Wednesday, April 11, 2012

Namalayan Ko na Ako'y Natutulog



Yaon lamang mga nagkamalay ang makakaranas 
ng wagas na kaligayahan sa buhay.

KAMALAYAN (Awareness)

   Dalawang babae ang parehong umabot sa gulang na pitumpo, ngunit bawa’t isa ay humarap sa magkaibang pananaw. Ang isa ay “nababatid” na ang kanyang buhay ay matatapos na. Sa kanyang kaisipan, ang pitumpong taong buhay ay nangangahulugan ng katandaan, rayuma, pananakit ng mga kalamnan, patuloy na panghihina, na kinakailangang harapin at tanggapin na ito ang kawakasan ng kanyang buhay. Subalit ang isa, ay nagkamalay at nagpasiya na ang tao ay may kakayahan na anuman ang kanyang gulang ay makakayang baguhin ang kalagayan, at itaas ito sa kanyang nais na antas at kakayahan. Ipinasiya niyang sumali sa grupo ng mga umaakyat ng bundok (mountain climbing), bilang pampalakas na libangan sa gulang na pitumpo. Sa nakalipas na dalawampu’t limang taon, iniukol niya ang kanyang sarili na maging eksperto sa pag-akyat sa matataas na bundok sa buong daigdig, at hanggang sa umabot siya nang mahigit na siyamnapong taong gulang, si Hulda Crooks ay naging pinakamatandang babae na nakaakyat sa bundok ng Fuji sa bansang Hapon. Hulda Crooks (May 19, 1896 – November 23, 1997) was an American mountaineer. Affectionately known as "Grandma Whitney" she successfully scaled 14,505-foot (4,421 m) Mount Whitney 23 times between the ages of 65 and 91. She had climbed 97 other peaks during this period. -Wikipedia

  Ipinapakita dito, na anuman ang iyong kapaligiran o kalagayan; kailanman ay hindi ang mga kaganapan o pangyayari ang dahilan, bagkus ang nagbibigay ng kahulugan sa mga ito ay ang ating Kamalayan dito. Alisin ang ating malay para dito, at wala nang kabuluhan ang patutunguhan ng mga pangyayaring ito. Subalit ituon ang kamalayan dito, at mistulang may giya na may direksiyong pupuntahan ito.

Aking nadinig at nalimutan ko.
Aking nakita at naala-ala ko.
Aking ginawa at naunawaan ko.   –Confucius (551-479 BC)
. . . At namalayan kong ako pala ay matagal nang natutulog.

 Hindi ang mga pangyayari sa ating buhay ang humuhubog sa atin, bagkus ang ating kamalayan kung anong kahulugan nito sa atin.

   Hangga’t ang iyong kaisipan ay walang direksiyon, hindi ka pa nagkakamalay. Kapag nalalaman mo ang iyong  intensiyon o hangarin, batid mo ang magiging resulta nito. Maging ito ay patungo sa kaligayahan o kapighatian. Naaabot ng iyong kamalayan at pamantayan ang anumang kakahinatnan nito. Mula sa pananatili ng iyong integridad, karangalan, at buong pagkatao, natatalos mo ang epekto nito sa iyong buhay. Habang tayo ay nagkakamalay, umuusbong ang ating mga paniniwala, at ito ang kapangyarihang lumilikha at kapangyarihang pumupuksa.
   Anumang ating ginagawa, ang kamalayan o walang kamalayan na ating pinaiiral sa ating mga sarili ang ating papaniwalaan, dahil nababatay ito sa kasiyahan o kahapdian. Kapag masakit, iiwasan natin. At kung masarap, ipagpapatuloy natin. Narito ang katotohanan kung anong uring kamalayan ang ating gagamitin: Pagpapasarap, pagpapakahirap, panandaliang aliw, o pagtitiyaga na sa bandang huli ay malalasap din ang inaasahang kasiyahan?

    “Ano bang malay ko diyan!”
   “Wala akong namalayan.”
   “Nagkamalay na ba?”
   “Kamalayin mo ang iyong loob.”

Ano ba ang Kamalayan?

Ito ay ang ating pangmalay na pinaniniwalaan. Kung anong uring kamalayan ang biglang sumagi sa ating isip at hinango sa nakatagong memorya ng karanasan sa ating kaisipan, ito ang ating paniniwalaan at pangmumulan ng ating kapasiyahan. Halimbawa: Kalimitan sa ating buhay, nagsasalita tayo ng mga bagay nang walang malinaw na ideya kung ano ang ating binibigkas. Lalo na kung ating ikinikuwento ang istorya na nadinig natin sa iba na naikuwento naman din sa nagkuwento. Nangyayari ito nang hindi natin namamalayan na tagahatid na pala tayo ng kuwento ng iba mula sa iba. At ito’y dahil tinatrato natin ang ating pinaniwalaan na isang bagay, gayong ito ay isa lamang na pakiramdam na nagpapatunay sa isang bagay. Ang simpleng paraan upang maunawaan ang isang ideya, ay gawin itong isang hakbang o baitang upang ganap na maintindihan ito. 

Mapapansin na lamang natin, at hindi namamalayan na mali ang ating paniniwala at walang katiyakan, at ito ang dahilan kung bakit hindi natin nagagamit nang husto ang kapasidad na nakatago sa ating Kamalayan.
   Lahat ng ating pinaniniwalaan ay batay sa ating Kamalayan. Pinangingibabawan ito tungkol sa ating nakaraan, batay sa ating mga ipinakahulugan sa naranasang kasiyahan o kasakitan. Ang pagsubok dito ay nasa tatlong dahilan:
1) Lahat tayo ay walang malay kung magpasiya sa ating paniniwalaan. Madali tayong maniwala lalo’t mga matatanda, o ang mga hinahangaan nating idolo ang nagsabi para dito.
2) Madalas na ang kamalayan natin ay higit nating pinaniniwalaan ang maling pakahulugan sa mga nakaraang karanasan. Nasanay na tayong hindi namamalayan na paulit-ulit pa rin ang ating pang-unawa sa dating mga problema at walang bagong solusyon upang malunasan ito.
3) At kapag nagkamalay naman tayo, at pinagtuunan ng pansin ang isang pangyayari, nagtatalaga tayo ng paniniwala para dito. At nakakalimutan nating ito ay isa lamang na interpretasyon.
   Marami sa atin ang may kakayahang magkamalay kung gagawin lamang. Ngunit karamihan ay tulog, natutulog, at nagtutulog-tulugan. Gayong kaya naman nating likhain ang mga makabuluhan at makahulugan na makapagpapalakas sa ating magtiwala sa ating mga sarili. Dangan nga lamang, marami din sa atin ang panatag na lamang na mabuhay nang walang namamalayan sa mga nagaganap sa kanilang kapaligiran.
    Sumangguni sa iyong intuwisyon. Sa abot ng iyong kamalayan, palagi itong bumubulong kung ano ang tama at mali. At kung ikaw ay nasa tamang kamalayan, ang buhay na iyong tinatahak ay mananatiling nasa tamang landas. Lahat ng mga dakilang tao na matatagumpay, nalalaman ang kapangyarihan ng patuloy na kamalayan ng kanilang pananaw sa buhay, kahit na ang lahat ng mga detalye para makamit ang mga ito ay wala pa. Kung maisasagawa mo na magkaroon ng matinding katiyakan na pinangingibabawan ng iyong buong kamalayan, magagawa mong mapagtagumpayan ang anumang bagay na iyong nanaisin, maging yaong mga bagay na imposibleng magawa ng ibang tao. Sapagkat ang iyong pangmalay sa mga ito ang sanhi at nagpapahiwatig ng iyong intuwisyon.

 5 Ang Daigdig Mo ay Ikaw

Hangga’t ikaw ay nagkakamalay, ang mga pagkilos na mula dito ay nililikha mo ang iyong sariling daigdig. Anumang ipinupukol sa iyo ng tadhana, maging ito’y mga balakid at mga paghamon, ang siyang humuhubog sa iyong buhay nang higit pa sa anumang bagay. Nasa iyong pangmalay nagsisimula ang lahat. Anuman ang iyong pinaniniwalaan, ang iyong kamalayan mula dito ang magtatakda sa iyong mga kapasiyahan. At kung ang paniniwalang ito ay hindi na mababago at bahagi na ng iyong buhay, ito mismo ang magtatakda kung maaliwalas o masalimoot, maligaya o malungkot ang iyong buhay.
  Ikaw ay wala sa daigdig; ang daigdig ay nasa iyo. Bawa't isa ay manlilikha ng kanyang sariling daigdig. At bilang manlilikha, ang kamalayang ito ay higit na mahalaga kaysa buong daigdig. Anumang iyong nararanasan ay repleksiyon ng iyong sarili. At anumang nasa labas ng daigdig mong ito ay walang magagawang makabuluhang mga kasagutan, hangga't hindi ka nagbabago at kumikilos na tagalikha ng iyong reyalidad.
   Ang matuwid na landas na iyong tataluntunin ay ang sa iyo. Higit sa lahat, ikaw lamang ang may kapangyarihan at karapatan sa iyong kapalaran. Ang pangmalay mo sa iyong kaunlaran at kaligayahan ay nakasalalay sa iyong mga kamay. Walang iba o sinuman ang makagagawa nito para sa iyo. At higit na masaklap, kung may sinusundan at ginagaya kang iba na magdudulot lamang ng ibayong kapighatian sa iyo. Tiyakin na ikaw lamang ang nakapangyayari at lumilikha ng sarili mong daigdig.

Ang kamalayan ang nagbubunsod na maging mabuti ang masama, nagtatalaga kung malungkot o masaya, nagpapairal ng mayaman o mahirap, at nagtatakda sa pagkabuhay o kamatayan.

   Kailangang magkamalay bago sumagot at mangako. Iwasang "tulog" ang isip. Ang sumagot ng hindio ayoko ay siyang pinakamatayog na pangangalaga sa sarili. Makatotohanang mapaunlakan mo ang iyong sarili kung lilisanin mo ang isang pagtatalo, tatanggihan ang isang paanyaya, bibiguin ang isang kahilingan o pakiusap, at iwasan ang iniaatang sa iyo. Makakalayo ka sa mga ito nang may kasiglahan at higit na pagtitiwala sa sarili kaysa tanggapin at sumagot ng “Oo” sa mga kahilingan. Hindi isang karuwagan ang umiwas at ipaalam ang iyong kakayahan at kawalan ng panahon. Mahirap na isuong ang sarili sa mga bagay na magpapahirap at magsasalang sa iyong reputasyon. Madali ang mangako, subalit ang tuparin ito nang may agam-agam ay mahirap.

6 Maging Positibo ang Pananaw

   Anumang bagay na ating magagawa o hindi magagawa, na ating ipinapalagay na posibleng gawin o imposibleng gawin, ay bihirang kakayahan ng tunay nating kapasidad. Ito ay nakabatay sa kakayahan kung ano ang ating pangmalay kung sino tayong talaga. Anumang kamalayan sa ating pagkatao, mabuti o masama man; ito ang ating paniniwalaan. Ang mahalaga ay maunawaan nating na tayo mismo ang simula ng lahat ng ating nararanasan. At ito'y umaayon kung anong "grado ng salamin" na iyong ginagamit sa tuwing maglalagay ka ng interpretasyon sa mga pangyayari.
   Ang Kamalayan ay katulad ng pagtatayo ng bahay, manatiling positibo sa paggawa nito. Naiintindihan mo ang lahat ng elementong nakapaloob dito, mula sa plano (blueprint), paghahanda sa lupa at pagtatayo ng matibay na pundasyon. Kasunod nito ang pagkuha sa mga taong may kinalaman sa gawaing ito, paghahanda ng mga pangunahing materyales na gagamitin sa pagsasaayos ng mga partisyon, at mga kagamitan upang mabuo ang bahay. Kung wala ang isang sangkap sa mga ito, imposibleng mabuo ang bahay sa tamang istruktura nito.

Walang kadakilaan na kailanman ay matatamo, kung walang mga dakilang tao, at ang mga tao ay nagiging dakila lamang kung may kamalayan silang mangyari ito.

   Ganito din sa paggamit ng kaisipan, kung wala ang mga preparasyong ito, wala ring kakahinatnan ang anumang iyong hangarin na maging maayos ito tulad ng iyong inaasahan. Sa simula pa lamang, kung ang iyong intensiyon ay hilaw at may kulang, hindi ito magaganap. At kung may bahid naman ito ng pagsasamantala, o nakatagong kabuktutan; ikapapahamak mo ito.
   Upang magkamalay, may mga pagkilos itong sinusunod, tulad ng mga ito:
   Kamalayang hindi mo magagawang katulad ng iba na nais mong parisan, gaano man kamahal mo ang taong ito.
   Kamalayang ikaw ay umiibig, kahit na natatakot kang bigkasin ito.
   Kamalayang ang laban ng isang tao ay hindi sa iyo.
   Kamalayang ikaw ay higit na magaling kaysa pagkakilala ng iba sa iyo.
   Kamalayang ikaw ay makakaraos at makakaligtas sa anumang kapahamakan.
   Kamalayang magagawa mong tahakin ang iyong sariling landas, gaano mang paghihirap at kabuhayan ang nakapaloob dito.
   Kamalayang habang nakatuon ka sa matuwid mong landas, ang sangkatauhan ay kusang tumutulong at ang sansinukob ay naglalatag pa ng maraming pagkakataon upang matupad mo ito.
   Ikaw ay laging nasa isang pagpili lamang upang mabago ang iyong buhay. Nakaupo ka pa ba, at hindi makapagpasiya, at naghihintay na lumakas ang loob bago kumilos? Gayong para sa iyong kabutihan at kaunlaran ang makakamit mo. Sino ba sa iyong akala ang makagagawa nito para sa iyo? Ikaw mismo, ang tangi lamang makagagawa nito para sa iyo. Kung hindi ka kikilos, ay kikilosin ka ng iba batay sa kanilang kagustuhan at hindi sa ganang iyo. 

Mga Pamantayan ng Kamalayan: 
Magkamalay- na panatilihin ang mga dakilang kaisipan na ang tinutungo ay makabuluhan at kabutihan lamang.
Magkamalay -na tuklasin kung ano talaga ang hinahanap mo at pagtuunan ito ng ibayong pansin.
Magkamalay -na alamin at pag-aralan kung papaano nito mapapaunlad at makapagpapaligaya sa iyong sarili.
Magkamalay -na hangga’t walang inspirasyong nangingibabaw, walang kasiglahang mamamayani.
Magkamalay -na makipag-ugnayan sa mga tagapagturo (mentor) na palawigin pa ang iyong kaalaman at karanasan.
Magkamalay -na maglaan ng mga tamang katanungan na makapagpapaliwanag sa iyo ng mga tamang kasagutan.
Magkamalay -na humiling upang mabigyan, kumatok nang pagbuksan, at tumuklas nang may matagpuan.

7 Mga Pangako na Wakasan ang Kapighatian

Tanggapin at lunasan kung papaano magagawa ang kapaligiran na mapayapa at mainam na tirahan. Alalahanin sa tuwina kung ano ang ating maiiwan sa susunod na mga henerasyon.

Ipinapangako ko . . .
Ang kamalayang maging malakas at matatag na walang makakaagaw ng pansin sa aking kapayapaan.
Ang kamalayang pag-usapan ang kalusugan, kaligayahan, at kaunlaran sa bawa’t taong aking makikilala.
Ang kamalayang gawin na madama ng aking mga kaibigan na mayroon silang kahalagahan.
Ang kamalayang tignan ang positibo kaysa negatibo at umasam na ito ay katotohanan.
Ang kamalayang isipin lamang ang mahusay at mainam, at gumawa ng may kagalingan sa tuwina.
Ang kamalayang maging masigla at nagbubunyi sa tagumpay ng iba tulad ng nangyayari sa akin.
Ang kamalayang malimutan ang mga kamalian sa nakaraan at may kagitingan sa hinaharap.
Ang kamalayang maging masayahin, at tinatawanan ang mga panandaliang mga balakid at mga bagabag.
Ang kamalayang panatilihing pinayayabong ang kaalaman upang maiwasang punahin ang iba.
Ang kamalayang makapaglingkod, magmalasakit, at dumamay sa mga nangangailangan ng tulong.
Ang kamalayang maging tunay at wagas sa lahat ng aking ginagawa, nang walang pag-aakala,
                            pamemersonal, at yaong mga katotohanan lamang ang aking ipapahayag.

8 Manatiling Gising at Laging Handa 

   Makagagawa ka ng mahusay na sermon sa pagpapakita ng iyong buhay kaysa paggamit ng iyong dila. Anumang binibigkas mo ay walang saysay kung sa iyong sarili ay hindi mo ito nagagampanan. Kung natutulog ka’t wala pang namamalayan sa tamang kahulugan ng iyong buhay, panahon naman na bigyan mo ito ng pansin. Dahil hindi lamang ikaw ang mabibiyayaan nito, maging ang iyong pamilya ay makikinabang kung ikaw ay gising na at handa sa mga pangyayaring dumarating sa inyong buhay.
     Laging mapag-isa at magbulay-bulay. Anumang karanasan na nagdadala sa katahimikan ng iyong kamalayan ay matatawag na meditasyon. Sa pagkilos sa araw-araw ay may makakaharap kang nangangailangan ng masusing paglilimi, at dahil dito, mahalaga na masanay kang mapag-isa at ituon ang iyong buong kamalayan kung ano ang tunay mong nais na mangyari,  at kung ito'y may kinalaman sa iyong wagas na layunin sa buhay.
   Lagi kong binabanggit, higit na mabuti ang gising kaysa ang magkunwari. At lalong nakakahindik naman kung ikaw ay nagtutulog-tulugan.
   Hindi mo kailanman alam kung papaano ang mga bagay ay maisasaayos. Lahat ng iyong tagumpay, at maging lahat ng iyong kabiguan ay tuwirang resulta ng iyong kamalayan. Lahat ng iyong kahinaan at kalakasan, kalinisan at karumihan, kapurihan at kapintasan, ay tanging sa iyo lamang, at hindi para sa iba. Walang sinuman ang magagawang maliitin ka, abusuhin ka, pagsamantalahan ka, kung wala kang partisipasyon o kooperasyon. Ikaw lamang at wala ng iba pa ang makapagbabago para sa iyong sarili, hindi mula sa iba. Ang iyong kundisyon at kalagayan ay sarili mo, at ang kaligayahan at kapighatiang naghahari sa iyo ay sanhi ng iyong kamalayan kaya ito nangyari. Kung ano ang iyong malay, ito ikaw, at habang nag-iisip ka, ang kamalayan mo ay umiiral.

Habang pinagyayaman natin ang ating kamalayan sa mga bagong paniniwala tungkol kung sino tayo, ang ating mga asal o nakaugalian ay nagbabago upang patibaying higit ang ating bagong pagkatao.

Ang Pangako
Hangga’t ako’y may Kamalayan, hindi ko magagawang makatulog,
sapagkat may misyon akong tutupdin na kailangang maganap.
Hindi ko inaaksaya ang aking panahon sa walang mga kabuluhan.
At hindi rin ako mabibigo sapagkat lagi akong may mga parehong mga katanungan,
katulad na mga pagpapagod, katulad ng mga pagkalimot,
katulad ng mga pagkatakot, katulad ng pagka-makasarili,
at katulad ng mapagpasalamat at mapagbigay.
Hangga’t ako’y may Kamalayan, hihiling ako at makatatanggap.
Kapag ako’y kumakatok, ang pintuan ay nabubuksan.
Kapag akoy tumingin at talagang tumitig, aking natatagpuan
ang aking Kaluwalhatian.
Sa lahat ng ito, tandasang aking namamalayan.

Patunayan na ang iyong Kamalayan na makagawa ng mga makabuluhang kapasiyahan at mga pagkilos ay napakahalaga. Mayroon kang dakila at hindi natutuklasang kapangyarihan na makagawa ng kabutihan at malaking kaibahan sa iyong kapwa.
. . . anong malay mo, ito na pala ang hinihintay mong pangako na buong kamalayang tupdin mo ang iyong dakilang misyon na gampanan ang itinakdang Kaluwalhatian para sa iyo.

Ang naglalagablab na apoy ay nagsimula lamang sa isang siklab, gayundin ang isang pagkamalay na humantong sa isang ulirang buhay.


Jesse Guevara
Lungsod ng Balanga, Bataan

No comments:

Post a Comment