Monday, April 30, 2012

Ang Maglingkod ng Tapat



Alalahanin lamang na, sa dami ng ating mga natatanggap, ay gayundin sa dami ang inaasahan mula sa atin. At ang tunay na paglilingkod ay nanggagaling mula sa puso, binibigkas ng mga labi,
at isinasagawa ng walang pagmamaliw.

Mabisang mga Baitang sa Tagumpay

                          Baitang 10 
       Mapaglingkod sa Kapwa

   Sa kanyang tanyag na sanaysay sa“Compensation,” isinulat ni Ralph Waldo Emerson na ikaw ay laging binabayaran sa buhay ng eksaktong proporsiyon sa halaga ng iyong kontribusyon. Kung nais mong madagdagan ang dami ng iyong mga gantimpala, kailangang damihan mo din ang kalidad at kantidad ng iyong mga resulta. Kung nais mong marami kang mailabas, ganoon din karami ang iyong ipapasok.
   Kung naghulog ka sa alkansiya mo ng piso, huwag mong pagtakhan sa panahong kukunin mo ito at piso pa rin ito. Sa bawa’t pagod o paglilingkod ay may katumbas na sahod o pagkalugod. Pinagyayaman nito ang kalidad ng iyong mga personal na relasyon, at makabuluhang pinalalalim ang iyong emosiyonal na koneksiyon sa mga taong pinapahalagahan mo. Dahil kung wala kang kabatiran sa mga dangal at pamantayan ng mga taong kahalubilo mo, paghandaan mo ang dulot na mga kapighatian nito.
   Sa katunayan, ang pinakamabisang relasyon na maipadarama ay ang magparaya, magbigay, at maglingkod. Laging mula sa sariling puso, palabas tungo sa puso ng iba. Hindi yaong palahingi at laging kumakabig. Kung ang ugali ay laging ganito, walang magtitiyaga dito, kundi yaong mga balasubas, maaklaw, at mga gahaman lamang.
    Hindi tayo binigyan ng Diyos ng mga katangian, mga talento, at mga napag-aralang mga kakayahan, o maging ng dangal at integridad -  para sa ating mga sarili lamang. Tayo ay bahagi ng isang pamayanan, na bumubuo sa isang lipunan, at kumakatawan sa isang bansang Pilipinas. Tayo ay mga mamamayan at magkakababayan sa isa’t-isa; at bawa’t bagay na ibinigay sa isa ay ibinigay sa lahat. Ang karunungang natamo ng isa at itinuro sa isa o sa marami ay biyaya ng lahat. Pandama ng kalingkingan ay nadarama ng buong katawan. Hindi ko hinuhugasan ang aking mga paa para maging mas maganda pa ito sa aking mukha.
                                     
                                    Sa ganang akin:
   Hindi ako nag-aral na ang pangunahing layunin ay makakuha ng magandang grado, kundi ang matuto. Hindi ako nagpapakabuti at nagbibigay ng donasyon sa simbahan upang makapunta sa langit, kundi ang maglingkod nang walang inaasahang kapalit o kabayaran man. Kung mapunta ako sa langit, salamat. Kung hindi naman, maraming salamat. Ang makapangyarihan sa akin ay hindi ang langit, bagkus ay ang kilos ng Pag-ibig.  Dahil sa Pag-ibig, ay higit akong nasisiyahan at libangan ko ang makagawa ng kaibahan sa aking kapwa. Ang lahat ay patungo sa paglilingkod; nagkakaroon ako ng malinaw na patutunguhan, matibay na pananalig, at malaking pagtitiwala sa aking sarili.Tulad ng pagsusulat, napansin ko na habang patuloy ko itong ginagawa, marami akong natututuhan.

Pakaiwasan ang Maging Makasarili
   Hindi ikaw nabubuhay lamang para sa iyo bilang hari ng iyong sarili; at walang higit na makapangyarihang  nangingibabaw sa iyo. Dahil ang kauuwian nito ay ang maging alipin ka ng ibang tao o estranghero ng sarili mong samahan o kinalalagyan. Kung nais mong nag-iisa, madalas ay iiwanan ka ng iba. Kung hindi ka tumutulong, walang makakatulong sa iyo. Ang lahat ay nasa pagtutulungan lamang. Sa bawa’t larangan na iyong papasukin, mayroon laging umaalalay sa iyong mga tao, laging nasa likod mo at umaasiste sila sa iyo. Hindi ka makakarating sa iyong pupuntahan kung wala sila. Makatarungan lamang na suklian mo ang mga nagawa nila. Pagmasdan ang iyong kapaligiran, lahat ng iyong kagamitan, kasangkapan, at sasakyan, ay gawa ng mga tao. Kung wala sa iyo ang mga ito, paralisado ka at mabagal na makatapos sa mga gawain mo.
    Binanggit ni Karina Pollock ng Nuweba York, na ang susi sa kalidad ng matatagumpay na tao, ay nagsisimula silang lahat sa ibaba, karamihan sa kanila ay nagdarahop at walang panustos na kabuhayan, subalit ang malaking kaibahan ay sa simula ng kanilang buhay, pinangatawanan na nila ang magdulot ng karagdagang panahon, pagtitiis, pagtitiyaga, at paglilingkod (extra mile) sa lahat ng kanilang ginagawa, at kasama dito ang pagmamalasakit  at pagdamay sa iba.
   Ayon sa kanya, ang paglilingkod sa kapwa, ay wala ng iba pang dahilan kundi ang hangarin na makatulong sa iba. Nagagawa nitong pasiglahin ang pagmamahal at pagpapahalaga sa iyong sarili. Nakakatulong itong pataasin ang moral, kalidad, at integridad ng isang tao, na nagreresulta ng ibayong pagtitiwala sa sarili, na makamtan ang lahat niyang naisin sa buhay. Ang kagandahan nito ay ang maging uliran at huwaran doon sa mga nakapaligid sa kanya. Natutulungan silang gawin din ito, pahalagahan ang kanilang mga sarili, at makamtan din ang kanilang mga naisin sa buhay.

   Simpleng mga panglilingkod sa abot ng makakaya sa bawa’t araw
      -madaling sumagot kapag tinatanong.
      -may ginamit na bagay, iwanan nang maayos at maganda kaysa dati.
      -magkusa kung nakikitang walang tumutulong, nagdudulot, at nagpapaunlak.
      -magbigay ng opinyon o tulong kung hinihingi ng pagkakataon para sa ikakaunlad ng lahat.
      -magboluntaryo upang mapadali ang ginagawa, kung may pangangailangan ng lakas.
      -makinig kung may nagsasalita, huwag makisabay at maghintay.
       -magdonasyon ng salapi, panahon, mga bagay, tumulong, at magpalaganap ng balita.
       -magturo sa mga hindi nakakaalam, magsulat ng makabuluhang inpormasyon.
       -makiisa sa mga makabayang adhikain na nagpapataas ng antas ng kabuhayan.
       -maging uliran at huwaran sa iba upang pamarisan.
       -magpatuloy na gumawa ng mga paraan ng magpapataas ng moralidad at integridad.
       -makipag-ugnayan sa mga samahang para sa kagalingang pambayan.
       -magpalaganap ng mga inpormasyon para sa kapakanan at nagsusulong ng kaunlaran.
       -makisamang mabuti sa iba, sanaying ang sarili ng walang mga kundisyon.
       -maging matapat at mapagkakatiwalaan kung nagbibigay ng serbisyo.
       -maging handa at maasahan sa tuwina sa panahon ng mga kagipitan.
       -manatiling bukas ang isipan at palad sa mga nangangailangan.
       -may pagtitiwala at pananalig na nasa pagtutulungan lamang ang tagumpay.
       -magalit at punahin o labanan ang pangungurakot at pagnanakaw sa kaban ng bayan.
       -magpahalaga at pumuri sa tao tungkol sa suot, gamit, palamuti, at mga nagawa nito.
       -magpahayag ng pagsang-ayon, maliit o malaki man ang karangalan nakuha ng kapwa.
      . . . at marami pang tulad nito, batay sa kalidad at kantidad ng pangangailangan.           
            (Pakibasa lamang ang Mga Dakilang Prinsipyo ng Buhay, 07 Disyembre/11) 

   Ang hangaring makapaglingkod ay isang prinsipiyo patungo sa tagumpay lalo na sa mga taong lagi mong nakakasama at kahalubilo sa araw-araw. Ang patuloy na pagtulong at makagawa ng kaibahan, maliit o malaki man ito, ay mga bagay na nakalulunas sa hilahil at karaingan ng iba, at ang pagmamalasakit na ito ay kanilang pinapahalagahan at iginagalang. Ang bukas sa pusong magbahagi, magkontribusyon, at pagdadamayan sa isa’t-isa ay napakaimportanteng sangkap sa ispirito ng bayanihan na minana pa natin sa ating mga ninuno.

Wagas na Pag-ibig
   Sapagkat ako’y nilikha na kawangis ng Diyos at siyang dahilan kung bakit ako’y lumitaw, sapagkat ang Diyos ay Pag-ibig. Ang Pagmamahal ay mahalagang bahagi ng aking pagkatao. Hindi makasarili ang aking wagas na ugali. Ang Pagmamalasakit ay tunay kong katangian. At ang paglilingkod ay aking nakagisnan at pamantayan.

Pag-ibig ang aking pangalan, at Wagas Malaya ang aking palayaw.

 Sapagkat Malayang Kaisipan ang aking panuntunan.


Jesse Guevara
Lungsod ng Balanga, Bataan
Subaybayan, ang mga mahalagang paksa;
Mabisang mga Baitang sa Tagumpay

       Baitang 11: May Patnubay ng Dakilang Ispirito
Baitang 12: Tinatamasa ang KALUWALHATIAN



No comments:

Post a Comment