Thursday, February 28, 2013

Umasam Upang Lumigaya




Papaano mo maipapaliwanag ang mga katagang “Mahal kita”?

"Mula sa iyong mga ginagawa nang walang hinihintay na anumang kapalit. Bagama’t kailangan sambitin ito, higit na mabisa ang magampanan ito. Tandaan lamang na sa lahat ng iyong mga pagkilos, ito ay upang paligayahin at pagyamanin ang nagpapatibok sa iyong puso, …nang walang inaasahan at walang mga kundisyong pinaiiral.
Ito ang tunay at wagas na Pag-ibig. Kapag ikaw ay nagmamahal, ay gagawin mo ang lahat na lumikha upang patunayan ito. At kung sinusuklian naman ito ng pagmamahal din ng iba, hindi mo na kailangang unawain pa ito kung anuman ang namamagitan, sapagkat ang lahat na mga kaganapang ito ay nanggagaling sa iyo. Tanging ikaw lamang ang mananalig sa iyong pagganap .

Papaano kung wala siyang pagtugon, sa kabila ng mga ginagawa ko?

“May kaakibat itong linya sa Inggles, 'Victim or Victor?' Panalo o Talo? Kaligayahan o Kapighatian? Ang tunay na pagmamahal at walang hinihintay. Walang nakakaalam sa susunod na mga sandali, ngunit nagpapatuloy tayo, dahil tayo ay nagtitiwala, at may pananalig.

Kahit na wala na siyang pagmamahal sa akin?

"Kung tunay ang pag-ibig mo, lahat ay posibleng mangyari ayon sa iyong kagustuhan. Kahit na wala na siyang damdamin para sa iyo, ang pag-ibig ay nagpapatuloy hangga't umaasam kang walang imposibleng bagay tungkol sa Pag-ibig. Subalit kung ikaw ay pabaya, ...at walang kusa, ang damdamin mo ang magpapasiya. Mababagot ito at laging may ligalig sa tuwina.
Makirot ang magmahal sa isang tao nang walang isinusukling pagmamahal. Masasabing panis, manhid o tahasang walang damdamin siya para sa iyo, subalit ang higit na mahapdi ay ang patuloy na mahalin mo siya nang wala kang kakayahan na ipaalam sa taong ito ang iyong nadarama.
Ang pinakamasaklap pa dito, pinagtitiisan mo, laging umaasa, at nangangarap na may pagbabagong darating sa patibong na iyong nililikha at ginagawang kulungan para hindi ka makalaya.”
 
Papaano mo ito mararamdaman, at hanggang kailan?

“Ang wagas na pag-ibig ay walang hanggan. Hindi ito naghihintay at hindi rin nagtatakda. Ang mapait na sitwasyon sa buhay ay may matagpuan kang tao na lubos mong mamahalin, at sa kalaunan ay maunawaan lamang  na hindi pala kayo nakaukol sa isa’t-isa  at magawang harapin ang katotohanan  nang makalaya.
Ang patibong kung hindi ka gising, ay nagiging kulungan para puspusin ka ng mga kapighatian.”


 Anong ibig mong tukuyin sa kahulugan ng patibong?

 “Ang pag-ibig ay isang patibong; sapagkat kapag umiibig ka, ang nakikita mo lamang ay ang liwanag nito, at hindi napapansin ang anino. 
Walang sinuman ang hindi nagnanais na mapansin, mabigyan ng atensiyon at maramdaman ang kahalagahan niya. Gagawin nito ang lahat ng kaparaanan upang makamit ito. Mula sa pagpapaganda; sunod sa usong mga tawag-pansing kasuotan (ang iba ay halos ibilad na ang dibdib at buong katawan) ; magagarang kagamitan; mahusay na mga katangian at mga kakayahan (ipinangangalandakan pa ito); upang makapanghalina. Ito ang mga sangkap ng patibong na puspusang iniuumang. Mistulang ikinabit na mga pain ito sa taga (hook) para makahuli. Ang hangaring ito'y upang makuha niya ang anumang kanyang magustuhan. Likas lamang ito at karaniwan na kung nais mong makasama ang katulad mo. 
Ang mga walang pangarap at mababaw ang dahilan lamang ang hindi makagawa nito, at basta nangitian ng iba, 'yon na ang sasamahan.
At kung ikaw naman ay hindi gising, madali ka mahuhumaling sa nakaahin o inihahandog sa iyo. At nalilimutang alamin ang intensiyon kung sino ang nag-ahin o may handog nito.
Ang habilin nga ni Lolo Kiko Balatazar,'Kung sa iyong pagdating ay may sumalubong at may pakitang giliw, pakaasaha't kaaway na lihim.' Sapagkat walang magtitiyaga sa iyong tao, kung wala siyang hinahangad o interes na makakabuti sa kanya. 

Kailangan bang maging kaibigan mo siya kahit nagkalayo na kayo?

“Bakit hindi, kung naaayon ito sa inyong napagkasunduan. Sa ganang akin, ang tunay na kaibigan ay yaong iniibig mo. Kaya nga ang kataga ay KA-ibigan, at laging mong KA-talik sa lahat ng mga bagay. Ang taguri dito ay matalik na kaibigan. Palagi nating kapiling, bumagyo man o umaraw, sa liwanag at dilim ay parating naroon at hindi ka magagawang iwanan. Laging ipinaglalaban ka. Ang matalik na kaibigan ay pumapalakpak kapag ikaw ay nagtatagumpay, at lumuluha kapag ikaw ay namimighati. Kabaligtaran naman ito doon sa bulaan na kaibigan; naninibugho at pumipintas kapag ikaw ay nagtatagumpay, at nagagalak kapag ikaw ay nagdurusa. Dahil ang mga miserableng tao ay mapaghanap ng mga kauri nila, at kung naiiba ka, bulaan sila at mahilig mambola.
Kaya nga, kung kukuha ka ng makakasama sa buong buhay mo, tiyakin na siya ay matalik mong kaibigan. Dahil nakapaloob dito ang kaligayahan at kapighatiang mangingibabaw sa inyong pagsasama.
Ang matalik na kaibigan ay ang uri na magagawa mong umupo na katabi siya sa duyan, nang walang katagang sinasambit, tulad ng mga pag-aalala at pagsupil, …at lumayo na nararamdamang ito ang pinakamabisang pag-uusap na nangyari sa iyo. Sapagkat ito ang totoo;  na ang kahalagahan ng anumang bagay ay nagiging mahalaga kapag ito’y wala na. Hindi natin alam ang halaga hangga’t itoy nasa atin pa, subalit totoo din na hindi natin nauunawaan kung ano ang nawawala sa atin hanggang sa ito’y dumating.”

Papaano ba ang umibig?

“Dalawang bagay para makilala ang isang tao; kapag umiibig at nalalasing. Dito sa una, isa siyang baliw. Dito naman sa huli, lango na at wala na sa katwiran. Pagpapatunay lamang na ang pag-ibig ay bulag.
Marami ang uri ng pag-ibig, nasa antas ito ng ipinaparamdam na pagmamahal. Kusa itong nalilikha kapag nakaramdam ka na tumigil na ang mundo sa pag-ikot, at ang kasuyo mo na lamang ang mahalaga sa lahat. Dangan nga lamang, marami ang madaling humanga kaninuman kahit sa ilang sandali lamang na pagkikita, isang oras na magkagusto, at isang araw na ibigin siya, subalit nangangailangan ng buong buhay ang malimutan siya.
Huwag maakit sa panlabas na kaanyuan, dahil ito’y mapanlinlang. Huwag pansinin ang yaman, maging ito man ay naglalaho. Iwasan ang mga mapanghalina at balatkayong pakikiayon na may makasariling hangarin. Dumuon at maglagi sa taong nagpapangiti sa iyo at nagagawang maging masaya ka sa maghapon, dahil ang ngiti lamang ang pumupukaw kapag nalimutan mong magmahal. Subalit doon sa mga nakakalasong tao na basta pinili mo, mga bangungot sa pagtulog ang sa tuwina'y makakapiling mo.
Huwag mong hangarin na maliwanagan ang iyong nadarama. Magmahal at ibuhos ang lahat ng itinitibok sa iyong puso, ipagkaloob ang anumang nasa iyo bilang handog ng Maykapal. Alalahaning ang nagwawasak lamang sa pag-iibigan ay ang nakikita at hindi ang mga bagay na hindi nakikita. Tulad ng Pag-ibig, hindi mo magagawang titigan ito, kundi ang maramdaman at maipadama lamang.




Jesse Guevara
Lungsod ng Balanga, Bataan

Magtiwala Upang Pagkatiwalaan




Kailangan ba ang mangarap?

"Mangarap anuman ang nais mong mapangarap, pumunta kung saan nais mong makarating, panatilihin ang kasiyahan na iyong nadarama, at matiwasay na gampanan kung sino ang nais mong maging ikaw. Sapagkat mayroon ka lamang isang buhay at isang pagkakataon na gawing lahat ang mga bagay sa lahat ng iyong mga naisin sa buhay.
Natatakot lamang ang karamihan sa atin na sundan ang mahahalaga nilang mga pangarap, sapagkat ayon sa kanila ay hindi sila karapatdapat, o wala silang kakayahan na makamtan ang mga ito. Gayong ang posibilidad ng pagkakaroon ng pangarap na maging totoo ito, ang siyang lumilikha na maging kamangha-mangha at maganda ang buhay."

Bakit mangyayari ito?

"Sapagkat kapag may nais ka, at tahasang kailangan mo ito upang magawa mong matupad ang lahat mong mga pangarap, ... ang buong sansinukob ay magkakaisa at pag-uugnayin ang lahat ang mga bagay sa iyong daraanan para tulungan ka na makamtan ang lahat ng mga ito."

 Papaano kung magulo at pulos alitan ang namamagitan sa aming pagsasama?

 "Walang sinuman sa atin na aaksayahin na lamang ang kanyang buhay na puspos ng kaguluhan at kapaitan. Kaya lamang na tahasang ginagawa ito ng iba, para magbanta at manakot bilang uri ng pagkontrol. Kung nagpapatuloy man ang pagsasama, isa sa kanila ang nagpaparaya. gustuhin man niya o hindi ay wala siyang magawa. Nasa linya ito ng, 'It takes two to tango.'  Walang mamamagitang alitan kung walang kapahintulutan ang mga kasangkot. Kung wala kang pahintulot, walang alitang iiral. At nagpapatuloy lamang ito, dahil nais at sinasang-ayunan mo. Bahagi na lamang ng drama ang mga pagtutol at pagpapadala sa silakbo ng mga damdamin.
Lahat tayo ay may kakayahang isaayos ang anumang alitan, kung nanaisin lamang natin. Dangan nga lamang para sa iba, ang pang-aaway o alitan ay kasiyahan at kinahumalingan na."

Ang ibig mo bang sabihin, hindi nila alam ang kanilang ginagawang pananakit ng damdamin?

"Kung tunay ang iyong pag-ibig, hindi mo magagawang saktan ang damdamin ng iyong iniibig. Sapagkat may responsibilidad ka na paligayahin ang iyong minamahal. Ang buong mundo mo'y umiikot lamang para sa kanya. May tungkulin tayo sa ating mga sarili, sa ating mga nadarama, at resulta ng ating mga kapasiyahan. Wala tayong nararapat na sisihin sa anumang emosyon na umiiral sa atin. Dahil ito ang totoo at hindi natin kailangang ipagpaumanhin kahit na kanino.
Marami ang hindi nakakaalam; na kapag ikaw ang nanakit lalo na sa malalapit sa iyong puso, ikaw ang kauna-unahang masasaktan."

Ano ba ang kasabihang, “Umunawa muna, bago magpasiya!”

"Ang simpleng sagot dito ay huwag mag-akala, at personalin ang usapan. Isipin ang magiging kalalabasan ng gagawing kapasiyahan. Kadalasa'y mabuti at tama ang intensiyon, dangan nga lamang ay mali at taliwas ang pamamaraan. Makikita ang lahat sa naging resulta nito, kung ito'y tama o mali. 
At kapag ikaw ay nagagalit, huwag na huwag kang magbibitiw ng mga salita, lalo na ng mga pagbabanta, na sa kalaunan ay tatama sa iyo na siyang ikakapahamak mo.
Laging ilagay mo ang iyong sarili na suot ang sapatos ng iba. Kung ito’y nagpapasakit sa iyo, makakatiyak kang ito man ay kasakitan din para sa kanya. At pigilan ang mabilis na paghatol nang hindi nag-isip muna, para makaiwas sa nakaambang hindi pagkakaunawaan. Hangga't kapiling mo ang mga pagkatakot, kawalan ng katiwasayan, at mga pagdududa ay mananatiling kayakap mong lagi ang mga ibinubunga nitong mga kapighatian."
 
Kailangan bang laging tama ang bawa't sasabihin mo???

"Ito ay nasusulat. Ang lahat ay nagsimula sa kataga. Ang walang ingat at marahas na pananalita ay nag-iiwan ng alitan. Ang malupit na kataga ay winawasak ang isang buhay. Ito ay sumisira ng katinuan at nagdudulot ng mga karamdaman. Ang mahinahong kataga na nasa tamang pagkakataon ay nakakaginhawa sa pagkabagot at pinatatatag ang iyong pag-asa. Ang salita na may pagsamo ay nagdudulot ng pagtitiwala at pananalig, subalit ang higit na nakakalunas ...at may pagpapala sa lahat, ay mga kataga ng pagmamahal."


Papaano naman kung wala kang karanasan o natutuhan para masabi ito?

"Anumang pagtatalo o alitang namamagitan, ngumiti ka lamang. Ang tunay na pag-ibig ay nagsisimula sa pagsilay ng isang ngiti, sinusundan ito ng pagyakap at halik, na nagtatapos sa pagpatak ng luha. Hindi ang luhang may pait at pagtangis, bagkus yaong luha na batbat ng kaligayahan. 
Alalahanin, nang ikaw ay ipanganak, ikaw ay umiiyak at ang lahat sa paligid mo ay nakangiti at maligaya. Mabuhay nang maligaya dahil sa iyong pagyao, ikaw ang nakangiti at ang lahat na nasa paligid mo ang siya namang umiiyak.
Sa katapusan, hindi mahalaga kung gaano karami ang nagawa mong paghinga, bagkus kang gaano karami ang mga sandaling nawalan ka ng hininga sa mga kaligayahang sumapuso sa iyo. At ito’y maibibigay mo lamang kapag may pag-ibig sa puso mo.”

Papaano kung sawimpalad ka sa pag-ibig?

“Walang kinalaman ang sawimpalad dito, dahil kung may pag-ibig ka sa iyong puso, patuloy kang magmamahal. Kung wala ito sa iyo, wala kang maibibigay. Ito ang kasawian ng marami sa atin. 
Yaon lamang may mga pagmamahal sa sarili ang makagagawang magmahal ng iba. Sakaliman ang buhay ay binibigyan ka ng maraming kadahilanan para umiyak, ipakita sa buhay na mayrooon kang sanlibong mga kadahilanan para ngumiti. Ang buhay ay patuloy at hindi ka nito hihintayin. 

Papaano ito magagawa?

"Simpleng mga pagkilos lamang.
Magtrabaho na parang hindi mo kailangan ang pera, magmahal nang hindi kailanman ikaw ay nasugatan, at sumayaw hanggang nais mo na tila walang nakakakita sa iyo. At ipamuhay ang buhay na nais mo.
Lagi kong alam na kapag binalikan ko ang aking mga pagluha, ako ay matatawa, subali’t ang hindi ko alam kapag binalikan ko ang mga pagtawa, ako pala ay mapapaiyak. Magkagayunman, tamasahin ang buhay, … minsan lamang ito."

 Eh, kung maulit muli?

 Kung may naganap, may epekto. Lahat ng bagay ay nagaganap lamang minsan, at kailanman ay hindi na mauulit pang muli. Subalit ang bawa't bagay na naganap ng dalawang ulit, ay makakatiyak ka na magaganap pang muli ito sa pangatlo. At kung kinahumalingan na at sinapian na ng pagkabaliw, ay ritwal na ito para sa kanila.

Sa aking pagkakaalam, napapanis din kung minsan ang Pag-ibig, totoo ba ito?

"Pagkalunod ang tinutukoy mo. Huwag pakinggan ang sinasabi ng iba at maging ang kanilang mga panunulsol ay pakaiwasan. Ang pag-ibig kailanman ay hindi napapanis. Makilala ito sa mga katangian ng isang tao at sa kanyang mga ginagawa. Kahit na minsan, makalawa, makatatlo, o isang dosenang pag-ibig ang naranasan mo, ...palaging mahaharap ka sa panibagong sitwasyon. Kung ikaw ay tapat, walang magaganap, subalit kapag ikaw ay marupok, ito ang masusunod. 
Ang pag-big ay walang kinalaman at kahulugan dito. Sapagkat ang pag-ibig ay dadalhin tayo maging sa paraiso at impiyerno. Masasagot ito ng mahusay ng mga nagliligaw at ng mga may-asawa na. Doon sa una, ibibigay ang buong mundo niya. At dito sa huli, kapag may mabuting asawa, ay umuunlad ang buhay at matiwasay na yumayabong ang pagsasama. Subalit kung makasarili ang asawa, ay masalimoot, walang pag-unlad at nagiging timawa.
Tandaan lamang na sa sandaling simulan natin na umibig, ang pag-ibig ay magsisimula ding lunurin tayo."



Jesse Guevara
Lungsod ng Balanga, Bataan





Umasa nang Maganda



Malinaw ang iyong mga pahayag na may mga pangaral,  ito ba naman ay mga nagagawa mo?

“Ang pangaral ang siya nating hinihiling kapag nalaman na natin ang kasagutan at nananatiling hinahanap pa ito. Ito ay nasusulat, lahat ng iyong mga katanungan ay makakayang sagutin lahat ng nasa iyong kaibuturan. Sapagkat ang Kaharian ng Kalangitan ay nasa iyong kalooban.
Nararapat lamang na mabuhay nang walang mga pagdadahilan at magmahal nang walang panghihinayang. Magagawa mong ipikit ang iyong mga mata sa mga bagay na ayaw mong makita, subali’t hindi mo maipipinid ang iyong puso sa mga bagay na ayaw mong madama.
Anumang itinitibok ng iyong puso, naroon ang iyong kayamanan."

Papaano ko ito magagawa?

"Kailangang piliin mo ang mabuti mula sa masama, ang ngumiti sa kabila ng kalungkutan, ang mahalin ang nasa tabi mo, at alalahanin anuman ang mayroon ka. Sapagkat ang mga bagay na hindi mo pinahalagahan, ikaw ay iiwanan. Matuto sa mga kamalian, ngunit walang panghihinayang. Laging magpatawad, ngunit huwag makalimot, dahil ang sugat gumaling man ay nag-iiwan ng peklat."

Lahat ba ng mga ito ay kailangan sa buhay?

“May nagwika, ’Kung hindi ka marunong magmahal sa iyong “sarili,” ay higit ka pa sa hayop at malansang isda.’ Sapagkat kung wala kang paggalang sa iyong sarili, walang gagalang sa iyo. Kung nais mong ibigin ka, matuto kang umibig muna sa iyong sarili. Hindi mo maibibigay sa iba ang wala sa iyo.


Papaano ba ito magagawa?

"Kapag tayo ay nagmamahal, palagi tayong nagsisikhay na maging mahusay kaysa dati, pinipilit nating lalong mahalin ng ating kasuyo. At ang maganda pa rito, ...habang nagsusumigasig tayo na lalong maging mapagmahal, mapapansin mong lahat ng nakapaligid sa atin ay nagnanais na maging mapagmahal din."

May katiyakan ba ito, paaano ...kung abala ako sa trabaho, at walang sapat na panahon para maipakita ang lahat ng ito?

"Kapag ayaw mo, marami kang dahilan, ngunit kapag nais mo, ay may paraan. Simpleng kasagutan lamang at pakatandaan ito; Kung matututuhan na iwasan mo sa iyong mga pananalita, ang: sana, dapat, marahil, akala ko, isang araw o pagdating ng araw, hindi ka na mapaparalisa pa at makakakilos nang ganap para matupad ang iyong nais na maipadama. Kapag ikaw ay nagmamahal, lagi kang may panahon para dito.
Pagyamanin at pahalagahan ang lahat ng sandali sa iyong buhay! Higit na pagindapatin upang maibahagi sa mga malalapit sa iyong puso, at mga tunay na minamahal para maligayang aksayahin ang iyong panahon para sa kanila. Tandaan lagi na ang panahon ay hindi ka hihintayin at ang mga pagkakataon ay may kanya-kanyang kabanata sa iyong buhay.
Ang batang anak mo na nakatingala sa iyo ngayon ay siya naman mong titingalain kapag matanda ka na. Mahalin mo siya nang higit pa sa nalalaman mong makakaya mo, sapagkat siya ang magpapasiya kung kukupkupin ka niya o ilalagak ka niya sa bahay ampunan."

Ano ang tamang sandali para ko ito magawa?

“Walang tama o maling mga sandali. Nasa iyong pagpili at pinag-aralang kapasiyahan nakasalalay ang lahat. Nagiging mali lamang ang isang bagay kapag padalus-dalos ang iyong mga pagkilos at lihis ito sa katwiran.
Ang kahapon ay isang Kasaysayan. Ang bukas ay isang Misteryo. Ang araw na ito ay isang handog. Ang taguri nito ay Kasalukuyan. Natural lamang na pagindapatin mo ito, dahil dito umiinog lahat ang mga kaganapan para makita mo ang katotohanan at malasap ang iyong kaluwalhatian.
Ang buhay ay hindi para hintayin ang bagyo hanggang makaraan na ito, bagkus ang matutuhan na sumayaw habang umuulan.
Ang lahat ng mga bagay ay nagbabago, ang mga tao ay nagbabago, dahil patuloy ang pag-ikot ng mundo. Hindi nangangahulugang kalimutan mo na ang mga nakaraan, sisishin at pagtakpan ito,  bagkus ang magpatuloy at pagyamanin ang mga alaala. Sa pitong ulit na pagkadapa ay bumangon ka ng walong ulit."
 



Jesse Guevara
Lungsod ng Balanga, Bataan