Monday, April 23, 2012

Natagpuan Mo na ba ang Hinahanap Mo?


  
Humingi at ito’y ipagkakaloob sa iyo; magsaliksik at masusumpungan; kumatok at ikaw ay pagbubuksan. Sapagkat sa bawa’t isa na humiling ay makatatanggap, at ang humahanap ay may matatagpuan, at siya na kumakatok ito’y pagbubuksan.                                                                                                                                (Mateo 7:7-8) KJV

   May isang dalaga na may mamahaling kuwintas na palaging nakasabit sa kanyang leeg. Isang araw, sa kanyang malabis na katuwaan at pagmamadali sa dinaluhan niyang kasayahan, ay nakalimutan niya ito. Nang kanyang maala-ala na kapain sa kanyang dibdib ay wala siyang nasalat. Lubha siyang nag-alala at humahangos na umuwi kaagad ng bahay. Anumang paghahanap ang matindi niyang gawin ay hindi niya makita ang kuwintas. Binuksan niyang lahat ang mga lalagyan, mga taguan, at ginalugad ang mga panig na maaaring napaglagyan niya, ay wala pa rin sa mga ito. Tinanong lahat ang mga kaanak at kasambahay, mga kailala at mga kaibigan,  pati na ang mga kapitbahay kung nakita nila ang kanyang kuwintas. Ang mga sagot ay pawang hindi, at wala silang nalalaman tungkol sa kuwintas.
  Lulugo-lugo at tumatangis siyang nagtungo sa isang matalik na kaibigan.  Inihimutok niya dito ang masaklap niyang kapalaran. Nang imungkahi nitong salatin sa kanyang dibdib ang kuwintas at baka nakasabit ito nang hindi niya namamalayan.

   “Nagawa ko na ito, kinapa ko na nang maraming ulit, wala sa dibdib ko,” ang lugaming tugon nito sa kausap. Subalit, hindi sumuko ang kaibigan at muling nagtanong sa kanya.

   “Sinubukan mo naman bang kapain diyan sa likod mo, baka napihit lamang ang pagkakasabit ng kuwintas?” At mabilis nga niya itong kinapa . . .

   Bigla ang pagkagulat nito at napahiyaw, “Ay, narito pala!” sabay kamot sa ulo, “Napakatanga ko naman at kung sinu-sino pa ang aking tinanong, pinuntahan, at mga pinakiusapang matulungan ako. ‘Yon pala nandito lamang at laging nasa akin!”

-------
Karamihan sa atin ay tulad nito, may higit na mamahalin at napakahalagang bagay na nasa atin, subalit hinahanap natin ito kung saan-saan, kahit kani-kanino, ginagawa ang lahat, sinusuyod, at ginagalugad ang lahat ng maisipan, matagpuan lamang ito. Maliban sa ating sarili. Gayong kailanman ay hindi ito nawawala. Nakatago at naghihintay lamang na tuklasin ito. Kung kakapain at sisisirin lamang kung ano ang nasa ating kaibuturan, matutuklasan natin ang mahalagang bagay na ito.


Jesse Guevara
Lungsod ng Balanga, Bataan

No comments:

Post a Comment