Saturday, April 21, 2012

IsangPilipino: Matatag na Moog



   Huwag kang humiling kung ano ang magagawa ng ating bansa para sa iyo, bagkus ay ang tanungin mo ang iyong sarili kung papaano ka makakatulong sa ating bansa na mapalaya ito. 

Ito ang kailangan mong magampanan.


  Mahigit na 90 porsiyento ang nagpapakilalang mga kristiyano sila sa ating bansa. Ayon sa kanila, kilala nila si Hesukristo. Kung magkakaroon ang sekta ng kanilang mga relihiyon ng mga malawakang pagbubunyi at pagpapakita ng pagtutol sa pamahalaan, laksa-laksa silang nagkakaisa at pinupuno ang mga liwasang pambayan sa kanilang bilang.
  “Pinapalakpakan” ko ang mga namumuno ng mga relihiyong ito sa kanilang sentimiyento at hangarin tungkol sa kanilang mga itinuturo sa mga tagasunod. Pati na ang karapatan sa sagradong pagboto ay napapailalim sa kanilang mga kagustuhan. Ang kanilang puso para sa mahihirap at sadyang nagdarahop sa ating mga kababayan ay malinaw, Ang mailigtas ang kaluluwa at makapunta sa kalangitan. Ganito din sa isang relihiyon, pasasabugin ang sarili at idadamay ang maraming buhay dahil may 77 birheng naghihintay sa paraiso ng langit. Magkatulad, magkaiba lamang ng kaparaanan. Dangan nga lamang, bilang mga relihiyosong tao sa ating bansa, hindi maiwasan ang mga katanungan: Bakit patuloy ang matinding kahirapan, mga kabuktutan, mga pagsasamantala, at mga kalagiman sa ating bansa? Gayong karamihan sa atin ay mga kristiyano at ang itinuturo ng ating mga relihiyon ay pawang kabutihang-asal, pagtulong, at paniwalaan si Hesus? Nasaan ang pagkakamali, o kung may nakaligtaan pang karapat-dapat na tamang ituro?

   Kahit na paghiwalayin ang estado at simbahan, na huwag patawan ng buwis ang bilyun-bilyong pera na kinikita ng simbahan lalo na sa mga paaralan at pamantasan nito, upang umamo ito at huwag makialam sa estado o ng pamahalaan, patuloy pa rin ang kanilang pamumulitika, pakikialam at pagsasalaula sa ating pamahalaan. Hindi ba ito ang sanhi?
   Mayroon pang naging gobernador, may kinatawan, may iba't-bang tungkulin sa pamahalaan, may paulit-ulit na naghangad na maging Pangulo ng bansa, may palaging mga nakikialam sa ating kontitusyon, at may mga bayarang taga-konsulta ng nakaupong Pangulo mula sa mga simbahang ito. Sila ang mga pinaniniwalaang mga buhay na “santo” na ginagamit ang kanilang mga iniidolong diyos at nagba-basbas sa mga kandidato tuwing may halalan. At kung hindi makuha ang kanilang mga hinahangad, ay ginagamit ang kanilang mga tagasunod na magkaisa na himukin ang lahat na ibagsak ang nakaupo sa Malakanyang. Ito ang tunay na nangyayari sa ating namimighating lipunan. Hindi ba ito ang sanhi?

  Maaari bang itanong ito; Bakit ang komunistang Tsina, na walang kinikilalang diyos ay maunlad at patuloy na umuunlad nang walang hinto? Bakit ang Singapore, Thailand, Taiwan, Malaysia, at Indonesia, at maging ang komunistang Vietnam, hindi naman mga katolikong bansa ay higit na mauunlad kaysa sa atin? Hindi naman sila mga kristiyano. Hindi nila kilala si HesuKristo, at tayo lamang ang katolikong bansa dito sa Asya na naniniwala kay HesuKristo. Bakit napag-iiwanan tayo nila sa kabuhayan at kaunlaran? Higit bang makapangyarihan ang mga diyos nila kaysa sa iniidolo nating diyos? Hindi ba ito ang tunay na Diyos na Makapangyarihan sa lahat? Hindi ba ito ang sanhi?

Hindi ba totoo, kung ano ang pinapaniwalaan mo, ikaw ay magiging ganito?
Hindi ba totoo rin , na kung naghihirap ka, tila . . . mahirap din ang diyos mo?
. . . At kung makapangyarihan sa lahat, at siya ang may kagagawan ng lahat ng iyong mga nakikita, lahat ng puwede mong tanawin, kahit saan, sa lupa, sa dagat, sa langit, ay kanya, ubod ito ng yaman, hindi mapapantayang yaman, pinakamayaman hanggang sa dulo ng walang hanggan.
Ito ang tanong, Bakit mahirap ka? May kaunting kinikita na sapat lamang? Malungkot, dahil walang gaanong naiimpok. Dahil . . . tila mali ang iniidolo mo.  Hindi ba ito ang sanhi?

Ano ang dahilan na nangyari at patuloy na nangyayari ito?
At kung hindi natin mababago ay patuloy na mangyayari pa ito, paulit-ulit ito, at walang hinto.

Hindi naman ba tungkol sa ekonomiya?
   Hindi tayo magkakaroon ng makapangyarihan at matibay na pamahalaan kung hindi malakas at matibay ang ating ekonomiya. Wala tayong kakayahan na magkaroon ng maunlad na ekonomiya kung wala tayong malusog at nagtutulungang mga pamayanan, masigla at umaatikabong mga pagpapaunlad, at higit sa lahat, ang pagkakaroon ng ulirang mga pamilya.
   Kaysa tanggapin na magkahiwalay ang simbahan (pananalig) at pamahalaan (pulitika), hindi ba mabisang pagsamahin ito? Tutal, patuloy naman ang pamumulitika ng simbahan, bakit hindi gawing isa na itong bahagi ng pamahalaan at pagbayarin sila ng buwis? Nang sa gayon ay mapakinabangan natin ito at hindi mapunta sa Vatican ng Santong Papa, sa Roma; at gamitin nila ang perang ito para tayo ay patuloy na linlangin at igisa sa sariling mantika sa kanilang mga paaralan at pamantasan. Pinatunayan na ito noon pa ng ilokanong si Gregorio Aglipay nang itatag niya ang Siwayawaya nga Simbaan ti Filipinas o, ang Philippine Independent Church, noon pang 1902. At noon pa man, marami ng bansa ang tumulad dito, isa na ang Ingglatera na nagpalaganap ng mga protestante na mga tagasunod hanggang sa Amerika, at maging sa buong mundo, bilang protesta sa Papa ng Batikano, sa Roma. 

   Kailangan nating magkaroon ng mga prinsipiyong nagpapakita hindi lamang ng mga paniniwalang may moralidad at integridad, kailangan ding sumasang-ayon ito sa malayang merkado o pamilihan, bagkus ang magkatuwang – ngayon at magpakailanman – ang mga tunay na kristiyano at ng mga nagtataguyod ng reporma at kalayaan sa ekonomiya, hindi ang panggigipit ng simbahan at naghaharing-uri. Kailangan magkaisa tayo at sama-samang magtrabaho na mabago ang ating bansa upang ganap itong maging malaya.
   Kung magagawa nating lahat ito, at masigasig –na maging mahusay, may kababaang-loob, masinop, at tahasang nakatuon sa kaunlaran – ang sumulong, pahalagahan ang buhay at mga karapatang pantao, makatarungang tupdin at ingatan ang halalan, piliin lamang ang mga karapatdapat sa tungkulin, pahalagahan ang dignidad ng pag-aasawa at tradisyonal na pamilya, at kalayaan ng kamalayang ispirituwal ng bawa’t isa. Ito ang tunay na Pilipinas at maipagmamalaki nating bansa. Hindi ang Pilipitnas na kulelat at pinipintasan ng mga kalapit-bansa na laging pulubi, nakabuntot, at pupuwit-puwit sa Amerika.
   Isa lamang tunay na pakikipagrelasyong ispirito sa Dakilang Ispirito ang nararapat, walang simbahan o relihiyon sa pagitan nito, at hindi nagmumula sa mga nagdidikta ng simbahan ang nararapat na masunod ng bawa’t isa sa atin. Maging sa pulitika, at hindi sa pamilya ng mga pulitiko, na tulad ng mga paru-paro na palipat-lipat ng partido at kaanib sa Balimbingan Party.
   Hindi ito mga tanong ng kanan laban sa kaliwa; o, ng pamahalaan laban sa mga rebelde; o, kristiyano laban sa mga pagano; ito ay ang tama laban sa mali ! Ang pagkakaisa na magdudulot na maunawaan ng lahat at nasasangkot na mga mamamayan ng Pilipinas na may pananalig kay Hesus at isinasagawa ang mga itinuturo nito, nang walang mga panggagaya, dogma, mga kautusan ng simbahan, dikta o sulsol ng iba, kundi mula lamang sa kanyang pansariling kabatiran.

   Ang ating mga kababayan ay patuloy na nililinlang, dinudurog at pinagwawatak-watak sa kakulangan ng kaalaman. Ang kaalaman ay wasak na kundi man nadurog kapag wala itong kamalayan sa tunay na kaganapan ng ating lipunan. Sa likod ng mga naglalakihang relihiyon ng mga kristiyano sa ating bansa, ay nakakubli ang mga asendero at naghaharing-uri na patuloy na sumisipsip sa dugo at pawis ng mahihirap nating kababayan. Nasa pagkakaisa lamang makapagtatatag ng isang matibay at matatag na moog. Isang tanggulang magtataguyod at magpapalaganap ng pagiging mga tunay na mga Pilipino sa ating lahat. At ito ang IsangPilipino, sa isip, sa salita, at sa gawa.


Maraming salamat po.



Jesse Guevara
Lungsod ng Balanga, Bataan
Maraming artikulo na tulad nito sa mga nakaraang pahina. Pinaganda at isinaayos ito sa akotunayna pilipino.org (ginagawa pa). Laging dinadagdagan at may kasunod. Anuman ang iyong reaksiyon o may katanungan ay may paanyaya sa  wagasbalanga@gmail.com

No comments:

Post a Comment