Tuesday, April 17, 2012

Ang Balon ng Pagkakaidlip


               Tayo at hindi ang mga bagay ang nagbabago.

   Madilim ang kapaligiran, naglalakad ang isang lalaki na tila namamasyal sa isang parke, nang bigla siyang mahulog sa isang malalim na balon. Matinding pagkabahala at pagkatakot ang nanaig sa kanyang pagkatao. Nagsisigaw siyang humingi ng tulong sa sinumang makakarinig ng kanyang palahaw. Malakas na mga pagibik na hanguin siya sa kanyang kinalalagyan, ang paulit-ulit niyang pagmamakaawa.
   Malalim ang balon, maputik at masangsang ang amoy. Bawa’t maulinigang niyang kaluskos sa itaas ng balon ay nangangalog ang kanyang tuhod sa takot. Maya-maya’y may napansin siyang ulo na nakatunghay sa kanya, ito ang pari sa kanilang simbahan.
   “Ay salamat, at naparaan kayo!” Ang may pag-asang bigkas niya sa pari. Nagtatalon at buong paghihinagpis niyang pinakiusapan itong tulungan siya. Subalit, umiling-iling ito, nagdasal, kumumpas ng bendisyon, at madaling umalis. 

   Napanganga siya at hindi makapaniwala.

   Maraming oras ang lumipas, at umaga na nang masulyapan niya ang doktor sa kanilang bayan na dumaraan. Hiniyawan niya itong tulungan siyang makaahon, sapagkat hinang-hina na siya at namamaos na sa kasisigaw. Ngunit pinag-aralan  lamang ng doktor ang kanyang mga sugat at kalagayan, nagsulat sa isang papel ng preskripsiyon, at iniutos sa kanyang bilhin kaagad ang gamot sa pinakamalapit na botika. At matapos maihagis ang reseta sa kanya ay mabilis na lumisan ang doktor. 

   Napatiim bagang na lamang siya sa ginawi ng doktor.

   Napaidlip siya ng ilang sandali, nang may narinig siyang humuhuni ng kanta sa itaas. At muling nagpalahaw siya ng iyak na matulungan. Dumungaw ito, at nakilala na dating guro niya sa eskuwela.
   “Tulungan po ninyo ako, para na ninyong awa. Hirap na hirap na po ako dito!” Ang paglulumuhod niyang pagibik.
   Ngunit, nagtanong lamang ito, inalam ang nangyari, at lubos na sinisi siya sa kanyang kapabayaan. Katulad ng dati, nagmungkahi ng mga gagawin, at tinuruan siya na sa uli-uli ay maging maingat at huwag maglakad ng matulin. At sinabayan ng alis.  
    
   Halos lunurin niya ang sarili sa panaghoy.

  Yumuyugyog ang balikat sa paghihinagpis ang lalaki, nang makirot na maala-ala niya ang mga nakaraan, ang mga bagay na hindi niya nabigyan ng pansin. Ang napabayaan niyang kaisa-isang anak, ang pagkagumon niya sa mga aliwan at walang saysay na mga libangan. Ang katamaran niya sa pangangalaga ng katawan na nagresulta sa diyabetes at makikirot na rayuma na tuwina’y nagpapahirap sa kanya. Ang kawalan ng kapayapaan sa kanyang pamilya; sanhi ng walang disiplinang pagnenegosyo at pakikipagrelasyon sa iba. Kung maibabalik lamang niya ang lahat ng nakaraan upang maitama. Maligaya na siyang tatanggapin ang lahat ngayon . . . anuman ang mangyari sa kanya. Bakit ngayong lamang niya ito naisip, kailangan pa bang mahulog siya sa balon?

  Nagulantang siya sa pagmumuni-muni, nang madinig niya ang masayang sipol ng dumaraang lalaki. Bagama’t namamaos, pinilit niyang lakasan ang sigaw ng pagmamakaawa, “Para na ninyong awa, kahabagan po ninyo ako, tulungan po ninyo ako! Para na ninyong awa . . . “ At kasabay nito ang malakas niyang paghagulgol. Pagtangis na kailanman ay hindi niya nagawa sa tanang buhay niya.
  Malakas na lagabog sanhi ng paglundag ng lalaki sa balon ang nagpabalikwas sa kanya. Isa itong estranghero, at masiglang nakangiti sa kanya.
 “Paano na ngayon, ano ang ating gagawin? ang kanyang paanas na pag-aalala sa lalaki, “Dalawa na tayong biktima ng balong ito!”

  “Huwag po kayong mag-alala, ligtas na po kayo. Tagarito po ako, at alam ko, kung papaano makakaahon sa balong ito.” 

 -------
Ang mga katanungan: Sino ang pari, doktor, guro, at estranghero sa ating buhay? At bakit nagsilitaw sila noong ikaw ay nasa malalim na balon? Papaano nangyayari ang mga ito sa araw-araw ng ating buhay sa tuwinang may mga kagipitan at kapighatian tayong kinahaharap?


Jesse Guevara
Lungsod ng Balanga, Bataan 





 

No comments:

Post a Comment