Ang sanhi ng lahat ng kasakitan at pamimighati ay kamangmangan.
Sa barangay Kupang, dito sa lungsod ng Balanga ay may naninirahang dalawang guro na may malaking pagkakaiba sa kanilang pagkatao. Si Berning, ay isang instruktor sa isang pamantasan sa bayan ng Mariveles, at masigasig na sinusunod ang kanyang mga panuntunan sa buhay. Hindi siya umiinom ng alak o tumitikhim man nito. Nasa oras ang kanyang pagkain at maging sa pagtulog. Maingat sa mga kagamitan, kabuhayan, laging nakahanda sa anumang mga kagipitan at mga pangangailangan. Kasapi siya ng mga samahang naglilingkod sa pamayanan.
Samantalang si Erning ay nagtuturo naman sa kolehiyo dito sa Balanga, subalit karaniwan lamang ang pagtunghay niya sa buhay. Laging nasa mga kasayahan at pagliwaliw ang inaatupag. Sinusunod ang bawa’t maibigan niya, kung nais umidlip, ay matutulog, kung titikim ng ulam, ay kumakain, at kung nais niyang maglibang, ay nagpapakalunod sa aliwan. Bulagsak siya sa buhay, at kung dumarating ang mga kagipitan at mga pangangailangan, madalas ang takbuhan niya ay si Berning upang mangutang. Wala siyang pakialam sa iba, at patunay ang pagiging makasarili niya sa buhay. Anupa’t malayo ang pagitan nila kung sa disiplina at pamamaraan sa buhay ang pagbabatayan.
Isang araw, pumasyal si Berning sa bahay ni Erning, na nagkataong umiinom ng lambanog sa umagang ito. Ang ayaw ni Berning sa kaibigan, ay ang maglasing sa araw pa naman ng Linggo.
Napailing ito sa nakita, nang maunang bumati si Erning, “Kamusta ka kaibigan, mabuti naman at nadalaw mo ako. Umupo ka dine sa tabi ko at mag-inuman tayo!” kasabay ang pag-abot ng isang basyong baso kay Berning.
“Kailanman ay hindi ako umiinom ng alak, alam mo iyan!” Ang pasinghal na iwas ni Berning, sabay tulak sa baso.
Napailing si Erning at nagpasaring,“Mahilig ka rin lamang bumanggit ng tungkol sa ispirito, bakit ayaw mong tumungga ng alak? Gayong may ispirito din ito. Tulad ngayon, ang lambanog na ito’y may 80 porsiyentong ispirito, o 80 percent proof,” ang paliwanag ni Erning, “Sige na pagbigyan mo ako, nang mahimasmasan man lamang ka paminsan-minsan!” ang pangungulit nito sa kaibigan.
“Ang lasinggero ay hindi matatanggap na may ispirito at hindi masasabing tao,” ang pag-uusig ni Berning.
“Anong ibig mong sabihin? ... na ako ay hindi tao, dahil ba ang kinawiwilihan ko ay mga nakalalasing na mga ispirito? Bah, hindi ako lasinggero!” bulyaw ni Erning sa galit. “At kung hindi ako tao, ay ano ako?”
“Ispiritista!” ang tugon ni Berning.
-------
Marami sa atin ang ispiritista. Mga paru-paro at balimbing sila kung turingan. Makikita sila sa mga simbahan, nagtitipon-tipon at tila nagdadasal. Malaking bahagi sila ng kapisanang KBL, hindi ‘yong partido ng diktador na si Marcos, bagkus sila ang laging makikita tuwing may Kasal, Binyag, at Libing. May kasunod pa ito, sila yaong karamihan na tuwing may mahal na araw ay nagpapadugo at nagpa-papako sa kurus, para daw sa mga turista. Mahihilig sa maramihang dasalan, lantarang pagluhod at palahingi ng basbas (may potograpo, para dramatik) sa mga nagpapanggap na mga propeta, lalo na tuwing may halalan. Makadiyos ang pakilala nila, ngunit pagmasdan sila at balintuna ang mga ginagawa. At doon sa mga pulitiko, karamihan sa kanila ay mga ispiritista.
Jesse Guevara
Lungsod ng Balanga, Bataan
No comments:
Post a Comment