Anumang ating iniisip, ito ang ating magiging pagkatao. Kung anuman ang kinalabasan natin, lahat ito’y bunga ng ating kaisipan. Sa pamamagitan ng ating mga kaisipan, nililikha natin ang ating sariling daigdig.
Ingatan ang iyong Kaisipan, dahil nagiging mga kataga mo ito.
Ingatan ang iyong mga kataga, dahil nagiging mga pagkilos mo ito.
Ingatan ang iyong mga pagkilos, dahil nagiging mga ugali mo ito.
Ingatan ang iyong mga ugali, dahil nagiging mga katangian mo ito.
Ingatan ang iyong mga katangian, dahil nagiging pagkatao mo ito.
Ingatan ang iyong pagkatao, dahil dito nakasalalay ang KAPALARAN mo.
Ang Kapangyarihan ng Pag-iisip at Papaano nito Sinusupil ang Ating Buhay
KAISIPAN (Thought)
Noong ako’y nasa Oman bilang isang OFW, napansin ko ang magkakatulad na gawi ng aking mga kasamahan sa trabaho. Maging sila’y Arabyano, Pakistani, Bangladeshi, Ehiptano, o Engglis, lahat ay nagpupumilit na kumita ng pera bilang karagdagan matapos ang maghapong pagtatrabaho. Naroong magbenta ng tela mula sa kanilang bansa, cassette musical tapes, betamax tapes, sadiki o gawang-bahay na alak, sumama sa konstruksiyon sa araw ng Biyernes, atbp. Naisip ko, ganito din ang ginagawa ng mga guro sa ating bansa, matapos ang maghapong pagtuturo. Nagpupumilit ding kumita sa labas ng kanilang trabaho upang may dagdag na kita. Bagama’t kumikita na sila, naghahanap pa rin ng mga kaparaanan na matustusan ang kanilang mga pangangailangan. Samantalang ang iba naman ay panatag na at wala nang hinahangad pa. Anuman ang kanilang tinatanggap na sahod, ay ayos na ito at pinagkakasya na lamang. At ito ang sanhi kung bakit may mataas ang katungkulan at may mababang trabaho. Mataas na sahod at maliit na sahod. May mapalad at may minamalas, mayroong matagumpay sa kanilang negosyo at may nabibigo naman. Ang tanong ko, Bakit may parehong pinagmulang kalagayan sa buhay at nagsilaki sa iisang lugar, may nagtatagumpay at may nabibigo sa kanilang pinasok na gawain o negosyo?
Ang malimit na kasagutan ko dito’y “Ang talagang nakakagawa ng malaking kaibahan sa buhay ng tao, ay kung sino ang nais niyang maging siya, anong uri ng pagkatao ang kanyang paiiralin sa kanyang buhay, at saan nais niyang magtungo sa tanang buhay niya.”
Hindi ang mga pangyayari ang humuhubog sa buhay at siyang nagtatakda kung ano ang iyong madarama at kikilosin, bagkus, kung anong kaparaanan ang iyong ipakakahulugan at papahalagahan sa mga karanasang tinatamo sa iyong buhay. Sa madaling salita, anong uring KAISIPAN na magbabadya ng iyong saloobin ang iyong igagawad sa pangyayari o pagkakataon na nakaharap sa iyo. Ang kahulugan na iyong inilakip sa isang sitwasyon ang siyang maggagawad ng iyong mga kapasiyahan. At ang mga gagawing pagkilos mula dito ang siyang magtatakda ng iyong kapalaran o destinasyon sa buhay.
Ang mga tamang katanungan:
Papaano ko magagawang kilatisin o limiing mabuti ang aking kapasiyahan?
Ano ba talaga ang pagkilatis o paglilimi?
Tulad ngayon, pinag-aaralan ko kung papaano isisilid sa utak ko ang aking binabasa, hindi ba?
Ano ba ang aking ginagawa sa ngayon, hindi ba ang may maisip at may malaman?
Kung gayon, “Lumilitaw na para magkaroon ng tamang Kaisipan upang makilatis ang hinaharap na pangyayari at magawang mailarawan ang tunay na kahulugan nito, kailangan ang mga katanungan.” Kaya nga, upang magkaroon na mabuti at nakatitiyak na kapasiyahan, kailangan ang mabuti at nakatitiyak na Kaisipan. At ang Kaisipan ay hindi basta ang mag-isip, bagkus isang proseso ng pagtatanong at mga kasagutan sa mga katanungan.
Ang pinakamainam na pagbabago ay madalas na nagsisimula sa isang payak, at mga karaniwang kaisipan. Malawak at matayog na mag-isip, simulang tuklasin kung papaano malilikha ang iyong mga pangarap na magkatotoo.
May nagpahayag na limang porsiyento lamang ng ating kaisipan ang ating nagagamit sa araw-araw. Ang natitirang 95 ay nananatiling nakatago at kasama nating nalilibing sa ating pagyao. Kakaunti lamang sa atin ang nakakatuklas nito sa pamamagitan ng masusing pag-aaral at kamalayan sa kanilang mga sarili. Hangga’t wala kang kabatiran kung sino ka, at anong uri ng pagkatao ang iyong ginagampanan, hindi mo kailanman masusumpungan ang tunay na dahilan kung bakit lumitaw ka sa mundong ito.
Habang nakakaligtaan mong alamin kung anong Kaisipan ang naghahari sa iyong mga pagkilos, mistula ka lamang patpat na inaanod ng rumaragasang tubig. Kung saan ka dalhin ng iyong kapalaran, ito ang siya mong susundin. At ito ang iyong tatanggaping tadhana.
Anong bagay ang nagpapakilos sa atin, simula nang tayo’y magising? Bakit natin ito sinusunod? Anong kapangyarihan ito, na hindi natin magawang supilin? Bakit laging may nagbubulong sa atin, kung tama at mali ang anumang ating gagawin? Bakit kapag mabuti ay sumasaya tayo, at kung masama ay nahihirapan ang ating kalooban?
Ano ba ito, na siyang naghahari at laging nasusunod sa bawa’t sandali ng ating buhay?
Marami itong pangalan; utak, isip, diwa, kaalaman, budhi, paniwala, palagay, pakiramdam, saloobin, pananaw (consciousness, thoughts, mind, essence, emotion, intuition, attitude, perception, assumption, ego, etc.), atbp. Ito ang mga nagpapasunod sa atin. Ito ang lumilikha ng ating pagkatao, ang humuhubog ng ating buhay, ang nagtatatag ng ating kapalaran. At kung may sapat tayong kabatiran dito, magagawa nating pagmasdan, bantayan, ingatan, supilin, at palitan kung mali at nagpapahamak ang kaisipang ito. At tayo ang kailangan masunod, at hindi siya ang sinusunod . . . at nagagawang alipinin tayo.
Mungkahi ng mga pantas, anumang bumabalisa at umaagaw ng pansin sa iyong kaisipan, pag-aralan ito ng apat na ulit. Ang prosesong ito ay maihahalintulad sa pagtatanim – sapagkat ang kawatasan (wisdom) ay para sa kaluluwa kung ano ang pagkain para sa katawan.
1-Pagbungkal: Sa unang pagsagi ng ideya sa iyong kaisipan, subukang pag-aralan ito kung makakasama o makakabuti. Tulad ng lupa, kinakailangan itong bungkaling maigi upang ihanda sa binhing itatanim.
2-Pagtatanim: Sa pangalawang ulit, ang ideya ay magiging mahalaga. Bilang isang binhi, mainam itong manatili at isaisip kung tama upang magamit sa anumang darating na pagkakataon.
3-Pag-aani: Sa pangatlong ulit, mararanasan ang bisa at kahalagahan nito sa ginawang kapasiyahan kung nakatulong sa pag-unlad ng sarili o nakabuti sa dating kalagayan.
4-Pagtunaw: Sa pang-apat, sinubukan at inilapat ang ideyang ito bilang bahagi na ng iyong buhay. Tulad ng pagkain; kailangan itong tunawin o limiing mabuti upang magdulot ito ng karagdagang kalakasan ng katawan at gumising sa iyong kaluluwa at ngayon ay bahagi na ng iyong sarili.
Anumang Iyong Iniisip sa Iyong Puso ay Ito Ikaw
Iwasan ang makatulog nang gising. Huwag maglakad nang “blangko” ang kaisipan at tinatanggap na lamang kung ano ang biglang sumusulpot sa isip at siyang sinusunod. Alugin ang ulo at paulit-ulit na idilat ang mga mata. Kurutin ang sarili, at gumising: Ano ba ang aking ginagawa ngayon? Ano ang aking tunay na intensiyon at ginagawa ko ito? Saan ba ako patungo? At bakit ako pupunta doon? Para saan? Hangga’t ang mga ito ay hindi mo nasasagot, talagang ikaw ay natutulog at sadyang napakahimbing pa.
Kung wala kang mga katanungan tungkol sa iyong sarili tulad ng: Bakit ba ako nabuhay? Ano ba ang nararapat kong gawin? At bakit ko gagawin ito? Mananatiling alipin ka ng iyong mailap na kaisipan. Anumang samutsaring sumasagi sa iyong kaisipan at nakaramdam ka ng kasiyahan, ito ang iyong susundin. Makamundo ito. Subalit kung napaglimi at natutuhan mong tuklasin ang dahilan ng iyong pagkakalitaw sa mundong ito, makikilala mong lubusan kung sino ka at malalaman mo ang tunay na landas tungo sa iyong kaligayahan at kaganapan. At ito ang iyong Kaluwalhatian.
Lahat tayo ay nagnanasang makagawa ng kabuluhan at kaibahan. Ang maging mabuti at makapaglingkod sa ating kapwa. Ang makatulong sa ating pamayanan. Magpakasaya at maging maligaya. Ang malasap na tayo ay buhay at mayroong ginagampanan na mahalagang tungkulin sa mundong ito. Ito ang ating isaisip, at kailangang manatiling matibay nang walang anumang pag-aalinlangan. Ito ang angkop at maayos na Kaisipan.
Sa pamumukadkad ng Kaisipan, ang kaligayahan at kapighatian ay siyang mga bunga. Kung kaya’t tayo mismo ang umaani ng tamis at pait na bunga ng ating mga iniisip. Mula sa pagkilala sa ating mga sarili at kabatiran kung saan tayo patutungo, lahat ay magiging madali na lamang. Kung mapag-uugnay ang dahilan at epekto nito sa matiyagang pag-aaral at pagsasanay, kalakip ang bawa’t karanasan mula dito, kahit na mumunting bagay, ay makabuluhan upang makilalang ganap ang iyong sarili. Sa direksiyong ito, at wala ng iba pa, nakapaloob ang batas ng katotohanan. “Siya na naghahanap ay makasusumpong, at siya na kumakatok ay pagbubuksan.” Napakasimple nito. Malalaman mo ang bawa't sekreto tungkol sa iyong buhay kapag makatotohanan mong masasabi, "Kailangan kong mabatid, hindi na ako makapaghihintay pa nang matagal." Sapagkat nasa pagtitimpi, pagsasanay, at sa walang pagkasawang tuklasin ito; ang siya lamang magkakamit ng kanyang katotohanan.
“Malawak ba ang kaisipan niyan?”
“Kulang sa pag-iisip ‘yan!”
“Isip-lamok, kung siya ay turingan.”
“Mag-isip muna, bago pumuna.”
1 Magtanim ng Tamang Binhi
Ang halaman ay sumisibol mula sa binhi, dahil kung walang binhi, walang halaman. Ganoon din ang bawa’t pagkilos ng tao; tulad ng binhi, sumisibol ito mula sa iyong iniisip. Ito’y hindi liitaw at kikilos kung wala ang kaisipang ito. Kapag nagtanim ka ng positibong binhi sa iyong kaisipan at matamang inaruga ito, sisibol at yayabong ito upang lumikha ng mga pagkilos. Mula sa isang ideya na iyong kinilos, ang binhing ito ng positibo at makabuluhang hangarin ay magiging positibong pagkilos. At habang ipinagpapatuloy mong pagyamanin ang tanim na ideyang ito, lalaki at yayabong ito na maging malaking punongkahoy ng positibong pag-uugali, na sa kalaunan ay siyang magtatakda ng iyong positibong kapalaran.
Palaging pagsanibin at kumpletuhin ang pagkakaisa ng iyong kaisipan, salita, at gawa. Gawing panuntunan na laging dalisay at malinaw ang tinutungo ng iyong mga kaisipan, at ang lahat ay magiging madali at maayos para sa iyong sarili. Ito ang iyong susi ng tagumpay. Kailangan lamang na ang iyong kamalayan tungkol dito ay laging gising; na ito’y tulad ng isang hardin ng kaisipan na walang diskriminasyon sa pagitan ng positibo at negatibong mga binhi ng kabatiran. Nasa iyong pagsala at interpretasyon ang kalalabasan nito.
Patuloy na nagpapasunod ang kaisipan, ng tama o mali, ng mabuti o masama, at hindi nabibigo na magbunga at humubog ng pagkatao, mga pangyayari at pagkakataon. Ang tao ay hindi niya magagawang tuwiran na supilin at piliin ang mga pagkakataon, ngunit may kapangyarihan siyang piliin ang kanyang iisipin, at ito ang siyang lilikha ng kanyang kapalaran. Kapag naunawaan mo na ang iyong kaisipan ang siyang panimula ng iyong mga gagawing pagkilos, at ang mga pagkilos na ito ang siyang lumilikha ng iyong mga ugali at mga saloobin, na siya namang nagtatakda ng mga resulta sa iyong buhay, ay magagawa mong pakahalagahan at pakaingatan ang mga binhi ng kaisipan na iyong itinatanim sa iyong isip.
Tunay na sekreto ng tagumpay ang tagapag-ingat. Bilang hardinero na matiyagang nag-iingat sa hardin ng iyong isip, maalam na tiyakin na ang iyong mga itinatanim at inaarugang mga binhi ng kaisipan ay yayabong na mga positibong pag-uugali na kailangan upang maisagawa mo ang iyong mga pangarap na maging katotohanan. Pakaingatan at subaybayan ang mga kaisipang iyong itinatanim sa iyong isip sa araw-araw. Kapag nahuli mong naitanim at pinalalaki ang isang negatibo at nakalalasong ideya sa iyong isip, buong kamalayan mong bunutin kaagad ito at iwaksi. Dahil kapag ito’y lumaki na at matinding nag-ugat sa iyong isip, ito na ang kokontrol at mangingibabaw sa iyong buhay.
Higit na madali ang bunutin ang mga mapanirang damo. Hangga’t maliliit pa ang mga maling ideya o negatibo na nagsisimulang lumaki, tanggalin kaagad ang mga ito sa iyong kamalayan. Kapag nagawa na nitong maging malaking punongkahoy, matibay at kinagigiliwan na, mahirap na itong putulin. Bahagi na ito ng iyong kaisipan at papaniwalaan.
Siya na tinalo ang mga pangamba at pagkatakot ay tinalo ang kabiguan.
Bawa’t kaisipan ay may kaanib na kapangyarihan, at lahat ng paghihirap ay buong kagitingan na mahaharap at matalinong malalagpasan. Hangga’t ang iyong makabuluhang hangarin ay wastong nakatanim, ito ay mamumulaklak at magbubunga, ayon sa iyong inaasahan.
2 Sundan ang Maliwanag na Landas
"Kahit saang gubat ay may ahas," ang wika ng iba. Ngunit ang ating mga buhay ay bahagi ng bawa't buhay ng iba, lahat tayo ay magkakasama, tawing-tawing, at parehong sinisinglot at inihihinga ang parehong hangin: Ang ating mga koneksiyon sa lahat ng mga may buhay ang nagpapatunay na wala tayong kaaway. Nadarama nating hindi kailangan na kumontra, tumanggi, lumaban, lumupig, o magwasak, nang hindi mismo tayo masasaktan o mapapahamak. Sapagkat ang sakit ng kalingkingan ay madarama ng buong katawan. Lahat tayo ay iisa. Ang kapinsalaan ng isa ay kapinsalaan ng marami.
Hindi ko kailangang kontrolin at pangibabawan ang sinuman o anuman: Ang magagawa kong maapektuhan at tuluyang mabago lamang na isang bagay na magpakailanman at may kontrol ako, ay ang aking sarili lamang.
3 Baguhin ang Iyong Reyalidad
Bilang tao na may kapangyarihan, katalinuhan, at pagmamahal; na siyang nakapaghahari sa kanyang mga Kaisipan, ay hawak niya ang susi sa bawat sitwasyon at mga pagkakataon. Nasa kanyang kagustuhan na likhain ang hinahanap niyang katotohanan para sa kanyang sarili. Siya ang hari at maestro mismo na makapagbabago na itama ang anumang mali at nagpapahirap sa kanya. Matalinong ituon ang kanyang kalakasan sa mga makabuluhan at kaunlaran ng sarili. Ang tuklasin sa kanyang kalooban ang tunay niyang hangarin, isagawa ito, at malasap ang kaligayahang matagal nang mailap sa kanya.
4 Ang Kapangyarihang Pumili
Itama ang iyong Kaisipan. Kung susuriin lamang, ang ating Kaisipan ay laging pinamamahayan ng nakaraan at hinaharap. At ang pagtatama nito ay siyang may inpluwensiya sa iyong kaganapang makagawa ng kabutihan. Anumang pagtuunan mo ng negatibo, mga walang katuturan at pawang kapinsalaan ay patuloy mong maiisip. At habang napapansin mo ang mga bagabag at kaligaligan ng daigdig, ay magpapatuloy ang iyong kapighatian. Nasa positibo lamang at tamang pakikipag-komunikasyon sa iba ang nagbubukas ng mga bagong pintuan sa iyong buhay para sa maaliwalas at magandang kinabukasan. Binibigyan ng pagkakataon ang iyong sarili na isipin lamang yaong mabubuti, makapagpapaunlad, at makapagpapaligaya sa iyo. Isipin yaong mga dalisay, kaibig-ibig, at kapuri-puri. Pakaisipin ang mga ito na pinakamatayog at mahalagang ipagbunyi.
Upang makilala ang tunay mong pagkatao, marapat lamang na may kabatiran ka sa iyong mga kamalayan at mga Kaisipan, at higit pa lalo na sa mga walang kabatirang paghatol, pakikialam, paninisi, at di-kanais-nais na mga pag-uugali.
Walang masama o mabuti, subalit ang kaisipan ang humahatol nito.
Kapag nagawa ng tao na itigil ang makamundo at makasalanang kaisipan, ang daigdig ay kusang aamo at makikiayon sa kanya upang siya ay tulungan. Kapag nakaiwas siya sa marurupok at mapighating mga kaisipan, mistulang himala; ang mga magagandang pagkakataon ay kusang magsisilapit, at maraming mga matutulunging tao ang maglalawit ng kanilang mga kamay upang hanguin siya sa kanyang kinasadlakan. Kung mapapanatili niya ang mabubuting kaisipan, makakatiyak siyang walang mahirap na balakid ang makahahadlang sa anumang larangang kanyang papasukin. Nasa kanya lamang ang tanging kapasiyahan kung anong uri ng Kaisipan ang kanyang papanatilihin at gagamitin sa tuwina.
Kung ang kaisipan ay sadyang napakahapdi, ang pinakamakinis na solusyon lamang dito ay ang kumilos kaagad.
Ilang mga katanungang maiisip upang makapagsimula:
-Ano ba ang kahulugan ng “mabuting kaisipan”?
-Paano ba malalaman o mauunawaan kung nasa tama ang aking iniisip?
-Kung ako’y nalulungkot, nagagalit, at nanlulumo, paano ko ito haharapin?
-Ano ba ang nagpapasaya at nagpapaligaya sa akin ngayon?
-Ano ba ang aking maipagmamalaki sa aking buhay ngayon?
-Ano ba ang nararapat kong ipagpasalamat sa aking buhay ngayon?
-Ano ba ang aking tinatamasa sa aking buhay ngayon?
-Ano ba ang aking mga itinakdang tungkulin sa aking buhay ngayon?
-Sino ba ang aking minamahal? At mga nagmamahal sa akin?
-Ano ba ang susi upang ako’y magtagumpay?
-May kakayahan ba akong magkaroon ng maligayang tahanan?
-Nasa pag-aasawa ba ang aking hinahanap na kaligayahan?
-Papaano ko ba magagamit ang kabubuan ng aking potensiyal o mga kakayahan?
-Makakaya ko bang iwasan ang katamaran at pagwawalang bahala?
-Papaano ko pa madaragdagan ang kaligayahan sa aking pamilya?
-Papaano ko mapapanatili ang pagtitimpi sa kabila ng mga pangungulit?
-Papaano ko magagawang maging mabuting anak sa aking mga magulang?
-Ano ba ang aking mga tungkulin sa aking pamilya, at pamayanan?
-Ano ba ang kahulugan ng pagkakalitaw ko sa mundo?
-Totoo bang may Diyos, at may kakayahan akong maipaliwanag ito?
-Ano ba ang nais ng Diyos sa akin, na kailangan kong gawin?
-May kabatiran ba akong likhain ang aking kaluwalhatian?
-Bahagi ba ako sa minimithing kapayapaan sa buong mundo?
. . . teka muna, kilala ko bang maigi ang aking sarili, upang masagot ang mga ito?
Mga Katanungang sa Kinagabihan bago Matulog
-Ano ba ang aking mga nagawang paglilingkod sa maghapon?
-Ano ba ang aking natutuhan sa araw na ito?
-Sinu-sino ba ang aking napag-ukulan ng pagmamahal sa araw na ito?
-Ang araw bang ito ay nakapagdagdag ng kalidad sa aking buhay?
--Papaano ko ba magagamit ang araw na ito bilang mabuting karanasan sa aking kinabukasan?
Siya na hindi palatanong, ay may masaklap na buhay at laging namimighati.
Marami pang katanungan ang naghihintay na masagot. At ang lahat ng mga ito’y nababatay lamang kung ano ang tunay mong iniisip at naghahari sa iyong kalooban. Ang ating mga karanasan sa buhay ay nakabatay lamang kung ano ang nasa ating Kaisipan at pinagtutuunan ng pansin. Ang mga katanungang ito ay ilan lamang sa mapagpipilian upang magawa mong maranasan ang higit pang kasiyahan, kasiglahan, pagtitiwala, pagmamalaki, pagpapasalamat, kaligayahan, pagtupad sa mga pangako at tungkulin, at pagmamahal sa bawa’t araw ng iyong buhay. Tandaan lamang, ang may kalidad na mga katanungan ay lumilikha ng may kalidad na buhay. At ang mga mabubuting Kaisipan ang siya namang nagtatakda ng maaliwalas at kaibig-ibig na pamumuhay.
Papaano mo magagawang umani ng malinis na kaisipan, kung marumi ang iyong pagkatao? Gayundin kung batbat ng kapighatian ang iyong puso, ay hindi mo magagawang magmahal.
Karamihan sa atin ay nakakagawa ng buhay-at-kamatayang mga desisyon ng walang paglilimi. Bihira ang dumaraan sa mga katanungan kung ano ang tama at mali bago magpasiya. Anumang pumasok sa ulo at hindi mahihirapang gawin ito, magpapasiya na kaagad. At gaya ng inaasahan, laging paninisi, sumbatan, at pagsisising walang hanggan ang kinahahantungan. Kung ano ang inihatol ng doktor na panlunas, kaagad nating sinusunod nang walang pag-aaral at pangalawang opinion o suhetisyon mula sa iba. Sulsol lamang ng isang kakilala, sinang-ayunan na. Kaunting drama lamang ng ahente sa negosyo inilabas na ang pitaka. Nangyayari ang mga ito kung walang Kaisipang handa sa ganitong mga pagkakataon. Patatagin ang kaisipan at maglimi sa tuwina. Linawin ang iyong mga mahahalagang kapasiyahan. Alamin ang mga priyoridad at mga batayan kung bakit naisipan mong ito ang iyong mga kasagutan sa problema.
Ang ating mga katanungan ang magtatakda ng ating mga kaisipan.
Bakit kailangang manatili sa Kaisipan ang mga ito?
Dahil . . . ito ang magpapalinaw kung ano ang tamang isasaisip sa bawa’t sandali.
Dahil . . . ito ang lilikha ng kasalukuyan mong kondisyon at sa mga susunod pang mga sitwasyon.
Dahil . . . ito ang iyong magiging gabay at panuntunang magagamit sa iyong paglalakbay sa buhay.
Dahil . . . ito ang mangangalaga ng iyong integridad at kabutihang asal mula sa mga kaaway ng lipunan.
Dahil . . . ito ang patuloy na ritwal na magsisilbing pagsasanay sa araw-araw hanggang sa maging ganap
na ugali, na siyang lilikha ng iyong mga tagumpay at magtatakda ng iyong kapalaran.
Alalahanin, kailangan nating masagot ang katanungan, “Papaano nga ba ang mag-isip?”
Karagdagan pang maala-ala: Hindi lamang ang mga katanungan na iyong itinanong, bagkus, pati na ang mga katanungan na nakaligtaan at nabigo mong itanong, ang siyang magtatakda ng iyong kapalaran!
Jesse Guevara
Lungsod ng Balanga, Bataan
No comments:
Post a Comment