Sunday, January 30, 2011

Masayahing Buhay


   Minsan, isang batang babae ang naglalakad sa may hardin nang mamataan niya ang isang kawag ng kawag na paruparo na nakatusok sa isang tinik ng rosas. Gaano mang pagpupumilit nito na makalipad ay hindi makaalis sa tinik ang kanyang pakpak. Nilapitan niya ito, maingat at buong pagsuyong pinakawalan. Ang paruparo’y mabilis na pumagaspas paalis, subalit umikot at dagliang nagbalik. Dumapo ito sa malaking sanga at biglang naging isang magandang engkantada.
   "Para sa kabutihan ng iyong puso,” ang wika niya sa batang babae, “Pagkakalooban kita ng isang minumutya mong kahilingan.”
   Ang batang babae bagamat nabigla sa pangyayari nang ilang sandali ay tumugon, “Ang nais ko po ay maging masaya ako sa tuwina.”
   Ang engkatada ay lumapit at hinalikan sa noo ang batang babae at saka may ibinulong dito. Maya-maya pa’y bigla na itong naglaho.
   Habang ang bata ay lumalaki sa kanilang pamayanan, walang sinuman ang nakahigit sa kanya sa pagiging masayahin. Kailanman, sa tuwing may nagtatanong sa kanya tungkol sa lihim niyang kaligayahan, pawang ngiti lamang ang isinusukli nito at paliwanag na, “Nakinig lamang ako sa payo ng isang mabuting engkantada.”
   Dumating ang panahon na ito’y matanda na, at nangamba ang kanyang mga kanayon na ang pambihirang lihim ay yumao ding kasama niya. Halos sa araw-araw ay marami ang pumapasyal sa kanyang bahay upang makiusap na malaman ang lihim ng kanyang pagka-masayahin.
   “Ihabilin mo sa amin ang lihim, bigyan mo kami ng pagkakataon na sumaya ring tulad mo,"ang pakiusap ng mga ito. “Maaari bang ipagkatiwala mo sa amin ang lihim?” ang pagmamakaawa nila.
   “Ipaalam mo sa amin ang binigkas ng engkantada,” ang paulit-ulit nilang pagsusumamo.
   Muling napangiti ang ngayon ay isa nang maganda at matandang babae, at sa wakas ito’y masiglang nagwika, “Ang payo sa akin ng mabuting engkatada ay ito:  
    “Bawat isa, gaano man ang kaniyang katiyakan at antas sa buhay ay kailangan ako.”
   “Binuksan nito ang aking mga mata, at mula noon ginawa ko ng patakaran sa buhay ang maglingkod sa aking kapwa. Ito ang nagpapaligaya sa akin saanman ako naroroon,” ang dugtong pa nito.

Lahat tayo ay kailangan ang isa’t-isa.
Malasin ang mga tao na mabubuti at magaganda, maging sila ma’y nagsusumigasig na magampanan ito.
Ikaw ang pinakasentro sa lahat mong mga pakikipagkapwa, kaya nga ikaw ang may pananagutan sa iyong pansariling kabatiran, pag-unlad, kaligayahan, at kaganapan. Huwag asahan at hintaying manggaling ang mga bagay na ito mula sa iba. Kailangang mabuhay ka na parang nag-iisa, at ang iyong mga kapwa ay mga tanging handog na ipinagkakaloob at nakakatulong sa iyo upang pagyamanin ang iyong buhay.

Tuesday, January 18, 2011

Ang Baga na Naging Uling


 Wala kang matatanggap hangga't hindi ka nagbibigay. Kung wala kang itinanim, wala ka ring aanihin.


 Madalas magsimba si Erning sa kanilang kapilya sa barangay Kupang. Subalit nang magsimulang mapansin niya si pastor Mateo na palaging paulit-ulit ang binibigkas na mga pangaral, ay tumigil na siya sa pagtungo sa kapilya.

   Isang gabi, sa kalamigan ng Disyembre, minabuti ni pastor Mateo na pasyalan si Erning sa bahay nito. Pagkabukas pa lamang sa pintuan ni Erning ay naibulong niya sa sarili, “Palagay ko, nagpunta ito dito para hikayatin akong bumalik muli sa pagsamba sa kapilya.” Kagyat na nag-aalala ito, na baka masambit niya ang mga nakababagot na mga sermon ng pastor. Kailangan makaapuhap siya ng magandang dahilan. At habang iniisip niya ang magiging katwiran, ay dinala niya ang dalawang silya sa kusina, malapit sa may apoy na kalan.
   “Dito po tayo Pastor, malapit sa kalan para mainitan. Maginaw kasi diyan sa may durungawan.”Ang wika ni Erning.

   Hindi sumagot si pastor Mateo. Manaka-naka'y nagkuwento si Erning ng kung anu-anong paksa upang masimulan ang kanilang pag-uusap. Patuloy na hindi kumikibo ang pastor. Napansin ito ni Erning, kagyat na tumigil siya sa pagsasalita at nakiramdam. Dumaan pa ang ilang sandali na nakaupo lamang sila, nanatiling nakatitig sa nagliliyab na mga gatong sa kalan. Nagpatuloy pa ang maraming sandali nang walang imikang namamayani sa dalawa.

   Maya-maya’y tumindig  ang pastor, dumampot ng isang kaputol na kahoy sa tabi ng kalan at ikinahig ito sa isang pirasong baga na nagliliyab palapit sa kanya. Inihiwalay ito mula sa apoy at inilagay sa tabi. Dahil wala na sa apuyan, unti-unting tumigil sa pagliyab ang baga hanggang sa maging uling ito.

   Mabilis na itinulak ni Erning ang uling ng kaputol na kahoy para mabalik sa tumpok ng mga nagliliyab na mga baga, para magbagang muli ang uling. Sa tagpong ito, ay tumindig na ang pastor, "Erning, magpapaalam na ako, mayroon pa akong dadaanan diyan sa may Wakas," ang wika nito.

   Nagtataka man, "Maraming salamat sa pagkakadalaw ninyo, pastor, " ang naging tugon ni Erning.

   Subalit bago lumabas ng pintuan ang pastor, ito'y nagpahayag; "Gaano man kaliyab ng baga, kapag inalis mo ito sa nagbabagang apuyan ay maaapula ang kanyang pagdiringas," at dugtong pa nito, "sa ilang sandali lamang ay magiging uling ito, ... at ito ang mahalaga; upang muling magbaga at magawa ang tungkulin niya, kailangang maibalik sa apuyan para muling magliyab."

   Sumilay ang ngiti sa mga labi ni Erning at napatango ito sa naunuwaang pangyayari.

   "Papaano Erning, maaasahan ba kita sa darating na Linggo?" ang pakiusap ng pastor kay Erning habang papalabas na ito ng bahay.

    "Maaga pa pastor, ay naroon na ako." ang may kagalakang pagsang-ayon ni Erning.

~~~~~~~
Isa sa pinakamalalang sakit ay maging hindi kilala at walang pagkakakilanlan ng sinuman. Anuman ang katangiang o potensiyal mayroon ang isang tao, at malayo sa kapwa niya, kailanman ay hindi niya magagawang gamitin at paunlarin ang init at lagablab ng kanyang sarili. Walang sinuman ang makakayang mabuhay nang nag-iisa at maging maligaya. Ang pagiging makasarili ay kailangang matuklasan at maintindihan bago ito mabago. Isa itong ugali na magagawang palitan ng isa pang ugali; ang makipagkapwa at makiisa sa kagalingan at ikakaunlad ng lahat. Ang tagumpay ng isang tao ay nakasalalay dito. Kung ang kamangmangan ay nababago ng kaalaman, ang makasarili ay nababago naman ng Pag-ibig.



Jesse Guevara
Lungsod ng Balanga, Bataan

Monday, January 17, 2011

Kawikaan 101: Mga Patnubay sa Buhay


  Lahat nang iyong matutunghayan dito na mga Kawikaan ay mabisang karagdagan sa iyong kabatiran at pananaw. Magagawa nitong mabago ang dating pangmalas mo sa isang pangyayari o naganap na talakayan. At lubos na maunawaan upang makatiyak ng tamang kasagutan sa anumang kinahaharap na suliranin.
   Maaari ding magkaroon ng katanungan sa mga bagay na dati mong nakamulatan at patuloy pang  panuntunan, gayong kalabisan na ito sa ngayon. Dahil sa mabilis na karagdagang inpormasyon lalo na sa internet. Maliban sa mga dakilang prinsipiyo na ginintuang pamantayan magpakailanman.
   Kahit na saan mang larangan ang iyong ginagalawan, maging ito'y sa tungkulin, gawain, pamilya, o sa pakikipagkapwa --- sa mga kawikaan na narito'y muling mabubuksan ang iyong mga mata, sa mga sikretong laging hinahangad na magdadala sa iyo upang makamtang muli ang pagiging tunay na Pilipino.
   Hangarin nito ang mabigyan ka ng panibagong kasiglahan at inspirasyon; itapon ang dating mga pangungusap na humahadlang sa iyo upang magtagumpay, at matagpuan mo ang katotohanang magpapalaya sa iyo.
   Gamitin ang pagkakataong ito sa iyong buhay na maging masagana at puno ng pagtuklas sa iyong sarili, kaunlaran, at pagbabago.

                                                                                                                Jesse N. Guevara
                                                                                                                AKO,tunay na Pilipino
                                                                                                                Lungsod ng Balanga, Bataan
 

101-  Alam mo bang anuman ang iyong
          hinahanap, mayroon ka nito?
 
102-  Walang kadakilaan kapag walang pagpapakumbaba, kabutihan, 
          at katotohanan.

103-  Magpakaligaya habang nabubuhay, isang malaking pagkakamali 
         kapag hindi mo ito ginawa.

104-  Mainam pang makita ng kaaway ko ang mabuti sa akin, kaysa makita ko 
         ang masama sa kanya.

105-  Isipin ang puwang kapag ikaw ay nagsasalita, Maglaan ng sandali sa iba na katasin ang iyong ideya.


106-  Karamihan sa tao ay nananabik na magmungkahi, kahit na ang pangangailangan 
         mo’y ang tulungan ka.

107-  Dalawang bagay ang kailangan upang mabigkas ang katotohanan. Isa ang nagsasalita, at
         ang isa nama’y nakikinig.

108-  Isang bagay lamang ang mawiwika ko sa kamangmangan, pinag-uugatan ito ng mga pagtatalo.

109-  Kapag nagagalit, bumilang hanggang lima; at kung tahasang galit na galit, gawin itong sandaan.  
 
110-  Hanggat patuloy kang nakakakita ng mga higante; nangangahulugan lamang ito na tumitingin 
         ka pa rin sa mundo, mula sa paningin ng isang bata.


111-  Nabasa ko sa isang salamin ng tindahan; Ang sigarilyo at malimutan ang kaarawan 
         ng iyong asawa ay mapanganib sa iyong kalusugan.

112-  Ugaliing patas sa iba; subalit maging gising sa tuwina, hanggang sila’y maging patas din sa iyo.

113-  Sinumang tao na hindi humihingi ng pangaral, kadalasa’y wala pang asawa.

114-  Kailanma’y huwag laruin ang laro ng iba. Ang paglaruan mo’y ang sarili mong laro.

115-  Pinakamadali sa atin ang magbigay ng ibayong panahon sa mga mumunting bagay.


116-  Hindi mapapasubalian, ang katamaran ay ugat ng kahirapan. Dangan nga lamang 
          marami ang nahuhumaling dito, at ginagawa itong aliwan.

117-  Ang tangi lamang na makakamit mo kapag wala kang ginawa, ay pawang kabiguan.

118-  Siya ay hindi mahirap, dahil sa kanyang maligayang halakhak.

119-  Kalimitan hindi ko nakikita kung ano ang tinutudla ng isang tao. Ang nakikita ko lamang 
          ay pawang mga tinamaan niya.

120-  Doon sa makakagawa --- ay gumagawa. Doon naman sa hindi makakagawa --- ay pumupuna.


121-  Ang taong iniisip na nalalaman niya ang lahat ay tumigil na sa pag-iisip.

122-  Ang mga pangaral ay tulad ng kabuti. Kapag hindi tumpak kung minsa’y nakakamatay.

123-  Kapag ikaw ay tumatawa, tumawa mula sa puso mo. Walang mapapala kung may tinatawanan.
         Ang katatawanang ito’y mauuwi lamang sa pagkamuhi.

124-  Nasa mga paggawa --- hindi nang mga salita, ang mga katibayan ng pagmamahal.

125-  Ang sinungaling at ang magnanakaw ay magkapatid.



126-  Marami ang mga pagkakataon, ngunit kakaunti ang mga abilidad.

127-  Hindi mo magagawang sukatin ang haba ng iyong buhay, subalit
          malaya kang piliin ang hininga, lalim, taas, at kahalagahan nito.

128- Hindi ang pagkahulog ang masakit, bagkus ang lagabog nito.


129-  Sikaping umunawa sa mga magkakaibang pananaw na hindi galing sa iyo. Ang pag-iisip, tulad 
          ng katawan, ay kinakailangang laging binabanat, upang napapasunod at maging matalas. Kapag
          hinayaan, pupurol ito sa katigasan.

130- Nais mong makita ang kaliitan, kababawan, at kapangitan ng isang tao?  
        Bigyan mo siya ng katungkulang may kapangyarihan at lilitaw ang mga ito.


131-  Ang hangal ay paulit-ulit na sinasabi ang gagawin niya; ang palalo ay laging ipinapahayag
         ang mga nagawa niya. Ang matalino ay patuloy na gumagawa at nananatiling tahimik.

132-  Bawat landas ay patungo sa magkatulad na lunggati: ang ipabatid sa iba ang ating katauhan.

133-  Ang pinakamasamang kabuktutan ay ang wasakin ang katahimikan at maghasik ng kalagiman.

134-  Ako ang may suot ng pantalon sa aking bahay. Ang asawa ko lamang ang pumipili ng pantalon 
         aking isusuot.

135-  Huwag sikaping ikintal sa iba kung gaano ikaw katuso. 
         Bagkus ang magtagumpay sa pagiging matapat.


136-  Hindi ka makapupunta kahit saan man, 
         hanggat hindi mo ito inuumpisahan.

137-  Sa aming pag-uusap, nalaman ko na ang ehersisyo lamang niya
          ay ang pagbuhat sa sarili niyang bangko,   

138-  Gaano man ang ating pagsusumikap, madali tayong nabibigo sa maraming bagay. 
          Kailangang ang magsumikap muna na makawala sa mga kamaliang gumagapos sa atin.

139-  Ang makaunawa nang walang ginagawa, ay katulad ng pagbungkal sa lupa
          na wala namang itinatanim.

140-  Doon sa mga nais paluin ang aso, sila ay laging makakakita ng pamalo.


141-  Tatlo lamang ang kailangan kung nais mong may magawa; mamuno, sumunod, 
          at tumabi sa gilid ng daan.

142-  Magpunla ng mga butil ng pananalig, kung saan naghahasik ng ligalig ang mga masasama.

143-  Huwag umupo lamang at hintayin ang magaganap, tumindig, hanapin, 
         at simulang gawin ang nais mo.

144-  Ang pinakamainam na araw upang mabisa kang makagawa ay sa pagitan ng kahapon at bukas.

145-  Alam mong hindi ka magiging katulad sa ninanais niya; sapagkat hindi ikaw ito,
         kahit na masidhi ang iyong pagmamahal sa taong ito.


146-  Ang dila ang mapanganib na kaaway.

147-  Talaga namang bigo siya sa pag-ibig. Kadalasa’y nakikita ko siya sa mga pook pasyalan,
          na hawak-hawak ang sarili niyang kamay.

148-  Ang katalinuhan ay tulad ng ilog --- kapag ito’y malalim, wala itong nililikhang ingay.

149-  Kung ang layunin mo’y makatarungan, huwag kang matakot na sansalain ng iba. 
          Harapin lamang ito, na hindi mo kailanman binibigo ang Diyos.

150-  Sa kalikasan, lahat ng tao’y magkatulad. Sa edukasyon, malaki ang pinagkaiba.


151-  Kapag nakikipag-talakayan sa mga tao, laging sikapin na 
          kinakausap sila. Hindi ang pag-usapan sila.

152-  Ang daigdig ay binubuo ng nagbibigay at tumatanggap.
          Naroon ako sa pangkat na nagbibigay, dahil may kapayapaan dito. 

153-  Higit na mabisa ang isang bulaklak na rosas sa buhay na tao, 
         kaysa sa magastos na korona sa libingan nito.

154- Sa kasalukuyan, lalong parami ang modelong bahay, 
        kaysa sa modelong pamilya. 

155-  Maaaring ang panahon ay salapi; sapagkat madaling pakiusapan ang isang tao na bigyan ka
         ng panahon niya, kaysa ipahiram sa iyo ang kanyang salapi.


156-  Ang pinakamabisang paraan upang hindi ka mabigo, tiyakin mong magtagumpay.

157-  Pintasan mo ang kaibigan ng lihim, 
          at purihin siya sa harapan ng iba.

158-  Paglimiin na ang buhay ay sumasayaw sa hangin. Pumailanglang ka na may magaang ispirito
         sa ibabaw ng bawat bundok ng kagipitan, sakay ng mga pakpak ng wagas na kaligayahan. 

159-  Mahigpit mong yakapin ang iyong mga kaibigan; subalit doon sa mga kaaway ---
          ay lalo mo pang higpitan, upang hindi na sila makakilos pa.


160-  Kapag nagawa mong ang mga sandali mo’y mahalaga, sa tanang buhay mo ikaw ay maligaya.

161-  Alam kong ako’y mahusay kaysa sa kanilang pangmalas. Kaya nga, lalo kong pinag-iibayo ito.

162-  Kung nais mo’y magkaroon ng dangal, 
          huwag magtampisaw sa pusali.

163-  Kapag ang pintuan ay nakapinid, babala ito na huwag pumasok kung walang pahintulot.

164-  Kapag nanakit ang alak-alakan mo, pakiramdaman ang kanang tuhod mo.

165-  Iwasang masangkot sa anumang paglalaban, kung wala ka namang mapapala dito, 
         kahit na ikaw ang manalo.


166-  Ang pinakamasamang kabuktutan ay alipinin ang mga tao sa kahirapan, 
         ang alisan sila ng pagkakataon na magtagumpay, at huwag silang payagang umunlad.

167-  Makipagtagisan ka, hindi ang manibugho. Laging isaisip ang kaunlaran mo.

168-  Sakaling ako’y magkakasala, nanaisin ko pang ito’y labag sa Diyos, hindi sa pamahalaan ng tao.
         Sapagkat sa Makapangyarihang Diyos; ako’y mapapatawad, samantalang sa pamahalaan ng tao; 
         ako’y ikukulong at mapapatay.

169-  Huwag ipagwalang bahala ang kapighatian, pagsumikapang makawala sa kapinsalaan nito.

170-  Kung nais mong manghiram ng salapi ng iba, makatwiran lamang na 
         ipakita mong ikaw ay masagana.


171-  Anumang kapighatian ang nadarama mo sa ngayon, hindi ito ang tunay na ikaw.

172-  Siya na laging nakatitig sa bolang kristal, ay magwawakas na kinakain ang mga bubog nito.

173-  Masdan ang bawat problema na isang pagkakataon. Bawat isa na mapagtagumpayan mo,
          nadadagdagan ang panustos mong kalakasan. 

174-  Pakiusap ko doon sa mga nakapinid ang kaisipan, ay ipinid din ang kanilang mga bibig.

175-  Huwag magbigay ng pisong paninisi, 
        hanggat wala kang naibibigay na kusing na papuri.


176-  Ang yumakap at maglambitin sa mga huwad at hindi kaibig-ibig,
         ay sanhi ng sukdulang kapighatian.

177-  Hindi mo kailangan pang sumigaw, kapag ang binibigkas 
          mo’y mga tamang salita.

178-  Alam mong ipagpapatuloy mo pa rin ang iyong lunggati, 
          gaano man ang halaga at anuman ang mangyari.


179-  Babala: Ang mga lasinggero at bugnutin 
                      ay mga bigo at talunan.

180-  Dalawa tao lamang ang kailangan upang magkaroon ng pagtatalo. 
         Ngunit ang isa lamang dito ang laging nasisisi.

181-  Tanggapin ang iba kung anuman sila; hindi kung ano ang nais mo, at makakaakit ka
          ng pagtangkilik ng mga kaibigan, saan ka man pumunta.

182-  Napansin ko; tuwing ako’y nasa simbahan, marami ang nais maglingkod sa Diyos,
          dangan nga lamang --- bilang mga tagapayo ng Diyos.

183-  Ang tanggapin ang isang tao nang walang paghatol ay makatao,  kaysa ang punahin
         at hanapan ito ng kamalian.

184-  Ang mga pahayagan ay laging luma ang balita, iba’t-ibang tao lamang ang nasasangkot.

185-  Kung minsan humahanga ako sa iba, 
        nagawa nilang perpekto ang kanilang katamaran.


186-  Upang lalong maging gising ang iyong kamalayan, titigan ang mga nakatagong katotohanan
          sa likod ng palabas na anyo.

187-  Walang kapangyarihan sa daigdig na magagawang magkasala ang isang tao,
         kung wala siyang kagustuhan na mangyari ito.

188-  Subukang purihin ang iyong asawa paminsan-minsan. Magugulat siya sa una,
          subalit pahahalagahan niya ito.

189-  Laging banggitin ang salitang, “Mahal kita.” Dahil ang buhay ay walang katiyakan.

190-  Nais mong laging namimighati? Ihalintulad mo ang iyong sarili sa mga nakakahigit sa iyo.

191-  Kagatin mo lamang ang iyong dila, wala kang magiging kaaway.

192-  Hindi nasusukat ang isang tao sa laman ng kanyang bulsa; kung siya ay mayaman o mahirap,
         bagkus sa kanyang pagkatao,

193-  Lagi kong sinasambit, “Ang sitwasyong ito ay niyayanig ako, 
                              ngunit matatag ako --- sapagkat higit pa ako sa anumang sitwasyon.”

194-  Ang pinakamasamang kabuktutan ay ang manakit ng mga tao, at ilagay 
           ang kanilang mga buhay sa mapanganib na kalagayan.

195-  Ang buong daigdig ay ikaw, 
         hindi ang nakikita ng iyong mga mata.


196-  Ang pagkatao ay tulad ng isang salamin, kahit na munting bitak o gasgas ay makikita.

197-  Tanggapin na ang buhay ay masalimoot, subalit mabuti.

198-  Hanggat patuloy na nagbibigay-pala ka sa iba, ibayong dami pa ang iyong matatanggap
          na masasaganang biyaya.

199-  Pabayaan mo silang kunin ang lahat sa iyo, huwag lamang ang iyong kaluluwa at kaisipan.

200-  Ang totoong batayan ng  makabuluhang kagitingan ay ang pag-iwas sa paninirang-puri ng iba.

May patuloy na karugtong:
Kawikaan 201
Kawikaan 301
Kawikaan 401
Kawikaan 501
Kawikaan 601
Kawikaan 701
Kawikaan 801
Kawikaan 901
Kawikaan 1001
(Malapit nang lumabas ang lahat ng kawikaang narito sa isang makabuluhang aklat, Mga Pambihirang KAWIKAAN ng Ating Panahon. Masusing pinagsama sa kaniya-kanyang pangkat ang bawat paksa sa kaukulang kabanata. Isinalarawan at kapupulutan ng karagdagang kaalaman. Mainam na batayan at may paliwanag at talahulugan sa huli, upang ganap na maunawaan. Higit ninyong kawiwilihan ito. Hintayin.)

Friday, January 14, 2011

Kawikaan 301: Mga Patnubay sa Buhay


   Naritong muli ang panibagong 100 na mga Kawikaan, na magdudulot ng malinaw na paglilimi at ibayong inspirasyon. Mga maikling pangungusap na makahulugan na nagbibigay aral at patnubay sa araw-araw tungo sa tagumpay. Nagsisilbing tanglaw sa ating mga pag-aalinlangan at pangangapa sa karimlan. Naglalaman din ng ilang bilang mula sa pitak ng Piliang Patawa, dahil ang pagtawa ay mabisang lunas sa pagkabagot at karamdaman.
   Upang matagpuan mo ang iyong tinutuklas sa mabatong landas ng buhay, ang mabisang panuntunan sa lahat ay ang nagsasaad na: “Huwag mag-iiwan ng batong hindi ibinaligtad.”

                                                                                                            Jesse N. Guevara
                                                                                                           AKO, tunay na Pilipino
                                                                                                           Lungsod ng Balanga, Bataan
                                                    

301- Ang bukas ay walang katiyakan --- walang nakakaalam nito.
        Ang araw na ito lamang ang inihandog sa ating harapan.
        Pagyamanin natin ito, tayo'y magdiwang at magpakaligaya.

302-  Kapag naisipan mong magbalik sa dating bayan, matatagpuan
         mong hindi ang dating tahanan ang nawala, bagkus ang iyong
         kamusmusan.



303- Bigyang mo lamang ako ng matutuntungan, at pagagalawin ko ang lupa.

304- Ang ahas ay ahas, tawagin mo man ito na ginoong ahas, 
         ahas pa rin ito.

305- Lahat ng trahedya ay natatapos sa kamatayan, subalit lahat ng komedya ay nagsimula 
        sa pag-aasawa. 

306- Ano ang aking gagawin, kung anim na buwan na lamang ang natitira sa aking buhay?
         "Dadagdagan ko pa ang paglilingkod sa aking kapwa." 

307- Ang kasaysayan ay bugkos na mga kasinungalingan na sinang-ayunan. 

308- Sa pagtunghay sa pahayagan, inuuna ko ang pahina ng palakasan, narito ang mga taong
        nagtagumpay. Sa pabalat na pahina, pawang mga kabiguan, kamalasan, at ang patuloy na
        kabangisan ng mga tao. 

309- Maaliwalas at maligaya ang buhay, kapag nakalaan ito sa paglilingkod sa kapwa. 

310- Mayroon lamang dalawang panahon na nais kong makapiling ka – Ngayon at Magpakailanman. 


311- Madaling makatanggap ng pagpapatawad, kaysa sa pahintulot.

312- Ang daigdig ay lubusang naging kaibig-ibig, sapagkat nandito ka. 

313- Hindi natin naa-alaala ang mga araw, bagkus ang maliligayang sandali.  

314- Ang edukasyon ay nangangailangan ng salapi, subalit higit pa ang kamangmangan.

315- Walang nakatakda: Lahat ng mga balakid sa iyong nakaraan, ay nagsisilbing mga landas patungo
         sa mga bagong simulain. 


316- Nagdiyeta ako sa loob ng dalawang linggo, at ang nawala sa akin ay dalawang linggo.

317-  Mabisa mong gampanan ang iyong mga gawain, at ang iyong kinabukasan ay may katiyakan.

318-  Higit akong alagad ng sining kapag malaya kong nagagamit ang aking imahinasyon. 
         Mahalaga ito kaysa sa kaalaman. Ang kaalaman ay limitado. Ang imahinasyon ang 
         nagpapaikot sa daigdig.

319- Kapag wala kang salapi, ang problema ay pagkain. Kapag mayroon kang salapi, ito’y kamunduhan. 
        Subalit kapag mayroon ka nang salapi at kamunduhan, ang problema mo naman ay kalusugan.

320-  Ito ay resesiyon kapag nawalan ng trabaho ang iyong kapitbahay; at depresyon naman 
         kapag nangyari sa iyo.



321- Ang buhay ko pagdating sa pag-ibig ay masaklap. Ang huling pangyayari na nasa loob ako
        ng isang babae ay nang pumasok ako sa rebulto ng ‘Statue of Liberty.’

322- Gawing karaniwan ang lahat hanggat maaari, subalit hindi ang maging pangkaraniwan.

323- Ang kapangyarihan ng imahinasyon, ay ginagawa tayong walang hanggan.

324- Ang panahon ay laging tama doon sa paggawa, kung ano ang tama.

325- Huwag payagan ang sinuman na kutyain ka, at humantong ito na kamuhian mo siya.



326- Kailangang dalisay ang kaparaanang ating ginagamit,
         at kahalintulad ito ng ating nilulunggati. 

327- Ang araw na walang sumilay na ngiti sa iyong mga labi, ay araw
         na nasayang. 

328- Una, bigkasin mo sa iyong sarili kung ano ang magagawa mo sa
         iyong pagkatao; at matapos ito, kaagad isagawa ang nararapat.  


329- Noong una’y hindi ko talos ang tunay na kaligayahan bago ako nag-asawa; nang matuklasan ko, sa
         tagpong ito ay huli na ang lahat.

330- Masaya yaong mga nangangarap ng mga lunggati at nahahandang magpakasakit, upang maging
        makatotohanan ang mga ito.


331- May mga tao na nagsasalita habang natutulog. At kapag may nagsasalita naman, marami
        ang nakakatulog.

332- Kung nais mo ng pagbabago, simulan mo sa iyong sarili.

333- Ang mga balakid ay yaong mga nakatatakot na mga bagay na iyong nakikita, kapag inalis mo 
        ang pagtunghay sa iyong patutunguhan. 

334- Walang bagay na mahirap, kapag binahagi mo ito sa maliliit na gawain. 

335- Walang madaliang mga landas, sa mga dakilang katuparan ng buhay. 



336- Wala siyang kaalaman, at iniisip pa niya na nalalaman niya ang lahat. Maliwanag na 
         pagpapatunay ito na magiging pulitiko siya.

337- Kailanman ang kalikasan ay hindi tayo dinadaya, tayo ang siyang dumadaya sa ating mga sarili.

338- Kung nakapagtayo ka ng mga kastilyo sa hangin, ang iyong mga gawa ay hindi kailangan mawala.
         Doon sila nararapat. Ngayon maglagay ka ng pundasyon sa ilalim ng mga ito.

339- Ang tagumpay ay ang abilidad na makatindig mula sa isang kabiguan, at humarap sa panibagong
         pagsubok nang hindi nababawasan ang iyong kasiglahan.

340- Ang lahat ng tao'y isinilang na malaya at pantay-pantay sa karangalan at mga karapatan.
          Sila'y pinagkalooban ng katwiran at budhi at dapat magpalagayan ang isa't isa sa diwa ng 
          pagkakapatiran.


341- Tayo lamang sa mga hayop, ang pumapayag na bumalik sa ating tahanan ang ating mga anak.

342- Kapag may ginagawa akong tama, walang isa man ang makaalaala. At kapag akoy namamali naman, 
         Walang sinuman ang dito'y makakalimot.

343- Ang katapangan ay katumbas ng paghahambing sa pagkatakot at pagtitiwala.

344- Ang mahalagang bagay, ay huwag tumigil sa pagtatanong.

345- Habang lumalawak ang kaalaman; at madaling makuha ito ng mga tao, lalong malaganap 
        ang paghina ng paniniwala sa relihiyon.


346- Walang masama sa mga relihiyon, ang mga umuugit dito ang nagpapasama. 

347- Lumilikha tayo ng pamumuhay sa ating nakakamit,
         subalit nakakalikha tayo ng buhay sa ating ibinibigay. 

348- Ang tagumpay ay isang paglalakbay, hindi isang patutunguhan.

349- Hindi natin maibabalik ang kahapon. Ang magagawa lamang natin ay ang pagindapatin ang araw na ito, 
        at masiglang harapin na may pag-asa ang bukas.

350- Wala nang hihigit pa sa walang pag-asang pagkaalipin, kaysa doon sa may maling paniniwala 
         na sila ay malaya.


351- Ang tao na maligayang namuhay ay hindi yaong may maraming taon
        sa kanyang buhay, bagkus yaong may mayamang karanasan.

352- Ang pananaw ay hindi yaong nakikita ang mga bagay kung ano ang
         mga katangian ng mga ito, bagkus kung ano ang magaganap sa
         sa mga ito. 

353-  Ang salapi ay hindi makabibili ng kaligayahan, subalit magagawa
         nitong bayaran ang sahod ng maraming tao upang magsaliksik at
         alamin ang suliranin. 


354- Lumikha ng landas kung saan wala nito. Ang naghihintay na mga pagkakataon ay masusungpungan. 

355- Kapag ang salita’y nabigkas na, hindi na ito mababawi magpakailanman.


356- Ang araw na ito; Isang pagkakataon na may 24 na oras, at karamihan dito ay masasayang.

357-  Nakahanda akong humarap sa Dakilang Lumikha, subalit kung Siya ay nakahanda sa dakilang 
         pagtatagpong ito ay iba ng usapan.

358- Ang mga paghamon ay maitutulad sa mga tuntungang bato, at hindi upang madupilas dito. 
        Naaayon lamang ito kung anong uring pagmasid ang inukol mo.

359- Lahat ay katawa-tawa, hangga't ito ay nangyayari sa iba.

360-  Ang pinakamaingat na paraan para madoble ang iyong salapi; ay tupiin ito minsan pa, at ibulsa.


361- Hindi ko inaalintana ang aking mga pagkukulang; hanggat sa kaibuturan ng aking puso 
         ay may taglay akong hangarin na magbago, lahat ng ito ay malulunasan.

362-  Wala sinumang magsasaalang-alang sa iyo kung ikaw ay batbat ng kapighatian, 
         nararapat lamang na magsaya ka sa araw na ito.

363- Napansin ko habang abala ako sa paggawa, wala akong panahong isipin ang tungkol sa akin. 
        Ang buong kamalayan ko’y nakatuon lamang sa kabutihang maibibigay nito.

364- Sa lahat ng masaklap na mga pangungusap ng dila at pluma, ang pinakamalungkot ay ang mga ito, 
             “Dapat sana ay . . .”

365- Sa kabataan tayo ay natututo; sa katandaan tayo ay nakakaunawa. 


366- Hindi tayo matututo nang walang kahapdian at kapaitan.

367- Nakapanlulumo ang bahay; kung saan ang inahinng manok ang maingay na tumitilaok,
        at ang tandang naman ang siyang tahimik na pumuputak. 

368- Mabuti pang nasa malayo; na ikaw ay kailangang makalimot at mapangiti, kaysa ikaw ay nasa 
         malapit na kailangang makaalaala at maging malungkot.

369- Kapag ating napagkuro ang mga pambihirang bagay, ating naitatag ang pundasyon para sa ating mga
        matayog na pangarap.

370- Minamahal ko ang aking nakaraan. Minamahal ko ang aking kasalukuyan. 
        Hindi ko ikinahihiya kung anuman ang naging akin, at hindi ako nalulungkot ---
        sapagkat wala na ito sa akin.


371- Ang positibong saloobin ay isang makapangyarihang lakas.

372- Magtayo ng mga tulay, hindi nang mga dingding. 

373- Hindi lahat ng peklat ay nahahantad, hindi lahat ng mga sugat ay gumagaling. 
        May mga panahong hindi mo ito laging mapagmamasdan, ang kahapdiang 
        nararamdaman ng iba.

374- Maraming kamay, maraming kaisipan, iisang hangarin. At ito ang magtatagumpay!

375- Siya ay isang taong matigas na sadyang makatarungan, at may isang malungkot na matalino lamang.




376- Laging ibigay sa mga suki ang higit sa
         kanilang inaasahan.

377- Ang pagiging mahinahon ay mapait, 
      subalit ang bunga ay matamis. 

378- Madali ang magkaroon ng prinsipyo kapag mayaman ka. 
        Ang mahalagang bagay ay magkaroon ka ng prinsipyo,
        habang ikaw ay maralita.




379- Nakalulungkot kapag may isa kang kakilala, ay naging isang dating kakilala. 

380- Kamangha-mangha ang iyong mapagtatagumpayan, kung wala kang alinlangan
        kung sino ang makakakuha ng papuri. 



381- Mula sa maliit na binhing-buto ay tumitindig ang isang matayog na punongkahoy.
 
382- Kung ang hanap mo’y ibigin ka, simulan mong ibigin ang iyong sarili. 
        Sapagkat kapag may pag-ibig ka sa iyong sarili, maipadarama mo ito sa iba.

383- Ang tunay na kaibigan ay isang kaluluwa sa dalawang katawan.

384- Pangkaraniwan na ang magsagawa ng mga kaparaanan at subukan ito. Kapag ito'y pawang 
         kabiguan, tanggapin ng mahinusay at sumubok pa ng iba. At higit sa lahat, subukan anumang bagay.

385- Ang kawagasan ng pamumuno ay nasa pananaw.

386- Walang gagalang sa iyo, kapag wala kang paggalang sa iyong sarili.

387- Ang mga balakid lamang sa kaganapan ng ating kinabukasan, ay ang ating mga 
        pag-aalinlangan sa araw na ito.

388- Huwag mong papasukin sa iyong kaisipan ang mga negatibong saloobin.

389- Ang pagkakaisa ay kaunlaran. Ang pagtutulungan ay tagumpay.

390- Ang hangarin ang siyang nagpapasimula sa iyo. Ang gawi ang siyang nagpapanatili 
        sa iyong mga pagkilos. Magsimulang magbago.

391- Bawat isa ay sinusubukan na makatupad ng malaking bagay, 
        hindi maarok na ang buhay ay ginagawa at nasusumpungan mula sa maliliit na bagay.

392- Ang malabis na katotohanan ay kagaspangan.

393- Ang trahedya ng buhay ay hindi dahil sa ito ay maagang natapos, 
        bagkus tayo’y matagal na naghintay na pasimulan ito. 

394- Ang saloobin; hindi ang mga pagkakataon ang gumagawa ng tagumpay
        na makapangyari, maging sa mga hindi kanais-nais na kalagayan.

395-  Anuman ang ating magagawa ay may nakaukol na kahalagahan.
         Kahit anuman ang balakid, likhain ang iyong tadhana at gumawa 
         ng halimbawa sa iba na kapuri-puri.

396- Lutasin na magtagumpay. Ang pinakadakilang pagtuklas na magagawa ninuman 
        ay isaisip na walang bagay na katakataka.

397- Kalimutan ang mga nakaraang kamalian. Kalimutan ang mga kabiguan. 
        Kalimutan ang lahat, maliban kung ano ang gagawin mo sa ngayon at gawin kaagad ito.

398- Lahat ng makataong pagkilos ay mayroong isa o higit pa na pitong kadahilanan: pagkakataon, 
        kalikasan, mga kapilitan, kaugalian, kalimian, masimbuyong damdamin, at pagnanasa.

399- Ang kalungkutan ay palayong lumilipad sa mga pakpak ng panahon.

400- Ang pagbabago ay siyang pinakamatamis 
          sa lahat ng bagay.

 May patuloy na karugtong:
Kawikaan 401 
Kawikaan 501
Kawikaan 601
Kawikaan 701
Kawikaan 801
Kawikaan 901
Kawikaan 1001 
   Marami pa ang nakahandang ipaskel dito. Habang nagtatagal, lalo lamang ninyo itong kawiwilihan. Pagpapatunay lamang ito na sadyang napakaganda, mabulaklak, at matalinghaga ang ating sariling wikang Pilipino. Nakapanghihinayang na hindi ito mapalaganap at maunawaan ng ating sumusunod na henerasyon. Bawat isa sa atin ay may likas na tungkulin bilang tunay na Pilipino, ang mahalin ang sariling atin.