Tuesday, April 24, 2012

IKAW ang ISPIRITO Mo


Katulad ng kandila na hindi sisindi kung walang apoy
ang tao ay hindi matitiwasay kung walang buhay na ispirituwal.

   Isang makabuluhang ideya lamang ang kailangan upang baguhin ang pananaw. Isang katalusan, sa daloy ng talakayan, usapan, o paliwanagan, na magta-transporma sa takbo ng iyong iniisip, gagawin, at paiiralin sa buhay. Isang pirasong katalusan ng mahalagang bagay na sumasanib sa iyong diwa - na mangingibabaw at tatanglaw sa buong pagkatao mo: Ang iyong Ispirito.

   Linggo ng umaga, nakagawian na namin ang magsimba sa bahay, nang ikuwento ito ng aking maybahay. Habang inaayos ang sopa na uupuan at binubuksan ang bibliya, ay sinasalitan niya ng mga pagsasalaysay tungkol sa Ispirito. Iniabot ko sa kanya ang notebook na pagsusulatan niya ng mga maririnig sa mga pastor (apat na istasyon ito sa telebisyon), patuloy pa rin ang kanyang pagpapahayag. Upang huwag kong malimutan ay mabilis kong isinulat ang mga ito sa papel. Kapag may naririnig naman siyang makabuluhan at naiibigan, ay isinusulat niya kaagad ito.Tulad ng lagi niyang ipinagbibilin, “Magsulat nang hindi malimutan, at ang pagka-ulyanin ay hindi ka pasukin.” 

Narito ang buod ng salaysay niya;

 Ang Ispirito ng Iyong Sarili
   “Walang anumang bagay na hindi nanggaling mula sa kanya.
Sa lahat ng bawa’t bagay siya ang Ispirito na nasa kaloob-looban mo.
Siya ang kaibuturan, siya ang iyong supremong Ispirito, na namamahay sa iyong sarili.
Wala ng hihigit pa sa kanya, siya ang iyong kataas-taasang kaganapan.”
“Siya ang iyong KAISIPAN.
Siya ang iyong KAMALAYAN.
Siya ang iyong KABATIRAN.
Siya ang iyong KATOTOHANAN.
Siya ang iyong KALIGAYAHAN.
Siya ang iyong KAPAYAPAAN.
 . . .at kung pagsasamahing lahat ang mga ito;
Siya ang lumilikha ng nakatakdang KALUWALHATIAN ng iyong sarili.”

“Ikaw ang lahat ng mga ito, Pilian, IKAW ang ISPIRITO mo!”

“Kung maaari lamang, aking Ama, ipaalam mo sa aking higit pa
    Kung SINO ang ISPIRITO na ito na nasa akin.”

“Nais kong ituwid ang anumang aking naiisip.
Nais kong namamalayan ang bawa’t sandali.
Kailangang mabatid ko ang nararapat para sa akin.
Makita ang makatotohanan, sa mga bagay at pangyayari.
Upang malasap ko at maging maligaya.
Manatiling mapayapa sa tuwina at tinatamasa ang lahat.
   Oh, aking Ama, tulungan mo po akong wagas na masumpungan ang aking nakatakdang kaganapan. Nais kong maranasan ang KALUWALHATIAN na ito!

“Oo, aking minamahal na anak, gagawin ko,” ang bigkas ni Bathala.
Unawain mong lahat ang aking ipapahayag na aking kalooban sa iyo.”

Ang Punong-kahoy
“Putulin mo ang isang ugat ng punong-kahoy at ito’y magkakatas.
Subalit patuloy itong nabubuhay. Tabasin mo naman ang tuktok ng punong ito;
ito ay magkakatas din, subalit mabubuhay. Tulad ng ating dumadaloy na dugo ay pipiliting ampatin. Ang Ispirito ay ang buhay na sinusupurtahan ang puno, na nananatiling matibay at matatag. Tinatamasa nito ang mga nakapag-bibigay buhay na kanyang natatanggap mula sa Ispirito. Kung wala na ang Ispiritong ito sa puno, mamamatay na ang puno.”

 “Kung ang isang dahon sa sanga ng puno ay napigtal kahit saglit, ito ay malalanta.
Kung ang isang sanga naman ng puno ay nabali at natanggal, ang sangang ito man ay malalanta.
Alisin ang lahat ng mga dahon ng puno, at ang buong puno na ito ay mamamatay.
Ang katotohanan, mahal kong anak, kapag ang kamatayan ay dumating at ang Ispirito ay lumisan na mula sa katawan, ang katawan ay mamamatay.
Subalit ang Ispirito ay hindi mamamatay o kailanman maglalaho.”

“Walang bagay na hindi nanggaling sa kanya.
Sa lahat ng bawa’t bagay siya ang kaibuturan ng iyong sarili.
Siya ang wagas na KATOTOHANAN; siya ang supremong Ispirito mo.
Ikaw ang Ispirito na nasa katawan mo, Pilian, ikaw siya.”

“Hindi ikaw nasa mundong ito para hanapin ang Ispiritong ito. Ikaw ay isang Ispirito na nasa iyong sasakyang katawan na ginagamit sa paglalakbay upang gampanan mo ang iyong KALUWALHATIAN.”

“Oh, aking iniibig na Ama, bigkasin at ipaalam mo pa nang higit ang tungkol sa Ispirito ko.”

“Oo, aking iniirog na anak, ipaa-alam ko,” ang pangako ni Bathala.

“Dalhan mo ako ng hinog na bungang mangga.”

“Narito na po ang bungang mangga, aking mahal na Ama.”

“Biyakin mo ito, at ano ang iyong nakikita?”

“Kulay dilaw na kalamnan at magaspang na buto lamang po, at wala ng iba pa.”

“Amuyin mo,” ang utos ni Bathala.

“Mabango, may halimuyak po na nakakasiya,” ang wika ni Pilian, “tila masarap na po ang pagka-hinog nito.”

“Tikman mo,” ang tugon ng Ama.  
“Malinamnam po at nais ko nang kainin,” nagagalak na bigkas ni Pilian.

“Ang amoy na iyong nalanghap ay hindi mo nakikita, mahal kong anak.
Ang linamnam na iyong nalasap, ay hindi mo mahahawakan.
Ang lahat ng mga ito’y nanggaling sa iyong Ispirito. Ang linamnam nito ay dati ng nasa iyo, wala sa mangga. Nalalasap mo lamang ito kapag may kinain ka at nalasahan ito, at napukaw mo ang panlasa na nakalaan para dito.”

“Kung nais mo pa ng mangga; Siya, na Ispirito mong ito ang nagpapaisip sa iyo. Kung hilaw ang bungang mangga, mangangasim ka, at kung hinog naman ito,  pinatatakam ka. Walang kinalaman ang mangga sa nangyayaring panlasa mo."

“Walang bagay na hindi nanggaling sa Ispirito mo.
. . . at ang butong natira ay may buhay, lilikha siya ng isang punong mangga na magbibigay ng marami pang mga bungang mangga.
Ang ispiritong ito ang katotohanan, siya ang supremong Ispirito mo na nagaganap sa iyo. Napapatunayang lahat ang mga ito. Kapag wala na sa iyo ang Ispirito na ito, magdidilim ang iyong paningin, mawawalan ka ng malay, at kung hindi ito makakabalik sa iyong ulirat ay mamamatay ang iyong katawan.”

“Ikaw ito, Pilian, ikaw mismo ang iyong sariling Ispirito.

“Nasa iyong kaibuturan, sa iyong utak, naglalagi ang Ispirito na ito, at may nagpapadala ng mga mensahe para dito. Ito ang kailangan mong alamin upang maunawaan ito,” ang pahayag ni Bathala. “tulad ng nakikita mo sa telebisyon, nasa iyong kapasiyahan lamang kung aling istasyon ang nais mong mapanood. Ang utak mo ang antenna, at may nagpapadala ng mga panoorin at inpormasyon para dito. Kung may sarili kang mapagmasid at sumasagap na Ispirito, mayroon higit na makapangyarihan na tinatanggap ito; at ito ang Dakilang Ispirito. Alam mo ba ito, ha, Pilian?

“Sige na aking minamahal na Ama, dagdagan mo pa ang aking nalalaman upang higit kong makilala ang aking Ispirito na nakapangyayari sa aking sarili.” Ang pagsusumamo ni Pilian.

“Oh, aking sinisintang anak, hindi mo na kailangan pang pakiusapan ako. Gisingin mo lamang ang iyong sarili sa tuwina at ang Ispiritong ito, na nasa iyo ay magpapakilala. Matagal nang nakakubli sa puso mo ito, laging kumakatok na pagbuksan mo upang makawala. Bumubulong, nagpapaala-ala, kusang nakikialam sa iyong mga kapasiyahan. Kapag nakatulog ka, ay humihingi Siya ng atensiyon mo sa iyong mga panag-inip. At kung minsan kapag nagagalit ito sa iyong pagwawalang bahala sa kanya, binibigyan ka ng mga bangungot.”

“Sa iyong mga pagdarasal, inaakala mong hindi ka sinasagot niya. Hindi niya maaaring gawin ito para sa iyo, sa dahilang Ikaw at ang Ispirito mo ay IISA. Kaya nga, bilang kasagutan ay kinakausap ka niya sa mga problema, mga bagabag, mga paghamon at mga pagkalito na nangyayari sa iyo. Inihahalang ang mga ito sa iyong daraanan, upang gisingin ka. Hinahamon ang iyong kakayahan na makilala mo Siya. Kasama na rito ang mga panag-inip at mga bangungot na kanyang mga kasagutan sa iyong mga dasal na ito.”

“Hindi Niya ito ipinagkakaloob sa iyo nang hindi mo makakaya. Hindi ka pa ipinapanganak, talos na Niya ang lahat ng iyong mga angking katangian at mga kakayahan. Siya ang may likha nitong lahat. Itinakda na Niya ang iyong KALUWALHATIAN. Nasa iyo lamang kapasiyahan upang ito ay mapasaiyo. Walang imposibleng bagay sa Kanya. Humiling ka at ikaw ay bibigyan, kumatok ka, at ikaw ay pagbubuksan. Sa kanyang mansiyon ay maraming pintuan at napakaraming silid. Nakasulat ito.”

  “Magpatuloy pa kayo, aking ama, lalo po akong nasasabik na lubusan kong makilala ang aking Ispirito,” ang masiglang pakiusap ni Pilian.

“Dalhan mo ako ng isang dakot na asin, aking mahal na anak,” ang utos ni Bathala, “magdala ka na rin ng isang palangganang tubig.”

“Narito na po ang asin at ang palangganang may tubig.”

“Ano ang nakikita mo sa tubig, Pilian?
“Wala po akong nakikita,” ang may pagtatakang sagot ng anak, “wala pong kulay ang tubig.”

“Ibuhos mo ang asin sa palangganang may tubig,” ang utos ng ama, “haluin mong mabuti.”

“Nahalo ko na po.”
“May nakikita ka pa ba? Ang tanong ni Bathala.
“Ganoon pa rin po, malinaw pa rin at walang kulay po ang tubig,” ang hindi mawaring sagot ni Pilian sa ipinagagawa ng Ama.

“Ngayon naman ay tikman mo ang tubig sa may gilid ng palanggana na ito,” ang utos ng Ama, “ano ang nalasahan mo?”

“Maalat po.”
“Dito ka naman sumipsip sa bandang ito ng tubig,” ang sumunod na utos, “ano ang nalasahan mo?

“Ganoon din po,” ang tugon ni Pilian, “maalat pa rin ang tubig.”

“Doon naman sa gitna ng tubig, lasahan mo,” ang muling utos ng ama, “ano ang lasa?”

“Walang pagbabago,” ang paliwanag ni Pilian, ”sadyang maalat ang tubig na ito kahit saan mang panig ako tumikim, aking mahal na Ama.”

“Kaya nga, aking mahal na anak, lahat ng bagay na hindi mo nakikita ay nariyan lamang sa iyo. Tulad ng hangin, hindi mo ito nakikita, ngunit labas-masok sa katawan mo. Binubuhay ka nito sa buong buhay mo. Lahat ng mga bagay na hindi mo nakikita ang siyang pinakamahalaga at nangingibabaw na katotohanan sa lahat. Tulad ng pag-ibig, pagmamalasakit, pang-unawa, pag-asa, pagmamahal, atbp. At upang ang mga ito ay iyong makuha, ay kailangan mo munang maibigay. Hindi mo maibibigay ang mga bagay na wala sa iyo.”

“Sa lahat ng mga bagay, mga pangyayari, mga pagkakataon, ay naroon ang mga ito. Siya ang asin ng tubig; Siya ang hangin ng buhay. Anuman ang iyong ginagawa, pakikipag-relasyon, pinapangarap, at tinatalunton sa iyong buhay, ang Isipiritong ito ang nagpapakilala ng lahat ng mga ito para sa iyong tunay na kaganapan.”

“Walang bagay na hindi nagmula sa kanya.
Sa lahat ng bawa’t bagay na iyong maiisip, mamamalayan, mababatid, mapatotohanan, magpapaligaya, at magpapayapa; ang lahat ng mga ito ay ang KALUWALHATIAN ng iyong Ispiritong tinataglay.”

“Siya ang iyong KATOTOHANAN, siya ang iyong supremong Ispirito.
“Ang pinakamahalaga sa lahat upang wagas na mapasaiyo ito, may isang sekreto na karamihan sa atin ay ipinagwawalang bahala at laging kinakalimutan. Ito ang susi, ang ituon ang ating mga sariling Ispirito sa Pinakamakapangyarihan sa Lahat, ang Dakilang Ispirito na pumapatnubay at bumubuhay sa ating mga sariling Ispirito. Siya lamang ang higit na nakapangyayari at nakakaalam ng lahat.”

“At alam mo ba, mahal kong Pilian, ikaw, ang iyong Ispirito at Dakilang Ispirito na ito ay IISA? Nauunawaan mo ba na ang Ama, ang anak, at ang Banal na Ispirito ay IISA?
Alam mo rin ba na kapag pinagsanib mo o pinag-isa, ang iyong Isip, Katawan, at Ispirito ay magkakaroon ka ng Kaluluwa? Ito ang nagpapakilos sa iyo.”

"Mula sa kamangmangan, matiyagang pagsasanay, masikhay na pagtuon nang walang anumang pagkagambala, unti-unti ang iyong isip, katawan, at Banal na Ispirito ay magsasanib at mabubuo ito na maging eksperto ka sa ginagawa mo. Mayroon ka ng kaluluwa para dito. Napansin mo ba na bago ka makasulat ng iyong pangalan ay binubuno mo ang lapis? Ngayon, kahit na nakapikit ka ay makakaya mong maisulat ito. Dahil nagising mo ang iyong kaluluwa para dito."

“Aking minamahal na Ama, ipaalam mo pa sa akin ang aking Ispirito, sige na aking Ama”

“Oo, aking minumutyang anak, katungkulan ko ito sa iyo,” ang maliwanag na pangako ni Bathala.

“Mayroong isang lalaki sa lalawigan ng Bataan ang piniringan sa mata upang walang makita.
Inakay at dinala siya sa isang tahimik na kaparangan. Pinaikot na nakaharap sa hilaga, pinaharap sa silanganan, pinaharap sa timog, at sa huli ay pinaharap naman sa kanluran. At iniwan, hinayaang mag-isa sa kinatatayuan nito.
   Lumipas ang maraming sandali sa kalagayang ito, ay nainip na at naghihiyaw ang lalaki, “Hoy, narito pa ako na iniwan ninyo at hindi nakakakita!”
   Hanggang sa may lumapit at inalis ang piring sa kanyang mga mata at nagwika, “Hayan, idilat mo ang iyong mga mata, at sundan ang nais mong landas.”

“Kaya nga, aking mahal na anak, kung walang nakapiring sa iyong mga mata, at magagawa mong idilat ang mga matang ito, magigising kang tuluyan. Ang iyong isip ay magkakamalay, mababatid mo ang katotohanan, ito ang magpapasaya sa iyo na hahantong sa iyong kaligayahan, papayapa ang iyong kalooban at tahasang magaganap ang iyong nakatakdang KALUWALHATIAN.
Huwag mong hayaan na piringan ka ng iba. Iwasan mong magsuot ng may “gradong salamin” ng mga pakikialam, pagpuna, pamimintas, mga kundisyon, at mga paghatol sa iba. Sa kalaunan, ito ang malalasap mo at siyang magpapahamak sa iyo. Iwasang patigasin ang iyong mga panuntunan na magpaparalisa sa iyo. Hanapin ang iyong liwanag at pagliyabin ito na nagnining-ning.
Ikaw na nagpadingas; at ang liwanag na nag-apoy dito, ay siyang tatanglaw saan man nais mong magtungo. Hindi ka kailanman mabibigo. Sa mga ibat-ibang pook, mga pamayanan, sa lahat ng mga taong iyong nakilala at sinamahan, ay masusumpungan mo sa unang pagkakataon, na makauwi ka kung saan ka nagmula. Ang makamtan mo ang wagas na Kaluwalhatian ng iyong sariling Ispirito.”

“Walang bagay na hindi nanggaling sa Kanya.
Walang anumang bawa’t bagay na hindi nanggaling sa sarili mong Ispirito.
Siya ang Katotohanan, siya ang iyong supremong Ispirito.
Pinapatnubayan at Pinagpapala ito ng Dakilang Ispirito.

Ikaw ang lahat ng ito, mahal kong Pilian, ikaw at ang Dakilang Ispirito ay IISA!

Marami pong salamat, aking mahal na Ama, lagi ko pong susundin ang lahat ng inyong ipinagbilin, ayon sa Inyong Kalooban.”

-------
Hindi ko matutuklasan ang Diyos sa aking sarili at ang aking sarili sa Kanya, hangga’t wala akong kagitingang harapin ang aking sarili kung sino ako. Hindi ang makita natin sa ating mga sarili, maunawaan, at magkamalay, nang mabatid ang mga mapurol, limitado, kinakapos, at lagalag na mga kaluluwa natin, hindi ang mga ito, bagkus ang matuklasan ang kapangyarihan ng Dakilang Ispirito sa pagkabuhay kay Kristo mula sa pagkamatay at “Sa iyo na isinasanib Niya upang maging tahanan ng Diyos sa Ispirito,”   Efeso 2:22 KJV

Panatilihin ang Bukluran ng Ispirito
   4 Kaya nga, ako ang bilanggo ng Panginoon, ay nagsusumamo sa inyo na lumakad kayo nang karapatdapat na pagkakahirang kung saan kayo ay tinawag. 
  2   na may lubos na pagkukumbaba at maamo, mapagtiis, nagpaparaya sa isa’t isa sa pag-ibig.
   3   nagsisikhay na mapanatili ang pagkakaisa ng Ispirito sa buklod ng kapayapaan.
   4   Mayroong isang katawan, at isang Ispirito, kahit na kayo ay tinawag sa isang pag-asam  ng pagkakatawag sa inyo.
   5   Isang Panginoon, isang pananalig, isang binyag.
   6   Isang Diyos at Ama sa lahat, siya na nangingibabaw sa lahat, at sumasanib sa lahat, at sa loob ng lahat na nasa iyo.   Efeso 4:1-6 KJV


Jesse Guevara
Lungsod ng Balanga, Bataan



No comments:

Post a Comment