ng aking ama, "Nabubuhay tayo sa ating natatanggap, at nililikha natin ang ating buhay sa ating ibinibigay." Tinandaan ko na ito mula noon, at ipinairal sa aking buhay. Katwiran ko, kahit na totpik o isang perdible ay wala akong madadala sa aking paglisan. Lahat ng bagay na nasa akin ay pawang pahiram lamang. At ang lahat ng aking nakikita ngayon, makalipas lamang ang 100 taon ay naglaho na, nalimot na, at wala ng makakaala-ala. Ito ay nakasulat at siyang katotohanan.

Sa Paglalakbay ay may Alituntunin
   Mayroong sinusunod na kautusan sa paglalayag na kung saan ang maliliit at madaling patakbuhing bangka ay kinakailangang magbigay daan sa malalaki at mabagal na pakilosing mga barko. Ganoon din sa mga sasakyan sa daan, ang mga kotse ay nagbibigay daan sa mga pangkargamento at malalaking trak. Naisip ko, magandang batayan ito at isang mabuting kaugalian na kailangang masunod pagdating sa pakikipagrelasyon sa mga tao.
    Kalimutan na ang buhay ay isang kompetisyon, na may nananalo at may natatatalo, na kailangang pahirapan mo ang katunggali o kakumpetensiya sa negosyo na malugi. Tanungin lamang ang sarili: Sino ba ang nararapat at sadyang nangangailangan na aking matutulungan, at papaano ko ito magagampanan?
   Ang solusyon: Gumawa ng malinaw na plano. Tahakin ang landas na ito, ayon sa nais na paglalakbay na magkasama hindi magkatunggali, upang makamtan ang parehong tagumpay. Sapagkat kung matutulungan mo ang iba na magtagumpay, magkakaroon ka ng matalik na kaibigan sa iyong tanang buhay. Kapag tumutulong ka, ay tinututlungan mo din ang iyong sarili. Ang tadhana habang tumutulong ka ay tinutulungan ka, binubuksan nito ang maraming pintuan at mga pagkakataon para sa iyo. Matibay at matatag na prinsipyo ito ng mga Hapon at mga Hudyo, kaya matatagumpay sila sa negosyo.

Makipagsapalaran, hanapin ang iyong kapalaran, huwag matakot na magkamali. Higit na mabuti ang may maling kapasiyahan kaysa walang kapasiyahan, laluna't buhay ang nakataya. Ang batong nakahimpil at hindi gumugulong, ay nilulumot. Ang gulok na nakasuksok ay kinakalawang at pumupurol. Gaano ka man katalino kung hindi mo ito nagagamit ay katulad ka rin ng mangmang na nasa isang sulok at nagmu-mukmok.

Ang isang hinahangaan kong tao, ay yaong kauna-unahang kumain ng talaba. Sadyang napakatapang niya. At siya' pinamarisan ng maraming tao. At isa ako rito, na paborito ang talaba.

Minalas na Kaisipan
   Ang may mga dakilang kaisipan ay tinatalakay ang mga ideya.
   Ang may mga karaniwang kaisipan ang tinatalakay ay ang mga pangyayari.
. . . at ang pinakamasaklap at talaga namang nakapanlulumo;
Yaong may mga makikitid na kaisipan na pawang tsismis, pelikula, artista, at mga kutitap ang inaatupag. Hindi kataka-taka, kung lahat ng ngitngit ng mga daluyong ay ihagupit sa kanila, . . . upang maghirap at magkaroon ng katakot-takot na mga karaingan sa tanang buhay nila. Litanya na nila ang laging dumaing.
BABALA: Sakali mang madikit ka sa mga taong ito, dagliang umiwas, tumakbong mabilis, huwag lilingon, at lumayo, magpakalayu-layo sa kanila nang hindi ka mahawa.

   Umiwas sa mga taong pinipilit na maliitin ka at pinipintasan ang iyong mga ambisyon. Ang maliliit at may makikitid ang isip ay palaging ginagawa ito, subalit yaong talaga namang mga dakila ay ipanaparamdam sa iyo, na ikaw man, ay magiging dakila na tulad nila. Luminya ka sa kanila, walang masyadong trapik dito.

Tandaan lamang: Hindi isang napakalaking pagkawala sa buhay na ito ang kamatayan. Ang pinakamalaking kawalan ay kung namatay na ang nasa kalooban natin habang tayo ay nabubuhay.
Bakit? Bunsod ng malabis na pag-uubos ng panahon sa sine at telebisyon. Napansin kong wala akong napapala dito. At unti-unti, namalayan ko na lamang na tumatanda akong nalilimutan ko ang nakatago kong mga katangian, tulad ng pagpipinta, pagguhit, mahalin ang aking pamilya, at isipin ang magpapaunlad sa akin. At nang ako'y magising, sinimulan ko ng magsulat upang higit kong maunawaan ito, kahit na mapurol ako sa larangang ito at walang kamuwangan. Hanggang may nakapansin at bumati. May nagbabasa din pala sa aking sinusulat, ang aking anak na si Rheena. Siya lamang ang aking tagasubaybay o follower. Maraming salamat, Rheena, at nagawa mong maging manunulat ako. Habang nariyan ka, ay magsusulat pa ako para sa ating mga kababayan.

Ang Kamalayan
   Ang malaking kaibahan sa pagitan ng matalino at mangmang ay ang limitasyon nito. Sa matalino, palaging nagsusunog ng kilay at nais na may matutuhan pa. Doon naman sa mga mangmang, naging eksperto na sila para dito, at sadyang pinag-igihan nang gawin itong propesyon.

May katotohanan, Ang Kamangmangan at Katamaran ay magkapatid. Bulong nga ng katabi ko, "Hindi lamang sa magkapatid, magkakambal pa tulad ng Siamese twin!"

At ito ang totoo: Kung talagang nais mong makagawa ng anumang bagay, makakahanap ka ng kaparaanan upang magawa ito; kung hindi naman, makakagawa ka ng maraming kadahilanan upang ito’y tahasang maiwasan.


Jesse Guevara
Lungsod ng Balanga, Bataan
Maraming artikulo na tulad nito sa mga nakaraang pahina. Pinaganda at isinaayos ito sa akotunayna pilipino.org (ginagawa pa). Laging dinadagdagan at may kasunod. Anuman ang iyong reaksiyon o may katanungan ay may paanyaya sa  wagasbalanga@gmail.com

No comments:

Post a Comment