Monday, December 24, 2012

Isang Taos-Pusong Pagbati,


 MABUHAY! . . . sa patuloy na Kapayapaan at Kaligayahan para sa ating lahat.

Sunday, November 18, 2012

Nasa Katotohanan ang Lahat





 Matapos ang maghapon, ang mga katanungang itatanong natin sa ating mga sarili ang siyang magpapasiya kung SINO tayo at kung ANO ang magaganap sa atin.

1- Maligaya siya kung saan ang katotohanan ay kanyang nababatid, hindi nang makukulay na talumpati o hungkag na salita, bagkus sa kanyang kamulatan. At nakahihigit pa ang isinasakatuparan ang mga ito.

2- Ang ating mga opinyon o mungkahi at ang ating mga nadarama ay laging ipinagkakanulo tayo sapagkat hindi nila nakikita ang kanilang mga sarili. Paanas at paimpit ang kanilang mga taghoy na nagiging katotohanan sa mga ginagawa.

3- Anong silbi nito para sa atin na alamin at pagtalunan ang mga walang katuturan at mga bagay na lihim kung hindi naman tayo masisisi kung wala tayong nalalaman sa araw ng paghuhukom.

4- Isang kahangalan ang pansinin at usisain ang mga masalimoot at mapanakit na mga bagay habang pinapabayaang tuklasin ang mga pangangailangan at nakapagdudulot ng kasaganaan. Tayo, na may mga mata, ay hindi nakakakita. Tayo, na may mga tainga, ay hindi makarinig. Tayo, na may bibig, ay hindi makapagsalita. Patuloy na natutulog o nagtutulog-tulugan sa mga kaganapan. Mananatili na lang ba tayong sakbibi ng siphayo at pighati?

5- Bakit tayo nahuhumaling sa mga palabas at libangan na walang kapupulutang kabutihan at kaunlaran, bagkus nagagawang manhid pa ang ating mga pagkatao at walang pakikialam. Nauuwi sa pagkakawatak-watak at walang direksiyon na patutunguhan.

6- Siya na kung saan ang salita na walang hanggan ay nangungusap; ay nakaligtas mula sa maraming opinyon. Mula sa Salita dumating ang lahat, at ang lahat ng bagay ay nangungusap ng Salita. Walang tao kung walang Salita ang makauunawa o tamang humatol kaninuman

7- Siya para sa kanya ang lahat ng bagay ay isa, at nagagawang mapag-isa ang lahat ng bagay, at nakikita ang lahat ng bagay ay isa, ay magiging matatag ang puso at tinatamasa ang kapayapaan sa Diyos.

8- Aking Panginoon ng katotohanan gawin mo akong kaisa sa Iyo sa walang hanggang pag-ibig.

9- Lagi akong napapagod na mapanood, madinig at mabasa ang maraming bagay na walang kabuluhan. Tanging sa Iyo, O aking Diyos, ang akin lamang na kailangan at lahat ng aking pinakamimithi.

10- Hayaan ang lahat ng tagapagturo ay tumigil at manahimik, at lahat ng nilalang ay tumahimik. Hayaang lahat ay manatiling katahimikan upang marinig ko ang Diyos na kinakausap ako.

11- Hangga’t ibayong nakikipag-isa ang tao sa Diyos, ibayo din siyang makauunawa, sapagkat ang liwanag ng pagkakaunawaan ay nanggagaling sa kalangitan.




12- Ang wagas, dalisay, at mapagkumbabang diwa ay hindi nagagambala ng mga bagay sapagkat ginagawa niya ang lahat ng mga bagay sa kaluwalhatian ng Diyos, at nagpupunyaging palayain ang sarili mula sa mga pag-uusisa, at walang kabuluhang taltalan.

13- Anumang humahadlang at bumabagabag sa iyo ay higit pa sa iyong sariling kapalaluan.


14- Ang isang mabuti at masugid na tao ay unang ipinapasiya sa kanyang sarili ang mga bagay na kanyang planong gawin. Ang mga planong ito ay hindi maghahatid sa kanya sa makamundong pagnanasa at bisyong makamkam, nasusupil  niya ang mga ito sa pamamagitan ng makatwirang kaisipan.


15- Sino ba ang may matinding pakikihamok kaysa doon sa gumagamit ng lakas upang talunin ang kanyang sarili? Ito ang kailangan nating gawain. Ang talunin ang ating mga sarili sa araw-araw, palakasin at pagyamanin ang ating mga diwa.

16- Ang kasakdalan sa daigdig na ito’y may mga bahid ng kapintasan nito, at ang ating maningning na kabatiran ay mayroong mga aninong nagkakanlong dito. Sapagkat higit na magniningning ang liwanag kung ito’y nakatanglaw sa karimlan.

17- Ang mapagkumbabang kabatiran sa iyong sarili ay katanggap-tanggap sa Diyos kaysa sa paghabol at pagtuklas sa makamundong kaalaman.


18- Ang pagkakatuto o karaniwang kabatiran sa mga bagay ay hindi kailangang iwasan. Ito ay mabubuti at katanggap-tangap sa Diyos; subalit ang may malinis na konsensiya at marangal na buhay ay kailangang higit na pagtutuunan at makamtan.

 19- Sapagkat karamihan ay pinili ang magpakarunong kaysa matiwasay na buhay, patuloy silang napapahamak at ipinagkakanulo gaano man ang ibinubunga o saysay ng mga ito.


20- Kung ang mga tao ay lubos na magsisikhay kumilos; sa pagbunot sa ugat ng mga masasamang bisyo at katiwalian, at magtanim ng mga kagandahang asal at pawang kabutihan, katulad ng paghahanda ng mga katanungan, walang mangingibabaw na kabuktutan sa daigidig.

21-Sa araw ng kahatulan; nakatitiyak hindi tayo tatanungin kung ano ang natutuhan natin, bagkus kung ano ang ating mga nagawa, hindi ang ating mga binigkas na pangungusap, bagkus kung papano tayo nagpakumbaba sa naging buhay. Ano ang ginawa mo sa iyong hiram na katawan at sa pangalang ipinagkaloob sa iyo?

22- Sagutin mo ako, nasaan ngayon ang mga dakilang tao na iyong kilala, nakita o nadinig habang nagsasalita noong sila ay nabubuhay? Ngayon, ang iba ay tinatamasa ang katulad na posisyon. Sila naman ang pinupuri at pinapalakpakan, at sa aking palagay, sa kalasingan ng tagumpay hindi man lamang nila naiisip ang mga naunang tao. Gayong ang lahat sa mundong ito’y matuling lumilipas, kumukupas at tuluyang naglalaho. Sa panahon ng kanilang buhay, kilala at tanyag sila. Ngunit ngayon walang nakakakilala o nagsasalita tungkol sa kanila.

23- Kung ang kanilang mga buhay ay nagampanan katulad ng natapos na mga karunungan, patuloy silang magiging maligaya hanggang sa kanilang paglisan.

24- Marami ang mga napapahamak sa mundong ito dahilan sa kahangalang makasarili; magpakatalino, magpakayaman, at manatili sa kapangyarihan upang malubos ang kasiyahan at makalimutan ang maglingkod sa kapwa. Wala silang kabatiran na nasa paglilingkod lamang masusumpungan ang hinahanap na kaligayahan. Walang pagsasaalang-alang na ito’y kaluwalhatian sa Diyos. Sapagkat mas gugustuhin pa nilang maging sikat at kinahuhumalingan kaysa maging mababa at makapaglingkod.

25- Siya na tunay at wagas na dakila ay mapagkumbaba at mahinahon, hindi naghahanap, nanghihingi, at nagtatampisaw sa mga parangal, papuri, at hungkag na palakpakan. Tunay at dakila dahil may kawanggawa at pagmamalasakit. Tanging may kawili-wiling kabatiran na ang lahat ng makamundong pagnanasa ay mistulang mabahong pusali na kinakailangang linisin at pagandahin upang maging katanggap-tanggap sa Diyos. At siya na tunay na nakakaalam ang nagsasagawa sa kagustuhan ng Diyos at tinatalikdan ang sariling kagustuhan.



 Ang katotohanan lamang ang makapagpapalaya sa atin.

Jesse Guevara 
Lungsod ng Balanga, Bataan

Monday, October 15, 2012

Mabuhay nang may Katuturan




Ang sanlibutan ay mayroong tatlong katangian na hindi mapupuksa; Pagkatao, Pagkamulat, at Pag-ibig. At nasa tao ang gawa para may pagpapala.

Naisin man natin o hindi, maging nakahanda man tayo o hindi, darating ang nakatakdang panahon na ang lahat ay matatapos din.

Walang nakakatiyak kung kailan ito magaganap. Sa isang iglap na hindi inaasahan, ipipikit natin ang ating mga mata nang lubusan.

Lahat ng iyong nakikita, naririnig, naaamoy, nalalasap, at nararamdaman ay hindi na magbabalik pa. Ang mga ito'y tuluyan nang mawawala.

Wala ng mga bukang-liwayway at ginintuang mga silahis ng araw, walang ng mga pagbilog pa at maliwanag na tanglaw ng buwan, wala ng mga sandali, ng mga oras o mga araw na madarama at palilipasin.

Lahat ng mga bagay na nakulekta o naipon mo, maging ito’y mga salapi o mga dekorasyon, kagamitan o sasakyan, bahay o kasuotan, ay mapupunta sa makakatanggap ng mga ito. Iiwanan mong lahat ito. Mga pamana itong hindi mo na madadala pa sa iyong patutunguhan. Kahit na isang totpik ay wala kang madadala.

Ang iyong kayamanan, katanyagan, at kapangyarihan ay wala nang magagawa pa. Ang iyong posisyon o katungkulan ay mistulang mga bula na kusang maglalaho. Wala nang saysay pa kung ano ang mayroon ka o kung mayroon kang pagkakautang na dapat mabayaran.

Ang iyong mga pagkasuklam, mga pagkagalit, mga panggigipuspos, mga panghihinayang, mga pagngingitngit, at mga panibugho ay tuluyan nang mawawaglit. At pati na ang iyong mga pag-asam, mga pangarap, mga ambisyon, mga plano, at nakaatang na mga lunggati ay tapos nang lahat. Wala na itong mga saysay pa. Lahat ng mga ito ay wala ng gaano mang kapirunggit na halaga pa.

Ang mga tagumpay at mga kabiguan na kumain nang maraming panahon sa iyo at malabis mong pinagtuunan ng pansin ay wala na ring halaga pa.

Wala na ring katuturan kung saan ka man nanggaling o kung saang komunidad ka tumira, gaano kaganda ang iyong bahay o kamodelo ang iyong sasakyan, at kung sino ang iyong mga naging kaibigan at mga nakasama. Maging ang inpluwensiya o koneksiyon mo sa lipunan ay pawang mga ipa na lamang at walang kalalagyan.

Hindi na rin mahalaga kung matalino o mangmang ka, maganda o pangit ka, matangkad o pandak ka, at maputi o maitim ka. Wala na itong mga saysay pa.

Dahil sa iyong paglisan ... ang lahat ng mga ito ay kasama mong lilisan. Lahat ay magdidilim at mauuwi sa alabok.

Kung gayon … Ano ba ang higit na mahalaga at sadyang may katuturan? Papaano ba masusukat at mabibigyan ng kahalagahan ang iyong mga araw na narito ka sa mundo?

Lahat ay lumilisan, lumilipas, at naglalaho ... Maraming bagay na hindi nabibigyan ng tamang atensiyon at priyoridad. Lagi tayong abala sa mga maliliit na bagay na nagnanakaw ng ating mahahalagang oras, na kung susuriin nating maigi ay pawang pag-aaksaya ng panahon. Hanggang sa mapansin natin sa harap ng salamin ang taong dati-rati'y bata, masigla at puno ng buhay. Subalit ngayon ay malamlam ang mga mata at marami ng mga gatla sa mukha. Ang buhok na dati'y malago at maitim ngayon ay madalang at puti na. Nawala na rin ang kisig at ganda, napalitan ng seryoso at pagkabalisa. Tila mayroong ginugunita, mga bagay na kung maibabalik lamang ay pipiliting itama. Kung maibabalik lamang ang naaksayang panahon mula sa mga walang saysay na pagkagumon, pagkalimot, at kawalan ng atensiyon sa mga may katuturang bagay. Disin sana'y ... walang mga hinanakit at karaingang maghahari sa kalooban. Disin sana ...

Ngunit huwag mabagabag ... Hindi pa huli ang lahat. Habang may hininga ay may pag-asa. Walang bata o matanda sa nais magbago ... at ang sansinukob ay naghihintay lamang upang ang lahat na nakatakdang mangyari sa iyong buhay ay kusang maganap na ngayon sa iyong mga pagkilos.


At ito'y ang harapin at pagtuunan ng ibayong atensiyon ...
Ang sadyang may katuturan ay …
   Hindi ang iyong mga nabili, bagkus kung ano ang iyong mga naitayo.
   Hindi ang iyong mga inani, bagkus ang iyong mga ipinunla.
   Hindi ang iyong mga naipon, bagkus ang iyong mga naitulong.

Ang sadyang may katuturan ay …
   Hindi ang iyong mga natanggap, bagkus ang iyong mga naibigay.
   Hindi ang iyong mga tagumpay, bagkus ang iyong mga kahalagahan.
   Hindi ang iyong mga natutuhan, bagkus ang iyong mga naituro.

Ang sadyang may katuturan ay …
   Hindi ang iyong mga sertipiko at diploma sa dingding, bagkus sa mga alaala at pagdakila sa iyo.
   Hindi ang iyong mga kahusayan, bagkus ang iyong karakter at pagiging uliran.
   Hindi ang iyong mga pangako, bagkus ang iyong mga nagampanan. 

Ang sadyang may katuturan ay …
   Hindi ang iyong mga hangarin, bagkus ang iyong mga pagpupunyagi at katatagan.
   Hindi ang iyong mga pagkatakot, bagkus ang iyong tahasang mga pagharap sa katotohanan.
   Hindi ang iyong mga katagang binitiwan, bagkus ang kalakip nitong mga paninindigan.

Ang sadyang may katuturan ay …
   Hindi ang iyong mga panahon sa opisina at gawain, bagkus ang iyong inilaang panahon sa iyong pamilya at mga mahal sa buhay.
   Hindi ang iyong pagkahumaling sa mga kasangkapan, bagkus ang pagbibigay ng atensiyon sa iyong mga anak.
   Hindi ang mga palakpak at pagkagumon sa barkada, bagkus ang pagtupad sa responsibilidad at pagkandili sa iyong mga mahal sa buhay.

Ang sadyang may katuturan ay …
   Hindi ang mainggit, manibugho, at mawalan ng pag-asa, bagkus ang gumawa, magpasalamat, at umasam na may magandang kapalaran na darating.
   Hindi ang magsawalang kibo at umasa na lamang, bagkus ang magsikhay at pagyamanin ang sarili.
   Hindi ang basta na lamang mangarap, bagkus ang magplano at simulang isagawa ito nang puspusan.

Ang sadyang may katuturan ay …
   Hindi ang mag-aksaya sa mga panooring walang saysay, bagkus pagtuunan ang pagpapaunlad ng sarili.
   Hindi ang makialam at punahin ang iba, bagkus ang supilin at kontrolin ang negatibong kaisipan sa sarili.
   Hindi ang makigaya at manatiling segunda mano, bagkus maging orihinal at malikhain sa bawa’t gawain.

Ang sadyang may katuturan ay …
   Hindi kung gaano karami ang mga taong kakilala mo, bagkus kung gaano karami ang manghihinayang at malulungkot sa iyong pagkawala.
   Hindi ang iyong mga alaala na maiiwan, bagkus ang mga mahalagang alaala ng mga nagmamahal sa iyo.
   Hindi kung gaano katagal kang maaala-ala, bagkus kung sino ang nakakaala-ala at kung para saan ito.

   Ang mabuhay nang may katuturan ang higit na dakila at ito’y hindi sadyang nangyayari. Hindi ito hinihintay at iniaasa kahit kaninuman. Ito ay nasa ating pagpili. May kapangyarihan tayong piliin kung ano ang higit na may katuturan sa bawa’t sandali na ginugugol natin sa maghapon. Bawa’t araw, mayroon tayong oportunidad na baguhin ang ating buhay. Baguhin ang hindi natin na mga naiibigan at walang mga katuturan. Palitan ang mga bagay na nagpapahirap at nagpapalungkot sa atin. Huwag nating palipasin ang mga sandali na hindi natin tinatanong kung sino tayo? … ano ang ating nais? … at kung saan tayo pupunta?

 Sana ... nalaman ko ito noon pa. Sana naiwasan kong makagawa ng mga kapahamakan at kapinsalaan sa iba. Sana ... Huwag na natin pang hintayin ang umabot na bigkasin pa ang SANA ...

Pakatandaan lamang: Ang mga bagay na ito ang nagwawasak sa sangkatauhan: mga pulitika na walang prinsipyo; kaunlaran na walang pagmamalasakit; kayamanan na galing sa katiwalian, kaalaman na hindi ginamit; relihiyon na komersiyal; at pananampalatayang walang mga pagkilos. Ang mga ito ay nangyayari dahil marami ang tulog, natutulog, at nagtutulog-tulugan.

Simpleng mga Instruksiyon ng Buhay
Mabuhay na matutong magmahal.
Matutong magmahal para mabuhay.
Magmahal nang mabuhay para matuto.
…upang ikaw ay mabuhay sa buhay na iyong pinapangarap.

Sa araw na ito, may katuturan ka bang nagawa? Mapupuri ba at sadyang nakakatulong sa iyong sarili at maging sa iba?

Aba’y kung hindi naman … puwede ba gumising ka naman …
bago mahuli pa ang lahat.


Jesse Guevara
Lungsod ng Balanga, Bataan

Tuesday, September 18, 2012

Iwasan ang Humatol




Hindi tayo ipinagkakanulo ng ating mga pakiramdam; kundi ng ating mga kahatulan.

Bahagi ng ating buhay ang humatol. Walang sinuman ang magagawang magpasiya nang walang kahatulan kung makabuluhan at walang saysay ang anumang bagay. Subalit kung ang pangmasid sa kapwa ay nakasalang, ang paghatol ay kailangang pigilan. Ito ay nasusulat:
7 "Huwag humatol upang hindi ka mahatulan.
 2  Dahil sa paghatol na iyong iginawad ikaw ay hahatulan; at kung anong panukat ang iyong ginamit, ito ang muling isusukat sa iyo. –Mateo 7:1-2
20- Italaga na mabuhay sa isang araw nang walang kahatulan.

Napakadali ang humatol laluna’t wala kang tiwala at kinaiinisan mo ang isang tao. Wala ng puwang para mahalin mo pa siya. Subalit sa sitwasyong ito, ang sarili mo ang nahihirapan at nababalisa. Dahil lisya ito sa iyong mga patakaran. Isaalang-alang na ang makatarungang paghatol ay siyang sukatan ng iyong mga personal na karanasan, at ang lahat ng mga karanasang ito ay tamang sukatan kung sino ka. Hindi mo magagawang maging parehas sa iba kung hindi ka parehas sa iyong sarili. Ang mga kapangitan na iyong nakikita sa labas ay nagsimula muna kung ano ang mayroon sa iyong kalooban. Sakalimang may kasamaan kang napapansin, alamin sa iyong sarili kung bakit nararamdaman mo ito. Sapagkat kung pawang kabutihan at makabuluhan lamang ang nasa iyong kaisipan, ito ang sadyang lalabas mula sa iyo. Makikilala ang isang tao sa kanyang iniisip, binibigkas, at ginagawa. Narito ang batayan ng kanyang tunay na pagkatao.
   Ihinto ang mga paghatol at pangangatwiran ng mga negatibong pananaw. Laluna’t hindi mo naisuot ang sapatos ng taong iyong pinupuna. Magkaiba ang inyong kinalakihan, pinagdaanan, at mga karanasan. Kung wala ka pang nagagawa, wala kang karapatan na hatulan ang may mga nagawa na. Hangga’t hindi mo nakikilala ang iyong sarili, hindi mo magagawang punahin at hatulan ang iba, dahil wala kang sapat na kabatiran para humatol. Ang tunay na kaalaman ay nasa ulo, ang kawagasan ay nasa puso, at tiyak na magkakamali tayong humatol kung hindi tumpak at saliwa sa ating iniisip ang ating nadarama.
   Marami ang mahilig humatol at magmalasakit na may mabuting intensiyon, ngunit ang pamamaraan ay brutal at dumudurog sa pagkatao ng isang tao. Kung hindi mapagbigyan at masunod ang hangarin ay ginagawang personalan ang relasyon, na kadalasan ay nauuwi sa mga bangayan at alitan. Hindi natin mahahatulan ang naging mga buhay ng ibang tao, sapagkat bawa’t isa, ay siya lamang nakakaalam sa kanyang pinagdaanan, mga pagkakamali, at kapighatian. Maaaring tama at napapanahon ang mungkahi mo, subalit hindi lamang sa iyo ang tamang daan. Higit na mainam ang maging mabuti kaysa maging tama kung nakakapinsala ito sa relasyon at respeto ng isang tao. Kadalasan ay huli na kung matuklasan natin; na kailangang huwag hatulan, maluwag na tanggapin at pagkatiwalaan ang mga tunay na kaibigan.
   Madali ang maging kritiko, ngunit hindi sa paraan na nangungutya at humahamak. Huwag ipalagay na isang kahinaan ang kabaitan ng isang tao, at abusuhin ng mga pamimintas at wala sa lugar na pagpuna. Wala ding idudulot na mabuti ang pintasan ang kapasiyahan ng iba, dahil lamang na kaiba at salungat ito sa kagustuhan mo. Tatlo ang batayan para dito kung sino ang tama: Ang katwiran niya, ang katwiran mo, at ang tamang katwiran. Kaya nga nagkaroon ng mga hukuman, para may kumilatis at magpasiya ng tamang katwiran (paghatol) ang namamagitang hukom sa pagitan ng dalawang nagtatalo. Sa halip, ang pagtuunan ng pansin ay kinisin at pagyamanin mo pa ang iyong sarili para maging abala at wala ka ng panahon pang humusga sa iba. Tandaan lamang: Hinahatulan natin ang ating mga sarili kung ano ang makakayang nating gawin, at hinahatulan naman tayo ng iba kung ano ang ating mga nagawa na.

Huwag hatulan ang bawa’t araw kung ano ang iyong mga inaani, bagkus sa mga binhi na iyong ipinupunla.

   Hindi tungkulin ng isang tao ang disiplinahin at kontrolin ang iba. Mapanganib ito, sapagkat walang perpektong tao na masusunod ang bawa’t naisin mo. Ang tangi mo lamang makakayang disiplinahin at kontrolin ay ang iyong sarili. Ito ang iyong personal na desisyon na makakayang gawin saan ka man narooon at kung sino ang mga nakapaligid sa iyo. Ang panahon ay patuloy na nagbabago at nagagawa pang baligtarin ang karamihan sa iyong mga opinyon. Umiwas na malagay sa alanganin ang iyong reputasyon kung mahilig kang pumintas, makialam, at humatol sa iba. Sa dahilang kapag hinatulan mo ang iba, hindi mo inilalantad sila, ang nailalantad mo ay ang iyong sarili para ikaw ang mahatulan.



             Bago ka HUMATOL
Bago maghinala, pag-aralan ang mga pangyayari.
Bago magpasiya, alamin ang katotohanan.
Bago magsalita, makinig nang mabuti.
Bago mag-reaksiyon, mag-isip muna.

Bago HUMATOL, unawain ito kung bakit.

Bago pumuna, maghintay ng paliwanag.
Bago makapanakit sa kalooban ng iba, 
 damahin muna  ito sa iyong sarili.
Bago masuklam, magpatawad at magmahal.
Bago lumisan, minsan pang sumubok at manatili . . .
… at ang katotohanan ang magpapalaya sa iyo.

Tandaan ito:
Ang panahon ang magpapasiya kung sino ang iyong makakatagpo sa buhay.
Ang iyong puso ang magpapasiya kung sino ang iyong magugustuhan at mamahalin.
Ang iyong asal ang magpapasiya kung sino ang mananatili at patuloy na magmamahal sa iyo.
 … At ang iyong mga paghatol ang magtatakda kung matagumpay ka sa iyong mga kapasiyahan.

Huwag hatulan at magpasiya hinggil sa katanyagan at mga papuri. Hindi sapat na paniwalaan ang ibang tao na ang iminumungkahi nito ay siya nang mahusay at katotohanan.

7 Patakaran sa matiwasay na buhay: 1. IWASANG HUMATOL; 2. Mamuhay nang simple; 3. Huwag umasa; 4. Magpasalamat sa tuwina; 5. Mabuhay nang may pagmamahal; 6. Maging masaya; at 7. Gampanan ang kaluwalhatian ng Maykapal.

7 Mga bagay na hindi mo na maibabalik pa: 1. Ang paghatol na walang katibayan; 2. Ang ipinukol na bato; 3. Ang binitiwang salita; 4. Ang hindi nasaluhang okasyon; 5. Ang nagdaang panahon ; 6. Ang kamusmusan ng iyong mga anak; at 7. Ang pagtitiwalang nawala.

4 ang titik na P sa Buhay: Pagpili, Pagkakataon, Pagbabago, at Paghatol. Ang kailangan ay may pagpili kang gawin upang magkaroon ng pagkakataon ang pagbabago sa iyong buhay, at nasa iyong paghatol lamang ang lahat tungkol dito para ito tahasang maganap.

  Matuto ng mga bagay mula sa mga nakapaligid sa iyo, tamasahin ang buhay sa iyong mga kapiling, at huwag maliitin o hatulan ang mabababa sa iyo. Alalahanin na kapag ikaw ay nadapa at nagbalik sa dati, sila ang iyong unang makakasalubong. 

   Hinahatulan ka ngayon, ngunit kakailanganin ka nila kung matagumpay ka. Iniiwasan ka ngayon, ngunit hahabulin ka nila kung matagumpay ka. Pinipintasan ka ngayon ngunit, hahangaan at pupurihin pa kung matagumpay ka. Ito ang iyong nakatakdang buhay … at mangyayari lamang ito kung tahasan mong tutuparin ang iyong mga pangarap. Sa buhay, makakatagpo mo ang dalawang uri ng tao: 1) Yaong walang paghatol; nagmamahal, nagpapahalaga, at pinagyayaman ka; at 2)  Yaong may paghatol; naninibugho, namimintas, at ipinapahamak ka. Alinman sa mga ito, maging mabuti pa rin at gawin ang lahat mong makakaya sa pakikipag-kapwa. Sa paniwalang ito, ang siyang makapagdudulot ng magandang kalidad sa iyong buhay. 
   Mapapatunayan mo na may hangarin ang bawa’t taong nakakatagpo mo. May tuwiran, may matapat, at may balat-kayo. Dito sa huli ay ibayong mag-ingat, dahil nakakubli ang napipintong kapahamakan mo. Mayroong idinadaan ka sa pagsusulit o eksamen nila, may gagamit sa iyo, may magtataksil, mayroon ding magtuturo, manghahamak, at higit sa lahat, kapag nalagpasan mo ang iba at naging maunlad kaysa kanila, hahatulan ka sa tuwina. Huwag kalimutan:Kapag ang punong-kahoy ay mabunga, binabato ito sa tuwina.
 
Alam kong hindi ako perpekto at wala akong hangarin  na magawa pa ito, ngunit bago ka magsimulang itutok sa akin ang hintuturo mo, tiyakin lamang na malinis ito, dahil ang tatlong daliri mo ay nakaturo din sa iyo.   –Arnie M. Guevara

Kung may mga katanungan, ay may mga kasagutan.
-Papaano ka humatol, doon ba sa nagawang tagumpay o natanggap na kabiguan?
-Ano ang inuuna mong tignan sa isang tao, ang negatibong katangian o positibong katangian?
-Inaalam mo ba ang tunay na dahilan bago hatulan ang isang bagay o sinuman?
-Sang-ayon at pinaniniwalaan mo ba ang paghatol na mula sa kaaway at kagalit ng isang tao?
-Ang tagubilin ay,“Huwag hatulan ang aklat sa pabalat nito,” bakit batayan ang taong maganda at guwapo para mabili ang isang produkto? Hindi ba tamang batayan ang uri ng pagkatao at hindi ang panlabas na kaanyuan?
-Sino ang may kasalanan, kapag ang hukom ay pinawalang sala ang kriminal?
-Kung may lumapit sa iyo at may masamang tsismis, tinatanggap mo at nasisiyahan ka ba?
-Alam mo bang kapag hinatulan mo ang isang tao, ay hindi mo na magagawang mahalin pa siya?
-Hinahatulan mo ba ang mga bagay mula sa kanilang mga depekto?
-Kung ayaw mong hatulan ka ng iba, bakit mahilig kang pumuna, pumintas at makialam sa buhay ng iba? Alam mo bang pinapabayaan mo ang iyong sarili kung laging nakatingin ka sa iba, at ikinukumpara mo ang iyong kalagayan sa kanila?
   Alinman sa mga nabasa mo sa itaas ay walang halaga, kung wala kang paghatol para ito ay bumukol. Dahil hindi naman ito sa iyo nakaukol, at doon lamang sa hindi mapaghatol.

Ang mga tao ay hahatulan ka, batay sa iyong mga kahatulan.

Tagumpay o Bigo? Panalo o Talo? Masaya o Malungkot? Kaligayahan o Kapighatian?
Alinman dito, ay nasa iyong kapangyarihan ang pumili. At ito ang iyong magiging kapalaran.



Jesse Guevara
Lungsod ng Balanga, Bataan