Monday, April 30, 2012

Nasa Pangarap ang Simula ng Lahat



Kung walang Dakilang Ispirito na sumasanib sa iyo, ay walang
direksiyon din ang iyong mga pangarap. Sapagkat narito kung papaano ka Niya kinakausap, at kung ayaw mong pakinggan ito,
ay mga bangungot ang kapiling mo.

Mabisang mga Baitang sa Tagumpay

                        Baitang 9 
   Tinutupad ang mga Pangarap
  
Ang paglalakbay ng sanlibong milya ay nagsisimula sa isang hakbang.   –Confucius

   Hindi pinag-uusapan dito kung saan ka nanggaling; ang mahalagang punto dito ay kung saan ka pupunta. Sapagkat kung may pangarap kang matupad, ang iyong destinasyon ay nakasalalay dito. Walang kinalaman ang nakaraan mo, bagkus ang mahalaga ay ang iyong hinaharap. Hindi mo na mababalikan pa ang pinagdaanan mo at baguhin ito, subalit mababago mo ang iyong hinaharap kung tutuparin ang pangarap mo simula sa araw na ito.
   Kung nais mo ng mapahusay ang iyong buhay, kailangan paghusayin mo din ang magampanan ang pagtupad sa iyong pangarap. Nais mong magkatotoo ito, ang lahat ng iyong mga gagawin, ay nakatuon lamang dito. Tuklasin at pag-aralang lahat ang mga kinakailangang mga bagay sa iyong ikakatagumpay. Walang limitasyon ang iyong potensiyal na magawa ito. Mapag-aaralan mo ang lahat kung talagang nais mo ang kaganapan para sa iyong sarili, at makamit anumang lunggati na makakatulong sa katuparan ng iyong mga pangarap.
   Sa sandaling ikaw ay may pangarap at nagpasiyang simulang maisagawa ito, ang iyong tadhana ay nagaganap na. At kung ito ay nakabitin at naghihintay ng tamang panahon, ang iyong pagkakataon ay naglalaho, kawangis ng nauupos na kandila.

Ang limang kapasiyahan na may kontrol sa iyong mga pangarap:
1  Ang mga kapasiyahan tungkol sa nililikhang imahinasyon at ninanais ito.
2  Ang mga kapasiyahan tungkol kung ano ang pagtutuunan ng pansin at bakit.
3  Ang mga kapasiyahan tungkol sa mga bagay na may kinalaman sa pangarap na ito.
4  Ang mga kapasiyahan tungkol kung ano ang mga gagawin para likhain ang mga resultang nais makamit.
5  Ang mga kapasiyahan tungkol sa makabuluhang kalalabasan at kaunlarang idudulot nito

   Ang umasa ay ang makatanggap ng kabiguan. Walang katiyakan lahat ng mga pangyayari, subalit kailangang isaayos ang kaisipan upang subukang mabigo; dahil sa pakikipagsapalaran naroon ang tagumpay.  Kung walang mga pangarap, walang magaganap na kagitingan. At kung walang kagitingan, walang mapasisimulang mga pagkilos. Sapagkat kung nangangamba ka na hindi mo ito matapos at mapagod ka lamang, higit pa rito ang makakamit mo; ang manghinayang at magsisi sa habang panahon, dahil sa iyong mga kapabayaan.
   Huwag gayahin ang iba, na dahil lamang sa kinakatakutang  kabiguan, kailanma’y walang naumpisan o nasubukang anuman. Pawang paghihintay, pangamba, at pagaala-ala sa maghapon ang kasama. Walang mahihita sa patuloy na paghanga sa iba. Sa halip, tuklasin ang hinahangaang mga katangian at piliting matutuhan ito at gampanan ayon sa iyong kagustuhan. Tandaan lamang; walang mga pagkakamali; bawa’t karanasan, kahit na ito ay negatibo o nakapinsala, ay isang pagkakataon na matutuhan ang leksiyon  at sumulong pataas at marating ang mataas na antas ng kaliwanagan (enlightenment).
   Pakaiwasan na makagawa ng kapinsalaan sa iba, bawa’t kabuktutan na nagawa laban sa ibang tao, kahit na hindi sinasadya, ay matinding nakakaepekto sa tagumpay ng anumang gawain. Ang pagsasamantala, pananakit, pananakot, panlalait, at mga paghatol, sa karamihan ng tao, ay nakapagbibigay ng kasalanang konsensiya, at isa sa pinaka-mapangwasak na mga emosyon sa pagharap sa buhay.
   Itakda at matiyagang pag-ukulan ng panahon at ng ibayong kalakasan ang iyong mga lunggati. Walang humpay mong tuparin ang iyong mga pangarap. Huwag maghinawa, tumigil o mawalan ng pag-asa; hangga’t may pananalig ka, ang iyong tagumpay at kaligayahan ay abot-kamay mo na.Nakatuon palagi sa iyong pangarap, masigla, at may malaking pagtitiwala sa sarili na ito’y nakapagdudulot ng kagalingan at matatag na kakayahan na matupad ang lahat.

   Ilang Sulyap ng Pagtupad sa Iyong mga Pangarap
     -Ang matuklasan at makilala mo ang iyong sarili; pakawalan ang iyong potensiyal.
     -Ang matuklasan ang nakatago mong mga katangian; gamitin ang mga ito tungo sa iyong kaunlaran.
     -Ang buhay mo ay responsibilidad mo, at wala ng iba pa; simulang gampanan na ito.
     -Likhain ang iyong sariling kinabukasan; walang limitasyon ang iyong potensiyal.
     -Linawin ang iyong mga dangal at paninindigan: alamin ang tunay na nagpapaligaya sa iyo.
     -Itakda ang iyong mga tunay na lunggati; magpasiya sa sarili kung ano ang tunay na hangarin.
     -Limiin ang iyong mga paniniwala; piliin lamang ang mga positibo at makabuluhan.
     -Alamin ang kalagayan at dito simulan; maging matapat at nasa reyalidad ang lahat.
     -Alisin ang mga balakid na nakaharang; laging lunasan ang pumipigil sa gawain habang maliit pa ito.
     -Maging eksperto sa iyong larangan; nasa iyong kapasiyahan na maging mahusay para dito.
     -Makiisa sa mga tamang tao; makigrupo sa mga taong iyong huwaran, hinahangaan at iginagalang.
     -Laging nakatuon ang iyong atensiyon; pinasisigla nito ang iyong kamalayan at pagtitiwala.
     -Repasuhin ang iyong mga lunggati; Tiyakin sa araw-araw na patungo ka sa iyong destinasyon.
     -Gamitin ang iyong mahalagang panahon; iwasan ang mga walang saysay at umaagaw ng atensiyon.
     -Gumawa sa bawa't araw ng mga makakatulong sa iyo; iwasang mawalan ng kasiglahan at pag-asa.
     -Gawing lahat ang makakaya; magsikhay at magtiyaga hanggang sa magtagumpay.
     -Hilingin ang patnubay ng Dakilang Ispirito; damahin ang kalooban nito sa lahat ng sandali.
     -at, Maisagawang ipagpatuloy ang prosesong ito na bahagi ng iyong araw-araw na ritwal para      
        paunlarin at pagyamanin ang iyong kabatiran tungo sa TAGUMPAY.

Huwag Sumuko
May islogan na: “Ang umaayaw ay hindi nagwawagi, at ang nagwawagi ay hindi umaayaw!”

   May ibinigay ang aking ama na tula, "Huwag Umayaw!" noong ako'y nag-aaral pa sa elemetarya. Nangyari ito nang hindi ko matapos ang aking ginagawang parol at kailangan nang maisabit ito sa aming paaralan. Dahil dito, ay pinilit ko ang lahat ng aking makakaya na pagandahin ito at tapusin. At ako ang nakakuha ng unang premyo sa pagandahan ng mga parol. Salamat sa tulang ito, mula noon ay ginawa ko ng paalaala ang tula na ito sa tuwing nakakalimot ako. Narito ang pagkasalin ko:

             Huwag Umayaw!
Kapag  ang mga bagay ay namali, at ito’y minsang nangyayari,
Kapag ang daraanan ay sadyang matarik at may kahirapan,
Kapag ang pondo ay kinakapos at nabuntonan ng mga utang,
At nais mang ngumiti, himutok ang laging hingahan.

Kapag kailangang mag-ingat, ang madulas at madapa naman,
Magpahinga, kung kailangan mo, ngunit huwag umayaw.
Ang buhay ay mga pag-ikot at pagliko sa mundong ibabaw,
Na bawa’t isa sa atin ay minsang natututuhan na malinaw,

At marami ang nabibigo at bumabalik kaagad,
Gayong magwawagi kung nanatili at hindi umayaw;
Huwag sumuko kahit na tila mabagal ang pagkilos -
Gayong magtatagumpay ka sa isa pang ulos.

Kalimitan ang lunggati ay napakalapit na,
Subalit itong tao ay nahihilo at sumisigok na;
Kadalasan kaysa makibaka ay ang sumuko na,
Kung kailan makukuha na ang gantimpalang kopa,

At huli na ng malaman nang gumabing tuluyan;
Kung gaano siya kalapit sa gintong korona na makamtan.
Tagumpay na sana ay nauwi tuloy sa kabiguan,
Sa tinggang kulay sa ulap ng mga pag-aalinlangan.

At hindi kailanman maihayag kung gaano ka na kalapit,
Na tila malapit gayong ito’y malayo at hindi mahapit.
Kaya kumapit sa laban kapag nasasaktang malimit---
Kung kailan tila bigo ang kailangan huwag kang susuko!

   Sa ating araw-araw na gawain, ay hinuhubog natin ang ating mga buhay, at nililikha natin ang ating mga sarili. Ang proseso kailanman ay hindi natatapos hangga’t nabubuhay tayo. At ang mga pagpili at ginagawa nating mga kapasiyahan ay tandasang ating mga responsibilidad.

   Nasa regular na pagrepaso at pagsasanay lamang ng mga mungkahi na narito ang maghahatid sa iyo na makagawa ng mga ekstra-ordinaryong  pagkilos upang magkaroon ng ekstra-ordinaryong buhay. Wala ng makakapigil sa iyo na simulan mo na ito ngayon!  Tuparin ang iyong mga PANGARAP!

Ano pa ang hinihintay mo?


Jesse Guevara
Lungsod ng Balanga, Bataan
Subaybayan, ang mga mahalagang paksa;
Mabisang mga Baitang sa Tagumpay

                 Baitang 10: Mapaglingkod sa Kapwa
       Baitang 11: May Patnubay ng Dakilang Ispirito
Baitang 12: Tinatamasa ang KALUWALHATIAN


Ang Maglingkod ng Tapat



Alalahanin lamang na, sa dami ng ating mga natatanggap, ay gayundin sa dami ang inaasahan mula sa atin. At ang tunay na paglilingkod ay nanggagaling mula sa puso, binibigkas ng mga labi,
at isinasagawa ng walang pagmamaliw.

Mabisang mga Baitang sa Tagumpay

                          Baitang 10 
       Mapaglingkod sa Kapwa

   Sa kanyang tanyag na sanaysay sa“Compensation,” isinulat ni Ralph Waldo Emerson na ikaw ay laging binabayaran sa buhay ng eksaktong proporsiyon sa halaga ng iyong kontribusyon. Kung nais mong madagdagan ang dami ng iyong mga gantimpala, kailangang damihan mo din ang kalidad at kantidad ng iyong mga resulta. Kung nais mong marami kang mailabas, ganoon din karami ang iyong ipapasok.
   Kung naghulog ka sa alkansiya mo ng piso, huwag mong pagtakhan sa panahong kukunin mo ito at piso pa rin ito. Sa bawa’t pagod o paglilingkod ay may katumbas na sahod o pagkalugod. Pinagyayaman nito ang kalidad ng iyong mga personal na relasyon, at makabuluhang pinalalalim ang iyong emosiyonal na koneksiyon sa mga taong pinapahalagahan mo. Dahil kung wala kang kabatiran sa mga dangal at pamantayan ng mga taong kahalubilo mo, paghandaan mo ang dulot na mga kapighatian nito.
   Sa katunayan, ang pinakamabisang relasyon na maipadarama ay ang magparaya, magbigay, at maglingkod. Laging mula sa sariling puso, palabas tungo sa puso ng iba. Hindi yaong palahingi at laging kumakabig. Kung ang ugali ay laging ganito, walang magtitiyaga dito, kundi yaong mga balasubas, maaklaw, at mga gahaman lamang.
    Hindi tayo binigyan ng Diyos ng mga katangian, mga talento, at mga napag-aralang mga kakayahan, o maging ng dangal at integridad -  para sa ating mga sarili lamang. Tayo ay bahagi ng isang pamayanan, na bumubuo sa isang lipunan, at kumakatawan sa isang bansang Pilipinas. Tayo ay mga mamamayan at magkakababayan sa isa’t-isa; at bawa’t bagay na ibinigay sa isa ay ibinigay sa lahat. Ang karunungang natamo ng isa at itinuro sa isa o sa marami ay biyaya ng lahat. Pandama ng kalingkingan ay nadarama ng buong katawan. Hindi ko hinuhugasan ang aking mga paa para maging mas maganda pa ito sa aking mukha.
                                     
                                    Sa ganang akin:
   Hindi ako nag-aral na ang pangunahing layunin ay makakuha ng magandang grado, kundi ang matuto. Hindi ako nagpapakabuti at nagbibigay ng donasyon sa simbahan upang makapunta sa langit, kundi ang maglingkod nang walang inaasahang kapalit o kabayaran man. Kung mapunta ako sa langit, salamat. Kung hindi naman, maraming salamat. Ang makapangyarihan sa akin ay hindi ang langit, bagkus ay ang kilos ng Pag-ibig.  Dahil sa Pag-ibig, ay higit akong nasisiyahan at libangan ko ang makagawa ng kaibahan sa aking kapwa. Ang lahat ay patungo sa paglilingkod; nagkakaroon ako ng malinaw na patutunguhan, matibay na pananalig, at malaking pagtitiwala sa aking sarili.Tulad ng pagsusulat, napansin ko na habang patuloy ko itong ginagawa, marami akong natututuhan.

Pakaiwasan ang Maging Makasarili
   Hindi ikaw nabubuhay lamang para sa iyo bilang hari ng iyong sarili; at walang higit na makapangyarihang  nangingibabaw sa iyo. Dahil ang kauuwian nito ay ang maging alipin ka ng ibang tao o estranghero ng sarili mong samahan o kinalalagyan. Kung nais mong nag-iisa, madalas ay iiwanan ka ng iba. Kung hindi ka tumutulong, walang makakatulong sa iyo. Ang lahat ay nasa pagtutulungan lamang. Sa bawa’t larangan na iyong papasukin, mayroon laging umaalalay sa iyong mga tao, laging nasa likod mo at umaasiste sila sa iyo. Hindi ka makakarating sa iyong pupuntahan kung wala sila. Makatarungan lamang na suklian mo ang mga nagawa nila. Pagmasdan ang iyong kapaligiran, lahat ng iyong kagamitan, kasangkapan, at sasakyan, ay gawa ng mga tao. Kung wala sa iyo ang mga ito, paralisado ka at mabagal na makatapos sa mga gawain mo.
    Binanggit ni Karina Pollock ng Nuweba York, na ang susi sa kalidad ng matatagumpay na tao, ay nagsisimula silang lahat sa ibaba, karamihan sa kanila ay nagdarahop at walang panustos na kabuhayan, subalit ang malaking kaibahan ay sa simula ng kanilang buhay, pinangatawanan na nila ang magdulot ng karagdagang panahon, pagtitiis, pagtitiyaga, at paglilingkod (extra mile) sa lahat ng kanilang ginagawa, at kasama dito ang pagmamalasakit  at pagdamay sa iba.
   Ayon sa kanya, ang paglilingkod sa kapwa, ay wala ng iba pang dahilan kundi ang hangarin na makatulong sa iba. Nagagawa nitong pasiglahin ang pagmamahal at pagpapahalaga sa iyong sarili. Nakakatulong itong pataasin ang moral, kalidad, at integridad ng isang tao, na nagreresulta ng ibayong pagtitiwala sa sarili, na makamtan ang lahat niyang naisin sa buhay. Ang kagandahan nito ay ang maging uliran at huwaran doon sa mga nakapaligid sa kanya. Natutulungan silang gawin din ito, pahalagahan ang kanilang mga sarili, at makamtan din ang kanilang mga naisin sa buhay.

   Simpleng mga panglilingkod sa abot ng makakaya sa bawa’t araw
      -madaling sumagot kapag tinatanong.
      -may ginamit na bagay, iwanan nang maayos at maganda kaysa dati.
      -magkusa kung nakikitang walang tumutulong, nagdudulot, at nagpapaunlak.
      -magbigay ng opinyon o tulong kung hinihingi ng pagkakataon para sa ikakaunlad ng lahat.
      -magboluntaryo upang mapadali ang ginagawa, kung may pangangailangan ng lakas.
      -makinig kung may nagsasalita, huwag makisabay at maghintay.
       -magdonasyon ng salapi, panahon, mga bagay, tumulong, at magpalaganap ng balita.
       -magturo sa mga hindi nakakaalam, magsulat ng makabuluhang inpormasyon.
       -makiisa sa mga makabayang adhikain na nagpapataas ng antas ng kabuhayan.
       -maging uliran at huwaran sa iba upang pamarisan.
       -magpatuloy na gumawa ng mga paraan ng magpapataas ng moralidad at integridad.
       -makipag-ugnayan sa mga samahang para sa kagalingang pambayan.
       -magpalaganap ng mga inpormasyon para sa kapakanan at nagsusulong ng kaunlaran.
       -makisamang mabuti sa iba, sanaying ang sarili ng walang mga kundisyon.
       -maging matapat at mapagkakatiwalaan kung nagbibigay ng serbisyo.
       -maging handa at maasahan sa tuwina sa panahon ng mga kagipitan.
       -manatiling bukas ang isipan at palad sa mga nangangailangan.
       -may pagtitiwala at pananalig na nasa pagtutulungan lamang ang tagumpay.
       -magalit at punahin o labanan ang pangungurakot at pagnanakaw sa kaban ng bayan.
       -magpahalaga at pumuri sa tao tungkol sa suot, gamit, palamuti, at mga nagawa nito.
       -magpahayag ng pagsang-ayon, maliit o malaki man ang karangalan nakuha ng kapwa.
      . . . at marami pang tulad nito, batay sa kalidad at kantidad ng pangangailangan.           
            (Pakibasa lamang ang Mga Dakilang Prinsipyo ng Buhay, 07 Disyembre/11) 

   Ang hangaring makapaglingkod ay isang prinsipiyo patungo sa tagumpay lalo na sa mga taong lagi mong nakakasama at kahalubilo sa araw-araw. Ang patuloy na pagtulong at makagawa ng kaibahan, maliit o malaki man ito, ay mga bagay na nakalulunas sa hilahil at karaingan ng iba, at ang pagmamalasakit na ito ay kanilang pinapahalagahan at iginagalang. Ang bukas sa pusong magbahagi, magkontribusyon, at pagdadamayan sa isa’t-isa ay napakaimportanteng sangkap sa ispirito ng bayanihan na minana pa natin sa ating mga ninuno.

Wagas na Pag-ibig
   Sapagkat ako’y nilikha na kawangis ng Diyos at siyang dahilan kung bakit ako’y lumitaw, sapagkat ang Diyos ay Pag-ibig. Ang Pagmamahal ay mahalagang bahagi ng aking pagkatao. Hindi makasarili ang aking wagas na ugali. Ang Pagmamalasakit ay tunay kong katangian. At ang paglilingkod ay aking nakagisnan at pamantayan.

Pag-ibig ang aking pangalan, at Wagas Malaya ang aking palayaw.

 Sapagkat Malayang Kaisipan ang aking panuntunan.


Jesse Guevara
Lungsod ng Balanga, Bataan
Subaybayan, ang mga mahalagang paksa;
Mabisang mga Baitang sa Tagumpay

       Baitang 11: May Patnubay ng Dakilang Ispirito
Baitang 12: Tinatamasa ang KALUWALHATIAN



Ang Kapangyarihan ng Ispirito Mo


Walang mga gumagapos sa isipan ng tao, walang mga dingding at kulungang humahadlang sa Ispiritong makatao, walang balakid sa ating mga kaunlaran; maliban doon sa bilangguan na tayo mismo ang lumilikha at gumagapos sa ating mga sarili.

Mabisang mga Baitang sa Tagumpay

                         Baitang 11 
           May Patnubay ng  
            Dakilang Ispirito
 
Malaki ang pangunahing pagkakaiba sa pagitan ng kung SINO siya at ano ang MAYROON sa kanya. Bawa’t isa sa atin ay may eternal na katauhan (Ispirito, Kaluluwa) na may likas na karapatan na maging MALAYA. Hindi napapailalim sa lahat ng kaganapan sa mundo. Bawa’t isa sa atin ay mayroong katawan na mistulang sasakyan na ginagamit sa paglalakbay na ito ng buhay. At ang buhay na ito ay maihahalintulad sa isang laro. Bawa’t isa sa atin ay may isipan (free will) bilang instrumento; kung papaano seryosong haharapin o lalaruin ang buhay. Kawangis ito ng computer, anumang programa na ipasok mo dito ay siya mo ring magagamit. Kung hindi ka mapili sa mga programa, anumang umaagaw sa iyo ng pansin ay siya mong gagamitin. Subalit bawa’t isa din sa atin, ay may kapangyarihan na nakatago sa ating kaibuturan, na kailangang pukawin at siyang mangibabaw, ito ang ating Ispirito. Sa paglalarawan na tulad ng telebisyon; Narito ito sa atin bilang istasyon (channel)  na tumatanggap ng komunikasyon o mensahe mula sa punong himpilan (network), ang Dakilang Ispirito
   Hindi ka magiging tao na may pananalig hangga’t wala kang kabatiran kung papaano magduda o, ang mag-alinlangan kung may katotohanan ang kinagisnan mo. Hindi ka maniniwala sa Diyos hangga’t wala kang kakayahan na tanungin ang pamiminsala; tulad ng hindi makataong pagpanig, may mga mapagsamantala at mapang-api, maging ang iyong gagawing kahatulan ay inuutos ng simbahan. Walang karapatan ang mga kautusan, sistema, at doktrina ng relihiyon kung sarili mo ang mapapahamak. Ang pananampalataya ay hindi bulag na pagsunod at kumporme sa kinulayang mga paghatol na ito – isang tahasang paghusga nang walang pag-aaral at paglilitis. Basta hindi sumusunod sa doktrina ay “kalaban at kaaway na maituturing.” Kung hindi ka kaanib, tiyak na kalaban ka; at “kung nais mong maligtas, sumama ka sa aming relihiyon!”  Ito ang desisyon ng mga umuugit ng simbahan, isang paghatol na walang pakundangang deliberasyon laban sa iyo, kahit hindi mapatunayan. Hindi ang basta na lamang tanggapin ang anumang isinusulsol ay siyang katotohanan.
   Kung pikit-mata mo itong sinusunod at ipinaiiral sa iyong buhay: Hindi ka malaya. Daig ka pa ng ibong nasa hawla na pinapakain at inaaruga sa tuwina. Sa panig mo, ang manatiling palaasa, may hinihintay na milagro, at pangako na paraiso. Ang katotohanan ay habang buhay na pagkaalipin ito.

Salamin ng Pagkatao
   Hindi malusog at maligaya ang buhay kapag wala kang kapangyarihan magpasiya sa iyong sarili, at maging ihalal ang nais mong matuwid na mga pinuno. Hindi ito tamang doktrina na humahadlang sa iyong pansarili na sagradong kalayaan. Hindi ito tunay na pagpapahayag ng iyong personal na integridad. Tulad ng de-susing robot; ang maging bulag at maging pipi ang mangyayari sa iyo, at kung may pakikinggan ka ay yaon lamang nanggagaling sa kanila. Wala kang karapatan para magamit ang sarili mong kapasiyahan. Malaking kamalian ito na pagdudusahan mo sa nangyayaring kalagayan sa ating lipunan; kanya-kanya, kami-kami, at tayu-tayo lamang ang nagaganap. Walang pagkakaisa at pagdadamayan, palaging ang kagustuhan lamang ng iilan ang nakapapamayani.
   Kung nais mong makalaya sa mapang-api na tratong ito, itakwil mo ang mga nagawang kalituhan at simulang hanapin ang tunay mong pagkatao. Huwag mabuhay na tagasunod, inaalipin, at umaasang palagi sa isang bulok na sistema, isang sekta ng simbahan, mapagsamantalang samahan, nagpapahirap na lipunan, o isang tao na kinasusuklaman at ikinahihiya mo. Hindi ito ang salamin ng iyong pagkatao na lagi mong sinusunod, hinihintay, at inaasahan na hahango mismo sa iyong kalagayan. Takasan mo sila hangga’t may hininga ka pa.
   Walang biktima, kung walang pahintulot. Hindi mangyayari kung walang kooperasyon. Bawa’t katauhan ay siyang tagalikha ng kanyang reyalidad. Kung hindi mo kagustuhan ang kalagayan mo, hindi ito magpapatuloy. Kung tunay kang malaya, makakagawa ka ng kaparaanan, subalit kung pagkaalipin, may sinisisi, ay marami kang mga kadahilanan at kinahumalingan mo na.


Hanapin ang Dakilang Ispirito
 Hangga’t nagpapaniwala ka sa mga idinidikta ng iba, hindi mo magagawang ganap na makilala ang iyong sarili. Mangyayari lamang ito kung tutuklasin mo ang Kaharian ng Diyos sa iyong kaibuturan. Mayroon kang sariling Ispirito na magagamit upang komunekta, tanggapin, madama at pasanib sa Dakilang Ispirito. Ito ang dahilan ng iyong pagkakalitaw sa mundo.
   Napansin mo ba, na kapag hawak mo ang remote control at sa isang pindot lamang; ay nagagawa nitong buksan ang pinto, paandarin ang makina, o buksan ang telebisyon at radyo, kahit nasa malayo ka. Ano ang mayroon ito at nakakayang magawa ito. May Koneksiyon. May Kapangyarihang hindi nakikita. Kung sa teknolohiya ay nagawang likhain ito ng tao, paaano na kaya, kung ikaw naman, at gawin mo ito sa iyong kamalayan (Ispirito na nakatago sa iyo) at ikonekta doon sa Dakilang Ispirito, ang sanhi (source) na pinagmumulan ng iyong kaganapan. Tiyak mabibigla ka sa kapangyarihan na nasa iyo, at ngayon mo lamang ito natuklasan. Dahil dito nakasalalay ang iyong pagkakalitaw sa mundo; ang magkaisip, magkamalay, mabatid, mapatotohanan, lumigaya, pumayapa, at masumpungan ang iyong Kaluwalhatian.

Huwag Magtaka Kung Wala Kang Kabatiran
   Kaysa magalit sa mga taong mapaminsala, (nagpapanatili ng iyong kamangmangan) ang kagalitan mo ay ang iyong pagkauhaw at kaligaligan ng iyong kaluluwa kaya nangyayari ang mga bagay na ito. Kung nais mo ng pag-ibig, kaligayahan at kapayapaan, ang kamuhian mo ay kawalan ng katarungan, kamuhian mo ang kabuktutan, kamuhian mo ang kasakiman – kamuhian mong lahat ang mga ito sa iyong sarili, hindi sa iba. Kung nais mo ng pagbabago sa mundo ay simulan mo ito sa iyong sarili.
   Bakit? Sapagkat habang wala kang pag-ibig sa iyong sarili, hindi ka matututong magmahal ng iba. Kung may kulang sa iyo, huwag mong isisi sa iba. Ang sisihin mo ay ang sarili mo, dahil matagal ka ng natutulog sa bagay na ito. Wala kang bagay na maibibigay kung ito ay wala sa iyo.
   Kailangang hanapin mo ang iyong pagkakakilanlan, kahit na papaano, hindi lamang sa Diyos, bagkus sa iba pang mga tao. Kailanman ay hindi mo matatagpuan ang iyong sarili kung makasarili ka at lumalayo sa kabubuan ng sangkatauhan na tila ikaw ay ibang uri na nilalang.

Ang Dakilang Ispirito ay Nasa Iyo
   Nasa Diyos ang awa, nasa tao ang gawa. Ang Diyos ay isa ring nasusunog na apoy. Patuloy Siyang naglalagablab at sinusunog ang bawa’t lumapit sa Kanya. At kung tayo, sa pamamagitan ng pag-ibig na siyang pinakamatayog na maibibigay natin sa ating kapwa; ay magkakaroon ng transpormasyon sumanib sa Kanya at masunog ding tulad Niya. Ang apoy na ito ay walang kahulilip nating kaligayahan. Datapwa’t kung mapili at ayaw nating tanggapin ang Kanyang pagmamahal na ito, at manatiling nagkakasala at sinasalungat Siya at iba pang mga tao, ay para mo na ring ipinataw sa iyong sarili ang Kanyang apoy (bilang pinili natin para sa ating sarili kaysa Kanya) ay magiging walang hanggan nating kaaway, at ang Pag-ibig, kaysa maging ating kaligayahan, ay magiging kaparusahan at ating pagkawasak.
   Kapag nadarama at minamahal natin ang kalooban ng Diyos; matatagpuan natin sa Kanya ang sarili Niyang kaligayahan sa lahat ng mga bagay. Subalit kung tayo ay kumakalaban sa Diyos, at ito, ay ang higit nating minamahal ang ating mga sarili kaysa Kanya, lahat ng nakikita at nahahawakan mo ay iyong magiging mga kaaway.
   Alalahanin lamang sa tuwina: Hindi tayo ang pumipili na gisingin ang ating mga sarili, kundi ang Diyos na Siyang pumipili na gisingin tayo.

   Ang Kaluwalhatian ng tao ay ipinangaral ni Hesus, subalit magpahanggang ngayon, ang tao ay lumilitaw sa diwa ng separasyon mula sa Diyos. Magdarasal siya sa Diyos, na nakikipag-usap siya sa Diyos, at tumanggap ng tulong at patnubay mula sa Kanya. Itinatalaga na ang Diyos ay laging “naroon sa labas” at ang tao ay “narito sa ibaba.” Magkahiwalay at walang ugnayan ang nakapaloob dito. Patuloy ang paniniwalang ang Diyos na ito ay nakasuot ng puting-puti damit at nakaupo sa trono, may hawak na listahan at lahat ng iyong mga pagkakamali ay inililista para sa darating na paghuhukom. Walang katotohanan ito at ginagawa lamang na pananakot.

   Alam ngayon ni Hesus kung ano ang ipinapahiwatig sa Mga Awit nang sabihin Niya, “Magsitigil, at kilalanin na Ako ay ang Diyos.”     Mga Awit 46:10 KJV   
   Alam Niya ngayon na ang sarili Niya ang tagahayag ng Diyos, o ang lahat ng may kinalaman sa Diyos. Alam niya ang “Kaharian ng Diyos, ang kayamanan ng sansinukob, ay nasa kalalimang potensiyal na nasa kanyang kaibuturan, nang gawin niyang lumitaw sa ilog Jordan at bininyagan ni Juan  (Mateo 3:13 KJV), itinalaga ang Kanyang sarili na mahusay na maestro at may kamangha-manghang mensahe na  Ang Kaharian ng Diyos ay nasa kaibuturan mo.”  Si Hesus ay nasa puso natin, at lahat ng ating kaganapan ay dito magsisimula.

    Wala ng iba pang isasaloob kundi ang pananampalataya, ang susi sa buong sansinukob. Ang madama ang Dakilang Ispirito at pagindapatin ang iyong Kaluwalhatian. Ang tunay na kahulugan ng iyong pagkakalitaw sa mundo, ang mga kasagutan sa mga katanungan, na kung saan ang kaligayahan ay nakasalalay at hindi mararating sa iba pang mga kaparaanan.
 (Pakibasa lamang ang Ikaw ang Ispirito Mo, 24 Abril/12)

   Ang iyong nakatakdang kaganapan ay nasa iyong KALUWALHATIAN.               

   Huwag mag-atubili, hanapin at tuklasin mula ngayon kung sino ka at ang iyong Ispirito.


Jesse Guevara
Lungsod ng Balanga, Bataan
Subaybayan, ang mga mahalagang paksa;
Mabisang mga Baitang sa Tagumpay

Baitang 12: Tinatamasa ang KALUWALHATIAN


Sunday, April 29, 2012

Isang Bahay na may Maraming Mansiyon


Kailanman ay hindi ka makakatakas sa Kadiliman at magkaroon ng transpormasiyon na makamtan ang Liwanag, hangga’t ang Kaluwalhatian ay hindi naghahari sa iyong puso.

Mabisang mga Baitang sa Tagumpay

                    Baitang 12 
        Tinatamasa ang 
        KALUWALHATIAN

  Maraming samutsaring mga paraan upang makamtan ng isang tao ang kanyang katotohanan. Sa aking karanasan, ang ‘pagkagising’ o kaliwanagan ng pag-iisip ay magkakaiba sa bawa’t tao. May kanya-kanyang pinagdaanan, mga karanasan, edukasyon, at mga paniniwala. Tulad ng mga rekado o mga sangkap sa isang lutuin, kapag magkakasama ang lahat ng mga ito, ay siyang magdudulot ng lasang inaasahan. Gayundin ang pagkatao, ito ang kabubuan. Dalawa lamang ang patutunguhan nito: Matiwasay o masalimoot. Positibo o Negatibo. Nakakabuti o nakakasama. Doon ako sa matiwasay, dahil ito’y patungo sa nakatakdang kaganapan ng pagkatao upang makamit ang Kaluwalhatian.
   Ang isang tao ay hindi makakapasok sa kanyang kaibuturan, daanan ito, at lusutan ang mga balakid patungo sa Diyos, hangga’t hindi siya lubusang nakakaraan mismo sa kanyang sarili at nagagawang malimutan ito sa paglilingkod sa iba, na ikadadalisay ng kanyang wagas na pagmamahal, ay imposibleng maganap ito. Hangga’t walang pag-ibig na naghahari sa kanyang puso, walang dadaloy na pag-ibig upang magawa niyang magmahal. Kung wala ito sa kanya, wala rin siyang maibibigay.
   Ang kabubuang kaganapan ng tao ay matatagpuan sa kanyang “Ispirito.” Ito ang nakapangyayari sa kanya, at hindi kumpleto ang tao hangga’t hindi siya “isang Ispirito” na konektado sa Dakilang Ispirito. Ang buhay na ispirituwal ay isang balanseng buhay na perpekto; na kung saan ang katawan kasama ng mga silakbo at kalikasan nito, ang utak sa mga rason at pagsunod sa mga prinsipiyo, at ng Ispirito na maka-Diyos at nasa Diyos at mula sa Diyos at para sa Diyos. Isang tao na kung saan na naroon ang Diyos ay lahat na nasa lahat.

   Marami sa atin ang hindi nakakaalam ng tungkol sa Trinity o ang Tatluhan, ang paniniwala na ang iisang totoo at hindi mahahating Diyos na kumakatawan sa tatlong magkakaibang persona – Ama, Anak, at Banal na Ispirito. Ang tatlong ito ay iisa. Ang malimit na katanungan ay papaano na ang Diyos ay iisa at tatlo? Papaano magiging Diyos si Hesus kung nagdarasal Siya sa Ama? Papano magagawa ng Ispirito makipagrelasyon sa dalawang iba ang mga persona? Bagama’t mahiwaga ang ugnayan sa trianggulo na ito, narito ang ilang mahalagang konsepto tungkol dito.

Tatlong katotohanan ang bilang pundasyon na itinuturo ng Trinity: 
Naniniwala tayo sa iisang Diyos. Hindi siya iisa na tulad ng Siya ay tatlo. Isa siyang esensiya, ang Diyos ay isang kaganapan – o,“isang magaganap” . . .  
Ang Diyos ay lumilitaw sa tatlong persona. Ang Diyos ay isang ano, ngunit tatlong mga sino. Sila ay may pagkakakilanlan ngunit magkakaiba sa paraan na ating naiisip na magkakabukod na mga pagkakakilanlan. Magkasama sa isang komunidad na hindi natin ganap na maunawaan.

10 Ang Mabuting Pastol
30  Ako at ang aking Ama ay iisa.
                                Juan 10:30 KJV

14 Isang Bahay ng Maraming Mansiyon
16 At ako ay magdarasal sa Ama, at siya ay magbibigay sa iyo ng isa pang Ispirito, na siya ay umalinsunod sa iyo magpakailanman.
17 Kahit na ang Ispirito ng katotohanan; na kung sino ay hindi matanggap ng mundo, sapagkat ito ay hindi siya nakikita, at hindi rin na kilala siya: subalit alam mo siya; sapagkat siya ay naninirahan sa iyo, at siya ay mapapaloob sa iyo.      Juan 14:16-17 KJV  

   Kumikilos sila ng kumpletong may kaisahan sa iisang perpekto na kaluwalhatiang kalooban – walang pagkakahati, kaguluhan, o hindi pagkakasunduan.
Ang tatlong persona ay Diyos. Nauunawaan natin na ang dalawa na mga persona na magkarelasyon - Ama at Anak – at ang mga ito ay eternal na mga relasyon. Sa ibang mga salita, ang Ama ay namamalaging ang Ama, at ang Anak ay namamalaging ang Anak. Subalit hindi ito nangangahulugan na ang Ama ay higit na Diyos. Sa paghahalintulad, sa pagiging tao, ang Anak ay hindi magiging kulang na Diyos. Siya ay Diyos na lumapit, at pumapasok sa ating mundo para mailigtas tayo. At ang Ispirito hindi isang walang personang pwersa. Siya ang persona ng Tatluhan na lumalapit sa atin ngayon, at nagpapataw sa atin ng kasalanan, itinuturo sa atin ang katotohanan, at ating transpormasiyon na maging kawangis ni Kristo. –(mula sa magasin ng InTouch, Mayo 2012).
    Sa madaling ikakaunawa, ang Isip (Father/thought), ang Pagkilos (Son/Action), at Ispirito (Spirit) ay sama-sama sa kabubuan ng ating kamalayan. Lahat ng nagaganap sa atin ay dumaraan sa prosesong ito. Ikaw na nagbabasa ngayon nito ay nangyayari ang mga ito:
   Sa mga saglit na ito ay may kaisipan (thought) na lumilikha ng iyong kamalayan (awareness)  at susundan ng pagkilos (action); ang magbasa at maintindihan, kabatiran (comprehension - knowing) nito; kung katotohanan (truth) o hindi. Kung mapatunayan, ito ang papaniwalaan mo, at magpapasiya ng iyong kalooban, na tuwing ginagawa mo ay kaligayahan (joy) para sa iyo; at kapayapaan (peace) ng iyong pagkatao; upang simulang lasapin ang iyong kaluwalhatian (divinity). Matutunghayan ang pitong Pagkamulat na ito sa nakaraang mga pahina dito.

   Ang kasamaan ay hindi lamang ating mga imahinasyon. Ito ang nagpapasunod sa ating isipan at may kakayahan tayong hindi tanggapin o iwaksi din ito. Kung patuloy itong iniisip, patuloy ding magaganap ito. Tayo ay makasalanan. Kahit alam nating may Dakilang Ispirito na lumulukob sa atin, nakakalimutan natin ito kapag kamunduhan na ang umiiral. Kahit alam natin ang katotohanan, nabibigo tayong pangalagaan ito. Ginagawa natin ang mga bagay na kung tutuusin ay hindi natin gusto. Nahahalina tayo ng kayamanan, kapangyarihan, katanyagan, pagnanasa, kasibaan, at kasakiman, at madalas nagiging biktima tayo ng  lubhang kasabikan sa mga ito. Dahil nakakalimot tayo sa proseso ng Ama, ng Anak, at ng Ispirito.
   Hindi lamang nabibigo tayong gawin ang alam natin na kailangang gawin, at nalilito din tayo tungkol kung papaano ito magagawa. Nangyayari lamang ito dahil sa “tawag ng laman” o pansariling kasiyahan lamang ang lagi nating hinahanap. Bihirang sumagi sa isip na tuklasin kung ano ang tunay na nilalaman sa kaibuturan ng ating mga puso. Kung malaman naman, ay iilan lamang ang nakakasumpong nito.
   Bawa’t isa sa atin ay nilalang na kawangis ng Diyos, at sinumang tao kung hahangarin niya ay mapapaunlad niya ang kanyang sarili; ang maging eksperto, ang lumikha ng mga produkto, umimbento ng mga kagamitan at bagong teknolohiya, mga pamamaraan sa negosyo, at magbigay ng serbisyo sa iba. Magagawa niya kung alam niya kung sino siya; ano ang kanyang nais; saan siya papunta ; papaano niya ito magagawa; at kung marating ang destinasyon, ano pa ang susunod na mangyayari?

Tamasahin ang KALUWALHATIAN
   Ang pinaka-makahulugan at makabuluhang pagbabago sa buhay ng isang tao ay manggagaling mula sa kaibuturan at ilabas ito upang maipahayag ---ito ang moral at ispirituwal na pagbabago na nanggagaling sa ating mga puso at mga kaisipan, dumadaloy mula sa ating mga samahan, mula sa mga pamayanan, at mga institusyong sa sining at kultura. Nakaugnay sa Dakilang Ispirito at handang magpakasakit para sa katotohanan. Ang kaharian ng Diyos na nasa ating mga kalooban ay ipagdiwang ngayon, mula sa ating mga puso. Kailangan mabuhay tayo para sa katotohanan, para malasap natin ang ating Kaluwalhatian.
    Mayroon tayong artipisyal na personalidad na maliit lamang ang ginagampanan sa ating orihinal na pagkatao. Dito nagkakaroon ng mga kalituhan kung sino ang higit na masusunod. Ang isa ay nakatunghay sa labas, at ang isa na nasa kalooban ay nais magpakilala at kusang makapangyari. Subalit nananaig sa ating mga sarili ang nakikita sa labas at ito ang umaalipin sa ating upang makalimutan ang ating kaganapan. 
   Ang ating kaganapan ay hindi masusumpungan sa makamundong mga bagay, hindi sa pahayag ng simbahan at hindi sa alingawngaw ng media. Ang impluwensiya ng mga ito ay tahasang sinisira ang ating pananalig na matamasa ang luwalhati ng Diyos. Ang ating lipunan ay humihiyaw na unahin muna natin ang ating mga sarili, kaysa alamin at tuklasin kung bakit tayo ipinanganak at saang direksiyon tayo karapatdapat na pumunta.
   Ang mabuhay ng maluwalhati sa katotohanan, ay nangangahulugan ng pamumuhay sa araw-araw at bawa’t sandali mula sa hindi matitinag na paninindigan; na ang Diyos ay Buhay. At sa Kanyang pagmamahal nagmumula ang makapangyarihang motibo sa sangkatauhan, na tuparin ng mga tao ang Kaluwalhatian na lumulukob sa tunay nilang mga buhay.
   Ang katotohanan ang siyang magpapalaya; sapagkat nasa pagtutulungan ang kaunlaran, nasa pagkalinga ang damayan, nasa pasunuran ang kapayapaan, at nasa pagmamahalan ang kaligayahan. Wala ng iba pa, maliban dito . . . at ang KALUWALHATIAN ang siyang kaganapang maghahari sa tuwina.


   At manguna sa amin hindi matukso, kundi dalhin kami mula sa kasamaan: Dahil ako ay ang kaharian, at ang kapangyarihan, at ang luwalhati, magpakailanman, Amen.       Mateo 6:13 KJV
  Sa mga nangyayari ngayon sa ating kapaligiran, ekonomiya, pulitika, at pananampalataya. Napakahalaga sa lahat na may matuwid tayong kaisipan; at kamalayan kung ano ang tama at mali; upang sa kabatiran ay lumitaw ang katotohanan; na ang patuloy na kasiyahan ay kaligayahan na hinahangad natin; upang ang kapayapaan ay makamtan; at tuluyang malasap ang ating KALUWALHATIAN.
   Magagawa lamang natin ang mga ito kung tayo mismo ang tagalikha ng ating mga sariling buhay, walang pinapanigang kabuktutan, walang hinahatulan, walang mga kundisyon, hindi nagpapasakop sa iba, walang sinisilungang simbahan na nananakot ng impiyerno, at walang mga pag-uusisa sa mga bagay na walang kinalaman, panghihimasok sa buhay ng iba nang walang kabuluhan. Kung magagawa ito ay magiging malaya tayo, para magawang paunlarin ang ating mga sarili at magtagumpay.
   Kung iiwasan natin ang mga hindi inaasahang pangyayari (kahit na posibleng maganap ito) ay para na ring hinangad natin ang buhay na walang pagkakataon, walang pagbabago, walang pakikipagsapalaran, at ang mga idinudulot nitong mga masasayang sandali na kung saan ang “magandang buhay” ay nalilikha.
   Kung ikaw ang nakapangyayari sa iyong sarili, magagawa mong ipagbunyi at tamasahing kawili-wili ang iyong buhay sa araw-araw, kaagapay ang mga hangarin sa kabutihan at ikakaunlad ng lahat, at matupad ang mga paglilingkod sa kapwa na sukdulang magpapaligaya sa iyo.
  
Pina-iinitan tayo kapag nakadarang sa apuyan, hindi mula sa mga usok ng apoy.
Inihahatid tayo ng barko na makaraan sa karagatan, hindi sa alimbukay ng tubig na iniiwan ng barko. Maging tayo man, kung sino tayo ay natutuklasan sa pinakamalalim na kaibuturan ng ating pagkatao, hindi sa panlabas na repleksiyon ng ating sariling mga pagkilos. Kailangan nating hanapin ang tunay nating mga sarili at hindi sa mga alimpuyong itinatalaga nito sa atin at maging sa mga iba na nakapaligid sa atin, bagkus sa ating sariling kaluluwa na kung saan ang prinsipyo ay nasa lahat ng ating mga pagkilos.    mula sa No Man Is an Island

   Isang biyahe lamang ang ating natanggap sa makamundong buhay na ito. Ang pagpili na nasa harap natin ay kung alin ang ating ipapamuhay; na para sa Panginoon o para sa ating mga sarili. Mangyayari lamang ito kung ang ating kaluwalhatian ay naganap na. Kapag ang ating sariling Ispirito ay konektado at sumanib na sa Dakilang Isipirito.

   Hinikayat tayo ni Pablo na tahakin ang maluwalhating transpormasiyon ng ating mga isipan, na ituwid ang ating mga kaisipan sa mga bagay na nakalulugod, at ituon sa mga totoo, tama, dalisay, at huwaran .

Ituon ang iyong pagsuyo sa mga bagay na nasa itaas, hindi sa mga bagay na nasa lupa.
                                                                                                                                 Colosas 3:2 KJV 
   Maliwanag na isinasaad nito ang paggamit ng isip (ang iyong kalangitan) at hindi ang tinutuntungang lupa (ang iyong kamunduhan). Lahat ng bagay ay nagiging katotohanan kung ang Isip na ito ay nakatuon sa Dakilang Isip at magkasanib na lumilikha ng iyong kaganapan. Nasa tao ang gawa at nasa Diyos ang pagpapala.
Sa panghuli, mga kapatid, anumang mga bagay na totoo, anumang mga bagay na matapat, anumang mga bagay na matuwid, anumang mga bagay na dalisay, anumang mga bagay na kaibig-ibig, anumang mga bagay na mabuting ipahayag; kung mayroon man itong karangalan, at kung mayroon man na maipupuri, isipin ang mga bagay na ito.                                                             Filipos 4:8 KJV

   Kailangan nasa matuwid ang ating iniisip para magkamalay at mabatid  ang totoo, ito ang magpapaligaya at pumapayapa  sa atin na malasap at tamasahin ang ating KALUWALHATIAN.


Jesse Guevara
Lungsod ng Balanga, Bataan
(Pakibasa lamang ang KALUWALHATIAN (27 Marso/12)


Tuesday, April 24, 2012

IKAW ang ISPIRITO Mo


Katulad ng kandila na hindi sisindi kung walang apoy
ang tao ay hindi matitiwasay kung walang buhay na ispirituwal.

   Isang makabuluhang ideya lamang ang kailangan upang baguhin ang pananaw. Isang katalusan, sa daloy ng talakayan, usapan, o paliwanagan, na magta-transporma sa takbo ng iyong iniisip, gagawin, at paiiralin sa buhay. Isang pirasong katalusan ng mahalagang bagay na sumasanib sa iyong diwa - na mangingibabaw at tatanglaw sa buong pagkatao mo: Ang iyong Ispirito.

   Linggo ng umaga, nakagawian na namin ang magsimba sa bahay, nang ikuwento ito ng aking maybahay. Habang inaayos ang sopa na uupuan at binubuksan ang bibliya, ay sinasalitan niya ng mga pagsasalaysay tungkol sa Ispirito. Iniabot ko sa kanya ang notebook na pagsusulatan niya ng mga maririnig sa mga pastor (apat na istasyon ito sa telebisyon), patuloy pa rin ang kanyang pagpapahayag. Upang huwag kong malimutan ay mabilis kong isinulat ang mga ito sa papel. Kapag may naririnig naman siyang makabuluhan at naiibigan, ay isinusulat niya kaagad ito.Tulad ng lagi niyang ipinagbibilin, “Magsulat nang hindi malimutan, at ang pagka-ulyanin ay hindi ka pasukin.” 

Narito ang buod ng salaysay niya;

 Ang Ispirito ng Iyong Sarili
   “Walang anumang bagay na hindi nanggaling mula sa kanya.
Sa lahat ng bawa’t bagay siya ang Ispirito na nasa kaloob-looban mo.
Siya ang kaibuturan, siya ang iyong supremong Ispirito, na namamahay sa iyong sarili.
Wala ng hihigit pa sa kanya, siya ang iyong kataas-taasang kaganapan.”
“Siya ang iyong KAISIPAN.
Siya ang iyong KAMALAYAN.
Siya ang iyong KABATIRAN.
Siya ang iyong KATOTOHANAN.
Siya ang iyong KALIGAYAHAN.
Siya ang iyong KAPAYAPAAN.
 . . .at kung pagsasamahing lahat ang mga ito;
Siya ang lumilikha ng nakatakdang KALUWALHATIAN ng iyong sarili.”

“Ikaw ang lahat ng mga ito, Pilian, IKAW ang ISPIRITO mo!”

“Kung maaari lamang, aking Ama, ipaalam mo sa aking higit pa
    Kung SINO ang ISPIRITO na ito na nasa akin.”

“Nais kong ituwid ang anumang aking naiisip.
Nais kong namamalayan ang bawa’t sandali.
Kailangang mabatid ko ang nararapat para sa akin.
Makita ang makatotohanan, sa mga bagay at pangyayari.
Upang malasap ko at maging maligaya.
Manatiling mapayapa sa tuwina at tinatamasa ang lahat.
   Oh, aking Ama, tulungan mo po akong wagas na masumpungan ang aking nakatakdang kaganapan. Nais kong maranasan ang KALUWALHATIAN na ito!

“Oo, aking minamahal na anak, gagawin ko,” ang bigkas ni Bathala.
Unawain mong lahat ang aking ipapahayag na aking kalooban sa iyo.”

Ang Punong-kahoy
“Putulin mo ang isang ugat ng punong-kahoy at ito’y magkakatas.
Subalit patuloy itong nabubuhay. Tabasin mo naman ang tuktok ng punong ito;
ito ay magkakatas din, subalit mabubuhay. Tulad ng ating dumadaloy na dugo ay pipiliting ampatin. Ang Ispirito ay ang buhay na sinusupurtahan ang puno, na nananatiling matibay at matatag. Tinatamasa nito ang mga nakapag-bibigay buhay na kanyang natatanggap mula sa Ispirito. Kung wala na ang Ispiritong ito sa puno, mamamatay na ang puno.”

 “Kung ang isang dahon sa sanga ng puno ay napigtal kahit saglit, ito ay malalanta.
Kung ang isang sanga naman ng puno ay nabali at natanggal, ang sangang ito man ay malalanta.
Alisin ang lahat ng mga dahon ng puno, at ang buong puno na ito ay mamamatay.
Ang katotohanan, mahal kong anak, kapag ang kamatayan ay dumating at ang Ispirito ay lumisan na mula sa katawan, ang katawan ay mamamatay.
Subalit ang Ispirito ay hindi mamamatay o kailanman maglalaho.”

“Walang bagay na hindi nanggaling sa kanya.
Sa lahat ng bawa’t bagay siya ang kaibuturan ng iyong sarili.
Siya ang wagas na KATOTOHANAN; siya ang supremong Ispirito mo.
Ikaw ang Ispirito na nasa katawan mo, Pilian, ikaw siya.”

“Hindi ikaw nasa mundong ito para hanapin ang Ispiritong ito. Ikaw ay isang Ispirito na nasa iyong sasakyang katawan na ginagamit sa paglalakbay upang gampanan mo ang iyong KALUWALHATIAN.”

“Oh, aking iniibig na Ama, bigkasin at ipaalam mo pa nang higit ang tungkol sa Ispirito ko.”

“Oo, aking iniirog na anak, ipaa-alam ko,” ang pangako ni Bathala.

“Dalhan mo ako ng hinog na bungang mangga.”

“Narito na po ang bungang mangga, aking mahal na Ama.”

“Biyakin mo ito, at ano ang iyong nakikita?”

“Kulay dilaw na kalamnan at magaspang na buto lamang po, at wala ng iba pa.”

“Amuyin mo,” ang utos ni Bathala.

“Mabango, may halimuyak po na nakakasiya,” ang wika ni Pilian, “tila masarap na po ang pagka-hinog nito.”

“Tikman mo,” ang tugon ng Ama.  
“Malinamnam po at nais ko nang kainin,” nagagalak na bigkas ni Pilian.

“Ang amoy na iyong nalanghap ay hindi mo nakikita, mahal kong anak.
Ang linamnam na iyong nalasap, ay hindi mo mahahawakan.
Ang lahat ng mga ito’y nanggaling sa iyong Ispirito. Ang linamnam nito ay dati ng nasa iyo, wala sa mangga. Nalalasap mo lamang ito kapag may kinain ka at nalasahan ito, at napukaw mo ang panlasa na nakalaan para dito.”

“Kung nais mo pa ng mangga; Siya, na Ispirito mong ito ang nagpapaisip sa iyo. Kung hilaw ang bungang mangga, mangangasim ka, at kung hinog naman ito,  pinatatakam ka. Walang kinalaman ang mangga sa nangyayaring panlasa mo."

“Walang bagay na hindi nanggaling sa Ispirito mo.
. . . at ang butong natira ay may buhay, lilikha siya ng isang punong mangga na magbibigay ng marami pang mga bungang mangga.
Ang ispiritong ito ang katotohanan, siya ang supremong Ispirito mo na nagaganap sa iyo. Napapatunayang lahat ang mga ito. Kapag wala na sa iyo ang Ispirito na ito, magdidilim ang iyong paningin, mawawalan ka ng malay, at kung hindi ito makakabalik sa iyong ulirat ay mamamatay ang iyong katawan.”

“Ikaw ito, Pilian, ikaw mismo ang iyong sariling Ispirito.

“Nasa iyong kaibuturan, sa iyong utak, naglalagi ang Ispirito na ito, at may nagpapadala ng mga mensahe para dito. Ito ang kailangan mong alamin upang maunawaan ito,” ang pahayag ni Bathala. “tulad ng nakikita mo sa telebisyon, nasa iyong kapasiyahan lamang kung aling istasyon ang nais mong mapanood. Ang utak mo ang antenna, at may nagpapadala ng mga panoorin at inpormasyon para dito. Kung may sarili kang mapagmasid at sumasagap na Ispirito, mayroon higit na makapangyarihan na tinatanggap ito; at ito ang Dakilang Ispirito. Alam mo ba ito, ha, Pilian?

“Sige na aking minamahal na Ama, dagdagan mo pa ang aking nalalaman upang higit kong makilala ang aking Ispirito na nakapangyayari sa aking sarili.” Ang pagsusumamo ni Pilian.

“Oh, aking sinisintang anak, hindi mo na kailangan pang pakiusapan ako. Gisingin mo lamang ang iyong sarili sa tuwina at ang Ispiritong ito, na nasa iyo ay magpapakilala. Matagal nang nakakubli sa puso mo ito, laging kumakatok na pagbuksan mo upang makawala. Bumubulong, nagpapaala-ala, kusang nakikialam sa iyong mga kapasiyahan. Kapag nakatulog ka, ay humihingi Siya ng atensiyon mo sa iyong mga panag-inip. At kung minsan kapag nagagalit ito sa iyong pagwawalang bahala sa kanya, binibigyan ka ng mga bangungot.”

“Sa iyong mga pagdarasal, inaakala mong hindi ka sinasagot niya. Hindi niya maaaring gawin ito para sa iyo, sa dahilang Ikaw at ang Ispirito mo ay IISA. Kaya nga, bilang kasagutan ay kinakausap ka niya sa mga problema, mga bagabag, mga paghamon at mga pagkalito na nangyayari sa iyo. Inihahalang ang mga ito sa iyong daraanan, upang gisingin ka. Hinahamon ang iyong kakayahan na makilala mo Siya. Kasama na rito ang mga panag-inip at mga bangungot na kanyang mga kasagutan sa iyong mga dasal na ito.”

“Hindi Niya ito ipinagkakaloob sa iyo nang hindi mo makakaya. Hindi ka pa ipinapanganak, talos na Niya ang lahat ng iyong mga angking katangian at mga kakayahan. Siya ang may likha nitong lahat. Itinakda na Niya ang iyong KALUWALHATIAN. Nasa iyo lamang kapasiyahan upang ito ay mapasaiyo. Walang imposibleng bagay sa Kanya. Humiling ka at ikaw ay bibigyan, kumatok ka, at ikaw ay pagbubuksan. Sa kanyang mansiyon ay maraming pintuan at napakaraming silid. Nakasulat ito.”

  “Magpatuloy pa kayo, aking ama, lalo po akong nasasabik na lubusan kong makilala ang aking Ispirito,” ang masiglang pakiusap ni Pilian.

“Dalhan mo ako ng isang dakot na asin, aking mahal na anak,” ang utos ni Bathala, “magdala ka na rin ng isang palangganang tubig.”

“Narito na po ang asin at ang palangganang may tubig.”

“Ano ang nakikita mo sa tubig, Pilian?
“Wala po akong nakikita,” ang may pagtatakang sagot ng anak, “wala pong kulay ang tubig.”

“Ibuhos mo ang asin sa palangganang may tubig,” ang utos ng ama, “haluin mong mabuti.”

“Nahalo ko na po.”
“May nakikita ka pa ba? Ang tanong ni Bathala.
“Ganoon pa rin po, malinaw pa rin at walang kulay po ang tubig,” ang hindi mawaring sagot ni Pilian sa ipinagagawa ng Ama.

“Ngayon naman ay tikman mo ang tubig sa may gilid ng palanggana na ito,” ang utos ng Ama, “ano ang nalasahan mo?”

“Maalat po.”
“Dito ka naman sumipsip sa bandang ito ng tubig,” ang sumunod na utos, “ano ang nalasahan mo?

“Ganoon din po,” ang tugon ni Pilian, “maalat pa rin ang tubig.”

“Doon naman sa gitna ng tubig, lasahan mo,” ang muling utos ng ama, “ano ang lasa?”

“Walang pagbabago,” ang paliwanag ni Pilian, ”sadyang maalat ang tubig na ito kahit saan mang panig ako tumikim, aking mahal na Ama.”

“Kaya nga, aking mahal na anak, lahat ng bagay na hindi mo nakikita ay nariyan lamang sa iyo. Tulad ng hangin, hindi mo ito nakikita, ngunit labas-masok sa katawan mo. Binubuhay ka nito sa buong buhay mo. Lahat ng mga bagay na hindi mo nakikita ang siyang pinakamahalaga at nangingibabaw na katotohanan sa lahat. Tulad ng pag-ibig, pagmamalasakit, pang-unawa, pag-asa, pagmamahal, atbp. At upang ang mga ito ay iyong makuha, ay kailangan mo munang maibigay. Hindi mo maibibigay ang mga bagay na wala sa iyo.”

“Sa lahat ng mga bagay, mga pangyayari, mga pagkakataon, ay naroon ang mga ito. Siya ang asin ng tubig; Siya ang hangin ng buhay. Anuman ang iyong ginagawa, pakikipag-relasyon, pinapangarap, at tinatalunton sa iyong buhay, ang Isipiritong ito ang nagpapakilala ng lahat ng mga ito para sa iyong tunay na kaganapan.”

“Walang bagay na hindi nagmula sa kanya.
Sa lahat ng bawa’t bagay na iyong maiisip, mamamalayan, mababatid, mapatotohanan, magpapaligaya, at magpapayapa; ang lahat ng mga ito ay ang KALUWALHATIAN ng iyong Ispiritong tinataglay.”

“Siya ang iyong KATOTOHANAN, siya ang iyong supremong Ispirito.
“Ang pinakamahalaga sa lahat upang wagas na mapasaiyo ito, may isang sekreto na karamihan sa atin ay ipinagwawalang bahala at laging kinakalimutan. Ito ang susi, ang ituon ang ating mga sariling Ispirito sa Pinakamakapangyarihan sa Lahat, ang Dakilang Ispirito na pumapatnubay at bumubuhay sa ating mga sariling Ispirito. Siya lamang ang higit na nakapangyayari at nakakaalam ng lahat.”

“At alam mo ba, mahal kong Pilian, ikaw, ang iyong Ispirito at Dakilang Ispirito na ito ay IISA? Nauunawaan mo ba na ang Ama, ang anak, at ang Banal na Ispirito ay IISA?
Alam mo rin ba na kapag pinagsanib mo o pinag-isa, ang iyong Isip, Katawan, at Ispirito ay magkakaroon ka ng Kaluluwa? Ito ang nagpapakilos sa iyo.”

"Mula sa kamangmangan, matiyagang pagsasanay, masikhay na pagtuon nang walang anumang pagkagambala, unti-unti ang iyong isip, katawan, at Banal na Ispirito ay magsasanib at mabubuo ito na maging eksperto ka sa ginagawa mo. Mayroon ka ng kaluluwa para dito. Napansin mo ba na bago ka makasulat ng iyong pangalan ay binubuno mo ang lapis? Ngayon, kahit na nakapikit ka ay makakaya mong maisulat ito. Dahil nagising mo ang iyong kaluluwa para dito."

“Aking minamahal na Ama, ipaalam mo pa sa akin ang aking Ispirito, sige na aking Ama”

“Oo, aking minumutyang anak, katungkulan ko ito sa iyo,” ang maliwanag na pangako ni Bathala.

“Mayroong isang lalaki sa lalawigan ng Bataan ang piniringan sa mata upang walang makita.
Inakay at dinala siya sa isang tahimik na kaparangan. Pinaikot na nakaharap sa hilaga, pinaharap sa silanganan, pinaharap sa timog, at sa huli ay pinaharap naman sa kanluran. At iniwan, hinayaang mag-isa sa kinatatayuan nito.
   Lumipas ang maraming sandali sa kalagayang ito, ay nainip na at naghihiyaw ang lalaki, “Hoy, narito pa ako na iniwan ninyo at hindi nakakakita!”
   Hanggang sa may lumapit at inalis ang piring sa kanyang mga mata at nagwika, “Hayan, idilat mo ang iyong mga mata, at sundan ang nais mong landas.”

“Kaya nga, aking mahal na anak, kung walang nakapiring sa iyong mga mata, at magagawa mong idilat ang mga matang ito, magigising kang tuluyan. Ang iyong isip ay magkakamalay, mababatid mo ang katotohanan, ito ang magpapasaya sa iyo na hahantong sa iyong kaligayahan, papayapa ang iyong kalooban at tahasang magaganap ang iyong nakatakdang KALUWALHATIAN.
Huwag mong hayaan na piringan ka ng iba. Iwasan mong magsuot ng may “gradong salamin” ng mga pakikialam, pagpuna, pamimintas, mga kundisyon, at mga paghatol sa iba. Sa kalaunan, ito ang malalasap mo at siyang magpapahamak sa iyo. Iwasang patigasin ang iyong mga panuntunan na magpaparalisa sa iyo. Hanapin ang iyong liwanag at pagliyabin ito na nagnining-ning.
Ikaw na nagpadingas; at ang liwanag na nag-apoy dito, ay siyang tatanglaw saan man nais mong magtungo. Hindi ka kailanman mabibigo. Sa mga ibat-ibang pook, mga pamayanan, sa lahat ng mga taong iyong nakilala at sinamahan, ay masusumpungan mo sa unang pagkakataon, na makauwi ka kung saan ka nagmula. Ang makamtan mo ang wagas na Kaluwalhatian ng iyong sariling Ispirito.”

“Walang bagay na hindi nanggaling sa Kanya.
Walang anumang bawa’t bagay na hindi nanggaling sa sarili mong Ispirito.
Siya ang Katotohanan, siya ang iyong supremong Ispirito.
Pinapatnubayan at Pinagpapala ito ng Dakilang Ispirito.

Ikaw ang lahat ng ito, mahal kong Pilian, ikaw at ang Dakilang Ispirito ay IISA!

Marami pong salamat, aking mahal na Ama, lagi ko pong susundin ang lahat ng inyong ipinagbilin, ayon sa Inyong Kalooban.”

-------
Hindi ko matutuklasan ang Diyos sa aking sarili at ang aking sarili sa Kanya, hangga’t wala akong kagitingang harapin ang aking sarili kung sino ako. Hindi ang makita natin sa ating mga sarili, maunawaan, at magkamalay, nang mabatid ang mga mapurol, limitado, kinakapos, at lagalag na mga kaluluwa natin, hindi ang mga ito, bagkus ang matuklasan ang kapangyarihan ng Dakilang Ispirito sa pagkabuhay kay Kristo mula sa pagkamatay at “Sa iyo na isinasanib Niya upang maging tahanan ng Diyos sa Ispirito,”   Efeso 2:22 KJV

Panatilihin ang Bukluran ng Ispirito
   4 Kaya nga, ako ang bilanggo ng Panginoon, ay nagsusumamo sa inyo na lumakad kayo nang karapatdapat na pagkakahirang kung saan kayo ay tinawag. 
  2   na may lubos na pagkukumbaba at maamo, mapagtiis, nagpaparaya sa isa’t isa sa pag-ibig.
   3   nagsisikhay na mapanatili ang pagkakaisa ng Ispirito sa buklod ng kapayapaan.
   4   Mayroong isang katawan, at isang Ispirito, kahit na kayo ay tinawag sa isang pag-asam  ng pagkakatawag sa inyo.
   5   Isang Panginoon, isang pananalig, isang binyag.
   6   Isang Diyos at Ama sa lahat, siya na nangingibabaw sa lahat, at sumasanib sa lahat, at sa loob ng lahat na nasa iyo.   Efeso 4:1-6 KJV


Jesse Guevara
Lungsod ng Balanga, Bataan