Monday, December 08, 2014

Kaharian ng Diyos



Bawat isa sa atin ay may karapatan, ang lehetimong kapangyarihan natin na tamasahin ang lahat ng kaluwalhatian na nakatakda para sa atin. Likas at kusa sa bawat tao na maranasan ang prosesong ito para sa kanyang sarili.



Minsan habang nagbabasa ng bibliya si pastor Mateo, ay may nagtanong sa kanya. "Pastor, magbibigay ako ng malaking donasyon sa darating na Linggo kung masasabi ninyo sa akin, kung saan nakatira ang Diyos?"
   Madali tayong makalimot na tayo mismo ay nilalang na kawangis Niya, at ang Kanyang Kaharian ay matatagpuan lamang sa ating kaibuturan. Sapagkat lahat ng kasagutan sa ating mga katanungan ay ipinagkaloob na sa atin. Hindi pa tayo isinisilang, alam na Niya kung sino ikaw, siya, ako, sila, lahat tayo at walang itinatangi sinuman. Ang kailangan lamang ay sisirin at alamin natin ang Kaharian ng Diyos na nasa ating kaibuturan.
Ang Kaharian ng Diyos ay nasa kaibuturan mo.  Lucas 17:21
   Kahalintulad ito ng pinakamahal na diyamante na nakabalot ng ginto sa kaibuturan natin at palagi nating dala-dala saan man tayo naroroon. Ang problema lamang nito, ay patuloy mong hinahanap kung saan-saan, sumasang-ayon kahit kaninuman, at maging maghaka-haka ng kalangitan sa sansinukob, maliban ang sisirin ito sa pusod ng iyong kaibuturan kung saan ito ay nakakulong. Tanging ikaw lamang ang makapagpapalaya nito at wala ng iba pa. Hindi kailangan ang pari, ministro, pastor o maging sinumang propeta para mamagitan sa iyong mga panalangin.
Kayo ay mga diyos. Juan 10:34
   Ang bilangguang ito ay ikaw mismo ang lumikha, simula nang ikaw ay magkaisip at sundin ang payo at sulsol ng iba, maliban sa alamin ito mismo mula sa iyong kaibuturan. Kailangang buwagin at tuluyan nang iwaglit sa iyong isipan ang mga imahinasyon, mga milagro, at mga pantasiya na nilikha at patuloy mong kinawiwilihan sa iyong sarili. Hindi ito ang makapagliligtas sa iyo sa kapahamakan.
   Hindi mo kailangan ang mga alamat at pantasiya o mga idolo at diyos-diyusan mula sa mga bulaan at mapagkunwaring mga banal, sapagkat...
   Kapag ikaw ay naniniwala at taos sa iyong puso ang pagmamahal at pagmamalasakit;
   Kapag nananangan ka sa Pag-ibig, Pag-asa, Katarungan, at Kapayapaan maging sa panahon ng kadiliman at mga kapighatian;
   Kapag ikaw ay mapagkumbaba, mahinahon at magiliw kahit kaninuman;
   Kapag ikaw ay may pananalig, debosyon, at maligayang tinutupad ang iyong hangarin kung bakit narito ka sa mundong ito. At kung ang dasal mo ay magpasalamat, ito ay sapat na.
   Kung ang mga ito ay nagagawa mo sa araw-araw ng iyong buhay, walang balakid o anumang bagay ang makahahadlang pa sa iyo para maging mapayapa at maligaya. Hindi mo kailangan ang mga patakaran, mga kautusan ng mga banyaga o, mga banta at mga panakot ng mga bulaang propeta, pari, ministro o pastor. Hindi mo ginagaya at pikit-matang sinusunod ang kultura at alamat ng ibang lahi kundi ang sarili mong pinagmulang lahi at kulturang Pilipino, At...
   Bilang tunay na Pilipino, malaya kang sundin ang itinitibok ng iyong puso at gampanan nang walang bahid ng anumang pag-aalinlangan ang Kaharian ng Diyos na nasa iyong kaibuturan.
Kayo ay templo ng Diyos, at ang ispirito ng Diyos ay nasa kaibuturan ninyo!  I Mga Taga-Korinto 3:16


Magkapatid Tayo




Walang sinuman sa inyo ang may pananalig, hanggat hindi niya hinahangad para sa kanyang kapatid ang hinahangad din niyang makakabuti para sa kanyang sarili.


Isang araw, inipon sa isang silid ni pastor Mateo ang mga batang estudyante at tinanong,    
   "Papaano natin malalaman ang eksaktong sandali kapag nagsisimulang gumabi at nagsisimulang mag-umaga?"
   "Madali iyan," ang mabilis na tugon ng isang bata, "ito ay kapag nasa malayo ka at natatanaw mo ang pagkakaiba sa pagitan ng kambing at ng aso."
   Hindi nasiyahan ang pastor sa naging sagot. Isa pang estudyante ang nagpahayag.
   "Ito ay kapag nasa malayo ka, at magagawa mong ipaalam ang pagkakaiba ng punong-mangga sa punong-papaya."
    Sumagot ang pangatlong bata, "Ito ay kapag, nakaya mong ilarawan nang mahusay ang iyong natatanaw na bahay kung kubo ito o kamalig ito."
   "Pawang mga mali ang tinuran ninyo, hindi ang mga iyan ang tumpak na kasagutan," ang pailing-iling na pahayag ng pastor.
   "Kung gayon, ano po ba ang tamang sagot?" ang may pagtatakang tanong ng mga bata.
At ang pastor ay nagpaliwanag:
   "Ang eksaktong sandali kapag nagsisimulang gumabi at nagsisimulang mag-umaga ay ito; Kapag ang isang estranghero o hindi mo kilalang tao ay lumapit sa iyo, at itinuring mo siyang kapatid, ito ang sandali na nagsisimulang gumabi at nagsisimulang mag-umaga."
   "Bakit po?" ang sabay-sabay na urirat ng mga bata.
   "Sapagkat kapag gumagabi na, wala kang paghatol o anumang pag-aakala kaninuman dahil matutulog ka na. At kapag mag-uumaga na, sa araw na ito, ay mayroon kang muli na panibagong pag-asa at pagkakataon para maipakilala ang iyong kabutihan sa iyong kapwa." ang masuyong paliwanag ng pastor.

Kagandahan




Ang kagandahan ng isang tao ay wala sa panlabas na anyo; ang kagandahan ay madarama mula sa kanyang kaibuturan.
Higit itong nakakaakit kung naiiba kaysa karaniwan. Ang kagandahan ay makikilala mula sa kalooban at hindi sa panlabas na kaanyuan. Kung maganda ang iyong mga ginagawa, lumilitaw ito sa iyong anyo at pinagaganda ang iyong buong pagkatao at personalidad.


   Papaano mo makikilala ang butiki kung wala itong buntot, ang tandang at inahing manok kung  walang pagtilaok at mga pagputak, o ang balimbing kung wala itong maraming gilid at hindi maasim? Kung walang kapangitan ay hindi mo mapapansin ang kagandahan.  At kung walang dilim hindi mo makikita ang liwanag o mababanaagan man lamang.
   Papaano mo lalong mapagni-ningning ang liwanag? Kapag inilagay sa kadiliman. Papaano mo makakayang punuin ang isang silid? Ang isang palitong nagliliyab ay makakayang tanglawan ang buong silid kapag ito ay madilim.
   Sa isang malinis at blangkong papel, ang isang itim na tuldok, ay sapat na para dumihan ito.
Nasa mga bagay na imperpekto, tayo ay namamangha at siyang umaakit sa atin. Kapag ito’y perpekto na, simula na ito ng mga bagabag, pagkabugnot, at kawalan ng pag-asa. Ano pa ba ang iyong hahangarin kung nakamit  mo na? Kung nasa iyo na? Kung natapos na? Wala na.
   Ang kagandahan ay hindi matutunghayan sa magkakatulad kundi nasa pagkakaiba. Kailangan mayroong kalamangan o kakulangan para may pagbatayan. Papaano mo mailalarawan ang isang gansa kung wala ang mahabang leeg nito o ng halamang rosas kung wala ang mga tinik nito. Ang pagkakaiba ng tuktok ng mga bundok ay siyang nagpapakilala sa kanilang mga anyo at hugis. Kung susubukan nating magkakatulad ang kanilang mga tuktok, hindi na natin sila magagawang pahalagahan at kilalanin. Sapagkat nasa imperpekto o walang mga kasakdalan tayo namamangha at siyang humahalina sa atin.
   Tignan ang punong-bayabas, hindi natin iniisip: "Ang mga sanga ay magkakatulad at magkasing-haba." Ang iniisip natin: "Masarap ang bunga nito kapag hinog na, at matibay gawing puluhan ng itak ang sanga nito." Kapag nakakita naman tayo ng ahas, hindi kailanman natin sinasabi: "Ang ahas ay gumagapang sa lupa." Kundi, "Mag-ingat, baka makamandag iyan at matuklaw tayo!" Ang iniisip natin: "Bagamat ang ahas ay maliit, ang kamandag nito ay nakakamatay."
   Kapag nakasakay naman tayo sa dyip at patungo ito sa papasukan nating trabaho, hindi kailanman pinupuna kung maganda o pangit na sasakyan ito. Ang iniisip natin: "Kailangang makarating ako sa tamang oras at masimulan kaagad ang aking trabaho."
Maganda ang paglubog ng araw, lalo na kung natatabingan ito ng mga iba't-ibang hugis ng mga ulap. Nakapagbibigay ito ng maraming mga silahis na makukulay kung saan lubos tayong nabibighani sa kagandahan nito.
   Kaawaan ang mga nag-iisip ng: "Hindi ako maganda, kaya nga ang Pag-ibig ay hindi pa kumakatok sa aking pintuan." Ang totoo, ang Pag-ibig ay kumakatok, subalit nang buksan nila ang pintuan, hindi sila handa na tanggapin ang Pag-ibig na iniaalay sa kanila. Inuuna at masyadong abala sila sa pagpapaganda sa mga sarili, kaysa pagyamanin ang kanilang mga katangian nang sila ay mapansin. Pilit na ginagaya at iniidolo ang iba bilang mga kopya, samantalang ang Pag-ibig ay naghahanap ng tunay o orihinal at hindi mga plastik.
   Pinagpipilitan na makatulad ng nakikitang mga panlabas na kagandahan, at nalilimutang ang tunay na kagandahan ay nanggagaling sa kaibuturan ng kanilang mga puso.
Ito ang katotohanan:
   Kung wala ang mga isinasaad sa itaas, hindi tayo kumpleto at masisiyahan sa buhay. Kung walang maliit, walang malaki. Kung walang payat, walang mataba. Kung walang maasim, hindi natin malalasahan ang tamis. Kung walang tiyaga, walang nilaga. Kung walang kabiguan, walang ding tagumpay. Kung walang dilim, ay wala ding liwanag. Dahil ang liwanag ay lumilitaw lamang matapos ang kadiliman. Sa bawat bagay ay may katumbas na kabaligtaran, sapagkat dito lamang mauunawaan na ang kagandahan ay nasa kaibahan.
   Matuto tayong magiliw na tanggapin ang ating pagkakaiba. Narito ang kagandahan ng ating mga relasyon sa isa't-isa.