Hindi mo matuturuan ang isang tao ng anuman, ang magagawa mo lamang ay tulungan siyang makita ito sa kanyang kaibuturan.
May sumulat sa akin at nagtanong, kung ano ang aking misyon sa buhay? Sa dahilang lagi ko itong binabanggit sa aking sinusulat, ito ba ay aking natagpuan at ginagawa na?
Sa abot na aking kamalayan at kabatiran; ang misyon ko ay maglingkod. Anumang mayroon ako, ay magawang maibahagi ito sa mga nangangailangan.
Wika ng aking ina, “Kung may nais ka, humiling. Kapag may nakuha ka, magbigay. Kapag may natututuhan ka, magturo.”
Hindi ko kinalimutan ito, at sa araw-araw ng buhay ko, ginagawa ko.
Kaya, humiling ako ng mga nais ko---lahat ng kailangan ko, at higit pa sa aking hiniling ang aking natatanggap. Basta lagi lamang na nakabukas ang aking palad, wala akong ipagdaramot, at marami ang matatanggap ko habang ito’y nakalahad, kaysa nakakimis na kamao na madamot at tila manununtok. Nararanasan ko sa tuwinang ako’y nagbibigay, ay bumabalik ito at nagdudulot ng higit pang kasaganaan. Maging sa kalikasan ay tunay itong nangyayari. Isang buto ng kamatis ang iyong itanim, at mag-aani ka ng maraming bunga ng kamatis. At mula dito libu-libo pang mga kamatis ang ibubunga. Wala pa akong nakitang kamatis na nagbunga ng nag-iisang buto. Mula sa isang pinakawalang buto, marami ang bumalik.
Ang aking batayan: Anumang aking ninanais, kailangan muna kong ibigay. Ang maging mabuti, mapagmamalasakit, makatarungan, mapagpasalamat, mapang-unawa, at mapagbigay ay sinusuklian at tumatanggap ng katulad na mga saloobin. Nais mong igalang ka, gumalang ka muna. Lahat ay sa atin mismo nagsisimula. Tayo mismo ang binhi.
Isa sa aking mga hangarin ay ang maibahagi sa mga mambabasa ang mga pahinang narito sa AKO, tunay na Pilipino; 1) ang aking mga repleksiyon sa tunay na mga kaganapan sa ating paligid, na nagdudulot ng kabutihan, kasaganaan, at kaligayahan; at 2) tiyak na mga aspeto ng ispirituwal na buhay. Hindi yaong maka-relihiyon at bilang bulag na tagasunod ng mga bulaang propeta.
Tunay na mga Kaganapan
Ang misyon ko ay maipahayag yaon lamang; Magtutuwid ng Kaisipan. Magpapagising ng Kamalayan. Magdaragdag ng Kabatiran, Magsisiwalat ng Katotohanan. Maghahatid ng Kaligayahan. Magpapanatili ng Kapayapaan. At Magtatakda ng Kaluwalhatian. Wala ng iba pa.
Mga Aspeto ng Ispirituwal na Buhay
Ang misyon ko ay makatulong na maunawaan ng iba; ang kanilang ispirituwal na potensiyal, ang matuklasan ang sariling kapangyarihan at pag-alabin ito na kawangis ni HesuKristo. Ang tunay na itinuturo ni HesuKristo, ay ang makamtan natin ang Kaluwalhatian, para sa ating mga sarili. Wala itong teyolohiya, dogma, o mga ritwal na sinusunod. At wala ring tagapamagitan o fixers na laging nanghihingi ng pera. Sapagkat ang mismong kataga na “relihiyon” mula sa Greek root (pinag-ugatan) ay may malakas na konotasyon sa pagkakaisa (unity), hindi ang bubuin at gawing mga tupa na palabigasan ang mga kasapi nito. Pumunta kahit saan at anong sekta ng relihiyon at mararanasan ito. Iwasan lamang na magdala ng pitaka o tseke.
Ang itinuturo ni Hesukristo ay isang pilosopiyang ispirituwal na naka-sentro lamang sa iyong sarili. Hindi ang pagsapi sa isang relihiyon, naka-sentro sa simbahan, naka-sentro kay Hesus, o naka-sentro sa mga dogma at mga kautusan ng relihiyon na pikit-matang sinusunod. Walang relihiyon si Hesus at hindi Siya kristiyano. At wala Siyang intensiyon na lumikha, o magtatag ng relihiyon, o magsiga ng pagkakahati at pagkakagalit sa mga Hudyo. Hindi makakamtan na tularan si Hesus sa simpleng paniniwala ng mga bagay tungkol sa kanya. Ang kailangan ay maniwala ka sa iyong sarili gaya ng paniwala ni Hesus sa Kanyang sarili. Ang kabatiran dito ay hindi kung ano ang iyong tamang paniwalaan . . . ito ay ang kung ano ang iyong gagawin sa buhay na ipinagkaloob sa iyo, ayon sa iyong sariling patnubay, at hindi mula sa mga nagdidikta sa iyo.
Ito ay ang simulang baguhin ang iyong buhay. Tuklasin kung sino ka, ano ang nais mo, at saan ka patungo. Hindi ito isang pagtakas, bagkus ang tuparin mo ang nakatakda mong kaganapan, ang “makita at maranasan” ang iyong Kaluwalhatian.
Sapagkat tulad ko, hindi ko matutuklasan ang Diyos sa aking sarili at ang aking sarili sa Kanya, hangga’t wala akong kagitingang harapin ang aking sarili ng ganap, bilang ako. Kasama ang lahat ng aking mga kahinaan, at matanggap ang iba, bilang sila. Kasamang lahat ang kanilang mga kahinaan.Walang akong iniidolo at kinakatakutang impierno ng kumukulong asupre.
Ang katotohanan ay ang wagas na pakikiisa ng tao sa Dakilang Ispirito. Ito ang kanyang kaluwalhatian, ang makahulugan at matayog na kaalaman na kanyang makakamit. Ang ganap na matuklasan ang tunay na daigdig sa kanyang kaibuturan. At mapatunayan na walang tabing o dingding sa pagitan ng tao at Diyos, na Siya ay wala doon, nasa tabi, o nasa langit, puting-puti ang kasuotan at nakaupo sa trono. May hawak ng listahan at naglilista ng mga kamalian niya. Ito ay panakot lamang ng mga relihiyon upang ilabas niya ang kanyang pitaka at payamanin ang mga namamahala ng relihiyon niya -para makaligtas daw sa kumukulong asupre na magpaparusa magpakailanman sa kanyang kaluluwa. Malaking kasinungalingan ito.
Bakit? Sapagkat ako ay naniniwala sa pinakamatayog at nangingibabaw na pangako sa akin ng Diyos. Ang wika Niya, "Ako ay laging nasa iyo, kahit hanggang sa dulo ng walang hanggan."
Naniniwala din ako, kapag ako’y may kahilingan;
Humingi at ito’y ipagkakaloob sa iyo; magsaliksik at masusumpungan; kumatok at ikaw ay pagbubuksan. Sapagkat sa bawa’t isa na humiling ay makatatanggap, at ang humahanap ay may matatagpuan, at siya na kumakatok ito’y pagbubuksan. (Mateo 7:7-8) KJV
Hindi ito isang kundisyon. Ito’y ang pagtahak sa pinili mong landas; ito ay isang paglalakbay. Bagama’t pinipilit nating maging kristiyano, at sundan ang mga yapak ni Hesus, ay mistulang pagpupumilit na maging Hudyo, o maging Muslim, o maging Hindu, o maging Budhista tayo. Madaling sabihin ang kinaa-anibang relihiyon, o kristiyano tayo, ngunit masasagot ba ito, kung tunay tayong kristiyano?
Ito’y ang “pagsasanay” ng pananalig. Ang Bagong Tipan ay nagbalita na ang Kaharian ng Kalangitan ay nasa kaibuturan natin. At ito ang kapangyarihan ng Kaharian ng Diyos. Magkaiba ang dalawang kaharian na ito, Ang isa ay nakahimpil, subalit ang isa ay aktibo. Itong huli ang sinusunod ko. Nakikita ko, nararanasan ko, at nararamdaman ko mula sa aking kaibuturan ang Diyos sa tuwina. Ito ang aking katotohanan. Ang sakdal at likas na masumpungan ang sariling Katotohanan na kung saan; siyang nagdudulot, nagbababadya, karaniwang nagpapabatid, at palaging sumasanib sa aking diwa. Kung wala ang buhay ng ispirito, and buong pagkakalitaw ko sa mundong ito ay walang kahulugan, at ilusyon lamang.
Sa pagtatapos: Isang pasasalamat
Salamat sa Iyo, O, Diyos ko. Salamat sa patnubay mong makasulat ako
at sa buhay na ipinagkakaloob mo sa akin sa tuwing ako’y magigising.
Sa kamangha-manghang mga sandaling ito; Salamat sa bawa’t bagay
na lubos na nangyari, nangyayari ngayon, at sa lubos na mangyayari.
Sa lahat ng ito, ang Iyong pagpapala ay nagbunga ng kasakdalan
sa susunod na hininga at sa luwalhati
Kung Sino Ako ngayon at sa magaganap pa sa akin.
Maraming Salamat po.
Jesse Guevara
Lungsod ng Balanga, Bataan
Ang mga naritong pahayag na iyong nababasa ay hindi para kahit kanino na kailangan ito; bagkus para doon sa mga wala pang ispirituwal na landas na tinatahak. At kung hindi maunawaan, hindi ito para sa iyo. Ito ay para sa nagnanais na mapitas ang mga bunga ng kaisipan, kamalayan, kabatiran, katotohanan, kaligayahan, kapayapaan, at maangkin ang kanyang Kaluwalhatian. Alamin kung papaano ito matutunghayan dito at magamit sa pagsasanay!
No comments:
Post a Comment