Hangga't wala akong kinalaman o kabatiran
sa anumang bagay; ay wala akong karapatan
na panghimasukan ito.
Corregidor Island
Ikinuwento ito sa akin ng anak kong si
Karlo nang minsan ay pinag-uusapan namin ang isang uri na kaugaliang hindi
magawang iwasan ng ating mga kababayan. Ang palaging personal na mag-usisa at
pakialaman ang iba. Ayon sa kanya, “Katulad ng pagmamaneho sa kotse, kung lagi kang
nakatingin sa iba, at hindi sa daan, lalo na sa back view mirror, malaki ang posibilidad na mabangga ka.”
Narito ang buod
ng kanyang kuwento:
Ang Pantas at si Moises
May isang
matandang pantas na naninirahan sa tuktok ng bundok ng Mariveles, sa Bataan. Ayon
sa maraming nakakakilala sa pantas,
pinagkalooban ito ni Bathala ng kaluwalhatian. Isang taga-Balanga, si Moises ng
barangay Kupang, ang matiyagang naglakbay upang humingi ng payo at patnubay sa
pantas. Nagagalak na tinanggap si Moises ng matanda sa kanyang maliit na dampa
sa pusod ng kagubatan.
Hindi na
nagpaligoy-ligoy pa si Moises at sinabi ang kanyang pakay, “Nais ko pong sumunod sa inyo upang ako’y magkaroon ng patnubay sa
inyong mga itinuturo.”
Nag-aalangang
tumugon ang matanda, “Hindi mo magagawang
pagtitiisan ang ugali ko,” at sumenyas kay Moises na umalis na, ngunit hindi
ito tuminag at nakatayo lamang sa may bungad.
Nagsalitang muli ang matanda, “Papaano mo
mauunawaan ang mga ginagawa ko, kung ito’y hindi mo maintindihan at
nahihiwagaan ka, lalo na sa aking mga sinasabi.”
Matatag na nagpahayag si Moises, “Kung ito’y kalooban ni Bathala, makikita ninyo na
pasensiyoso at palaaral ako. Wala akong kakayahan na hindi ko sundin ang
anumang ipag-uutos ninyo.”
Ang tugon ng
matanda, “Kung talagang nais mong sumunod
sa akin, at hangad na matuto ng aking mga itinuturo, kailangang huwag kang
magtatanong o mag-uusisa ng kahit anumang bagay, hangga’t hindi kita kinakausap
tungkol dito. Maliwanag ba, ha?
“Buong puso po, at sing-liwanag ng kristal na
susundin ko kayo! Pangako ko po iyan!”
ang matatag na sagot ni Moises.
Corregidor Island
Kinaumagahan,
maaga ba ay bumaba na sila ng bundok at nagtungo sa may dalampasigan, sa bayan
ng Mariveles. Sumakay sa isang malaking bangka at naglayag patungo sa isla ng
Korehidor. Biglang napahiyaw si Moises sa nakitang ginagawa ng matanda, nang
papalapit na sila sa daungan. “Anong
kalokohan ang ginagawa ninyo,” ang may pag-aalalang pakiusap ni Moises, “Bakit may gulok kayo at binubutas ninyo ang sahig ng bangka?”
“Hindi ba sinabi ko sa iyo,” ang tugon
ng matanda, “Ang tumahimik at magtiis
ka sa anumang aking ginagawa, at huwag kang magtanong o mag-usisa man lamang!”
“Pasensiya
na po kayo at nakalimot ako,” ang pagsisising sagot ni Moises, “Huwag na po kayong magalit, at hindi ko na ito uulitin pa.”
Nagpatuloy ang
kanilang paglalakbay hanggang sa may nakasalubong silang isang lalaki. Biglang sumugod
ang matanda at tinaga ng gulok ang lalaki hanggang sa mapatay ito. Napanganga
si Moises, nangalog ang mga tuhod sa pagkabahala, hindi makapaniwala sa nasaksihan,“Bakit ninyo pinatay ang
inosenteng lalaki, wala naman siyang ginagawang masama sa inyo. Isa pala
kayong kriminal!”
“Hindi ba pinakiusapan kita,” ang usig
ng matanda, ”ang huwag pakialaman ang
ginagawa ko, at maging ang huwag magtanong?”
Ang nababagabag
na si Moises ay nagpaliwanag, “Sakalimang
ulitin kong muli na magtanong, kung maaari lamang, ay iwanan na ninyo ako.
Sapagkat ako’y makulit, madaling makalimot, at hindi nararapat na inyong
makasama pa.”
Malinta Tunnel
Pailing-iling ang ulo ng pantas at nagpatuloy ito sa paglalakad. Bagama’t pinanghihinaan na ng loob si
Moises ay nagtiyaga pa rin itong sumunod sa matanda. Hanggang makarating sila
sa maliit na pamayanan sa Korehidor. Nagkataong maraming turista na nagsidating
at nawiwili sa paglilibot sa makasaysayang mga tanawin. Nang may ilan dito ang nagtanong sa
kanila, kung nasaan ang Malinta Tunnel,
ayon sa mga turista, ito ang pook na nagsilbing kanlungan ng pamahalaang Commonwealth ng Pilipinas, sa panahong
ng digmaang Hapon-Amerikano. Napakalayo pa nito, maraming sasalungahin at
lulusungin pang mga daan. Subalit hindi lamang sinagot ito ng matanda kung saan
ito matatagpuan, bagkus sinamahan pa ang ilang turista na makita ito.
Humihingal at nanggagalaiti si Moises, matapos maihatid nila ang mga turista.
Nagpupuyos sa galit, “Sana naman kung nanaisin ninyo lamang, puwede kayong
humingi ng bayad, tulad ng mga giya (tourist guides) na narito sa Korehidor, Sayang lamang ang pagpapagod natin.” ang panghihinayang
nitong pasaring sa matanda.
Sa tinurang ito ni Moises, malungkot na napailing ang matandang pantas at maramdaming nagsalita ito, “Dumating na ang sandaling kailangan nating
magkahiwalay. Ngunit bago ito mangyari, ipapaliwanag ko sa iyo ang mga bagay na
hindi mo ganap na maintindihan.”
"Una: Bakit
ko binutas ang bangka? Dahil kung matutuloy pang maglayag ang mga
mangingisdang naghatid sa atin, makakasalubong sila ng mga tulisan na aagaw ng
kanilang bangka at papatayin pa sila upang sapilitan makuha at gamitin ito sa pagdadala ng masamang
droga sa Bataan.
Pangalawa: Bakit
ko pinatay ang lalaki? Isa siyang kriminal na nagtatago sa Korehidor.
Marami na siyang pinatay sa Kamaynilaan, at dalawa na ang napatay niya sa bayan
ng Mariveles.
Pangatlo: Bakit
ko inihatid ang mga turista sa hinahanap nila? Kailangang gawin ko ito,
sapagkat nakita ko ang grupo ng mga kabataan na nakikipagkaibigan sa kanila,
mga miyembro ito ng Ativan gang na bumibiktima ng mga turista sa pamamagitan ng
paghahalo ng droga sa kanilang inumin, upang mahilo at makatulog. At kinukuhang
lahat ang mga pera, mga alahas, mga dalang kagamitan at anumang mapapakinabang sa mga turista. Kahit
na isumbong mo sila sa pulisya, hindi magawang hulihin ang Ativan gang na ito."
At nagpatuloy ang pahayag ng matandang pantas, "Bilang paala-ala
sa iyo, lahat ng nalalaman kong kaluwalhatian na ito ay dulot ni Bathala. Ang aking
mga ginawa ay hindi nagmula sa akin, tagalikha lamang ako, ayon sa Kanyang
kalooban.
At siyanga pala, sa aking kaalaman, kailangan
mo pang magpatuloy na matuklasan ang iyong sarili, kilalanin mo kung sino ka, at maunawaan itong ganap,
bago ka pumalaot sa mahiwagang kaganapan sa iyong paligid." At matapos ito ay
tumalikod na ang matandang pantas.
-------
Maging sa pagbasa ng mga artikulo na nasa mga pahinang narito, kung ikaw man
ay nahihiwagaan din at hindi maunawaang lubos ang tinutukoy ng mga ito. Wala kang kakayahan na matarok ito, hindi ito
para sa iyo. At kung hindi ka pa nagigising, at patuloy na hindi maintindihan
ang mga ito, ikaw ay tulog, natutulog, at nagtutulog-tulugan.
Salamat
po.
Jesse Guevara
Lungsod ng
Balanga, Bataan
No comments:
Post a Comment