Tuesday, July 30, 2019

Iwasang Matukso

Iwasan ang Mag-akala



Hindi maiiwasan ang mag-akala. Kung ang iba ay nagsasabi ng ilang bagay; sa pakikinig, tayo ay lumilikha ng akala o haka-haka, at kung hindi naman sila nagsasabi ng ilang bagay tayo din ay nag-aakala upang masagot ang ating mga katanungan at maiwasan ang mainitang pagtatalo. Kahit na may narinig tayong ilang bagay na hindi natin maintindihan, gumagawa pa rin tayo ng pag-aakala kung ano ang kahulugan nito at ating pinapaniwalaan ang inaakala nating tama para dito. Nangyayari lamang ang mga pag-aakala na ito sapagkat wala tayong kakayahang magtanong at alamin ang tamang kasagutan.
Maging matapang na magtanong muna at ipahayag kung anuman ang iyong inaala-ala, nadarama o kung may pag-aalinlangan man. Iparating kaagad at pag-usapan nang maliwanag kung ano ang iyong ninanais at ninanais din ng iyong kausap upang maiwasan ang anumang hindi pagkakaunawaan, pagkakamali, o paghihinala. Huwag magpaligoy-ligoy at tuwirang sabihin ang gumugulo sa isipan para sa kabutihan ng lahat.
   Kung isasapuso lagi ang ganitong patakaran magagawa mong baguhin at pagbutihin ang iyong buhay. 
 
 

Kaligayahan ang Mapagbigay

Walang makakabuwag sa moog nang higit pa 
kundi ang pagtanggap.

Sa isang monasteryo sa Bataan, may salu-salong nagaganap nang may isang matandang pari ang tumindig at nagsimulang magsilbi sa iba ng tubig na maiinom. Nagpalipat-lipat siya ng mga lamesa, at kahit na pilitin niya ang pag-alok, walang pari ang tumanggap.
   "Walang tayong sapat na kahalagahan kung ikukumpara sa paglilingkod ng mabuting pari na ito." Ang kanilang naging usal sa mga sarili. "Nakakahiya naman kung siya pa ang magsisilbi para sa akin, gayong mababa ang aking posisyon kaysa kanya." ang giit naman ng isa pa.
   Nang mapadako ang butihing pari sa lamesa ni Berning, ang pari ng Kupang, nag-utos ito na buhusan ng tubig ang kanyang baso at punuin itong mabuti. Namangha at nainis ang mga pari sa pag-uutos na nasaksihan. Nang matapos ang kainan, pinaligiran ng mga pari si Berning at pagalit na nagtanong, "Papaano mo natanggap sa iyong sarili na karapatdapat ka sa paglilingkod ng butihing pari, gayong ilang taon ka pa lamang sa serbisyo, kung ikukumpara sa maraming dekadang ipinaglingkod na niya? At ang dugtong pa ng isang pari na nanggagalaiti, "Hindi mo ba napansin man lamang na uugod-ugod na siya at isang sakripisyo ang paglingkuran ka pa niya?"
   "Abahh, papaano ko hahadlangan ang isang kabutihan na kusang nagaganap? Sino ba ako para kontrolin ito? Kayo na nagkukunwaring mga banal ay walang pagpapakumbaba para tumanggap, at inaalisan ng karapatan ang butihing pari na maramdaman ang kaligayahan sa pagbibigay."
Sa relasyong tulad nito, ito ay binubuo ng tatlong pakikipag-kapwa na walang mga kundisyong pinaiiral:
   1. Pagtanggap
   2. Pang-unawa at
   3. Pagpapahalaga

Nasa Pagbabago ang Lahat


Kung nais na mabago anuman ang nakikita mo,
simulan ito sa sarili mismo.
Sa buong buhay ko, lagi kong kapiling ang pagnanasang magbago. Tagumpay ako sa mga talagang mali at nagtitiyaga pa ring lubusang mabago ang iilan, subalit hindi ako humihinto para mapalitan ang anumang nagpapahirap sa akin. Ang pagbabago ay nangyayari sa magkakaibang kundisyon at maitatama sa magkakaibang paraan. Hindi mo kailanman mababago ang isang pagkakamali at paniniwala kung patuloy mong sinusunod ang dati mong asal at mga gawi.
   Marami ang hindi magawang magbago; at ayon sa kanila, malalim ang ugat nito at napakahirap magawa. Kahit batid nila na malaki ang maitutulong nito sa problema na patuloy na nagpapahirap ng kalooban at sumisira sa katinuan ng isipan. Kadalasan, kung sadyang pabaya; nagiging sanhi pa ito ng mabigat na karamdaman. Madaling sabihin na magbago, subalit kung walang (masidhing pagnanasa) plano, ibayong pagtuon, tiyaga, at disiplina na mapabuti ang kalagayan, walang mangyayari na anumang resulta.
   Ang katotohanan, at makakatiyak tayo, ang pagbabago ay isang pambihirang regalo. Sa katunayan, ito ang susi upang buksan ang mga pinto, basagin ang mga balakid, wasakin ang mga maling paniniwala, at palakasin ang pagtitiwala sa sarili, upang yumabong at maging maunlad sa buhay. Kung walang pagbabago, para mo na ring tinanggap sa buhay ang lahat ng kahirapan at kapighatiang patuloy na ibinabato sa iyo ng tadhana. Kung baluktot at magulo ang ldaan na tinatahak, kailangan ang matuwid na landas.
   Kung masalimoot ang buhay, gawing matiwasay ito; kung malungkot, kailangang sumaya, at kapag nagdarahop, paunlarin ang buhay, dahil ito ang tamang landas, para sa tamang hangarin. Ang pagbabago ay pangunahing pundasyon para sa pag-unlad upang matupad ang mga pangarap.
Kung nais na mabago ang buhay, tuwirang magbago nang walang humpay.

Baguhin ang Saloobin



Kapag maganda ang iniisip, maganda din ang resulta.
Anuman ang narating mo sa buhay, kung ito man ay Panalo o Talunan; Tagumpay o Kabiguan; ang mga ito ay walang batayan at kinalaman sa mga bagay, mga pangyayari o nagkataon lamang. Nakapangyari ang mga ito dahil sa iyong mga saloobin. Sapagkat ito ang nagtulak sa iyo upang pumili kung ano ang ninanasa mo, at ang napili mo ang siyang ginawang batayan ng iyong mga kapasiyahan. At sa mga pasiyang ito na iyong nilikha, ang sinundan mong direksiyon. Anuman ang kalagayan mo sa ngayon, ito ay tahasang pinili mo.
   Sinuman sa atin ay walang karapatan na manisi ng iba. Sa lahat ng mga nagaganap sa iyong buhay, ito ay hindi mangyayari kung wala kang partisipasyon o kagustuhan na mangyari ito. Magmasid at pag-aralan ito: Ang mga talunan o mga bigong tao ay mapanisi sa mga bagay at mga pagkakataon. Ito ang mga kumokontrol sa kanila. Samantalang ang mga panalo o matagumpay na mga tao ay kinokontrol ang mga bagay at mga pagkakataon para sa kanilang kapakanan. Marami ang nahuhulog sa balon ng ‘walang pag-asa’ at nanatiling nakatingin lamang sa mga dingding nito, nakatulala at laging naghihintay sa wala. Tinanggap na ang kanilang pagkahulog at mga kasawiang dulot nito. Patuloy na nakikiusap, dumadaing, at naninisi sa naging kalagayan nila. Samantalang ang iba ay palaging naghahanap ng paraan na makaahon, makatakas, at mapaunlad ang kanilang kalagayan sa buhay.  
   Pagmasdan ang sarili; anumang kalagayan mo sa ngayon ay siyang katibayán ng iyong mga naging kapasiyahán sa buhay. Sapagkat kung lagi kang kinakapós; ang kahirapan  ang siyang nasusunod. Huwag panawan ng pag-asa, umasam nang may makamtan,  dahil kung walang tinitingala, walang pagkukusa. Simulan na ang pagbabago; sa isipan, sa mga pagkilos, at mga paraan tungo sa iyong kaunlaran. Kumilos na! At ang lahat ay madali na lamang.

Ang pagkakaiba lamang sa pagitan ng magandang araw at masamang araw ay ang iyong saloobin.

Bungisngis #204

Tatlong Kahilingan Lamang

Isang malungkuting lalake ang naglalakad sa kagubatan, bawat bato na matapakan ay sinisipà, nang matisod niya ang isang munting lamparà. Mabilis niya itong dinampot, nang maala-ala ang kuwento tungkol sa makapangyarihang dyini (genie). Bigla itong  napangiti kasabay ang panalangin, “Sana totoo na may dyini sa loob ng lamparà, ito na lamang ang pag-asa ko na mabago ang mga kapighatian ko sa buhay. Nangangalog man ang mga tuhod sa pananabik, ay nanginginig niya itong kinuskos ng maraming ulit, at gaya nang kanyang inaasahan, umuusok na lumitaw ang malaking dyini, na naghihikab at yumukod pa sa kanya.
   Mag-utos ka ng anumang kahilingan, aking kamahalan,” ang nakayukong pahayag ng dyini,tatlong kahilingan lamang at ang mga ito ay ipagkakaloob ko sa iyo nang buong puso, aking kamahalan.”
   Lalong tumindi ang nerbiyos ng lalake,“Ss-sa una kong kkahilingan,” ang pauntol-untol na hiling nito, “Bb-bigyan m-mo ako ng ss-sasampung bilyong piso!”
     POOF! Sampung bilyong piso ang halos tumabon sa lalake. Pabuwal-buwal itong tumayo at hinawi ang maraming Ᵽ1,000 salaping papel na dumikit sa kanyang katawan.
   “Kamahalan, ano ang iyong pangalawang kahilingan?” ang tanong muli ng genie.
   Halos himatayin ang lalake sa dami ng kuwarta sa paligid. Humihingal ang pananabik sa mga susunod pang milagro na magaganap, at hihinga-hinga na nagsalita. Higit na matindi ang kasabikan nito ngayon.
   “Na-na-nais kkong m-magkaroon ng kkotse, kailangang kulay pulang Ferrari,” ang nangangaykay sa nerbiyos nitong hiling.
    POOF! Isang makislap at magara na pulang Ferrari ang biglang lumitaw sa kanyang harapan.
   “At ano naman ang para sa iyong pangatlong kahilingan?” ang tanong ulit ng genie.
   Nanginginig pa rin sa nerbiyos at sa kagalakan ang lalake, sabik na sabik sa magaganap na huling kahilingan. Palukso-lukso sa katuwaan at sumandal pa sa tapalodo ng kotse. Matagal itong nag-isip at maya-maya’y biglang umaliwalas ang mukha, dagliang tumindig na may pagmamalaki.
Sa tagpong ito, medyo naiinis na ang genie, “Inuulit ko, … At ano naman ang para sa iyong pangatlong kahilingan?” ang pangungulit ng dyini.
   Mayaman na ako, at may pulang kotse na Ferrari pa, wala na akong mahihiling pa, kundi ang may makasama sa buhay. Dahil madali akong magsawá kung isa lamang ang babae sa buhay ko. Kailangang marami ang magkagusto sa aking mga babae! Hahh? Kailangang paligiran ako ng mga Miss Universe at saka mga Miss World, at saka mga Miss International, at saka kailangang lahat sila ay sabik na sabik sa akin! Maliwanag bahhh, hah?
    Nagitla ang dyini at kinakamot ang ulo,Ano nga ba ang iyong pangatlong kahilingan, aberrrrr?” ang pangungulit ng nanggagalaiting dyini sa pagkainis sa lalake.
    Itinaas ng lalake ang dalawang kamay at malakas na humiling, “Kailangan kong maging katakam-takam at paborito ng mga naggagandahang babae!”
Higit na dumagundong ang nakakabinging tunog.
   POOF! Naging isang kahon ang lalake ng mamahaling tsokolate.
Ang gahaman ay walang pagkasawà, ngunit humihinto din kapag napariwarà. Sadyang totoo ang kawikaan, na nasa hulì ang pagsisisì.

Pag-aralan ang Sariling Buhay


Buhay na hindi kinilatis,
ang kasasadlakan ay kahapis-hapis.
Ang batas ng inertia o nakatigil ay nangyayari lamang kung walang magpapakilos sa isang bagay. Wala itong kakayahan na kumilos na mag-isa. Ang isang katawan na nasa mosyon (kumikilos) ay mananatiling nasa mosyon, sa parehong tulin at parehong direksiyon, hanggang walang nakikialam na puwersa sa labas nito para ito patigilin.
   May isang pangunahing pagkakaiba ito, ang batas na ito ay akma at puwedeng maihalintulad sa mga nagaganap sa ating buhay.
 
   Narito ang ilan sa mga natuklasan ko:
1.      Ang mga tao na masipag, matiyaga, at may disiplina ay may mararating.
2.      Ang mga tao na matapat, may pananalig, at pagtitiwala sa sarili ay matagumpay.
3.      Ang mga tao na patuloy ang tagumpay ay mananatiling matagumpay.
4.      Ang mga tao na masayahin ay mapayapa at maligaya.
5.      Ang mga tao na uliran ang pamumuhay ay iginagalang at may ulir
ang reputasyon.
6.      Ang mga tao na mapagpasalamat at mapaglingkod ay maraming oportunidad sa buhay.
7.      Ang mga tao na dumadalangin sa tuwina ay laging pinagpapala; matiwasay at masagana ang kanilang buhay.
   Sa pag-aaral tungkol sa kalikasan at mga kapangyarihan nito sa agham at pisika (physics), ang inertia ay kinokontrol ng panlabas na mga puwersa. May nagwika; “Ang pinakadakilang natuklasan sa ating henerasyon ay mababago ng tao ang kanyang buhay kung papalitan lamang ang mga saloobin ng kanyang isipan.” Sapagkat anuman ang iyong nasa isipan, ito ang iyong saloobin at magiging kapasiyahan. Walang dapat na sisihin kung mali ang mga saloobin. Kung mabuti ang iniisip, ang resulta nito ang makakasagip.
Magagawa mong mabuhay sa bawat araw ng iyong buhay; magsisimula ang lahat sa dulo ng iyong mga kamay. 

Jesse Navarro Guevara
Lungsod ng Balanga, Bataan