Saturday, November 24, 2018

Ang maging Malilimutin

Binubuo ito ng pinag-ikom na limang daliri upang magpahayag ng saloobin. Hindi lamang nagpapakita ito ng bigkisan, kundi matatag na paninindigan kung ano ang nasa kalooban. Sapagkat sinasagisag nito ang pagtutol at paglaban. Kung ito’y gagamitin sa pagsuntok,, isa na itong sandata upang makipaglaban ng suntukan. Subalit sa ibang kaparaanan, sinasagisag din nito ang kalusugan at kapayapaan.
     Marami ang hindi nakakabatid na kung ikikimis (clenching the fist) ang ating kanang kamao batay sa ginawang pag-aaral, ang frontal lobe na nasa kaliwang gilid ng utak natin ay nagpapakita ng karagdagang aktibidad dito. Marami pa tayong kailangang matutuhan kung papaano at kung saang paraan tahasang magagamit ang ating utak (about our memories) tungo sa makabuluhang isipan, subalit ayon sa mga eksperto naniniwala sila na ang kaliwang frontal lobe ay mahalaga sa encoding (creating ), samantalang ang kanang frontal lobe naman ay para sa retrieving (recalling). Ang pagkimis ng kanang kamao ay pinakikilos ang kaliwang bahagi ng ating utak, na kung saan ang ating mga karanasan o memorya (encoded) ay natitipon… ang pagkimis naman ng kaliwang kamay ay pinakikilos ang kanang bahagi ng ating utak, kung saan ang ating mga memorya ay ginigising o tinatawag (recalled) upang magamit sa kaganapang kinahaharap.
     Magsuri po tayo at ating pakiramdaman kung may matututuhan tayo sa puntong ito. Kapag tayo ay nagagalit, bahagi po na otomatikong ikimis natin ang ating kamao bilang pagtutol sa nagaganap at maging handa sa paglaban. Kalikasan natin ito, kasabay ng pagngangalit ng mga bagang at pagkunot ng noo. Ibig sabihin, nagpapadala na po ng mga nakaraang memorya kung tayo ay palaban o paiwas. Ang naaala-ala nating karanasan kung ito ma’y hapdi at sumusugat ng ating damdamin, palaban po tayo. Subalit kung makabuluhan naman, lumuluwag ang ating pagkimis at bumubuka ang ating palad, isang senyas na nakahanda naman tayo ng pakikipagkamay o pakikipag-kaibigan.
   Simpleng-simple lamang po, ang pagkimis ay pakikibaka o palaban, at ang pagbuka o paglahad ng palad ay pakikipag-kaibigan o pakikipag-kamay. Wika nga ng isang magiting na pinuno, “Kailanman hindi ako nakikipagkamay (handshake) kung nakakimis (clenched fist) ang aking katunggali.”

Jesse Navarro Guevara
Lungsod ng Balanga, Bataan