Friday, February 24, 2023

Alaming Mabuti nang Hindi Mapalungi

 

Buhay na hindi inalam, pawang ligalig ang kauuwian.
Kanustá ka na? Ano ang ginagawa mo sa ngayon? Bakit tila may problema ka? Ilan lamang sa mga katanungan na ating binibigkas kapag may nakaharap tayong mga kamag-anak, mga kaibigan o maging mga kakilala. …at marami sa kanila ang nagsasabi na ang buhay na hindi nilimi o pinag-aralan ay hindi mahalagang ipamuhay.
Bakit naman ganyang ang isinagot mo? Ang kasunod nating itatanong.
   Dahil karamihan ay nakatanikala at hindi makatakas sa bilangguang kinasadlakan nila. Sa mga relasyong naging patibong at hindi na sila makaahon pa. Sa mga trabahong tila mga kable at lubid na gumagapos sa kanila para lalong malublob at ikalunod nila. Sa bawat araw, patuloy nilang kinakaladkad ang kanilang mga paa para lamang maipakita na sila ay lumalaban sa buhay kahit animo’y mga patay at wala nang sigla pa. Sapagkat subsob at palaging abala sa mga gawain at mga bagay na umaaliw sa kanila, nakalimutan nang alamin ang kahulugan ng sariling buhay. 
   Bihira ang nagsasabi na kinagigiliwan at sadyang aliwan na nila ang kanilang mga gawain. Kahit na hindi sila bayaran ay gagawin pa rin nila ang kanilang mga trabaho. Dahil inalam at pinaglimi nila kung bakit lumitaw at narito pa sila sa mundo. Ito ang mga tao na kilala nila ang kanilang mga sarili, alam kung ano ang mga naisin sa buhay, at kung saang direksiyon patungo.
   Ang buhay na hindi pinaglimi ay walang katuturang buhay. Mistulang tuyot na patpat na matuling tinatangay ng agos sa ilog, at kung saan dalhin ng alon ay doon isasalpók. Ito ang buhay na maligalig, nalilito, at walang direksiyon kung saan pupunta. Ang pinakamainam na paraan upang tahasang matukoy kung anong talaga ang mga ninanasa mo sa buhay, ay ang tanungin ang iyong sarili nang masimbuyò at palagi; Ano ba ang talagang pinag-aaksayahan ko ng panahon? Masaya ba ako sa mga taong nakapaligid sa akin? May respeto ba at may pagtitiwala ang aking pamilya tungkol sa akin? Mabuti ba ang aking relasyon sa mga kasamahan ko sa trabaho? May pananalig ba ang mga kaibigan ko sa akin? Nagawa ko ba ang maging mapayapa sa aking nakaraan? Madalas ba at sapat ang mga kasayahang umaaliw sa akin? Ako ba ay maligaya sa ngayon? Kung nakakahigit ang hindi at may alinlangan ang mga kasagutan, may mga mahalagang bagay na nakakaligtaan ka sa iyong buhay.
   Alamin at tanggapin sa sarili na ipinamumuhay mo ang mga bagay na likas at kusang sumisibol sa iyong puso, dahil narito ang iyong mga potensiyal upang maisakatuparan ang tunay mong kaganapan. Kung AKO ang tatanungin, ang pinagliming buhay ay siya lamang makabuluhang ipamuhay.
Walang makakapag-andáp sa ningas na kumikislap mula sa iyong kaibuturán.
Parting shot:
Some people die at 25, others in their early forties and most of them aren't buried until 75.
We call them Zombies, and they prefer Zombyosis. Isa ka ba sa kanila?
 

andàp, malamlám, malabò adj. dim
kaibuturan, n. inner core
kisláp, kináng, n. shine
ningas, sindí, dingas, liyàb, n. flame
 
Jesse Navarro Guevara
Lungsod ng Balanga, Bataan

 

 

SINO ba ang Kaharap Mo sa Salamin?

 

Kapag mahapdi ang nararanasan binabago
nito ang iyong nakaugalian.
Takot na magbago? Kung nanaisin lamang madali ang magbago, ngunit ang mahirap kung kailan ito masisimulan. Simpleng pang-unawa lamang; ang pagbabago ay isang emosyonal na proseso. Sapagkat tayong lahat ay mga nilalang na may kagawian; basta may nakawilihan tayo na bagay, sa katagalan, ito ay makakahumalingan na. Sapagkat ugali natin ang umulit; dahil makulit tayo sa mga nagpapasaya sa atin… At takot tayong lumusong o makipagsapalaran sa hindi natin nararanasan pa. Kung ano ang komportable at nakasanayan na; ito ay ritwal na at mananatili tayo na sinusunod ito, kahit alam natin na kung babaguhin ay may magandang resulta.
   Ang masamang droga, sigarilyo, alak, at pagtaba ay mga delikado; dahill sa pagmamalabis, buhay ang nakataya dito, subalit marami ang makulit at huli na kung magbagò---at hindi kataka-taka kung maaga silang yumaò.
Narito ang ilang mga suhetisyon bilang mga inspirasyon:
   Baguhin ang kailangang mabago; Batid natin na bago tayo gumawa ng pamingwit sa isda, kailangan nating malaman kung saang ilog ang may maraming isda. May kaalaman tayo sa ipapain at paboritong kagatin ng mga isda. Kung hindi kilala ang sarili, kung ano ang nais, at saan patungo, walang magagawang pagbabago.
   Sundin ang itinitibok ng puso, narito ang iyong simbuyó (passion); Mabilis ang pagbabago kung ang sinusunod ay sariling kagustuhan at hindi sa pangungutyâ at sulsol ng iba.
   -Madali ang yakapin ang mga bagong ideya kaysa itapon ang mga lumang ideya.
   -Ituon sa kalakasan ang atensiyon, doon sa kritikong mga bagay na nakakatulong at hindi sa maraming walang katuturan na nagnanakaw ng iyong mahalagang mga panahon.
   Tanggalin ang mga hadlang; Kapag hinahabol ka ng mga leon, walang saysay pa na maala-ala na ang hangarin mo ay ikulong sila sa malaking hawla, o, kahit ang magdasal pa. Ganoon din ang umaasa, magkasunog lamang, ililigtas ang katawan na walang sermon at pangaral man.
   Nagsisimula ang lahat sa paniniwala; ang tunay na Pilipino ay may pananalig sa kapwa Pilipino. Nagagawa niya na mabigyan ng inspirasyon ang kapwa na magtiwala ito sa sarili. May pagmamalasakit at handang maglingkod anumang sandali.
   Simplehan ang mensahe; Ang gawing kumplikado ang simpleng bagay ay karaniwan na, ngunit ang simplehan ang kumplikado ay kahanga-hanga – at pambihirang magawa. Iba na ang malinaw kaysa malabô. Hayaan ang iyong mga aksiyon ang siyang mangusap; dahil nakikilala ang iyong pagkatao sa iyong mga ginagawa at hindi sa mga salita.

Ang mga bagay na ginagantimpalaan at pinapahalagahan ay yaong mga nagawâ.
 

Nasa Gawa at Hindi sa Salita


Tapat na gampanan ang tungkulin,
anumang kahinatnan ay akuin.
May mga kahanga-hangang magaganap kung tatangapin nang masigla sa ating puso ang personal nating mga responsibilidad. Ito ay para sa ating mga saloobin, mga kagawian at hinahangad na mabuting mga resulta. Kahit na ang mga ito ay hindi madaling gawin, sapagkat kalikasan na natin bilang tao ang ipasa ito sa iba; kalakip ang katagang: “Bahala na siya.” Bakit nangyayari ito? Dahil madali ang pumuna, mamintas, humatol, at ang manisi; kaysa akuin ang responsibilidad sa nagawang kamalian sa gawain, para solusyunan at malunasan ang problema.
   Sa maraning pagkakamali ko, lagi kung napapansin ang aking mga pagkukulang; ang sisihin ang iba, sisishin ang ekonomiya, sisihin ang pamahalaan, sisihin ang panahon at pati klima; maliban sa pagmasdan ang aking sarili sa harap ng salamin, at matinding pagalitan ang taong nakaharap sa akin na siyang pinagmumulan ng lahat. Napag-alaman ko rin, na sa bawat pagkakataon, ang sanhi ay mga kapasiyahang aking sinunod kung bakit nasadlak ako noon sa maling direksiyon.
   Hanggat walang pagtatama, ang pagkakamali ay magpapatuloy. Hanggat hindi inaako ang responsibilidad at isinisisi  sa iba, walang magaganap na pagbabago. Bago lunasan ang isang kamalian, inaalam kung ano ang sanhi, paano nagsimula, nasaan ang pinsala, at sino ang may kagagawan upang makagawa ng solusyon.
   Hayaang magning-ning ang iyong liwanag, huwag ikubli ang pagkakamali. Akuin ang pagkukulang upang malunasan. Nagbibigay ito ng lakas ng loob sa iba na magawa din ito kapag nahaharap sa problema. Habang lumalaya tayo sa pagkatakot, nagiging huwaran tayo upang huwag ding matakot ang iba at magawang akuin anumang kamalian sa tungkulin.
   Ngayon, ang mahalaga at siyang tunay na kailangan, maluwag na tanggapin ang bawat problema na isang pagsubok at paghamon sa iyong kakayahan para ganap na makilala kung saan ka mahina at ibayong paghusayin ito, kaysa pag-usapan at usalin pa nang walang katapusan--kung aakuin lamang ang nagawang kamalian.
Huwag tumulad sa iba; kaysa paulit-ulit na pagkilos at magtamo ng parehong kabiguan, habang umaasa nang mabuting resulta ay isang kabaliwan.
 
                                                    
Jesse Navarro Guevara 
Lungsod ng Balanga, Bataan