Ang daigdig ay hindi isang problema, ang problema ay kung tulog ka.
Kung tutuusin ang maliliit na bagay ay hindi mapapansin, ngunit kung patuloy itong binibigyan ng atensiyon, lumalaki ito. May bumigkas, "Huwag gawing malaking bundok ang tumpok na bahay ng mga langgam." Sa pagsasama, kung ang pansin ay nasa ikakaganda, ikakapayapa, at ikakaunlad ng bawa't kasama, wala ka ng panahon sa mga walang saysay at maiiwasang mga bagay. Narito ang isang halimbawa ng isang munting karaingan:
Ang maybahay kasama ng kanyang asawa at dalawang anak, ay nakatira sa isang maliit na dampa sa isang bukirin. Nagkaroon ng malaking sunog sa bayan at nadamay ang bahay ng mga magulang ng kanyang asawa. Gabi na, nang lumikas ito sa kanila na bitbit ang ilang balutan ng damit at nakiusap na tumira sa kanilang maliit na dampa.
Ilang araw lamang, ang mga pag-ubo ng
dalawang matanda at kasikipan sa dampa ay hindi na makayanan pa ng maybahay. Sa
kanyang desperasyon, nang sumunod na araw ay nagtungo siya sa punong-barangay, na kanyang
kababata, at nakakalunas sa idinudulog niyang maraming mga problema. Matapos
ipagtapat ang gumugulo sa kanyang isipan ay nagtanong kaagad ito, “Papaano
ngayon ang aking gagawin, hindi ko naman basta mapapaalis ang dalawang matanda,
sapagkat wala itong matutuluyan pang iba, kundi kami na lamang.”
“Mayroon ba
kayong damulag?" Ang tanong ng punong-barangay.
“Mayroon, si
Kalakian, bakit at para saan ang damulag?” Ang pagtatakang tanong ng maybahay.
“Kung gayon, ay
ipasok mo ang damulag sa loob ng inyong dampa. At bumalik ka sa akin
matapos ang isang linggo,” ang bilin ng punong-barangay.
Bagama’t
nalilito, sinunod ito ng maybahay. Ngunit hindi pa natatapos ang isang linggo
ay rumaragasang nagbalik ito sa punong-barangay na nanggagalaiti sa inis. “Talagang hindi ko na matitiis pa ang
kasikipan sa aming dampa,”ang reklamo ng maybahay, "Hindi kami kasya at nagsi-siksikan na kami!"
“Mayroon ba kayong mga manok o iba pang mga
alaga?” ang tanong ng
punong-barangay.
“Mayroon kaming
walong manok , apat na itik, at anim na gansa,” ang pakli ng maybahay, “Ano ang gagawin ko tungkol dito?”
“Tipunin mo sila at ipasok ding lahat sa inyong
dampa,” ang mungkahi nito, “Bumalik
kang muli sa akin makalipas ang isang linggo.”
“Ano
ba itong inuutos mo sa akin?” ang pagkabahalang tanong ng maybahay, “Aba’y
mangangamoy na kaming lahat nito!” Magkagayunma’y nagpaunlak muli ang
maybahay, dahil malaki ang kanyang tiwala sa kahusayan ng mga mungkahi ng
punong-barangay.
Makalipas ang
isang linggo, dumating ang maybahay na nanggi-gigil na sa matinding galit at walang
tigil na paninisi sa punong-barangay. “Sukdulan nang imposible pang malunasan ang
problema sa aming dampa,” ang daing ng maybahay. “Ang aming dampa ay isa ng lubluban ng kalabaw, kulungang ng mga manok,
naghahabulang mga itik, at pagkaiingay na mga gansa. Hindi na kami makatulog
nang mahimbing sa kanilang mga kaingayan. At hindi ko na matatagalan pa ang
kanilang mga amoy!”
“Kung gayon,” ang pahayag ng
pungong-barangay, “Ilabas mo na ang mga
manok, mga itik, at mga gansa mula sa inyong dampa.”
Madaling umuwi
ang maybahay at mabilis na ginawa ang hatol, subalit sa pangatlong araw ay muli
itong nagbalik at nagkuwento sa nangyari. “Naging
matahimik ang aming bahay, dahil nawala na ang mga pagputak ng mga manok, pagkuwak
ng mga itik, mga paghahabulan at kaingayan ng mga gansa. Medyo nakatulog nang
kaunti ngunit hindi mahimbing.”
“Kung gayon,” ang susog ng
punong-barangay, “Ilabas mo na rin ang
damulag mula sa inyong dampa. Sa aking palagay, malulunasan na nito ang iyong
problema.”
At ito nga ang
nangyari, matapos mailabas ang damulag ay naging panatag at mapayapa na ang
loob ng dampa. Wala na ang damulag, mga manok, mga itik, at mga gansa at ang
buong mag-anak, kasama ang dalawang matanda ay mahimbing nang natutulog. Hindi na rin pinapansin ng maybahay ang mga pag-ubo
ng dalawang matanda, sa dahilang tuwing maiisip niya ang kaingayan ng kanyang
mga alaga, mistulang musika na ang tunog ng pag-ubo sa kanya. At sa kasikipan,
higit na matiwasay siya ngayon kaysa dati na kapiling ang mga hayop.
~~~~~~~
Bawa’t bagay ay
may kapupuntahan, kalalagyan at magkakasanga. Kung minsan, nakakalimutan natin
na hindi lahat ay nakakapuwing, bagkus sa ilang pagsasaayos lamang ay magkakasundo
na ang lahat. Kung nasa kama ka na huwag nang hangarin pa, na bumalik sa sahig. Kahit na maikli ang kumot, mainam na rin ito kaysa ang mamaluktot.
Jesse Guevara
Lungsod ng
Balanga, Bataan
No comments:
Post a Comment