Friday, March 29, 2024

Paalaala ni Gat Jose Rizal sa Makabagong Panahon

 

Sa gulang at hinog na 27 taong gulang, isinulat ni Gat Jose Rizal ang kabubuan ng mga importanteng leksiyon na kanyang natutuhan. Hiniling na isulat ito ni Marcelo H. del Pilar noong Pebrero 1889, na may titulong “Para sa mga Kababaihan ng Malolos,” patungkol ito sa matatapang na kababaihan na walang takot na humiling sa pamahalaang Kastila na sumakop noon sa Pilipinas, tungkol sa kanilang mga karapatan na makapag-aral sa gabi. Isinulat ito ni Rizal sa London, at tumutukoy sa magkakapantay ng karapatan at edukasyon, sa pangangatwiran at relihiyon; na nagtatapos sa pahayag ng mga prinsipyo,  “Pagsasaad ng mga Paninindigan”. Isa ito sa mga kadahilanan na ikinasawi ng buhay ni Rizal noong barilin siya sa Bagumbayan (Luneta Park), sa utos ng pamahalaang Kastila.
   Isang pagpapa-alaala at pagpapahalaga sa ika-117 anibersaryo ng pagkabayani ni Gat Jose Rizal tungkol sa mga nagawa niya noon para sa sambayanang Pilipino.
 
Pagsasaad ng mga Paninindigan
Ang pinakauna: Ang ipinagiging taksil ng ilan ay nasa kaduwagan at kapabayaan ng iba.
Ang ikalawa: Ang inaalipusta ng isa ay nasa kakulangan ng pagmamahal sa sarili at nasa labis na pagkasilaw sa umaalipusta.
Ang ikatlo: Ang kamangmangan ay kaalipinan, sapagkat kung ano ang isip ay ganoon din ang tao; taong walang sariling isip ay taong walang pagkatao; ang bulag na tagasunod sa isip ng iba, ay parang hayop na susunod-sunod sa tali.
Ang ikaapat: Ang magtago ng sarili, ay tumulong sa iba na magtago ng sa kanila, sapagkat kung papabayaan mo ang iyong kapwa, ay papabayaan ka din nila; ang isang tinting ay madaling baliin, ngunit ang mahirap na mabali ay ang isang bigkis na walis.
Ang ikalima: Kung ang babaeng Pilipina ay hindi magbabago, siya ay walang karapatang magpalaki ng anak, kundi gawing inahin o pasibulan lamang; dapat alisin sa kanya ang kapangyarihan sa tahanan, sapagkat kung hindi ito magagawa, ipagkakanulo nang walang kamalayan, ang asawa, mga anak, ang bayan, at ang lahat.
Ang ikaanim: Ang mga tao ay ipinanganak na magkakatulad, nakahubad at walang tali. Hindi nilalang ng Diyos upang maalipin, hindi bingyan ng isip para pabulag, at hindi hiniyasan ng katwiran at nang maulol ng iba. Hindi kapalaluan and hindi pagsamba sa kapwa tao, ang pagpapaliwanag ng isip at paggamit ng matuwid sa anumang bagay. Ang palalo ay ang nagpapasamba, ang bumubulag sa iba, at ang ibig na papaniigin ay ang kanyang mga naisin na tila nasa matuwid at karapatdapat.
Ang ikapito: Linangin ninyo nang masinsinan kung anong uri ng relihiyon na itinuturo sa atin. Tignan ninyong mabuti kung iyan talaga ang utos ng Diyos o ang pangaral ni Kristo na panglunas sa kahirapan ng mga mahihirap, at pang-aliw sa dusa ng mga nagdurusa. Alalahanin ninyo ang lahat ng mga itinuturo sa inyo, kung saan pinapatunguhan ng lahat ng mga sermon, ang nasa ilalim at kabuluhan ng lahat ng mga misa, nobena, rosaryo, kalmen, larawan, milagro, kandila, koreya, at ibat-iba pang iginigiit, inihihiyaw, at isinusurot sa araw-araw sa inyong mga kalooban, mga tainga, at mga mata. At hanapin ninyo ang puno at dulo, at saka iparis ninyo ang relihiyong iyan sa malinis na relihiyon ni Kristo, at tignan ninyong maigi na ang inyong pagiging Kristiyano ay kahalintulad ng inaalagaan na gatasang hayop, o kaparis ng pinatatabang baboy; at ang maunawaan na hindi ito pinatataba at inuugoy sa duyan dahil sa pagmamahal sa kaniya, kundi ang maipagbili sa malaking halaga upang lalong magkakuwarta ang mga pari, mga ministro, at mga pastor.
---------------
   Ngayon, higit na nating alam na bagama’t may “kalayaan kuno tayong ipinagdiriwang tuwing ika-12 ng Hunyo, ito ay hungkag ng kasarinlan. Sa dahilan na, pinalitan lamang ng mga huwad na Pilipino ang mga mananakop na Kastila, upang magpatuloy ang sabwatan, pagsasamantala, at mga pagnanakaw sa kaban ng bayan sa ating lipunan. Ito ay nakapangyayari lamang sa pakikipagtulungan ng mga naghaharing-uri, ng mga simbahan, at mga limatik na nagpapatakbo sa ating departamento ng Edukasyon.
   Hindi nakapagtataka, kung bakit walang hinto ang paglaki ng agwat ng mga mahihirap at mayayaman; patuiloy na naghihirap ang mga kapus-palad at patuloy naman sa pagyaman ang mga naghaharing-uri. Patunay lamang na makatotohanan ang mga "Tayu-tayo"; at "Kami-kami" lamang ---sa lahat ng sulok ng ating mga kapuluan.

Jesse Navarro Guevara                                                                                Lungsod ng Balanga, Bataan

 

Likhain ang Iyong mga Pangarap

 Ang mga bagay ay hindi nababago, kundi tayo. Kung hindi ka kikilos, ikaw ay kikilusin ng iba.

 "Mayroon isang pagkakataon kahit kaninuman na matagpuan nang walang takot, ang patnubay ng tadhana. At kailanma'y hindi ka mabibigo. Dangan nga lamang, iilan lamang ang nakakasumpong nito."  -Jose H. Guevara

Karamihan ng tao ay tahasang magtatagumpay sa maliliit na mga bagay kung hindi lamang sila inaabala ng mga matatayog na ambisyon. Kadalasan ay nakatingin sila sa magiging bunga, nang hindi nakikilatis ang buto o binhing itatanim.

Ang mga tao na nagtatagumpay ay mahuhusay at iilan lamang. Kakaunti sila na may ambisyon at kapangyarihang taglay na paunlarin ang kanilang mga sarili.Wala kang malalaman o katiyakan kundi mo ito sisimulang subukan.

   Hindi mo magagawang pigilan na ibaba ang isang tao nang hindi ka mananatili din sa ibaba habang pinipigilan siya. Piliting magawa ang tamang bagay sapagkat ito ang tama. Ang bagay na sinimulan nang tama ay nagtatapos sa tama --at tagumpay. At ang bagay na sinimulan na mali ay nauuwi sa mali --at kabiguan.

   Kung patuloy kang nabibigo sa buhay, katunayan ito na hindi masidhi ang iyong ambisyon. Maaaring maraming mga bagay ang pumupukaw sa iyong atensiyon na mga walang katuturan at walang kinalaman sa direksiyon na iyong tinutungo. 

   Kung nais mong marating ang pinakamataas na lugar, magsimula ka sa pinakamababa. Tulad ng hagdanan, marami kang aakyating baitang bago ka makarating sa itaas. Sapagkat kung hindi ito gagawin, patuloy kang ibabalik sa dating leksiyon, hanggang sa ito ay iyong malagpasan.

   Karamihan sa atin ay nagpapakita --na sadyang abala sa paggawa ng mga walang kabuluhan, panonood ng mga panandaliang aliw, mga libangan na magastos at walang ibubungang mabuti. Tahasang eksperto sila na manatiling nakatanghod, at nananaghili sa kasipagan at kaunlaran ng iba. Gayunman, ang katamaran ay may kabuluhan din at nakakatulong. Sapagkat isang halimbawa ito na huwag nang pamarisan kung ang hangarin mo ay paunlarin ang iyong sarili.

   Tanungin mo ang isang tao kung may plano siyang gagawin sa araw na ito, para sa isang linggo, para sa isang buwan at mga buwan pang darating. Kapag hindi niya masagot ito nang tuwiran at malikot ang mga mata, pagpapatunay lamang ito na walang direksiyon ang kanyang buhay kundi ang umasa at maghintay sa wala.

   Hangga’t mapanlikha ang iyong isipan, lalaging ligtas ka sa anumang uri ng masamang pagsasanay. Dalawa ang uri ng talento, gawa ng tao at bigay ng Diyos. Dito sa gawa ng tao, kailangan mo ang matinding magtrabaho. Subalit sa bigay ng Diyos, kailangang kalabitin mo lamang paminsan-minsan, dahil ang pagpapala ay walang hanggan. ito naman ay kung may taimtim na pananalig ka.

   Maging sinuman ikaw o kung saanman ka nanggaling at anuman ang nakaraan mo, magagawa mo ang anumang iyong naisin na maging ikaw, kung tahasang ninanasa mo ang pagbabago sa iyong pagkatao. Marami ang hindi nakakaalam kung bakit madalas silang malito, mabugnot, at mabagot sa dahilang pinipilit nilang maging iba ang kanilang personalidad, gayong may sarili silang katauhan na nagnanais makalaya at magpakilala kung sino itong talaga.

TANGING IKAW lamang ang makakagawang mag-isip para sa iyong kapakanan. 
   Sa pagtatapos ng iyong buhay, kapag nakatindig na ikaw at nagsusulit sa harapan ng Diyos, umaasa ka na wala nang anumang bahid ng talento na natitira pa sa iyo, bagkus ay maligayang maipapahayag mo, “Nagamit ko pong lahat ang mga bagay na ibinigay ninyo sa akin.” 
 
Jesse Navarro Guevara                                                                                Lungsod ng Balanga, Bataan

Alam Mo ba Ito?

 


Mayroon kang likas na kapangyarihan na makuha ang “Lahat ng Iyong Naisin.”
Ang tadhana ay naglaan ng mga matamang gabay; na may makapangyarihang mga mensahe upang likhain nang makahulugan ang iyong mga relasyon, at maging mga tagumpay sa lahat ng aspeto ng iyong buhay.

Pinatutunayan nito:
Na ang iyong karanasan sa mundong ito ay repleksiyon mula sa antas ng iyong kaibuturan.

Kailanman na hindi mo nakukuha ang iyong kailangan, nagpapatunay ito na nakatingin ka sa maling direksiyon at naligaw na ng landas.

Ang kapangyarihan na makuha ang anumang iyong naisin, ay sumisibol lamang mula sa pananalig, pagtitiwala, positibong saloobin, at masidhing hangarin.

May kapangyarihan kang magbago. Walang sinumang makakagawa nito para sa iyo. Magagawa mong tulungan, paunlarin, at paghusayin ang kalidad ng buhay na iyong ninanasa, anumang sandali na naisin mo. Ang susi upang ang lahat ng mga ito ay maganap ay Kawatasan ng Matamang Gabay. Ang kalusugan, kaligayahan, tagumpay, at kayamanan ay mapapasaiyo kung may kabatiran ka at sinusunod ang mga mensaheng narito.
   Apat na mga pangungusap lamang ang namumuno dito:
1.      Inspirasyon upang kumilos
2.      Kaalaman kung papaano ito gagawin
3.      Gabay ng Kawatasan
4.      Pananalig na Magtagumpay

Kailangan ang sapat na panahon para magtagumpay---gayundin ang panahon para mabigo.
Subalit kaunti lamang ang nakaukol na panahon para magtagumpay, kaysa sa panahong iuukol kapag nabigo. Sapagkat higit na madali ang magsimula ng bago at naiibang paraan, kaysa ulitin, repasuhin, at itama ang mga nagawa na nakasira at nagdulot ng kabiguan.

Mula sa aklat na, “Kawatasan ng Matamang Gabay” ni Jesse Guevara, 2001

Jesse Navarro Guevara                                                                              Lungsod ng Balanga, Bataan