Hindi lamang ang pagkakaroon ng matalinong kaisipan ang kailangan; ang pangunahing kahalagahan ay gamitin itong mabuti sa kapakinabangan.
Sa tuwing umuuwi ako sa Balanga, lagi akong dumaraan sa ihawan ng manok at bumibili ng aking maiuuwing mainit na ulam. Minsan, habang hinihintay kong maluto ang nagustuhan kong laki ng manok, napansin ko ang mga baga ay nagiging uling kapag nahiwalay sa apuyan. At para magsinding muli ang mga ito, ay isinasama doon sa mga nagliliyab.
Napagtanto kong ganito din ang nagaganap sa ating pananalig. Kapag nanghinawa at namuhay tayong hiwalay sa katotohanan, mistula tayong piraso ng uling na umalis sa apuyan at nawalan na ng dingas. Sa dahilang nawalay na tayo sa pagdiringas ng ibang mga gatong, wala na tayong kakayahan pang magliyab – at tulad nang inaasahan; unti-unting mawawala ang anumang nagpapaalab sa atin - hanggang makalimot tayo at tuluyan ng makatulog.
Sa ating buhay, hangga’t patuloy tayong humihiwalay at nagsasarili, ang ating init at ningning nito ay kusang naglalaho. Katulad ng mga uling na magkakasama at nagliliyab, bawa’t isa ay tumutulong sa iba na magdingas, maglagablab at ibayong mag-init kaysa nag-iisa. Masaklap ang mapag-isa. Wala pa akong nakilala na naging maligaya sa ganitong pagharap sa buhay. Makasarili at ang inaalintana lamang ay yaong kanyang pinatigasang pananaw. Nasa pagkakaisa ang ugat ng lahat. At ito ang nararapat, ang mamuhay nang sama-sama at aktibo na makagawa ng malaking kaibahan at makahulugang buhay.
Isang biyahe lamang ang kaya nating gawin sa makamundong buhay na ito. Ang kapasiyahang hinaharap natin ay kung mamumuhay tayo para sa ating Kaluwalhatian o, para sa ating mga sarili.
Ano ang iyong ginagawa sakalimang naging uling na ang iyong pananalig? Nawala na ang dating ningas at pag-iinit nito upang manatili kang masigla, masaya at umaasam ng magagandang pangyayari sa iyong buhay. Maaring may mahahapding kaganapan na nangyari sa iyo upang magtulak na mawalan ka ng pagtitiwala. O, maaari ding nagpapatuloy ka pa, subalit wala na ang dating kinang at silakbo nito.
Marami sa atin ang hindi nakakapansin nito, kung bakit patuloy tayong may mga bagabag, nalilito, at hindi maapuhap kung saan talaga patutungo.
Sa sandaling ito, ngayon, ay magtatanong ka sa iyong sarili; Nasa tama ba akong direksiyon ng aking buhay? Mayroong bang hindi tama sa takbo ng aking buhay, at patuloy akong malungkot? Mayroon!
Subalit sa sumandali ding ito, mauunawaan mo na magagawa mong baguhin ang iyong hinaharap sa pamamagitan ng pagbalik sa nakaraan tungo sa kasalukuyan. Ang nakaraan at hinaharap ay nangyayari lamang sa ating memorya. Ang kasalukuyang sandali ay nasa labas ng panahon. Walang hanggan ito. Hindi ang iyong nakaraan ang nakakapekto o magtatama sa kasalukuyan. Lumipas na ito at hindi na mauulit pa. Kung nais mong makatiyak sa iyong hinaharap, ngayon mo na ito gawin ... sa kasalukuyan.
Hindi pa huli ang lahat.
Ang kailangan lamang ay mamulat ang ating mga mata sa matagal na pagkakahimbing at makita nang tuluyan ang liwanag ng ating KALUWALHATIAN.
Ito ang ating dakilang misyon na nakatakda nating gampanan.
Ano pa ba ang hinihintay mo? Simulan na ito, ngayon!
Jesse Guevara
Lungsod ng Balanga, Bataan
Pahibik: Simulang basahin ang sumusunod na mga pahina.
No comments:
Post a Comment